Lamang-kati

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Ang lamang-kati (Ingles: root crops) ay ang nabuong laman sa mga ugat ng mga halamang tinawag na lamang-kati. Dalawang salita ang "lamang-kati", ang laman at ang kati (lupang malayo sa bukal o pirmi o nakatigil na tubig). Dito natin malalaman na ang uri ng halamang ito ay nabubuhay at naglalaman sa well drained soil o siya na ngang lupang katihan (nasala nang mabuti ang tubig). Sinaunang uri ito ng pagkain ng mga tao. Sa katunayan ito ang pagkain na panawid o pangsagip gutom sa kabundukan kapag hindi pa hinog ang butil ng mga palay sa kainggin sa maraming bahagi ng Pilipinas noon at sa kasalukuyan. Ilan sa kilalang lamang kati sa ating bansa ang gabi, ube, kamoteng baging, balinghoy, tugis at uraro. Ang mga kakanin na tinawag na halaya, puding, ginataan, tinamisan at suman ay ginawa mula sa nasabing mga lamang kati, na ang iba ay makikita sa pamilihan. Ang lamang kati ay nabibilang sa isa sa ligtas na kainin na halaman dahil ayon ang pagsibol at paglaki nito sa likas na paraan, na ang ibig sabihin ay walang inilagay na gamot at kemikal na pataba. Dahil dito ang pagkaing mula dito ay maibibilang na organically grown plants o halamang lumago sa maka-kalikasang kaparaanan.

Isa ngang pangunahing patakaran sa ekolohiya ang pagpapanatili ng magandang katayuan at kalagayan ng lupa, ng mga halaman at maging ng mga hayop, at maging ang mga taong kakain ng bunga ng halamang pinalago at pinabunga sa ganitong paraan. Ang pagtangkilik sa mga lamang kati ay isa ring pagsang-ayon ng mga tao sa pangangalaga ng kalikasan at kalusugan nating mga tao. Ang mataas na karbohidrato o pagkain na nagbibigay lakas sa bawat lamang kati ay magandang dahilan upang ipalit ito sa mahal na tinapay at pagkaing sitsirya. Ang ilang sustansiya nito tulad ng bitamina A at mahalagang hibla (mga fiber) ay mahusay sa kalusugan sa balat at sa bituka (mga intestine) na mahalaga sa pangkalahatang kalusugan ng katawan. Ang ulat tungkol sa pagkakaroon ng goiter o bosyo dahil sa pagkain ng lamang kati ay maiiwasan na sa pamamagitan ng paggamit sa pagkain ng iodized salt o asing sinangkapan ng iyodo. Ang lamang-dagat o mga seafood ay mainam kaulam ng lamang kati dahil ang mga ito ay mayaman din sa iyodo.



Halaman Ang lathalaing ito na tungkol sa Halaman ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.