Pumunta sa nilalaman

Pagpapakalbo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa BMW)
Isang mongheng Budista mula Taylandiya na kinakalbo ang isang lalaking naghahanda ring maging mongheng Budista; ito ay kilala bilang tonsura o panot.

Ang pagpapakalbo, o ang pagiging kalbo sa sariling pasya, ay tumutukoy sa pag-aalis ng buhok mula sa ulo ng isang tao. Sa buong kasaysayan, may mga taong nagpapakalbo ng lahat o bahagi ng kanilang ulo dahil sa iba't ibang dahilan, kabilang ang estetika, kaginhawaan, kultura, moda, pagiging praktikal, parusa, ritwal ng pagdaraan, relihiyon, o istilo.

Sa salitang balbal sa Pilipinas, tinatawag ding pendong ang isang kalbo, isang katawagang lumaganap noong dekada 1980. Kaugnay ito ng pariralang pambata na binibigkas kapag nakakakita ng isang Volkswagen Beetle, na karaniwang tinatawag na "kotseng kuba" o "kotseng pagong". Matapos banggitin ang pariralang "Pendong, kotseng kuba!", karaniwang sinusundan ito ng pabirong pagbabatok at ng salitang "Peace!" (Kapayapaan!). Ang pagiging kalbo ay naging bahagi rin ng mga iskit ng komedya sa aliwang Pilipino.

Maagang kasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pinakamaagang mga tala sa kasaysayan na naglalarawan ng pagpapakalbo ay nagmula sa mga sinaunang kulturang Mediteraneo tulad ng Ehipto, Gresya, at Roma. Sa Ehipto, ang uri ng mga pari ay ritwal na nag-aalis ng lahat ng buhok mula ulo hanggang paa sa pamamagitan ng pagbubunot.

Kahalagahang panrelihiyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maraming mga Budista at Vaisnava, lalo na ang mga Hare Krishna, ang nagpapakalbo. Sa Hinduismo at sa karamihan ng Budismo, ang mga monghe at madre ay nagpapakalbo kapag pumapasok sa kanilang orden, at sa Korea, ang mga monghe at madreng Budista ay nagpapakalbo tuwing ika-15 araw.[1] Ang mga lalaking Muslim ay may opsiyon na magpakalbo matapos isagawa ang Umrah at Hajj, alinsunod sa tradisyon ng ganap na pagtalima sa Allah, subalit hindi sila inaatasang panatilihing kalbo ang ulo nang permanente.[2]

Bilang sagisag ng pagpapasailalim

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga inaliping tao

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa maraming kultura sa iba't ibang yugto ng kasaysayan, ang paggupit o pagpapakalbo ng buhok ng mga lalaki ay itinuring na tanda ng pagpapasailalim. Sa sinaunang Gresya at sa malaking bahagi ng Babilonya, ang mahabang buhok ay sagisag ng kapangyarihang pang-ekonomiya at panlipunan, samantalang ang kalbong ulo ay tanda ng isang alipin. Nagsilbi itong paraan ng amo upang ipakita na ang katawan ng alipin ay kanilang pag-aari, sa pamamagitan ng literal na pag-aalis ng bahagi ng pagkatao at indibiduwalidad ng isang tao.[3]

Malawakan ang paggamit ng pagpapakalbo sa larangan ng militar. Bagama't minsan itong ipinaliliwanag bilang usaping pangkalinisan, kinikilala rin ang imahe ng mahigpit at disiplinadong pagkakapare-pareho bilang mahalagang salik.[4] Para sa mga recruit o bagong pasok sa militar, maaari itong magsilbing ritwal ng pagdaraan, at ang iba’t ibang anyo nito ay naging sagisag ng karangalan.[5]

Bilangguan at parusa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karaniwang kinakalbo ang ulo ng mga bilanggo upang maiwasan ang pagkalat ng mga kuto, subalit maaari rin itong gamitin bilang paraang mapanghamak. Sa ilang pagkakataon, ang pagpapakalbo ay maaaring maging parusang itinakda ng batas.[6] Pinarusahan ng mga Nazi ang mga taong inakusahan ng paghahalo ng lahi sa pamamagitan ng pagpaparada sa kanila sa mga lansangan na may kalbong ulo at may mga plakard na nakasabit sa kanilang leeg na naglalahad ng umano'y kanilang mga ginawang krimen.[7]

Noong panahon at matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, libu-libong babaeng Pranses ang kinakalbo sa harap ng masisiglang nagmamasid bilang parusa sa pakikipagtulungan umano sa mga Nazi o sa pakikipagrelasyong seksuwal sa mga sundalong Nazi habang nagaganap ang digmaan.[8][9][10] May ilang babaeng Pinlandes din na kinakalbo dahil sa paratang na pakikipag-ugnayan sa mga bihag na sundalong Sobyet noong panahon ng digmaan.[11]

Praktikalidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga kompetitibong manlalangoy, sprinter (mananakbo ng maiikling distansiya), at jogger (mananakbong pampalakas-katawan) ay minsang ganap na nag-aalis ng lahat ng buhok sa kanilang katawan upang mabawasan ang resistensiya ng hangin o tubig habang nakikipagkumpetisyon.

Ang mga taong nakararanas ng pagkalagas ng buhok ay maaaring magpakalbo upang magmukhang mas maayos, para sa kaginhawaan, o upang umayon sa isang tiyak na istilo o kilusang pangmoda. Ang mga may alopesya areata o uri ng namamanang pagkalagas ng buhok ay madalas na pinipiling magpakalbo, na lalo pang naging karaniwan at tinatanggap sa lipunan mula pa noong dekada 1990.[12]

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Salitang balbal

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang kotseng Volkswagen Beetle na kapag nakikita ng mga batang Pilipino noong dekada 1980 ay binabatukan ang katabing bata at sinasabing "Pendong, kotseng kuba! Peace!" kung saan tumutukoy din ang "pendong" sa isang kalbo

Sa Pilipinas, may natatanging gamit at kahulugang pangkultura ang pagkakalbo, partikular sa pamamagitan ng salitang balbal na pendong, na ginagamit bilang tawag sa isang kalbo.[13] Ang katawagang ito ay lumaganap noong dekada 1980 at naging bahagi ng kulturang pambata at pangkabataan, lalo na sa mga urbanong lugar. Karaniwang iniuugnay ang "pendong" sa isang larong-biruan ng mga bata na isinasagawa kapag nakakakita ng sasakyang Volkswagen Beetle,[14] na madalas tawaging "kotseng kuba" o "kotseng pagong" dahil sa bilugan at makinis nitong hugis, na inihahambing sa ulo ng isang kalbo.

Sa larong ito, binibigkas ang pariralang "Pendong, kotseng kuba!" at sinusundan ng pabirong kilos, gaya ng magaan na pagbabatok sa katabing bata, na karaniwang tinatapos sa salitang "Peace!" (Kapayapaan!) bilang hudyat ng pakikipagbati.[15] Ginagawa din ang pagbatok at pagbanggit ng parirala kapag may nakikita rin na kalbo. Bahagi rin ng kulturang pambata ang mga saliwikaing biro at kantahing may kaugnayan sa pagkakalbo, kabilang ang kantahing-biro na "Isa, dalawa, tatlo, ang tatay mong kalbo", na binibigkas o inaawit sa mga larong panlipunan ng mga bata.[16][17]

Bukod sa "pendong", may iba pang mga salitang balbal na lumaganap sa bansa upang tukuyin ang kalbo, kabilang ang bokal (salitang binaligtad tulad noypi), panot (kadalasang panlait sa nakakalbo o may tonsura), at kojak (mula sa palabas noong dekada 1970 na bida ang kalbo na si Telly Savalas).[18] Kasama rin sa mga katawagang ito ang Pepito (dahil pipito na lang ang buhok), Arabo (mula sa "ara-buhok"), Shaggy, tumutukoy sa buhok na natira sa gilid (shaggy-lid), HIV (pinaikling "hair is vanishing" o nawawala na ang buhok), Topgun (dahil sa "the top is gone" at tumutukoy sa pelikulang Top Gun na pinagbidahan ni Tom Cruise), at BMW (na mula sa "buhok mo wig" [o peluka]).[18]

Ang salitang panot ay kadalasang ginagamit hindi lamang bilang simpleng paglalarawan ng isang kalbo o nakakalbo, kundi bilang pang-uuyam o insulto sa ibang tao. Sa mga biro at kolokyal na pahayag, ang tawag na "panot" ay maaaring ipahiwatig na ang isang tao ay kulang sa karisma, hindi kaakit-akit,[19] o pinipilit na maging nakakatawa. Isang kilalang halimbawa nito ay ang dating pangulo na si Benigno Aquino III, na sa ilang pagkakataon ay tinutukoy sa palayaw na "Panot" (dahil sa katunayan na nalalagas ang kanyang buhok), karaniwan sa tono ng biro o satira sa midya at komentaryong panlipinan.[20] Bagaman, may pagkakataon na hindi nakakainsulto ang pagtawag ng panot kung ito ay tumutukoy sa tonsura o ang pagpapakalbo sa sariling kagustuhan dulot ng iba't ibang kadahilanan tulad ng panrelihiyong dahilan.[19]

Biro at aliwan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa pang-araw-araw na wika, umusbong din ang ilang pariralang pabiro na may kaugnayan sa pagkakalbo. Isa rito ang pahayag na "Nagpapatawa ka, hindi ka naman kalbo!", na ginagamit upang punaing ang isang taong itinuturing na corny o pilit ang mga biro.[21]

Bukod sa kulturang pambata at wika, ang imahe ng kalbo ay naging mahalagang bahagi rin ng komedya at aliwang Pilipino. Sa pelikula at telebisyon, madalas gamitin ang pagkakalbo bilang biswal na palatandaan ng isang tauhang katawa-tawa, pinasobra, o madaling makilala. Isa sa mga naunang halimbawa nito ay ang aktor na Bembol Roco,[22] na gumanap sa pelikulang Ang Tatay Kong Kalbo (1979), kung saan ang pagkakalbo ay naging sentral na elemento ng karakter at naratibo.

Sa larangan ng telebisyon, partikular sa palabas sa tanghali, naging bahagi rin ng komedikong identidad ang pagkakalbo. Ang komedyanteng si Wally Bayola ng Eat Bulaga! ay kilalang halimbawa ng personalidad na ang kalbong anyo ay isinama sa kanyang mga iskit at persona sa pagpapatawa.[23] Ang ilan pang kilalang komedyanteng kalbo sa Pilipinas ay sina Pugo, Pugak, Pipoy at Benjie Paras. Sa ganitong mga pagtatanghal, ang pagkakalbo ay hindi lamang pisikal na katangian kundi nagsisilbing biswal na pantulong sa komedya at mabilis na pagkilala ng karakter ng manonood.

Batas laban sa panlalait sa mga kalbo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa paglipas ng panahon, ang mga ganitong gawi at pahayag ay unti-unting tinitingnan sa mas kritikal na pananaw. Sa ilalim ng Batas Republika Blg. 11313 o ang Safe Spaces Act (Batas sa Ligtas na Espasyo),[24] ang mga mapanlait o mapanghamak na pahayag hinggil sa pisikal na anyo, kabilang ang pagkakalbo, ay maaaring ituring na anyo ng panliligalig batay sa kasarian kung ang mga ito ay hindi kanais-nais, may seksuwal o kasarian na implikasyon, at nakabababa sa dignidad ng isang tao. Bagaman hindi tahasang binabanggit sa batas ang body shaming o panghihiya sa katawan bilang hiwalay na paglabag, maaari itong saklawin depende sa konteksto, lugar, at epekto ng pahayag, partikular sa mga pampublikong espasyo, lugar ng trabaho, paaralan, at online.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Geraldine A. Larkin, First You Shave Your Head, Celestial Arts (2001), ISBN 1-58761-009-4 (sa Ingles)
  2. Naar, Ismaeel (21 August 2018). "Barbers of Mecca and why pilgrims shave their head as Hajj nears its end". Al Arabiya (sa English). Dubai, UAE.
  3. Brooks, Beatrice Allard (1922). "The Babylonian Practice of Marking Slaves". Journal of the American Oriental Society (sa English). 42: 80–90. doi:10.2307/593615. ISSN 0003-0279. JSTOR 593615.
  4. Okorocha, Okorie (2016). "Hair and Justice: Sociolegal Significance of Hair in Criminal Justice, Constitutional Law, and Public Policy by Carmen M. Cusack". Journal of Law and Social Deviance (sa English). 11: 299.
  5. Winslow, Donna (1999). "Rites of Passage and Group Bonding in the Canadian Airborne". Armed Forces & Society (sa English). 25 (3): 429–457. doi:10.1177/0095327X9902500305. ISSN 0095-327X. S2CID 145604240.
  6. "Article 87 ... shall be sentenced to flogging, having his head shaven, and one year of exile ..." Naka-arkibo 2017-08-26 sa Wayback Machine., The Islamic Penal Code of the Islamic Republic of Iran (sa Ingles)
  7. Evans, Richard J. (2006). The Third Reich in Power (sa English). Penguin Books. p. 540. ISBN 978-0-14-100976-6.
  8. "Shaved Heads and Marked Bodies: Representations From Cultures of Trauma" Kristine Stiles, Duke University (1993) Duke.edu (sa Ingles)
  9. ""An Ugly Carnival", The Guardian" (sa English). Theguardian.com. 30 Mayo 2018. Nakuha noong 3 Hunyo 2019.
  10. "Shorn Women: Gender and Punishment in Liberation France", ISBN 978-1-85973-584-8 (sa Ingles)
  11. "Ryssän heilat ja pikku-Iivanat" (sa Pinlandes)
  12. "John Travolta proudly debuts bald head on red carpet after years of wearing wigs". Metro News (sa English). 27 Enero 2019.
  13. "Panghimagas – Philippine Society of Nephrology" (sa American English). 2022-10-18. Nakuha noong 2026-02-05.
  14. "After almost 70 years, Volkswagen says goodbye to iconic Beetle - When In Manila". www.wheninmanila.com (sa American English). 2020-01-05. Nakuha noong 2026-02-05.
  15. Miguel, Cesar G. B. "The Volkswagen Beetle Type 1: The little bug that could". philkotse.com (sa English). Nakuha noong 2026-02-05.
  16. Lopez, Mellie Leandicho (2006). A Handbook of Philippine Folklore (sa English). UP Press. ISBN 978-971-542-514-8.
  17. Comparative Study on the Use of Nursery Rhymes and Chants in ASEAN Countries (sa English). ASEAN Committee on Culture and Information. 1999. ISBN 978-974-7102-62-8.
  18. 1 2 "Pendong! May Kalbo". Pinoy Transplant in Iowa (sa American English). 2014-02-09. Nakuha noong 2026-02-05.
  19. 1 2 Ki (2020-07-20). "Panot – What Exactly Is "Panot?" (Filipino Slang Words)". PhilNews (sa American English). Nakuha noong 2026-02-05.
  20. Angeles, Mark (Hulyo 10, 2015). "Goodbye Panot". pinoyweekly.org. Nakuha noong 2026-02-05.
  21. Gabinete, Jojo (Agosto 23, 2019). "Senator Bato dela Rosa, di nakakatawa ang sinabing "changed man" na si ex-Mayor Antonio Sanchez". PEP.ph (sa English). Nakuha noong 2026-02-05.
  22. Borbon, Kate (Hunyo 21, 2010). "Pendong to be screened in SM cinemas starting on June 23". PEP.ph (sa English). Nakuha noong 2026-02-05.
  23. "WATCH: Wally Bayola, nagpagupit ng buhok?". www.gmanetwork.com (sa English). 2017-05-31. Nakuha noong 2026-02-05.
  24. Respicio, Harold (2025-10-19). "Safe Spaces Act Body Shaming Bald Remark Philippines". RESPICIO & CO. (sa American English). Nakuha noong 2026-02-05.