Pumunta sa nilalaman

Rita Gomez

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Rita Gomez
KapanganakanMayo 22, 1935
KamatayanMayo 9, 1990 (gulang na 54)
NasyonalidadFilipino
TrabahoArtista
Aktibong taon1940s -1985
AsawaRic Rodrigo (1950s; naghiwalay)

Si Rita Gomez (Mayo 22, 1935 - Mayo 9, 1990) ay isa sa mga batikang artista na namayagpag sa industriya ng Showbiz noong dekada '50 hanggang '70. Siya'y higit na nakilala sa pagganap ng mga papel na pandrama at kadalasa'y gumaganap ng mga papel na Doña sa katagalan ng kanyang karera.

Si Rita Gomez ay isinilang noong Mayo 22, 1935 sa Bayan ng Aturan sa Sta. Cruz, Marinduque sa mag-asawang Angel Gomez at Luciana Arce. Siya ay nagtapos ng elementarya sa Kanilang bayan ngunit sa Maynila na siya nagtapos ng kanyang sekondarya't kalauna'y kumuha ng kursong Journalism sa Pamantasan ng Santo Tomas.

Habang estudyante sa naturang pamantasa'y natuklasan siya at inirekomenda ni Leonora Ruiz, isang naturang character actress ng Premiere, kay Doña Adela Santiago, ang may-ari ng pamosong istudyong Premiere Productions kung saan siya unang lumabas sa mga pelikula. Hindi naging madali para kay Rita ang magtamo ng katanyagan at pagkilala kaya naisipan niyang lumipat sa ibang kumpanyang pampelikula kung saan siya'y inalok Doc Perez na siyang tagapamahala ng Produksyong pampalikula na Sampaguita Pictures na gumanap bilang artista sa bakuran nito noong 1953, kung saa'y mas higit pa siyang nakilala bilang isang drama actress, at noong taong 1958, ay nagwagi siya bilang FAMAS best actress para sa pelikulang "Talipandas."

Simula noong mga dekada '60, si Rita'y nagsimulang maging isang freelancer, at ang ilan sa mga kilalang pelikula na kanyang ginampanan sa mga panahong ito ay ang pelikulang "Pagdating sa Dulo" sa ilalim ng direksyon ni Ishmael Bernal noong 1971. Isang taon bago niya'y muli siyang nagkamit ng kanyang ikalawang parangal bilang isang FAMAS best actress para sa pelikulang "Bakit Ako pa?" Noong 1970. Siya rin ang kauna-unahang aktres na gumamit ng titulong "Miss." kapag siya ay bibida o gaganap sa isang pelikula. Ginawa ito ng kanyang tagapamahala upang mapanatili ang kanyang reputasyon bilang isa sa mga kinikilalang aktres ng panahong iyon ng dahil sa pagsulpot ng mga pelikulang Bomba noong 1970's.

Sa Kabuoan ng kanyang karera bilang isang artista sa puting tabibg ay lumabas siya sa 80 na mga pelikula, ang kahuli-hulihang pagganap niya'y noong 1985.

Bukod sa pagganap sa Pelikula'y gumaganap rin siya sa telebisyon, isa rin siyang mahusay na manunulat na bihasa sa pagsalita ng wikang Ingles, at siya rin ang kadalasang inaasam-asam na maging isang panauhing pandangal sa mga programang pantelebisyon at pampaaralan.

Si Rita Gomez ay pumanaw noong Mayo 9,1990 sa New York, Estados Unidos sa Gulang na 54 lamang nang dahil sa Kanser, labing tatlong araw bago ang pagsapit ng kanyang ika-55 na kaarawan.

Si Rita Gomez ay nakaisang dibdib ng batikang artistang si Ric Rodrigo noong 1950's at ito ay nagbunga ng dalawang supling: Sina Albert Paul Jr. At si Ronald Bregendahl na kalauna'y naging isang artista rin noong 1980's. Nang dahil sa mahigpit na mga konserbatibong paniniwala ng kanyang kabiyak, silang dalawa'y nagpasya na maghiwalay noong 1960's.

1952 - Sawa sa Lumang Simboryo; bilang si Martha

1954 Maldita

1957 Kanto Girl

1958 - Mga Reyna ng Vicks; bilang si Rita Villamor

1959 Talipandas; bilang si Esperanza

1971 - Pagdating sa Dulo; bilang si Paloma Miranda

1974 Target...Eva Jones

1974 Daigdig ng Sindak at Lagim

1979 - Salawahan ; bilang si Marianne David