Pumunta sa nilalaman

Kasaysayang pansining

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Art history)
Ang Venus de Milo na nakatanghal sa Louvre.

Ang kasaysayang pansining o kasaysayang makasining (Ingles: art history) ay ang pang-akademiyang pag-aaral ng mga bagay na pansining o makasining na at ayon sa kaunlarang pangkasaysayan at mga kontekstong pang-estilo ng mga ito, halimbawa na ang henero, disenyo, pormato (anyo), at estilo.[1] Kabilang dito ang "pangunahing" mga sining ng pagpipinta, paglililok, at arkitektura; pati na ang mga "hindi pangunahing" sining ng seramiks, muwebles, at iba pang mga bagay na pampalamuti.

Bilang isang kataga, ang kasaysayang pansining (gayun din ang kasaysayan ng sining) ay sumasaklaw sa ilang mga kaparaanan ng pag-aaral ng mga sining na napagmamasdan; na sa karaniwang paggamit ay tumutukoy sa mga gawa o akda ng sining at arkitektura. Nagkakapatung-patong ang mga aspeto ng disiplinang ito. Ayon sa pagmamasid ng manunulat ng kasaysayang pansining na si Ernst Gombrich, ang larangan ng kasaysayang pansining ay katulad ng Gaul ni Caesar, na nahahati sa tatlong mga bahagi na pinaninirahan ng tatlong magkakaiba, bagaman hindi talagang mapandigmang mga tribo: (i) ang mga connoisseur o dalubhasa, (ii) ang mga kritiko o mga manunuri, at (iii) ang pang-akademiyang mga manunulat na pansining.[2]

Bilang isang disiplina, ang kasaysayang pansining ay ipinagkakaiba mula sa kritisismo ng sining, na nakatuon sa pagtatatag ng isang kaukol na halagang pansining sa mga akdang indibiduwal ayon sa ibang estilong mapaghahambingan, o nagtatakda ng isang buong estilo o pagkilos; at ang teoriya ng sining o ang "pilosopiya ng sining", na nakatuon sa pundamental na kalikasan ng sining. Ang isang sangay ng pook na ito ng pag-aaral ay ang estetika, na kinabibilangan ng pag-iimbestiga ng enigma (palaisipan o talinghaga) ng karilagan at pagtitiyak sa kahalagahan o kaibuturan ng kagandahan. Sa teknikal na kaisipan, hindi ang mga bagay na ito ang kasaysayang pansining , dahil gumagamit ang mga manunulat ng kasaysayang pansining ng kaparaanang pangkasaysayan upang sagutin ang mga katanungang "Paano ba nalikha ng alagad ng sining ang akda?", "Sino ba ang mga tagapag-adya?" ("Sino ba ang mga tagapagtangkilik o tagapagtaguyod?"), "Sinu-sino ba ang kaniyang mga guro?", "Sino ba ang kaniyang mga tagapanood (o tagapakinig)?", "Sino ba ang kaniyang mga alagad?", Anu-ano bang mga puwersang pangkasaysayan ang humubog sa oeuvre (obra) ng alagad ng sining?", at "Paano naapektuhan ng alagad ng sining at ng kaniyang likha ang kurso ng mga kaganapang pansining, pampolitika, at panlipunan?" Gayunpaman, walang katiyakan kung maaaring masagot na kasiya-siya ang ganitong maraming mga uri ng katanungan na hindi isinasaalang-alang din ang batayang mga tanong na patungkol sa kalikasan ng sining. Sa kasamaang palad, ang pangkasalukuyang puwang na nasa pagitan ng kasaysayang pansining at ng pilosopiya ng sining (estetika) ay kadalasang sumasagabal dito.[3]

Ang kasaysayang pansining ay hindi lamang isang pagsusumikap na pangtalambuhay. Kadalasang pinag-uugat ng mga manunulat ng kasaysayang pansining ang kanilang mga pag-aaral sa masusing pagsisiyasat ng bawat isang bagay. Kung gayon, tinatangka nilang sagutin sa pamamagitan ng mga pamamaraang pangkasaysayan ang mga katanungang katulad ng "Ano ba ang mga susing tampok ng estilong ito?", "Ano bang kahulugan ang ipinararating ng bagay na ito?" ("Ano ba ang ipinakakahulugan ng bagay na ito?"), "Paano ba ito nakakaganap kapag pinagmamasdan?", "Mainam ba ang pagkakaabot ng alagad ng sining sa kaniyang mga layunin?", "Ano bang mga sagisag ang kasangkot?", at "Maligoy (masalimuot) ba ang pagganap nito?"

Ang pinakamahahalagang mga bahagi na pangkasaysayan ng disiplina ay ang ganap na kronolohiya ng magagandang mga likhang kinumisyon ng madla o ng mga katawang panrelihiyon o mayayamang mga indibiduwal sa kanlurang Europa. Ang ganiyang "kanon" ay nananatiling tanyag, na ipinahihiwatig ng pagpili ng mga bagay na matatagpuan sa mga aklat-pampaaralan (aklat-aralin) na pangkasaysayan ng sining. Gayunman, magmula noong ika-20 daantaon ay nagkaroon na ng pagpupunyagi upang muling bigyan ng kahulugan ang disiplina upang masaklawan din ang mga sining na hindi Kanluranin, mga sining na ginawa ng kababaihan, at pagkamalikhaing bernakular (katutubo sa isang pook).

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Art History Naka-arkibo 2020-06-25 sa Wayback Machine.". WordNet Search - 3.0, princeton.edu
  2. Ernst Gombrich (1996). The Essential Gombrich, p. 7. London: Phaidon Press
  3. Cf: 'Art History versus Aesthetics', James Elkins (pamamatnugot) (New York: Routledge, 2006).