Kanon
Ang kanon ang mga aklat na bumubuo sa Bibliya ng Hudaismo at Kristiyanismo. Ang kanon ng Bibliya ay nabuo sa maraming mga taon at ang mga aklat na napasama dito ay hindi sabay sabay na ipinasok sa kanon. Ang mga bilang ng aklat na nakapasok sa kanon ay hindi pareho sa iba-ibang denominasyon ng Kristiyanismo. Ang kanon ng Hudaismo ay binubuo lamang ng Tanakh o Lumang Tipan at hindi tinatanggap ng mga Hudyo ang Bagong Tipan. Ang Deuterokanoniko ng Katoliko at Orthodox ay hindi tinatanggap ng mga Protestante.
Mga nilalaman |
[baguhin] Kanoninasyon ng Tanakh o Lumang Tipan
Ayon sa mga skolar, ang Torah(Genesis, Exodo, Levitico, Deuteronomyo, Bilang) ay isinama sa kanon noong 400 BCE, ang mga Propeta o Nevi'im (Josue, Hukom, 1 at 2 Samuel, 1 at 2 Hari, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Zefanias, Hageo, Zecarias, at Malakias) noong 200 BCE at ang mga Kasulatan o Ketuvim (Awit, Job, Kawikaan, Ruth, Awit ni Solomon, Eclesiastes, Panaghoy, Ester, Daniel, Esdras, Nehemias, 1 at 2 Kronika) noong 100 CE.[1]
[baguhin] Kanoninasyon ng Bagong Tipan
Ang kanon ng Bagong Tipan ay nabuo sa maraming siglo. Sa pagitan ng 140 hanggang 220 CE, maraming sekta ng kristiyanismo na may iba ibang konsepsyon ng kalikasan at katuruan ng dios at ni Hesus ang umusbong gaya ng Gnostisismo, Ebionita, Montanismo, Marcionismo, Encratites at iba pa. Upang suportahan ang kanilang mga doktrina, ang mga sektang ito ay gumamit ng iba't ibang aklat na sa kanilang pinaniniwala ay mga "kinasihan ng diyos". Ang mga aklat na ito ay pinasunog ng sektang proto-ortodox noong ika apat na siglo CE.[2] Ang mga natitirang manuskrito ng mga aklat na ito ay natagpuan sa Nag Hammadi, Ehipto noong 1945. Kabilang sa mga aklat na nakapaloob dito ang Ebanghelyo ni Tomas, Mga Gawa ni Pedro at ng Labindalawa, Ebanghelyo ng Katotohanan, Ebanghelyo ni Felipe, Gnostikong Ebanghelyo ni Pedro, Ang Sofia ni HesuKristo at marami pang iba.[2] Ang isang sekta ng kristiyanismo na tinatawag na proto-ortodox ang nagsimula namang magtipon ng mga aklat na sa paniniwala nila ay naglalaman ng mga aral na tama at kumokontra sa mga aral heretikal(mali) ng ibang sekta.[3] Sa mga magkakatunggaling mga sektang ito, ang proto-ortodox ang kalaunang nanaig, naging opisyal na relihiyon ng Imperyo Romano at naging unibersal(catholic). Ang heresiya at paganismo ay ginawang krimen ni Emperador Theodosius noong 381 CE at ang mga tagasunod ng ibang sekta ay pinagusig at pinapatay.[4][5] Ang mga tagapagtaguyod ng proto-ortodoksiya ang mga "ama ng simbahan"(church fathers) na naging responsable sa pagtitipon ng impormasyon tungkol sa mga aklat na naging Bagong Tipan. Halimbawa, ang impormasyon na ginamit para isulat ang ika apat na siglong "Easter letter" na naghahayag ng mga tinanggap na Kristiyanong kasulatan ay nakabase sa "Kasaysayang Eklesiastikal" ni Eusebius ng Cesaria kung saan kanyang ginamit ang impormasyon na ipinasa sa kanya ni Origen. Bukod dito nakuha din ni Eusebius ang impormasyon tungkol sa mga "tinatanggap na mga aklat" sa ikatlong siglong mga iglesia sa kanyang mga paglalakbay. Ilan sa mga kasamang "kinasihang kasulatan" para kay Origen ang "Sulat ni Barnabas, Pastol ni Hermas at 1 Clemente" ngunit ang mga aklat na ito ay inalis ni Eusebius. [6] Ang mga mga aklat na ito ay tinawag ni Eusebius na "antilegomena" o mga tinutulang aklat. Kabilang din sa antilegomena ang Santiago, Judas, 2 Pedro, 2 at 3 Juan, Apocalipsis ni Juan, Apocalipsis ni Pedro, Didache, Ebanghelyo ayon sa mga Hebreo, Mga Gawa ni Pablo.[7] Noong ika apat na siglo, ang ilang synod gaya ng Synod ng Hippo at Konseho ng Carthage ay naglimbag ng mga listahan ng mga aklat na kanonikal. Ang kasulukuyang 27 aklat na kanon ng Bagong Tipan ay pinag tibay ng Konseho ng Trent noong 1546.[8] Ang 27 aklat na isinama sa kanon ng Bagong Tipan ay ang sumusunod: Mateo, Marcos, Lucas, Juan, Gawa, Roma, 1 at 2 Corinto, Galacia, Efeso, Filipos, Colosas, 1 at 2 Tesalonica, 1 at 2 Timoteo, Tito, Filemon, Hebreo, Santiago, 1 at 2 Pedro, 1, 2 at 3 Juan, Judas at Apocalipsis.
[baguhin] Kanon ng iba't ibang denominasyon
May pagkakaiba ang bilang ng mga aklat at pagkakasunod ng mga ito sa kanon sa iba't ibang denominasyon.
[baguhin] Sa Hudaismo
Sa Hudaismo ang kanon ay binubuo lamang ng Tanakh(o Lumang Tipan sa bibliang kristiyano). Hindi tinatanggap ng mga Hudyo ang "Bagong Tipan" at hindi sila naniniwala na si Hesus ang katuparan ng mesias na binabanggit sa "Tanakh". Ayon sa mga skolar na Hudyo, ang mga sinasabing hula na katuparan ni Hesus sa Bagong Tipan ay base sa maling salin at misinterpretasyon ng mga talata sa Tanakh.[9][10][11][12][13]
[baguhin] Sa Samaritanismo
Sa relihiyong Samaritanismo, ang kanon ay binubuo lamang ng limang aklat ng Torah na Genesis, Exodo, Levitico, Deuteronomyo, at Bilang.
[baguhin] Sa Marcionismo
Ang Marcionismo ay ikalawang siglong sekta ng Kristiyanismo na nagmula sa mga turo ni Marcion ng Sinope noong 144 CE. Ayon kay Marcion, ang dios ng mga Hebreo sa Lumang tipan ay isang malupit na dios at iba sa mapagpatawad na dios ng Bagong Tipan. Sa dahilang ito, ang Lumang Tipan ay itinakwil ni Marcion. Ang kanon na tinanggap lamang sa Marcionismo ay binubuo ng 11 aklat: ang Ebanghelyo ni Marcion(na binubuo ng sampung kapitulo ng Ebanghelyo ni Lukas at binago ni Marcion at ang sampu sa mga sulat ni Pablo(Roma, 1 at 2 Corinto, Galacia, Efeso, Filipos, Colosas, 1 at 2 Tesalonica). Ang ibang aklat ni Pablo gaya ng 1 at 2 Timoteo at Tito at ibang pang aklat ng Bagong Tipan ay itinakwil sa Marcionismo.[14]
[baguhin] Sa Katolisismo
Ang kanong katoliko ay binubuo ng 73 aklat. Sakop ng kanong Katoliko ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan, pati na rin ang mga sumusunod na aklat na tinatawag na mga deuterokanoniko o Apokripa: Tobít,Judith, Ester (Gryego) (madalas pinapalitan ang orihinal na Ester ng Lumang Tipan), 1 Mga Macabeo, 2 Mga Macabeo, Karunungan ni Solomon, Sirac/Eclesiastico at Baruc. Ang Apokripa ay pinagtibay na kanonikal sa Konseho ng Trent noong 1546 bilang tugon sa pagtutol dito ng mga protestante noong repormasyon(1515-1648). Ang ilan sa mga doktrina ng katolisismo na sinusuportahan ng Apokripa at tinutulan ng mga Protestante ang purgatoryo(Tobit 12:12, 2 Macabeo 12:39-46), pamamagitan ng mga namatay na santo at mga anghel(2 Maccabeo 15:14, Tobit 12:12-15), pananalangin para sa mga patay(2 Macabeo 12:45-46) at iba pa.
[baguhin] Sa Ortodoksiya
Sa Etiopian Ortodox, ang biblia ay binubuo ng 81 na aklat at sa Silangang Ortodox, ang bibliya ay binubuo ng 84 na aklat. Sakop ng kanong Ortodokso ang lahat ng mga aklat ng biblyang Katoliko kasama ang 3 Macabeos, Awit 151, 1 Esdras, 4 Macabeos at iba pa.
[baguhin] Sa Syriac
Ang biblia ng Tradisyong Syriac na tinatawag na Peshitta ay binubuo ng Lumang Tipan, Apokripa at Bagong Tipan. Hindi kasama sa Bagong Tipan ng Peshitta ang mga aklat na 2 Pedro, 2 at 3 Juan, Judas at Apocalipsis.
[baguhin] Sa Protestantismo
Sa Protestantismo, ang kanon ay binubuo ng 66 na aklat. Ang apokripa ng Katoliko ay hindi tinanggap ng mga Protestante.
[baguhin] Sanggunian
- ↑ The Canon Debate, McDonald & Sanders, page 4
- ↑ 2.0 2.1 The Gnostic Gospels:PBS
- ↑ An introduction to the New Testament and the origins of Christianity By Delbert Royce Burkett, pahina 107
- ↑ Lost Christianities: the battles for scripture and the faiths we never knew, Bart D. Ehrman
- ↑ Gnostic Visions: Uncovering the Greatest Secret of the Ancient World, p 218
- ↑ McGuckin, John A. "Origen as Literary Critic in the Alexandrian Tradition.” 121-37 in vol. 1 of 'Origeniana octava: Origen and the Alexandrian Tradition.' Papers of the 8th International Origen Congress (Pisa, 27–31 August 2001). Edited by L. Perrone. Bibliotheca Ephemeridum theologicarum Lovaniensium 164. 2 vols. Leuven: Leuven University Press, 2003.
- ↑ Among the disputed writings, [των αντιλεγομένων], which are nevertheless recognized by many, are extant the so-called epistle of James and that of Jude, also the second epistle of Peter, and those that are called the second and third of John, whether they belong to the evangelist or to another person of the same name. Among the rejected writings must be reckoned also the Acts of Paul, and the so-called Shepherd, and the Apocalypse of Peter, and in addition to these the extant epistle of Barnabas, and the so-called Teachings of the Apostles; and besides, as I said, the Apocalypse of John, if it seem proper, which some, as I said, reject, but which others class with the accepted books. And among these some have placed also the Gospel according to the Hebrews, with which those of the Hebrews that have accepted Christ are especially delighted. And all these may be reckoned among the disputed books [των αντιλεγομένων].
- ↑ Metzger, Bruce M.: The Canon of the New Testament: Its Origin, Development, and Significance. Oxford: Oxford University Press, 1987, p. 246. ISBN 0-19-826954-4, writes, "Finally on 8 April 1546, by a vote of 24 to 15, with 16 abstensions, the Council issued a decree (De Canonicis Scripturis) in which, for the first time in the history of the church, the question of the contents of the Bible was made an absolute article of faith and confirmed by an anathema."
- ↑ Why did the majority of the Jewish world reject Jesus as the Messiah, and why did the first Christians accept Jesus as the Messiah? by Rabbi Shraga Simmons (about.com)
- ↑ Michoel Drazin (1990). Their Hollow Inheritance. A Comprehensive Refutation of Christian Missionaries. Gefen Publishing House, Ltd.. ISBN 965-229-070-X. http://www.drazin.com.
- ↑ Troki, Isaac. "Faith Strengthened".
- ↑ "The Jewish Perspective on Isaiah 7:14". Messiahtruth.com. http://www.messiahtruth.com/isa714b.html. Nakuha noong 2009-04-11.
- ↑ http://www.outreachjudaism.org/FAQ
- ↑ Eusebius' Church History