Kape

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Coffee)
Kape
Isang tasa ng kapeng barako na napapaligiran ng mga buto ng kape
UriKaraniwang mainit, maaaring kasinlamig ng yelo
Bansang pinagmulanYemen[1]
IpinakilalaIka-15 siglo
KasangkapanSinangag na buto ng kape
Espresso at kapeng itim

Ang kape ay isang inumin na hinahanda mula sa mga nilutong butil ng halamang kape. Kulay-dilim, mapait, at medyo maasido, nakapagpapasigla sa mga tao ang kape, pangunahin dahil sa nilalamang kapeina nito. Ito ang pinakamabentang inuming mainit sa pandaigdigang merkado.[2]

Pinaghihiwalay ang mga butil ng mga bunga ng halamang kape upang makayari ng mga hilaw na berdeng butil ng kape. Sinasangag ang mga butil at ginigiling hanggang pinong-pino na tipikal na ibinababad sa mainit na tubig bago salain, na bumubuo sa isang tasa ng kape. Karaniwan itong inihahain nang mainit, ngunit karaniwan din ang pinalamig o eladong kape. Maaaring ihain at itanghal ang kape sa samu't saring paraan (hal. espresso, kapeterang Pranses, caffè latte, o dinelatang kape na nilaga na). Karaniwang idinaragdag ang asukal, kapalit ng asukal, gatas, at krema upang mawala ang pait o gawing mas masarap ang lasa.

Kahit kinakalakal na ang kape sa buong mundo ngayon, mayroon itong mahabang kasaysayan na may malapit na kaugnayan sa mga tradisyon ng pagkain sa may Dagat Pula. Lumilitaw ang pinakaunang mapagtitiwalaang ebidensya ng pag-iinom ng kape sa modernong anyo sa modernong-panahong Yemen sa timog Arabia sa kalagitnaan ng ika-15 siglo sa mga dambanang Sufi, kung saan unang sinangag at nilaga ang mga butil ng kape sa paraang kahawig sa paghahanda nito ngayon.[3] Nakuha ang mga butil ng kape ng mga Yemeni mula sa Kabundukang Etiyopiyano sa pamamagitan ng mga intermedyaryong Somali sa mga baybayin, at nilinang sa Yemen. Pagsapit ng ika-16 na siglo, umabot ang inumin sa ibang bahagi ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, at sumunod ang pagkalat sa Europa.

C. arabica at C. robusta ang dalawang pinakatinatanim na halamang kape.[4] Nililinang ang mga halamang kape sa mahigit 70 bansa, lalo na sa mga rehiyong malapit sa ekwador: Kaamerikahan, Timog-silangang Asya, subkontinenteng Indiyo, at Aprika. Magmula noong 2023, Brasil ang nangunguna sa pagtatanim ng butil ng kape, na bumubuo sa 35% ng ani ng mundo. Kinakalakal ang berdeng, di-sangag na kape bilang kalakal pang-agrikultura. Kahit umaabot ang benta ng kape ng bilyun-bilyong dolyar sa buong mundo, nabubuhay sa kahirapan ang karamihan ng mga mangkakape. Tinukoy rin ng mga kritiko ng industriya ng kape ang negatibong epekto nito sa kapaligiran at ang paghahawan sa lupa para sa pagtatanim ng kape at paggamit nito ng tubig. Napakalaki ang industriya ng kape sa mundo na naghalagang $495.50 bilyon pagsapit ng 2023.[5] Brasil, Biyetnam, at Kolombiya ang naging pangunahing tagaluwas ng mga butil ng kape noong 2023.

Etimolohiya[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hango ang salitang kape sa café ng wikang Kastila,[6] na hango sa caffe ng wikang Italyano, na hango sa kahve (قهوه) ng wikang Turko, na hango naman sa qahwah (قَهْوَة) ng wikang Arabe.[7] Pinaniwalaan ng mga leksikograpo ng Medyebal Arabe na 'alak' o 'bino' ang etimolohiya ng qahwah, dahil sa natatanging madidilim na kulay nito, at hinango sa pandiwang qahiya (قَهِيَ), 'walang gana'.[8] Malamang na 'ang maitim' ang kahulugan ng qahwah, na tumutukoy sa timpla o sa butil; hindi qahwah ang pangalan ng butil, na kilala sa Arabe bilang bunn at būn naman sa mga wikang Kusyita. Nagkaroon din ang mga wikang Semitiko ng ugat na qhh, 'madilim na kulay', na naging natural na pagtatalaga para sa inumin. Kabilang sa mga kognado nito ang Ebreong qehe(h) ('mapurol') at Arameong qahey ('magbigay ng mapaklang lasa').[8] Ngunit ikonekta ito ng mga etimolohista sa isang salita na nangangahulugang "alak", ipinapalagay rin na mula ito sa rehiyon ng Kaffa ng Etiyopiya.[9]

Kasaysayan[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga maalamat na salaysay[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maraming mga anekdotal na kuwento tungkol sa pinagmulan ng kape na walang ebidensya. Sa isang karaniwang alamat na ikinekuwento palagi, unang naobserbahan ni Kaldi, isang Etiyopiyanong pastol ng kambing noong ika-9 na siglo, ang halamang kape matapos makita ang kanyang kawan na pinasigla sa pangunguya sa halaman.[3] Hindi lumitaw itong alamat bago ang 1671, unang ikinuwento ni Antoine Faustus Nairon, isang Maronitang propesor ng mga wikang Oryental at awtor ng isa sa mga unang nalimbag na tratado na nakalaan sa kape, De Saluberrima potione Cahue seu Cafe nuncupata Discurscus (Roma, 1671), na nagpapahiwatig sa malamang na isang apokripa ang kuwento.[10][11][3] Inuukol naman ng isa pang alamat ang pagtuklas ng kape kay isang Sheikh Omar. Nagugutom matapos ipinatapon mula sa Mokha, nakahanap si Omar ng mga beri. Pagkatapos niyang subukan na nguyain at ibusa, pinakuluan ang mga ito ni Omar, na nagbunga ng likido na nagpasigla at nagpasustento sa kanya.[12]

Pagkalat sa kasaysayan[baguhin | baguhin ang wikitext]

Lumitaw ang pinakaunang kapani-paniwalang ebidensya ng pag-iinom ng kape o kaalaman tungkol sa punong kape noong kalagitnaan ng ika-15 siglo sa mga salaysay ni Ahmed al-Ghaffar sa Yemen,[3] kung saan unang ibinusa at ibinru ang mga butil ng kape sa paraang magkahawig sa paraan kung paano ito inihahanda ngayon. Ipinanggising ang kape ng mga Sufi para manatiling gising sa mga kanilang ritwal sa relihiyon.[13] Nag-iiba ang mga salaysay sa pinagmulan ng halamang kape bago ito lumitaw sa Yemen. Mula Etiyopiya, maaaring ipinakilala ang kape sa Yemen sa pagkakalakal nito sa may Dagat Pula.[14] Inukol ng isang salaysay si Muhammad Ibn Sa'd sa paghahatid ng inumin sa Aden mula sa mga baybayin ng Aprika,[15] sinasabi naman ng mga ibang paunang salaysay ni si Ali ben Omar ng ordeng Shadhili ng mga Sufi ang unang nagpakilala ng kape sa Arabya.[15][16]

Itinala ni Ibn Hajar al-Haytami, isang iskolar ng Islam noong ika-16 na siglo, sa kanyang mga sulat na may nabuong inumin na tinawag na qahwa na inihanda mula sa isang puno sa rehiyong Zeila sa Sungay ng Aprika.[13] Iniluwas ang kape mula Etiyopiya pa-Yemen ng mga Somaling mangangalakal mula sa Berbera at Zeila sa Somaliland ng modernong panahon, na nakuha mula sa Harar at mula sa interyor ng Abisinya. Ayon kay Kapitan Haines, na naging kolonyal na administrador ng Aden (1839–1854), nag-angkat dati ang Mokha ng hanggang dalawang katlo ng kanilang kape mula sa mga mangangalakal mula sa Berbera bago ang kalakalan ng kape ng Mokha ay sinakop ng Aden na kontrolado ng mga Britano noong ika-19 na siglo. Pagkatapos noon, iniluwas karamihan ng kapeng Etiyopiyano patungo sa Aden sa pamamagitan ng Berbera.[17]

Isang polyeto noong 1652 na nagmamadya ng ipinagbibiling kape sa St. Michael's Alley, London

Pagsapit ng ika-16 na siglo, dumating ang kape sa mga iba pang bahagi ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.[18] Ipinuslit ang mga unang butil ng kape palabas ng Gitnang Silangan ni Sufi Baba Budan mula Yemen patungo sa Indiya sa panahong iyon. Bago noon, pinakuluan o kung hindi man ay istinerilisa ang lahat ng iniluwas na kape. Inilalarawan si Baba Budan sa mga litrato bilang nagpuslit ng pitong butil ng kape sa pagbigkis ng mga ito sa kanyang dibdib. Unang itinanim ang mga halaman mula sa mga ipinuslit na binhi na ito sa Mysore.

Noong 1583, inilarawan ni Leonhard Rauwolf, isang Alemanong mediko, nang ganito ang kape pagkatapos bumalik mula sa sampung-taong paglalakbay sa Malapit na Silangan:

Isang inuming kasing-itim ng tinta, kapaki-pakinabang laban sa maraming sakit, lalo sa mga sakit sa tiyan. Iniinom ito ng mga konsumidor sa umaga, tapatan, sa isang tasang porselana na ipinapasa-pasa at pinag-iinuman ng bawat isa ng tasang puno. Binubuo ito ng tubig at ng prutas mula sa isang palumpong na tinatawag na bunnu.

— Léonard Rauwolf, Reise in die Morgenländer (sa Aleman)

Dahil sa lumalagong kalakalan ng Venecia, Hilagang Aprika, at Gitnang Silangan (Imperyong Otomano noon), maraming kalakal ang nadala, kabilang dito ang kape, sa daungan ng Venecia. Mula sa Venecia, ipinakilala ito sa iba pang bahagi ng Europa. Mas tinanggap ang kape matapos itong ituring na inuming Kristiyano ni Papa Clemente VIII noong 1600, sa kabila ng mga apela na pagbawalan ang "inuming Muslim". Binuksan ang unang kapihan sa Europa sa Venecia noong 1647.[19]

Biolohiya[baguhin | baguhin ang wikitext]

Illustration of a single branch of a plant. Broad, ribbed leaves are accented by small white flowers at the base of the stalk. On the edge of the drawing are cutaway diagrams of parts of the plant.
Larawan ng halamang Coffea arabica at mga binhi nito

Ilang espesye ng palumpong sa genus Coffea ang nagmumunga ng mga beri na pinagkukunan ng kape. Coffea canephora (lalo na ang baryasyon na kilala bilang 'robusta') at C. arabica ang dalawang pangunahing espesye na nililinang para maibenta.[20] Katutubo ang C. arabica, ang pinakapinahahalagahang esepsye, sa timog-kanlurang paltok ng Etiyopiya at ang Talampas Boma sa timog-silangang Sudan at Bundok Marsabit sa Hilagang Kenya.[21] Katutubo ang C. canephora sa kanluran at gitnang Subsaharyanang Aprika, mula Guinea hanggang Uganda at timog Sudan.[22] Kabilang sa mga di-gaanong sikat na espesye ang C. liberica, C. stenophylla, C. mauritiana, at C. racemosa.

Nakauri ang lahat ng mga halamang kape sa pamilyang Rubiaceae. Lagi-lunting palumpong o puno ang mga ito na maaaring lumaki sa hanggang 5 m (15 tal) kapag hindi pinutulan. Matingkad na berde at makintab ang mga dahon, kadalasang may haba na 10–15 cm (4–6 pul) at lapad na 6 cm (2.4 pul), simple, buo, at magkasalungat. Nagsasama ang mga dahuntangkay ng magkasalungat na dahon sa pundasyon upang makabuo ng mga dahundahunang interpesyolar, isang katangian ng Rubiaceae. Biklatan ang mga bulaklak, at sabay-sabay namumukadkad ang mga kumpol ng mabagong puting bulaklak. Binubuo ng mababang obaryo ang hineseo, isa pang katangian ng Rubiaceae. Sinusundan ang mga bulaklak ng mga obalong beri na halos 1.5 cm (0.6 pul).[23] Kapag hilaw pa, kulay-berde ang mga ito, tapos dumidilaw kapag humihinog, tapos kumikrimson bago umitim kapag natuyo. Karaniwan, may dalawang binhi sa bawat beri, ngunit sa 5–10% ng mga beri[24] isa lang ang binhi; karakol o peaberry ang tawag sa mga ito.[25] Nahihinog ang mga bering Arabica pagkatapos ng anim hanggang walong buwan, habang siyam hanggang labing-isang buwan naman para sa robusta.[26]

Kadalasang nambubulo ng sarili ang Coffea arabica, kaya karaniwang pare-pareho ang mga punla at kaunti lamang ang pagkakaiba sa mga halamang magulang. Samantala, hindi ito kayang gawin ng Coffea canephora at C. liberica, at kailangan ng mambulo sa ibang halaman. Ibig sabihin nito na kailangang palaganapin sa behetatibong paraan ang mga anyo at hibrid na mapapakinabangan [27] Pagpuputol, paghuhugpong, at pag-uusbong ang mga karaniwang paraan ng behetatibong pagpaparami.[28] Sa kabilang dako, may malaking saklaw para mag-eksperimento sa paghahanap ng mga bagong lahi.[27]

Mga paraan ng paghahanda ng kape[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maraming paraan ng paghahanda ng kape, at hindi lahat ay dumaraan sa proseso ng brewing na siyang karaniwang ginagawa. Halimbawa ang kapeng Turko na tanyag sa mga bansa sa Gitnang Silangan. Ang pagkulo ng pinulbos na kape sa ibrik, isang natatanging lalagyan, ang paraan ng paggawa ng kapeng ito.

Ang pag-brew ng kape ay iba-iba rin, depende sa tradisyon ng isang bansa. Tanyag sa ngayon ang awtomatikong pagpatak na pag-brew, gamit ang mga panggawa ng kape (coffee maker). Kapuna-puna ang amoy kuryenteng lasa ng kape lalo na sa mga mumurahing awtomatikong panggawa ng kape.

Para sa mga mahihilig sa kape, mainam ang manu-manong paghanda ng kape. Nariyan ang paraang manwal na pagpatak, kung saan pinakukuluan muna ang tubig bago ibuhos ng dahan-dahan sa carafe. Mas mainam ito dahil kontrolado ng gumagawa ang kanyang kape. Sikat din ang French press o Coffee Plunger. Mas matapang at mas malasa ang nagagawa nitong kape dahil nasasama sa inumin ang langis at bango mula sa mga katas ng beans. Iyon nga lamang, hindi ganoon kalinaw at kalinis ang nagagawang kape gamit ang paraan na ito.

Sikat rin ang mga 'percolator at makinang pang-espresso na mas nakakagawa ng matapang na kape. Gumagamit ng kaparaanang vacuum ang espresso at makinang lalagyan ng mocha. Ang pinakasimpleng paggawa ng kape ay ibuhos ang mainit na tubig sa giniling na kape at hayaang lumubog ang mga ground.

Nariyan din ang madaliang kape (instant coffee), na maaaring pulbo o likido. Pero ang lasa nito, bagamat pwedeng dagdagan ang tapang, ay kulang sa aroma di tulad sa kapeng brewed.

Alternatibong kape[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maaari ring gumawa ng inuming "kape" mula sa tinustang mga butil ng bigas (kapeng bigas).

Tingnan din[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. * Ukers, William Harrison (1922). All About Coffee [Lahat Tungkol sa Kape] (sa Ingles). Tea and Coffee Trade Journal Company. p. 5.
  2. "Global Hot Drinks Market Size, Share | Industry Trends Report, 2025" [Pandaigdigang Sukat at Bahagi ng Merkado ng Mga Maiinit na Inumin | Ulat sa Mga Uso sa Industriya, 2025]. www.grandviewresearch.com (sa Ingles). Nakuha noong 2023-07-18.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Weinberg & Bealer 2001, pp. 3–4
  4. "A Guide To Different Types Of Coffee Beans, Roasts & Drinks" [Isang Gabay sa Mga Iba't Ibang Uri ng Buto, Sangag & Inuming Kape] (sa Ingles). 2021-08-13. Nakuha noong 2023-01-16.
  5. "33+ Buzzing Coffee Industry Statistics [2023]: Cafes, Consumption, And Market Trends" [33+ Sabik na Estadistika sa Industriya ng Kape [2023]: Kapihan, Pagkonsumo, At Mga Uso sa Merkado]. Zippia (sa Ingles). 2023-03-19. Nakuha noong 2023-12-25.
  6. "kape - Diksiyonaryo". Diksiyonaryo.ph (sa Filipino). Nakuha noong 12 Abril 2024.
  7. "café". dle.rae.es (sa Kastila). Nakuha noong 12 Abril 2024.
  8. 8.0 8.1 Kaye, Alan S. (1986). "The Etymology of "Coffee": The Dark Brew" [Ang Etimolohiya ng Kape]. Journal of the American Oriental Society (sa Ingles). 106 (3): 557–558. doi:10.2307/602112. ISSN 0003-0279. JSTOR 602112.
  9. "coffee | Etymology, origin and meaning of coffee by etymonline". www.etymonline.com (sa Ingles).
  10. Noted by H. F. Nicolai, Der Kaffee und seine Ersatzmittel: Volkshygienische Studie [Ang Kape at mga Kapalit Nito: Pag-aaral sa kalinisan ng mga taong-bayan] (sa wikang Aleman), (Brunswick, 1901) ch. 1 "Geschichtliches über den Kaffee" pa. 4 tala 1.
  11. Banesio, Fausto Naironio (1671). De saluberrima potione cahue, seu cafe nuncupata discursus Fausti Naironi Banesii Maronitae, linguae Chaldaicae, seu Syriacae in almo vrbis archigymnasio lectoris ad eminentiss. ... D. Io. Nicolaum S.R.E. card. . (sa Latin). Typis Michaelis Herculis.
  12. Ukers, William (1935). All About Coffee [Lahat Tungkol sa Kape] (sa Ingles). New York: Tea & Coffee Trade Journal Company. pp. 9–10.
  13. 13.0 13.1 Houtsma, M. Th.; Wensinck, A. J.; Arnold, T. W.; Heffening, W.; Lévi-Provençal, E., mga pat. (1993). "Ḳawah". First Encyclopedia of Islam. Bol. IV. E.J. Brill. p. 631. ISBN 978-90-04-09790-2. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Marso 2022. Nakuha noong 11 Enero 2016.
  14. Souza 2008, p. 3.
  15. 15.0 15.1 Hattox, Ralph S. (1985). Coffee and coffeehouses: The origins of a social beverage in the medieval Near East [Kape at kapihan: Ang pinagmulan ng inuming pang-usapan sa medyebal na Silangang Malapit] (sa Ingles). University of Washington Press. p. 14. ISBN 978-0-295-96231-3. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 March 2022. Nakuha noong 6 October 2020.
  16. Burton, Richard F. (1856). First footsteps in East Africa [Mga unang yapak sa Silangang Aprika] (sa Ingles). London: Longman. p. 78. ali omar coffee yemen.
  17. R. J., Gavin (1975). Aden Under British Rule, 1839–1967 [Aden sa ilalim ng Pamamahalang Britano, 1839–1967] (sa Ingles). C. Hurst & Co. Publishers. p. 53.
  18. Wild, Antony (2004). Coffee: A Dark History [Kape: Isang Madilim na Kasaysayan] (sa Ingles). Fourth Estate. pp. 52–53. ISBN 978-1-84115-649-1.
  19. "History of Viennese coffee house culture" [Kasaysayan ng kulturang kapihan ng Viena]. www.wien.gv.at (sa Ingles).
  20. "Botanical Aspects" [Mga Aspetong Botanikal] (sa Ingles). London: International Coffee Organization. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 24 Marso 2009. Nakuha noong 4 Enero 2010.
  21. Anthony F, Berthaud J, Guillaumet JL, Lourd M. "Collecting wild Coffea species in Kenya and Tanzania" [Pagkokolekta ng mga ligaw na espesye ng Coffea sa Kenya at Tansaniya]. Plant Genetic Resources Newsletter (sa Ingles). 69 (1987): 23–29.
  22. van der Vossen, H. A. M. sa Clifford & Wilson 1985, pa. 53
  23. Duke, James A. (1983). "Coffea arabica L" (sa Ingles). Purdue University. Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Pebrero 2010. Nakuha noong 4 Enero 2010.
  24. "Feature Article: Peaberry Coffee". Acorns. 2004. Inarkibo mula sa ang orihinal noong Mayo 7, 2010. Nakuha noong 4 Enero 2010.
  25. Hamon, S.; Noirot, M.; Anthony, F. (1995). "Developing a coffee core collection using the principal components score strategy with quantitative data" [Pagbubuo ng saligang koleksiyon ng kape gamit ang estratehiya ng pag-iiskor sa mga pangunahing sangkap na may kuwantitatibong datos] (PDF). Core Collections of Plant Genetic Resources (sa Ingles). Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 30 Setyembre 2009. Nakuha noong 4 Enero 2010.
  26. Pradeepkumar, T.; Kumar, Pradeep (2008). Management of Horticultural Crops: Vol.11 Horticulture Science Series: In 2 Parts [Pag-aasikaso sa Mga Pananim na Hortikultural: Bol. 11 Serye ng Agham Hortikultura: Sa 2 Bahagi] (sa Ingles). New India Publishing. pp. 601–. ISBN 978-81-89422-49-3. Inarkibo mula sa orihinal noong 3 Disyembre 2015. Nakuha noong 27 Hunyo 2015.
  27. 27.0 27.1 Wilson, K. C. sa Clifford & Wilson 1985, mga pa. 158.
  28. Wilson, K. C. sa Clifford & Wilson 1985, mga pa. 161–62.