Pumunta sa nilalaman

Alicia P. Magos

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Alicia P. Magos
Kapanganakan1945/1946 (gulang 78–80)[a]
NasyonalidadFilipino
NagtaposWest Visayas State College (BA)
Unibersidad ng Pilipinas Diliman (MA, Ph.D.)
TrabahoAnthropologo, propesor, may-akda, mananaliksik
Kilala saPag-aaral sa mga Panay Bukidnon, Sigudanon, binukot at babaylan

Si Alicia P. Magos (ipinanganak noong c. 1945/1946[a]) ay isang antropologong sosyokultural at isang emeritang propesor ng Unibersidad ng Pilipinas Visayas (UPV) sa Iloilo. Isa rin siyang may-akda ng malawak at nailathalang mga gawa sa kalinangan ng Kanlurang Visayas lalo na sa mga katutubong Panay Bukidnon. Isa siya pinuno ng koponan na natanggap ang International Literary Research Award (Gawad Internasyunal na Pananaliksik Pampanitikan) ng UNESCO[1] at isa sa Ten Outstanding Teacher (Sampung Namumukod-tanging Guro) ng 1999 ng Pundasyong Metrobank.[2]

Sa Antique ang kanyang tahanang lalawigan kung saan naging kasangguning pangkalinangan nito.[3] Halos 40 taon ng kanyang buhay ay ginugol bilang kawani ng pamahalaan na karamihan ay nagtrabaho bilang mananaliksik, propesor, manggagawang ekstensyon sa UPV Iloilo.

Ipinanganak noong mga 1945 o 1946,[a] nagmula si Alicia P. Magos sa Antique, ang kanyang tahanang lalawigan. Natapos niya ang kanyang Batsilyer ng Sining sa Edukasyong Elementarya sa West Visayas State College (lit. na Estadong Kolehiyo ng Kanlurang Kabisayaan) sa Lungsod ng Iloilo noong 1970.[1] Pinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) at kinuha niya ang Maestriya ng Sining sa Pagtuturo ng mga Araling Panlipunan.[1] Natapos naman niya ang kanyang Maestriya ng Sining sa Antropolohiya noong 1978 at Doktor ng Pilosopiya sa Araling Pilipino noong 1986 sa Sentrong Asyano (Asian Center) ng UPD.[4][1]

Nakilala si Magos bilang antropologong sosyokultural na may halos 40 taon na naging kawani ng pamahalaan ng Pilipinas na karamihan sa mga taon na ito ay ginugol niya sa pagiging mananaliksik, propesor at manggagawang ektensyon sa Unibersidad ng Pilipinas Visayas (UPV) sa Miagao, Iloilo.[3] Pinakakilala siya sa pagsimula ng pagkilala ng kalinangan ng Panay Bukidnon, na nagbigay sa katutubong ito ng plataporma at kapangyarihan. Nagsaliksik din siya sa mga binukot at babaylan.[5][6]

Mga pananaliksik sa mga Sugidanon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isa sa mga kilalang gawa ni Magos ang pagkuha ng mga Sugidanon, ang mga epiko ng Panay, na naipasa-pasa ng mga Panay Bukidnon o mga Suludnon sa tradisyong pasalita sa pamamagitan ng pagkanta. Unang naglakbay sa bundok ng Gitnang Panay si Magos noong 1993 habang nakabakasyon siyang sabatiko sa UPV para itala ang isang epiko sa tulong ng kaloob (o grant) mula sa pamahalaan ng Pransiya.[4] Nang binisita niya ang Barangay Garangan sa may hangganan ng Calinog,.Iloilo at Tapaz, Capiz, nakilala niya ang isang babaylan na nagngangalang Anggoran (pangalang Kristiyano: Preciosa “Susa” Caballero) na inaawit ang Sugidanon o mga epiko ng Panay.[4][7]

Inorganisa ni Magos ang mga Sugidanon sa labing-tatlong bolyum ng 10 epiko:[8][9]

  1. Tikum o Tikong Kadlum (Isang Itim, Maamo, Mahiwagang Asong Pangngangaso ni Datu Paiburong)
  2. Amburukay (Mahiwagang Ermitanya)
  3. Derikaryong Pada (Gintong Medlayon)
  4. Balanakon (Isang Batang Mandirigmang Epiko)
  5. Kalampay (Mahiwagang Alimasag)
  6. Pahagunong (Diyos ng Mas Mataas na Mundo)
  7. Sinagnayan (Ang Hininga ng Buhay na Tinago sa Ginuntuang Puso ng Leon)
  8. Humadapnon (Isang Marangal na Tao sa isang Yungib na Mahikal)
  9. Pagbalukat ka Biday (Pagkuha ng Ginuntuang Bangka)
  10. Hungaw (Ang Pagkakasundo ng Kasal nina Humadapnon at Mali)
  11. Ginlawan (Isang Karaniwang Batas)
  12. Nagbuhis (Rito o Alay Pangseremonya)
  13. Alayaw (Isang Mabangong Bulaklak)

Nailunsad ang karamihan sa mga epikong ito ng University of the Philippines Diliman Press[3] at nanalo ang salin ng Tikum Kadlum sa Kinaray-a / Hiligaynon ng National Book Award for Poetry (lit. na 'Pambansang Parangal Pang-aklat para sa Panulaan') para sa 2015 mula sa National Development Board (lit. na 'Lupon ng Pambansang Pag-unlad') at ang Manila Critique’s Circle (lit. na 'Kapisanan ng mga Kritiko sa Maynila').[10] Ang Suludnon at Gawad sa Manlilikha ng Bayan na si Federico Caballero ang pangunahin mang-aawit ng mga Sugidanon na kinolekta ni Magos at nailathala ng University of the Philippines Diliman Press.[10] Bago nailathala, unang sinumite ni Magos ang mga epikong ito sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts o NCCA) noong 1996.[4]

Bagaman may mga papuri sa mga gawa ni Magos, pinuna ni Tomasito Talledo, isang propesor din ng UPV,[11] ang kanyang pagsisikap sa pag-aaral ng mga epikong Sugidanon at sinabing "Magos conflated the epics of Central Panay with the world of practical realities out of which these epics originated...succumbed to the unreflexive and naive procedure and standpoint of ethnographic realism. (Pinagsama-sama ni Magos ang mga epiko ng Gitnang Panay sa mundo ng mga praktikal na realidad kung saan nagmula ang mga epikong ito...bumigay sa walang ingat at simpleng pamamaraan at paninindigan ng realismong etnograpiko)."[4] Partikular na pinuna ni Talledo ang lathain ni Magos noong 1999 na Sea Episodes in the Sugidanon (Epic) and the Boat-building Tradition in Central Panay kung saan sinabi ni Talledo na inisip ni Magos ang ugnayan sa pagitan ng mundong mitiko ng mga epiko sa praktikal na buhay ng mga Panay Bukidnon. Hinambing ni Talledo na ang mga bangka sa epiko ay detalyado ang disenyo habang sa katunayan gumawa ang mga Panay Bukidnon ng payak at nagagamit na mga bangka sa kasalukuyan. Kaya dinagdag pa ni Talledo na ang komprehensibong etnograpiya ay hindi dapat ibukod ang makalupa at nakagawiang buhay ng mga taong pinag-aaralan, at naipakita sana ni Magos ang mas komprehensibong paglalarawan ng mga Panay Bukidnon.[4]

Mga pananaliksik sa mga binukot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Inusisa din ni Magos ang mga binukot mula sa sosyo-politikal na pananaw nang una niyang masusing pag-aralan ang tradisyon ng "ma-aram" (Babaylan) sa Antique.[6] Naitampok ang mga binukot sa programang pantelebisyon ng GMA Network na i-Witness sa episdoyong "Ang Huling Prinsesa" noong 2004 kung saan kinapanayam si Magos ni Kara David tungkol dito.[12] Naging inspirasyon ang episodyong ito tungkol sa binukot ng isa pang seryeng pantelebisyon ng GMA Network, ang Amaya,[13] kung saan pinuna ito ni Magos dahil ang paggamit ng salitang binukot, na nakahiwalay ito sa nararapat na konteksto pangkasaysayan at pangkalinangan upang katawanin ang mga karakter sa isang kathang-isip na kuwento, ay maaring maging mapanlinlang.[14]

Mga iba pang tungkulin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naglingkod si Magos bilang direktor ng Center for West Visayan Studies (CWVS, lit. na 'Sentro para sa Araling Kanlurang Kabisayaan') mula 1996 hanggang 2002.[15] Patuloy siyang nagsisilbing pinuno ng Komiteng Kapatagan ng siyam na taon bago ito napalitan ng pangalan na Komiteng Gitnang Kabisayaan (o Central Visayan Committee) ng NCCA.[3] Naging boluntaryo din siya ng NCCA noong mga panahon nang naging punong kampanya ng NCCA ang Schools for Living Tradition (SLT, lit. na 'Mga Paaralan para sa Tradisyong Buhay'), at naging tagapanguna siya ng SLT sa Kabisayaan at ng kanyang adbokasiya para sa kulturang katutubo.[16]

Naging kasangguning pangkalinangan din siya ng kanyang tahanang lalawigan, ang Antique,[17] at naging kasangguni-mananaliksik ng Rehiyon 6 ng Pambansang Komisyon sa mga Katutubong Mamamayan.[18] Kasangguni naman siya ngayon ng DENR Project Panay-Guimaras Project Traditional Knowledge Systems for Cultural Resiliency and Sustainable Development (lit. na 'Proyektong DENR Proyektong Panay-Guimaras na mga Sistema ng Kaalamang Tradisyunal para sa Katatagang Pangkalinangan at Napapanatiling Pag-unlad').[4][19] Isang may-akda din si Magos na nakapaglathala na sa Pilipinas at sa ibang bansa ng maraming publikasyon sa iba't ibang dyornal, aklat, at iba pa.[3]

Sa pananaliksik ni Magos sa mga kulturang katutubo sa pulo ng Panay, napanalunan niya noong 1996 ang Pinakamahusay na Pag-aaral na Pananaliksik sa Southeast Asian Ministries Education Organization (SEAMEO, lit. na 'Samahang Edukasyong Ministeryo ng Timog-silangang Asya').[17] Isa siya sa sampung pinuno ng koponan na nanalo ng International Literary Research Award (Gawad Internasyunal na Pananaliksik Pampanitikan) ng UNESCO sa nilathalang gawa na pinamagatang Learning from Life (1994).[3][1] Noong 1999, napasama siya sa isa sa Ten Outstanding Teacher (Sampung Namumukod-tanging Guro) ng Pundasyong Metrobank.[2]

Nagawaran din siya ng pagkikila ng sistemang UP nang pinarangalan siya bilang Pinakatanging Alumna (o Nagtapos) ng UPV noong 2003, at Pinakanamumukod-tanging Alumni (o Nagtapos) sa UP sa larangan ng Antropolohiya noong 1995.[1][3] Ginawad din sa kanya ang titulong Kampeon ng Wika ng Komisyon ng Wikang Filipino noong 2014.[20] Natanggap din niya ang Gawad Paz Marquez Benitez ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas para sa kanyang mga pananaliksik pang-antropolohiya, pagtuturo, at gawa sa mga Panay Bukidnon at pagdadala niya ng mga epiko ng Panay sa mundo.[21]

Mga nailathalang gawa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Magos, Alicia P. (1994). "The Concept of Mari-it in Panaynon Maritime Worldview in Visayan Fisherfolks". VMAS, CSSP, UP Diliman (sa wikang Ingles). I.
  • Magos, Alicia P. (1994). "Barko nga Bulawan: Tale of the Golden Boat in Panay Island". VMAS, CSSP, UP Diliman (sa wikang Ingles). II.
  • Magos, Alicia P. (1995). "The Binokot (Kept-Maiden) in a Changing Socio-Cultural Perspective". Edukasyon. UP-ERP Journal, UP Diliman (sa wikang Ingles).
  • Magos, Alicia P. (June 1996). "The Suguidanon of Central Panay, Danyag". Journal of the Social Sciences & Humanities, UPV (sa wikang Ingles).
  • Magos, Alicia P. (1992). The Enduring Ma Aram Tradition: An Ethnography Of A Kinaray A Village In Antique (sa wikang Ingles). Lungsod Quezon: New Day Publishing House. ISBN 9711005069.
  • Magos, Alicia P. (1995–1996). Ethnography of Calinaw, Iloilo (Tribal Community) (sa wikang Ingles). Lungsod Quezon: UP/ERP-DECS/BNFE.
  • Magos, Alicia P. (1995–1996). Ethnography of Magdalena, Iloilo (Hacienda Type Community) (sa wikang Ingles). Lungsod Quezon: UP/ERP-DECS/BNFE. ISBN 971-622-005-7.
  1. 1.0 1.1 1.2 Sa isang paskil sa opisyal na pahinang Facebook ng Pambansang Museo ng Pilipinas noong Marso 2021, si Alicia P. Magos ay nasa gulang na 75[22] na tinatayang sinilang siya noong mga 1945 o 1946.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 "Biodata of Dr Alicia P Magos, 1997 SEAMEO-Jasper Fellowship Awardee". Seameo.org (sa wikang Ingles). 2002-03-20. Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-03-04. Nakuha noong 2016-05-05.
  2. 2.0 2.1 "Roster of Awardees for Teachers" (PDF). Metrobank Foundation (sa wikang Ingles). 2022. Nakuha noong 2025-03-19.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 UPV-CWVS-IPRC (2022-11-07). "Narrative Biodata of Alicia P. Magos, PhD". University of the Philippines Visayas (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-11.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 4.6 Talledo, Tomasito (13 Enero 2013). "Construction of Identity in Central Panay: A Critical Examination of the Ethnographic Subject in the Works of Jocano and Magos" (PDF). Asian Studies: Journal of Critical Perspectives on Asia (sa wikang Ingles). ASJ-40-1-2004.
  5. Algo, John Leo C. (2013-02-23). "The Babaylan Forum at Bago City". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  6. 6.0 6.1 Abrera, Maria Bernadette L. (2008–2009). "Seclusion and Veiling of Women". Philippine Social Sciences Review. 1 (sa wikang Ingles). 60. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-06-19.
  7. Clark, Jordan (2022-11-27). "Summary of the Sugidanon (Epics) of Central Panay • THE ASWANG PROJECT". THE ASWANG PROJECT (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-17.
  8. Magos, Alicia P. (Hunyo 1996). "The Suguidanon of Central Panay, Danyag". Journal of the Social Sciences & Humanities, UPV (sa wikang Ingles).
  9. Caballero-Padernal, Elsie (2021). "The Panay Bukidnon Sugidanon (Epic) and Prototype Glossaries for Epic Excerpts" (PDF). Philipine Journal of Social Sciences and Humanities: Danyag (sa wikang Ingles). 22.
  10. 10.0 10.1 Cruz, Isagani. "More National Book Awards". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  11. Alelis, Mr Carlson (2024-01-02). "Talledo finishes 40-year teaching career on a high note". University of the Philippines Visayas (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  12. Tan, Michael L. (2015-08-26). "Princesses and whiteners". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  13. "iWitness docu that inspired 'Amaya' to replay on GMA News TV this June 3". GMA News Online (sa wikang Ingles). 2011-06-02. Nakuha noong 2025-03-18.
  14. Burgos Jr, Nestor P. (2011-06-11). "Culture scholars say 'Amaya' is inaccurate, misleading". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-17.
  15. Ramirez, Mr Sashah Dioso with Ms AL (2023-06-27). "CWVS celebrates 48th anniversary, hosts lecture of visiting scholar". University of the Philippines Visayas (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  16. Sugidanon Epics of Panay (sa wikang Ingles). University of the Philippines Press. 2014. ISBN 978-971-542-759-3.
  17. 17.0 17.1 "Alicia Magos - VIVA ExCon Antique 2023" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  18. "Blending culture and business in Iloilo". World Pulse (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  19. Palmares, Rey Alexander V.; Ramirez, Anna Razel (Hulyo–Agosto 2016). "UPV launches infastructure projects" (PDF). UPViews (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.{{cite web}}: CS1 maint: date format (link)
  20. "Apat na Kampeon ng Wika, pararangalan ng KWF | kwf.gov.ph" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-19.
  21. Go, Miriam Grace (2017-03-11). "National Writers Congress tackles PH war on drugs and literature April 29". RAPPLER (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-19.
  22. "Filipinas of Inspiration Series". Opisyal na pahinang Facebook ng Pambansang Museo ng Pilipinas (sa wikang Ingles). Marso 22, 2021. Nakuha noong 2025-03-18.