Mga Negrito

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Isang makabagong larawan ng isang batang babaeng Ita, isang Negrito.
Isang lumang larawan ng isang batang babaeng Negrito. Kuha noong 1901.

Ang mga Negrito sa Pilipinas, ayon kay H. Otley Beyer, ang sinasabing unang pangkat na dumating sa kapuluan ng Pilipinas noong mga may 20,000 na taon na ang nakararaan. Diumano, pinaniniwalaang ring nanggaling sila sa Borneo at naglakad at tumawid sa pamamagitan ng mga tulay na lupa para marating ang Palawan, Mindoro at ilang bahagi ng Mindanao. Bagaman isa ito sa mga pinaniniwalaan, may mga pag-aaral na nagsasabing maaaring may iba pang nauna kesa mga Negrito. Kabilang sa mga pinakamatandang katibayan ang tao sa Tabon, kung kaya't may mga naniniwalang hindi mga Negrito ang naunang taong namuhay sa Pilipinas. Ngunit hindi pa rin natitiyak kung kailan talaga dumating ang mga Negrito sa kapuluan. Isa sa mga dating sapantaha ang naglalahad na nakarating sa Pilipinas ang Negrito noong huling panahon ng tag-ginaw (mga 30,000 taon hanggang 18,000 taon sa nakaraan), kung kailan bumabaw ang mga karagatan kaya't nakalakad ang mga tao sa lupang lumitaw mula Biyetnam, Indonesya at Malaysia. Ito ang sinapantaha sapagkat pinaniniwalaang hindi marunong ang mga Negrito sa larangan ng pamamangka at paglalakbay sa mga katubigan, partikular na sa mga karagatan, bagaman may mga ginawang paghahambing sa pagitan ng mga Negrito at ng mga aboriheno ng Bagong Guinea at Melanesya.[1] Sapagkat marunong gumamit ng palakol at askarol (batong pinatulis) ang mga tinutukoy na aboriheno, at may kaalaman din sa pamamangka, nagkaroon ng mga katanungan kung naging marunong din sa ganitong mga gawain ang mga Negrito. Subalit nagkaroon ng mga suliranin sa paghanap ng mga sinauna nilang kagamitang yari sa mgabato o mga katulad mula sa mga kasukalan ng mga kagubatan. Nalalaman lamang na may gawi silang nomadiko o palabuy-laboy, pagala-gala, at palipat-lipat ng mga pook, wala silang permanenteng tirahan, kahit man mga libingan ng mga namatay na kauri.[1]

Pinagmulan ng salita[baguhin]

Hinango ang salitang Negrito mula sa Kastilang negro, at nangangahulugang "maliit na taong maitim", na tumutukoy sa kanilang maliit na pangangatawan. Ginamit ito ng unang mga eksplorador na Europeano na sinapantahang nanggagaling ang mga Negrito mula sa Aprika. Kung minsan, tinataguriang mga pigmi (mula sa salitang pygmy ng Ingles), na nagkukumpolsa kanila sa mga mamamayang may katulad na kayariang pangkatawan sa Gitnang Aprika. Gayon din, minsan ding ginagamit ang salitang Negrito sa mga pigming Aprikano.[2] Kung minsan pa rin, ginagamit din ang salitang Negroid para tukuyin ang mga pangkat na ito, partikular na sa kanilang panlabas na kaanyuhang pisikal, katulad ng buhok at kulay ng balat. Ayon kay James J.Y. Liu, isang propesor na panitikang hambingan (literaturang komparatibo), tumutukoy ang terminong Intsik na Kun-lun (Tsinong tradisyunal: 崑崙) sa mga Negrito.[3]

Tumutukoy din ang katawagang Negrito sa ilang mga pangkat etnikong nasa mga hiwa-hiwalay na mga bahagi ng Timog-Silangang Asya.[4] Kabilang sa kanilang pangkasalukuyang populasyon ang mga Aeta, Agta, Ayta, Ati, Dumagat at mga may 25 iba pang mga tribo sa Pilipinas; maging sa mga Semang tangway ng Malay, sa mamamayang Mani ng Taylandiya at 12 mga tribong Andamanes ng Kapuluang Andaman ng Indiya.

Paglalarawan[baguhin]

Bagaman may duda kung marunong mamangka ang mga sinaunang Negrito, narito ang isang larawang nagpapakita ng mga Negritong nasakay sa isang bangka. Lumabas ang larawang ito sa aklat ni Alden March noong 1899.[5]
Isa pang larawan ng pangkat ng mga Negrito mula sa aklat ni Alden March.

Maliliit lamang ang mga Negrito sa Pilipinas. May mga Negritong umaabot lamang ang taas sa apat na talampakan. Maitim ang kanilang balat, pango ang mga ilong, makakapal ang mga labi at kulot na kulot ang maiitim na mga buhok. Bagaman walang katibayan kung ano ang mga pinakasinaunang kagamitan at kasangkapan ng mga sinaunang mga Negrito sa Pilipinas, kabilang sa mga kamakailang gamit ng mga pangkasulukuyang Negrito ang mga sumpit, busog, pana, at mga kagamitang gawa sa bato.[1]

Sa Pilipinas, iilan na lamang ang natitirang kapangkatan ng mga Negrito. Nilalarawang wala silang tunay na tribo, kundi mayroon silang mga pagsasama-samang kaangkanan lamang. Kabilang sa mga ito ang mga Aeta ng Sambales, Kagayan at Isabela, ang mga Agta, Arya, Ata at Ati ng Panay at Negros, ang mga Baluga, ang mga Batak ng Palawan at ang Mamanuwa ng Mindanaw. Tinawag na Negros ang pook na Negros sapagkat napakarami ng bilang ng mga Negrito doon noong kapanahunan ng pagsapit ng mga Kastila sa Pilipinas. Tinawag namang Panay ang pook na Panay dahil sa katawagan ng mga Negrito sa isang halaman, ang aninipay.[1]

Bagaman pagalagala ang karamihan sa mga Negrito, mayroon ding tumigil sa mga yungib at sa gilid ng mga bundok, ang dahilan kung bakit tinawag din silang mga taong-bundok. Mayroon namang mga gumamit ng mga pansamantalang tahanang yari sa mga sanga at dahon ng mga punongkahoy. Palipat-lipat sila ng tirahan upang humanap ng mga makakain. Nangangalap sila ng mga prutas, halamang-ugat, at anumang halamang maaaring kainin. Umasa rin sila sa kanilang kapaligiran kung kaya't nangisda at nangaso sila.[1]

Sa sari-saring mga pook sa Pilipinas, iba't iba ang naging mga katawagan para sa mg Negrito. Kabilang na nga rito ang mga katagurian sa Luzon na Aeta, Ita, Dumagat, Agta, Abian, Baluga, Remontado, at Pugot sa Luzon. Partikular sa Gitnang Luzon, ang pagtawag sa kanila bilang mga Aeta, Ita, at Baluga. Sa Siyera Madre kilala sila bilang Dumagat, Agta, Remontado, at Pugot. Sa pulo ng Panay, mas kilala sila bilang mga Ati, ang pinagmulan ng pagdiriwang na Ati-Atihan. Sa Gitnang Kabisayaan, kilala sila sa katawagang Ata, samantalang Mamanwa naman sa Samar at Leyte. Mayroon ding mga Negrito sa Mindanaw, partikular na sa mga lalawigan ng Surigaw at Hilagang Dabaw. Sa Surigao, kilala sila bilang ang mga Mamanwa, at Ata naman sa Hilagang Dabaw. Magkakaiba ang mga gawi ng bawat pangkatin ng mga Negrito: nilalarawang mapupusok ang mga Aeta ng Kagayan at Isabela; "kimi, maraming mga bulaklak sa katawan, at patagu-tago" ang mga Batak sa Palawan. Tinatayang maaaring magkakahiwalay at magkakaiba ang panahon ng pagdating nila sa Pilipias, at "daan-daan o libu-libong taon ang pagitan" ang pagitan ng mga kapanahunang ito.[1]

Kayariang henetika[baguhin]

May pinasasuhang pangkaraniwang katangiang pangkatawan ang mga Negrito at ang mga populasyon ng pigming Aprikano, kasama ang pagkakaroon ng mababang taas at maitim na balat, subalit hindi pa rin natitiyak ang pinagmulan at ruta ng kanilang migrasyon patungong Asya. Malayo ang kanilang mga katangiang panghenetika mula sa mga Aprikano at nagpapakitang nagsangan ng maaga mula sa mga Asyano, isang pagpapahiwatig na maaaring mga kamag-anak sila ng mga mamamayang naglakbay palabas ng Aprika, o kaya sila ang mga supling na inapo o hinlog ng isa sa mga populasyong tagapagtatag ng mga makabagong tao.[6] Bagaman, noong 1899, nilarawan sila ni Alden March na "walang dudang nagmula sila sa mga liping Aprikano" at bilang mga aborihen ng Pilipinas na may higit sa 600,000 ang bilang noong mga panahong iyon.[7] Bagaman pagalagala ang karamihan sa mga Negrito, mayroon ding tumigil sa mga yungib at sa gilid ng mga bundok, ang dahilan kung bakit tinawag din silang mga taong-bundok. Mayroon namang mga gumamit ng mga pansamantalang tahanang yari sa mga sanga at dahon ng mga punongkahoy. Palipat-lipat sila ng tirahan upang humanap ng mga makakain. Nangangalap sila ng mga prutas, halamang-ugat, at anumang halamang maaaring kainin. Umasa rin sila sa kanilang kapaligiran kung kaya't nangisda at nangaso sila.

Mga sanggunian[baguhin]

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 "Negrito", Hindi ba Negrito ang unang tao sa Pilipinas?, Ang Unang Tao, Elaput.org
  2. Encyclopædia Britannica, ika-11 edisyon, 1910–1911: "Second are the large Negrito family, represented in Africa by the dwarf-races of the equatorial forests, the Akkas, Batwa, Wochua and others..." (p. 851)
  3. Liu, James J.Y. The Chinese Knight Errant. London: Routledge at Kegan Paul, 1967 (ISBN 0-226-48688-5)
  4. Snow, Philip. The Star Raft: China's Encounter With Africa. Palimbagan ng Pamantasang Cornell, 1989 (ISBN 0-8014-9583-0)
  5. March, Alden. The history and conquest of the Philippines and our other island possessions; embracing our war with the Filipinos in 1899, nilimbag noong 1899.
  6. Kashyap VK, Sitalaximi T, Sarkar BN, Trivedi R 2003. Molecular relatedness of the aboriginal groups of Andaman and Nicobar Islands with similar ethnic populations. The International Journal of Human Genetics, 3: 5-11.
  7. March, Alden. The history and conquest of the Philippines and our other island possessions; embracing our war with the Filipinos in 1899, nilimbag noong 1899, (...) Throughout the Philippine Islands are found mountain tribes known as Negritos. They are the aborigines, and are doubtless of African descent. They are black with kinky hair. About forty or fifty families of them usually live together. Their weapons are of bamboo, and they poison their arrows and spears. There are over 600,000 of them in the islands. (...), sa pahina 29.