Lutuing Pilipino

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Ang lutuing Pilipino ay ang pinagsanib na lutuin ng iba’t ibang mga pangkat etniko ng Pilipinas. Naimpluwensiyahan ito ng mga lutuin ng mga Asyano, Europeo, Mehikano at mga Amerikano. Ipinapakita sa lutong Pilipino ang kasaysayan ng Pilipinas. Lumitaw ang pagiging katangi-tangi at kaiba nito mula sa pagkakaroon ng batayan ng mga sangkap na Malay, Intsik, Hindu, Kastila, at Amerikano. Ang katutubo talagang pagkaing Pilipino ay malapit sa mga katutubong lutuin sa Indonesya, Malaysiya, Taylandiya, at ibang mga bansa sa Asya. Isa sa nakaugaliang gawi sa pagkain ng mga Pilipino ang pagkakamay o paghuhugis-bilog ng kanin sa pamamagitan ng mga daliri habang pinipisil sa plato bago isubo sa bibig.[1]

Paglalarawan[baguhin | baguhin ang batayan]

Hindi gaanong may panimpla o pampalasa ang talagang mga katutubong lutuing Pilipino bagaman maraming makukuhang mga pampalasa o panimpla sa Pilipinas. Pinakapayak na pagkain sa bansa ang kanin o nilutong bigas. Pangunahing napagkukunan ng protina ang isda, ngunit karaniwan din ang pagkain ng karne ng baboy at manok. Mayroon ding kumakain ng bibe. Mayroon din karne ng baka sa bansa subalit mas mataas ang halaga ng karneng sapagkat hindi gaanong napapaunlad ang industriya nito. Hindi bantog ang pagkain ng karne ng tupa, bulo o guya. Sa ilang mga lugar, kinakain ang karne ng kambing, palaka, kuneho, at usa.[1]

Bagaman bantog sa Luzon ang pagkain ng kanin o bigas, mas tanyag ang pagkain ng pananim na may nakakaing ugat o mga lamang-ugat sa Kabisayaan, katulad ng kamote, mga yam sa Ingles tulad ng mga ubi, nami, tugi, kamiging; habang sa Mindanao ay pangunahing pagkain ang panggi o kasaba. Bukod sa bangus, mahilig ang mga Tagalog, Pampanggo, Ilokano, at Panggasinense sa mga dalag, bulig, hito, kanduli, bongoan, arahan, karpa, at tilapia. Karaniwang ginagamit ang patis bilang panimpla o sawsawan.[1]

Lutuin sa anim na rehiyon[baguhin | baguhin ang batayan]

Hilagang Luzon[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang lutuing Pilipino sa pook ng mga Ilokano, mga Pangasinense, mga Ifugao, mga Bontoc, mga Ibanag, at mga Kalinga ay payak at nakaayon sa katutubong mga gulay, isda, manok, at karne. Sa gulay, tampok ang paggamit ng saluyot.[1]

Ilokano[baguhin | baguhin ang batayan]

Karaniwang pinasisingawan o pinakukuluan ng mga Ilokano ang mga gulay. Natatangi rin ang paggamit at pagsasawsaw nila sa bagoong. Kung minsan, pinakukuluan ang mga gulay na may kahalong mga karne o kaya inihaw na isda. Ilan sa mga halimbawa ng pagkaing Ilokano ang pinakbet, dinengdeng, at inabraw. Partikular ang pagkain ng aso sa mga Igorot, mga Bontoc, mga Ifugao, at mga Ibanag.[1]

Pangasinense[baguhin | baguhin ang batayan]

Tampok ang kataasan ng uri ng bangus na produkto ng Pangasinan.[1]

Gitnang Kapatagan[baguhin | baguhin ang batayan]

Mayaman sa mga sarsa at mga pamutat (panghimagas o minatamis) ang mga lutuin sa Maynila at nakapaligid na mga lugar, kabilang ang mga Tagalog at mga Pampanggo. Partikular ang paggamit sa mga lutuin ng karne ng baboy at manok. Karamihan sa pagluluto ang may pagsasama-sama ng iba't ibang mga sangkap na nasa iisang putahe. Dumaraan din ang pagkain sa mahabang proseso ng paghahanda at may katangiang pampiyesta. Karaniwan ang pinalamanang mga uri ng ulam. Ang mga gulay ay ginigisa sa bawang, sibuyas, at kamatis na kadalasang may halong karneng baboy at hipon. Ilan sa mga halimbawa ng lutuin sa mga lugar na ito ang relyenong manok, relyenong bangus, morkon, at embutido.[1]

Katimugang Katagalugan[baguhin | baguhin ang batayan]

Karaniwang makukuhang pagkain sa pook na ito ang bigas (pati na yung malagkit na uri ng bigas) at mga niyog, pati na isda mula sa tubig tabang. Karaniwang lasa ng pagkain dito ay iyong maaasim dahil ginagamitan ng suka at maaasim na mga prutas na katulad na kamyas, sampalok, at hinog na hinog na bayabas. Karaniwang ginagamit ang sukang tinimplahan ng bawang, asin, at paminta upang ibabad muna ang isda bago iluto na paprito. Ginagamit din ang sukang may bawang, asin, at panimpla bilang sawsawan. Halimbawa ng mga lutuin sa Katimugang Tagalog ang sinigang, espasol, suman, hinalo, sinukmani, at bibingka.[1]

Bikol[baguhin | baguhin ang batayan]

Karaniwan sa lutuing Bikolano ang paggamit ng buko o niyog, gata, at sili, partikular na ang siling labuyo. Halimbawa ng mga lutuin sa Bikol ang laing na tinimplahan ng bagoong. Ang laing sa Bikol ay may karne o hipon at mga gulay na binabalot sa dahon ng gabi o taro, na pinakukuluan sa gata na nagiging malapot na sarsa.[1]

Kabisayaan[baguhin | baguhin ang batayan]

Karaniwang pagkain sa Kabisayaan ang mga isda mula sa tubig-alat o tubig-dagat. Karamihan sa mga pagkain ay pinepreserba sa pamamagitan ng asin at pinatutuyo sa ilalim ng sikat ng araw. Kabilang sa mga pagkaing produkto ang daing, tuyo, pusit, hipon, at kalkag. Maalat ang lutuing Bisaya dahil sa paggamit ng asin at lalo na ng ginamos, na hipon o isdang sumailalim sa permentasyon. Isang uri ng bagoong ang ginamos, ngunit naiiba sa bagoong ng Hilagang Luzon dahil hindi ginagamitan ng maalat na katas o sarsa. Bilang dagdag ang lutong Bisaya ay iniihaw sa may dingas na uling, o pinapakuluan sa tinimplahang suka. Halimbawa ng lutuing Bisaya ang pinamarahan (katulad ng paksiw na isda sa Katagalugan ngunit mas pinatuyo), kinilaw, mga gulay na pinakuluan o pinasingawan at isinasawsaw sa ginamos na may patak ng limon. Halimbawa ng mga meryenda sa lugar na ito ang pinasugbu, turones, utap, hiwa ng saging (kilala sa Ingles bilang banana chip) at iba pang mga biskuwit, pati na biko at baybaye na gawa mula sa buko at malagkit na bigas. Bilang dagdag, mahilig ang mga Bisayang Pilipino sa sardinas, tuna, bonito, at makerel.[1]

Mindanao[baguhin | baguhin ang batayan]

Karamihan ng mga naninirahan sa Mindanao ay mga supling ng mga Bisaya na galing ng Cebu, Leyte, Bohol, at iba pang rehiyon ng Kabisayaan (Visayas) na mahihilig sa ginamos(bagoong in Tagalog), tuyong isda at karne. Karaniwan ang inon-onan o inon-on (Bisaya) paksiw in Tagalog. Marami ding mga katutubong (natives) naninirahan sa Mindanao ay (hindi mga Muslim), katulad ng mga Mandaya, Bagobo, Bilaan, Aetas, Samal (Dabaweneos), Karay-a at iba pang katutubong tunay na mga Mindanawans na may sariling tipo ng mga lutuin na karaniwan ay ginataan ng niyog (mixed with coconut milk). Maraming mga taga Mindanao ay mahihilig sa kinilaw na isda na may suka ng niyog,dinurog na pulang siling kulikot ( pinakamaanghang, pinakamasarap, pinakamaliit na sili sa buong daigdig), luy-a, lemonsito(calamansi), sibuyas at panimplang asin.(By D. A. L.) Hindi gumagamit ng karneng baboy ang lutuin ng mga Muslim sa Mindanao. Katulad ng mga pagkain sa Indonesya at Malaysiya ang pagkain ng mga Muslim sa Mindanao na malimit ang paggamit ng mga pampalasa o panimplang kilala sa Ingles bilang curry. Tampok sa mga lutuin sa Mindanao ang tinagtag , tinola sapi na isang uri ng pinakuluang karne ng baka, ang piarun na lutuin ng isda, at ang lapua na binanliang mga gulay na tinimplahan ng ginamos, asin, o kaya ng suka.[1]

Mga popular na kakanin naman sa mga Moro ng Mindanao partikolar na sa bahagi ng Maguindanao sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga sumusunod: Dodol, Tinagdag, Pelil, Dinangay a natek, Panganan Sising, Putri Mandi, Tipaz, Panyalam, Komokonsi, Patulakan, Balebed a Tinumis, Bulibid, Dingay-a-Kamis a polot, Sindol, Belebed-a-Tapong, Bibingka, Apang, Bolowa, Saging-a-binayo.

Mga popular na pagkaing Pilipino[baguhin | baguhin ang batayan]

Ilan sa mga popular na pagkain ay ang:

  • inon-on o inon-onan- ito'y maaring isda o karne na niluluto ng suka, bawang, luy-a at sibuyas. Karaniwan ng mga Bisaya.
  • tinola- Ito'y nilagang isda o karneng baka o manok o baboy na may panahog na sibuyas, tanglad(lemongrass), luy-a(ginger), maari ding may kamatis o sampalok, talbos ng kangkong o talbos ng kamote(sweet potato) o maaring petsay o chinese cabbage, at mas masarap at masustansiya kung ang halo ay dahon ng malunggay. Ang tinula ay karaniwan para naming mga Bisaya sa Mindanao.
  • law-oy- Ito'y halos kapareho ng pagluluto ng tinula ngunit and pangunahing mga sahog ay ang ibat ibang uri ng mga preskong gulay, madahon man o maprutas na mga gulay. Katulad ng tinula, ang law-oy ay karaniwang ulam para naming mga Bisaya sa Mindanao
  • kanin, na sinasamahan ang karamihan ng mga ulam
  • longganisa
  • litson
  • paelya
  • adobo
  • pan de sal
  • lumpya
  • turon
  • kare-kare
  • sinigang
  • sisig
  • pansit
  • halo-halo
  • kaong
  • putsero (hango sa lutuing Kastilang cocido)
  • letse plan
  • makapuno
  • pansit luglug
  • sitsaron

Mga tipikal na handa[baguhin | baguhin ang batayan]

Pulutan[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang pulutan ay salitang ginagamit ng mga manginginom o "lasinggero". Ito ang mga pagkain na kinakain ng mga manginginom habang umiinom ng alak.[2] Maaari rin na katumbas ito ng salitang Ingles na finger food o mga pagkain na kinukukot.

Tingnan din[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 Lacquian, Eleanor at Irene Sobreviñas. (1977). "General Information, What it is: Filipino Cooking: A Blend of East and West". Filipino Cooking Here & Abroad (Lutuing Pilipino Dito at sa Labas ng Bansa). , pahina 164-170.
  2. pulutan, bansa.org


Mga panlabas na kawing[baguhin | baguhin ang batayan]