Pantayong pananaw
Ang pantayong pananaw ay isang konsepto at hinuha ng historyador na si Dr. Zeus A. Salazar na nag-aadhika ng isang nagsasariling diskurso ng mga Pilipino sa wikang pambansa para sa kasaysayan at agham panlipunan.
Mga pangunahing konsepto
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sabi ni Salazar, ang kasaysayan daw ay isang salaysay hinggil sa nakaraan na may saysay para sa sinasalaysayang pangkat ng tao o salinlahi. Ang bagong kasaysayan ay ang pagsasanib at pagtatagpo nito sa ideya ng inangking kasaysayan sa loob ng diwa ng makabayang pagkilos at pantayong pananaw na pangkabuuang Pilipino.[1]
Napapaloob ang kabuuan ng pantayong pananaw sa pagkaugnay-ugnay ng mga katangian, halagahan, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan—kabuuang nababalot sa, at ipinapahayag sa pamamagitan ng isang wika.[2] Dagdag pa ni Salazar, magkakaroon lamang ng pantayong pananaw kapag gumagamit ang lipunan at kalinangan ng Pilipinas ng mga konsepto at ugali na alam ng lahat ang kahulugan na magiging talastasang bayan.[3]
Tungkol naman sa wikang Filipino at kaugnayan nito sa kasaysayan, pahayag ni Salazar na hindi ito payak na tagapagpahiwatig, tagapagpahayag at tagapag-ugnay ng kasaysayan. Mabisa rin daw ito bilang imbakan o pinagkukunan ng kasaysayan dahil dito umaagos ang kalinangan at karanasan. Sa pamamagitan daw ng wikang pambansa, nagkaroon ang pag-iintindi sa kasaysayan bilang isang bukas at lantad sa pamimigatan ng pagbibigay kahulugan, kabuluhan, katuturan. Maaaring tingnan ang wikang Filipino bilang isang kapangyarihan ng nagpapalaya sa bayan at pagiging Pilipino ng kasaysayan.[4]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Atoy M. Navarro, Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan, 11-12. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.
- ↑ Zeus A. Salazar, “Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan,” sa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, eds. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, 82. Lungsod ng Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997.
- ↑ Zeus A. Salazar, “Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag” sa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, eds. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, 56. Lungsod ng Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997.
- ↑ Atoy M. Navarro, Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan, 2. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.