Punong Ministro ng Pilipinas

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Ang Punong Ministro ng Pilipinas ang pinuno ng pamahalaan ng Pilipinas. Ang posisyong ito ay umiral sa Pilipinas mula 1978 hanggang 1986. Ang Presidente del Consejos de Gobierno ng Pilipinas ay sinasabing isang limitadong bersiyon ng posisyong ito na temporaryong umiral noong 1899.

Saligang Batas ng Pilipinas ng 1973[baguhin | baguhin ang batayan]

Iminungkahi ang pagpapalit ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935 sa kadahilanang binuo ito habang ang Pilipinas ay kolonya pa ng Estados Unidos at kaya ay gawa ng impluwensiyang Amerikano at hindi na napapanahon ang mga tadhana nito sa paglutas ng mga suliranin at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan. Pinagtibay ng Kongreso noong 24 Agosto 1970 ang Batas Republika Bilang 6132 na nanawagan para sa isang Kumbensiyong Konstitusyonal sa taong 1971 at ginanap noong 10 Nobyembre 1970 ang halalan ng 320 delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Ang Kumbensiyong Konstitusyonal ay nagtipun-tipon noong unang araw ng Hunyo 1971 ngunit bago matapos ang Kumbensiyon ay idineklara ni Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 1972 at ipinabilanggo ang ilang mga delegadong laban kay Marcos. Noong Mayo 19, 1972, binunyag ng delegadong si Eduardo Quintero (na dating embahador ng Pilipinas sa United Nations mula sa Leyte) ang panunuhol ng ₱11,150 ng isang pangkat upang impluwensiyahan ang kanyang pagboto sa panukala sa Kumbensiyon ng nagbabawal sa muling pagtakbo sa halalan ng Pangulo at nagbabawal sa asawa ng pangulo na tumakbo bilang pangulo. Tinukoy ni Quintero na ang pangkat na nanuhol ay kinabibilangan ng 12 delegado mula sa Samar-Leyte kasama nina Imelda Marcos at Paz Mate na asawa ni Rep. Artemio Mate ng Leyte.

Nagpalabas si Marcos ng Kautusuan pamapanguluhan 73 noong 30 Nobyembre 1972 na nagtatakda ng plebisito na idadaos sa 15 Enero 1973 upang pagbotohan ang iminungkahing Saligang Batas. Nagpalabas si Marcos ng isang kautusang pampanguluhan 86 na lumilikha sa bawat baryo ng mga munisipyo o bayan at sa bawat distrito sa mga lungsod ng mga Asembleya ng mga mamamayan o Citizen Assemblies upang palakihin ang saligan ng paglahok ng mga mamamayan sa isang pamamaraang demokratiko. Noong Enero 10–15, 1973, pinagtibay ng mga Asembleya ang Saligang Batas. Nagkabisa ang bagong saligang Batas noong 17 Enero 1973 sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 1102 ni Marcos na may botong pabor na 14,976,561 at botong pagtutol na 743,869. Ang balidad ng pagpapatibay ng 1973 Saligang Batas ay tinutulan sa ilang mga kasong isinampa sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas. Kabilang sa mga puntong itinaas laban sa balidad ng pagpapatibay nito ang: ang pagboto ay sa pamamagitan ng bibig samantalang ang artikulo 15 ng Saligang Batas ay nag-aatas ng pagboto, ang mga bilang ng pagboto na binanggit sa proklamasyon 1102 ay nilikha nina Benjamin Romualdez samantalang ang mga komisyoner ng COMELEC na tumangging lumahok sa proseso ng pandaraya ay pinaalis, at walang malayang ekspresyon ang mga tao dahil sa klima ng takot na nalikha ng Batas Militar. Ang petisyong kumukwestiyon sa balidad nito ay ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman sa botong 6-4.[1]

Ang balangkas ng mungkahing bagong Saligang Batas ay pinagtibay noong 29 Nobyembre 1972. Kabilang sa mga tadhana ng binuong Saligang Batas ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan mula sa pampanguluhan (presidential) patungo sa parlamentaryan kung saan ang Pangulo ang siyang kakatawan sa pamumuno ng estado, ang isang Punong Ministrong inihalal ng Pambansang Asembleya ang gaganap ng kapangyarihang pampamahalaan kasama ng kanyang Gabinete, at ang isang Pambansang Asembleya na binubuo ng isang kapulungan (unicameral) ang may kapangyarihan sa paggawa ng batas.

Ayon sa mga probisyong paglipat ng Saligang Batas, dapat tipunin agad ni Marcos ang Interim Pambansang Asemblea sa pagpapatibay ng 1973 Saligang Batas at ang Asembleang ito ay dapat namang humirang ng interim Pangulo at interim Punong Ministro. Gayunpaman, ito ay hindi ginawa ni Marcos at sinuspinde ni Marcos ang pagpapatupad ng 1973 Saligang Batas sa kadahilanang may panahon ng emerhensiya at kinailangan niyang ipagpatuloy ang Batas Militar.[1] Sa halip, si Marcos ay nagmungkahi ng mga amiyenda sa isang reperendum noong 16 Oktubre 1976 na pinagtibay noong 1976 na kinabibilangan ng mga tadhanang: paghalili ng Interim Batasang Pambansa para sa Interim Pambansang Asemblea, na ang kasalukuyang Pangulo ay magpapatuloy na magsanay ng mga kapangyarihan sa ilalim ng 1935 Saligang Batas at ng lahat ng mga kapangyarihang ipinagkaloob sa Pangulo ng Pilipinas at Punong Ministro ng Pilipinas ng 1973 Saligang Batas, at ang Pangulo ay magpapatuloy na magsanay ng mga kapangyarihang paggawa ng batas hanggang sa iangat ang Batas Militar.

Mga Punong Ministro[baguhin | baguhin ang batayan]

Ferdinand Marcos (1978-1981)[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong Abril 7, 1978, idinaos ang unang halalan para sa Batasang Pambansa kung saan nakuha ng partido ni Marcos ang 152 ng 165 upuan nito na gumawa kay Ferdinand Marcos na Punong Ministro. Inakusahan ng oposisyon si Marcos ng pandaraya sa pagbilang ng mga balota.[2]

Cesar Virata (1981-1986)[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong Hunyo 30, 1981, si Cesar Virata ay hinirang na Punong Ministro matapos manalo ni Marcos sa halalang pampanguluhan.

Salvador Laurel (1986)[baguhin | baguhin ang batayan]

Nang mahalal na pangulo si Corazon Aquino noong 1986, hinirang niya si Salvador Laurel bilang Punong Ministro. Ang posisyon ng Punong Ministro ay binuwag noong Marso 1986 sa paglabas ng Proklamasyon Bilang 3.

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.0 1.1 The United States Constitution: Its Birth, Growth, and Influence in Asia, Joseph Barton Starr
  2. http://www.ipu.org/parline-e/reports/arc/PHILIPPINES_1978_E.PDF