Computus

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Ang computus (Latin na may kahulugang "komputasyon") ay ang katawagan para sa paraan ng pagtutuos o kalkulasyon ng petsa ng Pasko ng Pagkabuhay. Noong ika-4 na daantaon, nagkaroon ng pagkalito hinggil sa kung kailan ba dapat ipagdiwang ang Kristiyanong Araw ng Pagkabuhay o ang Muling Pagkabuhay ni Hesus (Resureksiyon ni Hesus). Ang pagkakalkulang ito ng petsa ng Pasko ng Pagkabuhay ay nakaayon sa, una, kalendaryong Juliano, at pagdaka ay nakaayon na sa kalendaryong Gregoriano. Ang katawagan o pangalan ay ginagamit na para sa hakbang o pagsasagawang ito magmula noong mga Gitnang Kapanahunan, dahil ito ay itinuturing bilang ang pinakamahalagang pagtutuos noong kapanahunang iyon.

Pagkaraan ng Unang Konsilyo ng Nicaea, ang petsa ng Pasko ng Pagkabuhay ay talagang nakahiwalay na magmula sa kalendaryong Hudyo at pati na ang pagtutuos nito para sa Pesah o Paskwa (na kapwa tinatawag bilang Passover sa Ingles). Magmula noon, batay sa prinsipyo, ang Pasko ng Pagkabuhay ay bumabagsak sa Linggo kasunod ng buwan na buo na sumusunod sa Ekwinoks ng tagsibol sa Hilaga (ang tinatawag na Buwan na Buo ng Mahal na Araw, at panahon kung kailan magkasinghaba ang tagal ng araw at ng gabi). Subalit, ang ekwinoks sa panahon ng tagsibol (ekwinoks na bernal) at ang buo na buwan ay hindi inaalam sa pamamagitan ng pagmamasid na pang-astronomiya. Sa halip, ang ekwinoks na bernal (vernal equinox) ay nakapirmi ang pagbagsak sa ika-21 araw ng Marso, habang ang buwang buo (nakikilala bilang eklesyastikal na buwang buo) ay nakalagi sa 14 na mga araw pagkalipas ng simula ng eklesyastikal na buwang lunar (nakikilala bilang eklesyastikal na buwang bago). Kung kaya't ang Pasko ng Pagkabuhay ay bumabagsak sa Linggo pagkaraan ng eklesyastikal na buwang bago. Ang computus ay ang hakbang ng pag-alam sa unang Linggo pagkalipas ng unang eklesyastikal na buwang buo na bumabagsak sa o pagkalipas ng ika-21 ng Marso, at ang suliranin ay lumitaw mula sa paggawa nito sa loob ng kahabaan ng mga daantaon na walang tumpak na mga pamamaraan ng pagsukat sa tiyak na mga taong solar (pang-araw) o lunar (pangbuwan).

Ang modelo o huwarang nagawa ay nagpapalagay na ang 19 na mga tropikal na mga taon ay mayroong magkakatulad na tagal o durasyon na 235 mga buwang sinodiko (modernong halaga: 234.997).[1]

Magmula noong ika-16 na daantaon, nagkaroon ng mga pagkakaiba-iba sa mga pagtutuos ng Pasko ng Pagkabuhay sa pagitan ng mga Simbahan ng Kanluran at ng Silangan. Magmula noong 1583, ginagamit na ng Simbahang Katoliko Romano ang ika-21 ng Marso na nasa kalendaryong Gregoriano upang kalkulahin ang petsa ng Pasko ng Pagkabuhay; samantalang ang Ortodoksiya ng Silangan ay nagpatuloy at hindi pa rin tumitigil sa paggamit ng ika-21 ng Marso na nasa kalendaryong Juliano. Sa kung gayon, ang mga denominasyong Katoliko at Protestante ay gumagamit ng isang eklesyastikal na buwang buo na nagaganap na mas maaga nang 4 hanggang 5 mga araw kaysa sa ginagamit ng Ortodoksiyang Silanganin.

Mga sanggunian[baguhin]

  1. Gumagamit ng isang pangkaraniwang tropikal na taon na 365.2421897 mga araw magmula noong 2000 at ng isang pangmatagalang panahong pangkaraniwang buwang sinodal na 29.530589 na mga araw. Tingnan ang tropikal na taon at ang sinodal na buwan para sa mga detalye.


Karagdagang pagbabasa[baguhin]