Banton, Romblon

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Bayan ng Banton
—  Bayan  —
Mapa ng Romblon na nagpapakita sa lokasyon ng Banton.
Bansa Pilipinas
Rehiyon MIMAROPA (Rehiyon IV-B)
Lalawigan Romblon
Mga barangay 17
Pagkatatag 1622
Pamahalaan
 • Punong-bayan Kgg. Jory F. Faderanga (NP)
Populasyon (2010)
 • Kabuuan 6,799
PSGC 175902000

Ang Banton ay isang bayan sa lalawigan ng Romblon, Pilipinas. Ayon sa sensus noong 2007, ito ay may populasyon na 6,799 na katao.[1]

Heograpiya[baguhin]

Binubuo ang bayan ng Banton ng pangunahing pulo ng Banton, at ng mga maliliit na pulo ng Bantoncillo at Dos Hermanas. Ito ay may kabuuang lawak ng lupain na 3,248 na hektarya.[2] Ang isla ng Banton ay mabundok at mabato dahil sa bulkanikong pinagmulan nito, kaya naman pinangalanan itong Banton, mula sa salitang Batoon sa wikang Asi, na nangangahulugang "mabato".[3]

Ekonomiya[baguhin]

Dahil sa mabundok nitong heograpiya, ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Banton ay paggawa ng copra mula sa niyog, at pangingisda. Mayroon ring industriya ng paggawa ng mga kasangkapan mula sa dahon ng anahaw, at paggawa ng mga kahoy na bangka at lantsa. Bukod rito, nagtatanim rin ang mga tao ng halamang ugat, gulay at prutas, at nag-aalaga rin ng mga hayop gaya ng manok, baboy at kambing. Kapos ang suplay ng tubig sa isla para sa pagtatanim ng bigas, kaya naman ang suplay ng bigas sa isla ay nagmumula sa Mindoro, Marinduque o sa lalawigan ng Quezon. Sa kasalukuyan, ang isla ay piling puntahan ng mga taga-Banton na nagbabalikbayan mula sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos.[4][5]

Kasaysayan[baguhin]

Ang isla ng Banton ay tinitirhan na ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga Espanyol, batay na rin sa mga nakalap na mga sinaunang labi sa mga kweba sa isla noong 1936. Ayon sa mga mananaliksik mula sa Pambansang Museo, ang mga labing nakalap ay nakalagay sa mga kahoy na kabaong at nababalot ng itinuturing na pinakamatandang telang natagpuan sa Timog Silangang Asya. Ang mga naturang labi ay tinatayang nagmula pa sa ika-13 hanggang ika-14 na siglo, at kasalukuyang nakalagak sa Pambansang Museo ng Pilipinas.[3][6]

Ang bayan ng Banton ay itinatag bilang isang pueblo ng mga Espanyol noong 1622, matapos makumpleto ang moog na gawa sa bato na itinayo sa pangunguna ni Padre Agustin San Pedro, o mas kilala sa tawag na El Padre Capitan. Ang moog, na pinangangalanganang Fuerza de San Jose, ay nagsilbing proteksiyon ng bayan laban sa pananalakay ng mga piratang Muslim noong panahong iyon. Noong 1644, itinayo ang unang simbahan sa isla at pagdating ng 1648, itinanghal si San Nicolas de Tolentino bilang santong patron ng bayan.[3]

Noong 1918, pinalitan ng Jones ang ngalan ng bayan, bilang paggunita kay mambabatas William Atkinson Jones ng Estados Unidos, na siyang nag-akda ng Batas Jones ng 1916 na nagbibigay ng mas higit na kalayaan sa pamamahala sa Pilipinas sa ilalim ng patakarang Amerikano. Noong 1959, ibinalik ang bayan sa dating ngalan nito na Banton.[7]

Pamahalaan[baguhin]

Ang mga sumusunod ang mga kasalukuyang halal na opisyal ng Banton, Romblon para sa terminong 2010-2013:

Alkalde: Jory Fadri Faderanga (NP)
Bise-Alkalde: Romulo Fadrilan Faz Sr. (NPC)
Mga Konsehal:

  1. Loijorge Fegalquin Fegalan (NP)
  2. Bemboy Magsino Fonte (LAKAS-KAMPI-CMD)
  3. Ricardo Ferranco Familara Jr. (NPC)
  4. Abner Fadri Faigao (NPC)
  5. Jimmy Fonte Fiecas (LAKAS-KAMPI-CMD)
  6. Ismael Fesalbon Fabiala (NPC)
  7. Patricio Fabroa Flores (NPC)
  8. Virgilio Faderon Faigao (NPC)

Mga Barangay[baguhin]

Ang bayan ng Banton ay nahahati sa 17 mga barangay.

  • Balogo
  • Banice
  • Hambi-an
  • Lagang
  • Libtong
  • Mainit
  • Nabalay
  • Nasunogan
  • Poblacion
  • Sibay
  • Tan-Ag
  • Toctoc
  • Togbongan
  • Togong
  • Tungonan
  • Tumalum
  • Yabawon

Talasanggunian[baguhin]

Mga Kawing Panlabas[baguhin]