Panukala

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Ang panukala o teoriya ay isang salitang maraming kahulugan. Sa una, ang panukala ay maaaring isang magkakaugmang pangkat ng nasubukan nang panglahatang mga mungkahi, na itinuturing bilang tama o tumpak, na maaaring gamitin bilang mga prinsipyo ng paliwanag at prediksiyon (hula) para sa isang uri ng kababalaghan. Halimbawa ng panukala, sa ganitong diwa, ang panukala ng relatibidad ni Albert Einstein. Sa ganitong konteksto, ang panukala o teoriya ay katumbas ng mga salitang prinsipyo, batas, at doktrina.[1]

Sa ibang paggamit, ang panukala ay maaaring isang iminungkahing paliwanag na ang kalagayan ay hindi pa isang sapantaha o hagap at kailangan pang ipasailalim sa eksperimentasyon. Sa ganitong diwa, ang panukala ay ang kabaligtaran ng matagal nang nailunsad na mga proposisyon na itinuturing na bilang nag-uulat ng talagang katotohanan. Sa ganitong konteksto, ang panukala ay katumbas ng mga salitang ideya, nosyon, hipotesis, at postulado; na kabaligtaran naman ng mga salitang gawain, beripikasyon, koroborasyon at substansiyasyon.

Sa larangan naman ng matematika, ang panukala ay isang katawan ng mga prinsipyo, mga teorem, o katulad pa ng dalawang ito, na kabilang sa isang paksa. Isang halimbawa ng panukalang pangmatematika ang panukala ng bilang. Maaari rin itong gamitin para sa larangan ng agham at sining. Sa pang-agham at pangsining na paggamit, ang panukala o teoriya ay nakatuon sa mga prinsipyo o mga pamamaraan ng agham at sining, na maipagkakaiba mula sa gawain o paggawa sa agham o sining. Isang halimbawa sa diwang pansining o pang-agham ang teoriya ng musika.

Ang panukala ay maaari ring isang pagkabatid o pananaw sa isang bagay na gagawin, o kaya ng metodo ng paggawa nito. Ang panukala ay maaari pa ring isang sistema ng mga panuntunan o mga prinsipyo. Sa ganitong diwa, isang halimbawa ang nasa pangungusap na "ang nagsasalungatang mga panukala kung paano pinakamainam na matututo ang mga bata kung paano magbasa."

Ang salitang teoriya ay hinango mula sa salitang Ingles na theory at sa salitang Kastilang teoría. Ang salitang Ingles na theory ay hinango mula sa isang katagang teknikal sa pilosopiya ng Sinaunang Gresya. Ang salitang theoria, θεωρία, na may kahuluang "isang pagtingin sa, tinatanaw, pagmamasid", at tumutukoy sa pagdidilidili (kontemplasyon) o espekulasyon (pagbabaka-sakali), na kabaligtaran ng aksiyon.[2] Ang salitang teoriya ay natatanging madalas na ipinagkakaiba mula sa "gawain" o "pagsasagawa" (na sa Ingles ay practice, na hinango mula sa Griyegong praxis, πρᾶξις) isang katagang Griyego para sa "ginagawa", na salungat sa teoriya dahil hindi kasangkot sa teoriya ang paggawa na bukod sa sarili nito.

Mga sanggunian[baguhin]

  1. theory, dictionary.reference.com
  2. Ang salitang "teoriya" ay ginamit sa pilosopiyang Griyego, halimbawa na ang kay Plato. Kaugnay ito ng mga salita para sa θεωρός "manonood", θέα thea "isang tanawin" o "isang pananaw" + ὁρᾶν horan "tingnan", literal na isang "pagtanaw sa isang palabas". Tingnan halimbawa na ang mga ipinasok sa diksyunaryo sa websayt na Perseus. Ang salita theory ay ginagamit na sa wikang Ingles magmula noong hindi bababa sa hulihan ng ika-16 daantaon. Harper, Douglas. "theory". Online Etymology Dictionary. http://www.etymonline.com/index.php?term=theory. Nakuha noong 2008-07-18.