Pumunta sa nilalaman

Bansa (pampulitika)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mapa ng mga politikal na bansa sa mundo noong 2022 ayon sa Mga Nagkakaisang Bansa (UN). Pawang mga malalayang estado ang mga markadong teritoryo sa mapang ito na kabilang sa UN at ganap na kinikilala bilang bansa. May ilang mga teritoryo na ganap na bansa ngunit di kinikilala bilang bansa tulad ng Taiwan, may ilang teritoryo naman na pinag-aagawan kagaya ng Kashmir (pinag-aagawan ng India, Pakistan, at Tsina) at Kanlurang Sahara (depende sa pananaw, isang ganap na bansa o teritoryo ng Maruekos).

Bansâ o estádo ang tawag sa isang politikal na entidad o teritoryo nito sa mundo. Gumaganap ang mga ito bilang isang malayang estado, di-kinikilalang estado, bahaging bansa (kagaya ng sa Reyno Unido), o dependensiya.[1][2] Maaaring magtaglay ang isang bansa ng iba't ibang bansa, kilala sa tawag na mga estadong multinasyonal.[3] Madalas na hinahati ang mga bansa bilang maunlad o papaunlad.[4] Walang tiyak na bilang ng mga bansa sa mundo. Dahil ito sa di-pagkilala ng ilang mga bansa sa mga bansang kasapi ng Mga Nagkakaisang Bansa (UN), ngunit kinikilala ng iba sa proseso ng diplomatikong pagkilala. Madalas na pawang may mga pinag-aagawang teritoryo ang mga bansang ito o di kaya'y bahagya lamang kinikilala.[5] Bukod sa mga ito, kinokonsidera din ang ilang mga entidad na walang kumikilala bilang isang ganap na bansa.[6]

Walang tiyak na kahulugan ang bansa, at nagbabago ito sa paglipas ng panahon. Sinulat ng The Economist noong 2010 na "ang kahit anong pagsubok na makahanap ng isang malinaw na kahulugan ng bansa ay mabilis na makakasalubong ng sandamakmak na mga pagbubukod at anomalya".[7] Iba ito sa konseptong panlipunan ng isang bansa, na tumutukoy naman sa pagkakakilanlan ng mga tao na maaaring hindi tumugma sa pampulitikang katumbas nito.

Isang arál na hiram ang salitang bansa mula sa wikang Malay na bangsa,[8] na mula naman sa wikang Sanskrit na vaṃśá ("anak, kadugo, pangkat"), mula sa protowikang Indo-Iranyano *wanćás ("biga, kawayan").[9] Una itong ipinakilala ng lingwistang si Eusebio T. Daluz noong unang bahagi ng ika-20 siglo bilang katumbas ng salitang Kastila na nación dahil sa kawalan ng tiyak na katumbas para sa konsepto sa wikang Tagalog noon. Pareho itong tumutukoy sa pampulitika at panlipunang konsepto. Ayon sa Pambansang Diksiyonaryo ng Unibersidad ng Pilipinas, tumutukoy ang panlipunang kahulugan bilang "komunidad ng mga mamamayan na may iisang lahi, kasaysayan, wika, kultura, at pamahalaan" at pampulitikang kahulugan bilang "teritoryo ng komunidad na ito".[10] Depende sa kahulugan, sinasalin ito sa wikang Ingles bilang nation para sa panlipunang kahulugan at country o state para naman sa pampulitikang kahulugan.

Nagmula sa wikang Kastila ang salitang estado. Tumutukoy din ito sa isang uri ng subdibisyon sa ilang mga bansa, partikular sa mga pamahalaang pederal tulad ng Estados Unidos, Mehiko, at Brasil.

  Mga estadong miyembro ng UN na hindi kinikilala ng isa o higit pang miyembro
  Mga estadong hindi miyembro ng UN na kinikilala ng isa o higit pang miyembro
  Mga estadong hindi miyembro ng UN na kinikilala lamang ng hindi miyembro

Kung tumutukoy sa pampulitikang konsepto, maaaring tumukoy ang bansa sa isang malayang estado, estadong bahagyang kinikilala, bahaging bansa, o dependensiya.[1][2] Malayang estado ang politikal na entidad na may ganap na pangkalahatang kapangyarihan at otoridad sa isang bahagi ng mundo.[11] Walang tiyak na bilang ang mga bansa sa mundo dahil may mga estado na hindi kinikilala ng lahat, at meron ding mga di-malalayang estado na pawang kinikilala bilang isang bansa.[6]

May ilang mga bansa kagaya ng Taiwan sa Asya, Republikang Sahrawi sa Aprika, at Kosovo sa Europa na may limitadong pagkilala mula sa ibang mga bansa dahil kinikilala ito ng ibang mga bansa bilang bahagi ng isang bansa.[12][13] Halimbawa, opisyal na kinikilala ang Taiwan (opisyal na Republika ng Tsina) bilang bahagi ng Tsina (opisyal na Republikang Bayan ng Tsina) ng nakakarami ng mga bansa sa mundo bilang pagtalima sa patakarang Nag-iisang Tsina, kahit na gumaganap ito bilang isang malayang estado.[14] Ganito rin ang kaso sa Kosovo, na kinikilala ng iba bilang bahagi ng Serbia,[15] at Republikang Sahrawi na kinikilala namang bahagi ng Maruekos.[16] Samantala, hindi kinikilala naman bilang bansa ang mga estadong humiwalay kagaya ng Transnistria, na kinikilala bilang bahagi pa rin ng Moldabya.[17]

Mga dependensiya at ang kanilang malayang estado. Tinutukoy ang mga ito gamit ang kanilang kodigong ISO 3166-1[a] o gamit ng bilang.[b] Itinuturing na bahagi mismo ng bansa ang mga nakakulay na lugar (tulad ng Guyanang Pranses sa Timog Amerika na itinuturing na lalawigan ng Pransiya). Ipinapakita rito ang Antartika bilang isang kondominyum imbes ang mga inaangking bahagi nito.

May mga malalayang estado na nagtataglay ng mga bahaging bansa dahil sa unyon. Halimbawa nito ang kaso ng Reyno Unido, na isang unyon ng apat na bansa: Inglatera, Eskosya, Gales, at Hilagang Irlanda. Ang Kaharian ng Dinamarka ay nagtataglay ng Dinamarka. Kapuluang Peroe, at Groenlandiya. Tinataglay naman ng Kaharian ng Olanda ang Olanda at ang mga isla ng Aruba, Curacao, at Sint Maarten sa Karibe.

Samantala, may mga malalayang estado naman na kinokonsiderang bansa dahil sa pagkakaroon nito ng hiwalay na nagsasariling pamahalaan sa ilalim ng isa pang malayang estado. Kabilang sa mga ito ang mga teritoryo ng Nueva Selanda sa Pasipiko (Kapuluang Cook, Niue, at Tokelau), mga teritoryo ng Reyno Unido (kagaya ng Kapuluang Falkland at Kapuluang Birhen ng Britanya) at mga Dependensiya ng Korona nito (Jersey, Guernsey, at Pulo of Man), mga teritoryo ng Estados Unidos (Puerto Rico, Guam, Hilagang Marianas, Amerikanong Samoa, at Kapuluang Birhen ng Amerika), mga teritoryo ng Australia (Pulo ng Christmas, Pulo ng Norfolk, at Kapuluang Cocos), natatanging rehiyong administratibo ng Tsina (Hong Kong at Macau), Aland ng Pinlandiya, mga teritoryo ng Pransiya (kagaya ng Nueva Caledonia at Polinesyang Pranses sa Pasipiko), at mga teritoryo ng Olanda sa Karibe (Bonaire, Sint Eustatius, at Saba).

Pandaigdigang pagkilala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mga pagtatalo ukol sa pagkakaroon ng mga estado nang hindi dumedepende sa panlabas na pagkilala o kung kinakailangan ang pagkilala upang maituring na estado ang isang entidad.[1][18][19] Bagamat hindi itinuturing ng pandaigdigang batas ang "soberanya" bilang hindi sumasailalim sa isang entidad,[20] walang kahulugan na ginagamit para sa mga miyembro ng Mga Nagkakaisang Bansa ukol sa pagkabansa ng isang entidad.[6][21] Karaniwang may dalawang kampo ng pananaw na ginagamit patungkol sa pagkilala sa mga estado: deklaratibo at konstitutibo.[22][23][24]

Inilatag ang deklaratibong pananaw sa Kumbensiyon sa Montevideo ng 1933 para sa "isang estado bilang tao sa pandaigdigang batas sa Artikulo 1:[25]

  1. May permanenteng populasyon
  2. May itinuturing na teritoryo
  3. May pamahalaan
  4. May kakayahan na makipag-ugnayan sa iba pang estado

Ipinapahiwatig ng Artikulo 3 ng parehong kumbensiyon na maaaring umiral ang isang malayang estado kahit na walang bansa na kumikilala dito.[26] Dahil tanging isang pagpapahayag muli sa nakagisnang pandaigdigang batas ito, isinakodigo lamang ng Kumbensiyon sa Montevideo ang mga umiiral na'ng legal na pananaw at mga prinsipyo nito,[27] kaya di lamang ito malalapat sa mga pumirma sa mga pandaigdigang organisasyon tulad ng UN,[6][25][28] kundi sa lahat ng sumasailalim sa pandaigdigang batas.[29] Ganito rin ang opinyon ng Pamayanang Pang-ekonomiya ng Europa (EEC),[29] na binanggit muli ng Unyong Europeo (EU) sa kanilang pangunahing pahayag sa Komiteng Badinter para sa isyu ng pagkawatak ng Yugoslavia,[30] gayundin sa hukom ng Pandaigdigang Korte ng Katarungan (ICJ) na si James Crawford.[28]

Sa kabilang banda naman, ayon naman sa konstitutibong pananaw, maituturing lamang na malayang estado ang isang entidad kung at tangi kung ito ay kinikilala bilang malaya ng isa o higit pang bansa.[31] Dahil dito, hindi agad magiging bahagi ng pandaigdigang pamayanan o mapasailalim sa mga pandaigdigang batas ang mga kalalayang bansa, at hindi kinakailangan na tumalima ang mga kinikilalang bansa sa pandaigdigang batas kung makikipag-ugnayan sila sa mga ito.[32] Noong 1912, sinabi ng iskolar ng batas na si L. F. L. Oppenheim ang sumusunod ukol sa konstitutibong pananaw:[33]

Hindi sinasabi ng Pandaigdigang Batas na hindi umiiral ang isang Estado dahil lamang hindi ito kinikilala [ng ibang estado], ngunit hindi nito pinapansin ito bago ito kilalanin [ng ibang estado]. Sa pamamagitan ng pagkilala lamang at natatangi lamang na nagiging isang Pandaigdigang Tao ang isang Estado at sumasailalim sa Pandaigdigang Batas.[c]

Binigyang-kahulugan naman ng Organisasyon ng Pagkakaisa ng Aprika noong 1976 ang pagkilala sa estado bilang:[34]

...na ang pagkilala sa isang malaya at may soberanyang estado ay isang gawaing nakapaloob sa soberanya ng bawat miyembro ng pandaigdigang pamayanan, isang gawain na dapat gawin nang kanya-kanya; kaya naman, nasa pagpapasya ng mga miyembrong estado at bawat kapangyarihan ng [Organisasyon ng Pagkakaisa ng Aprika] kung kikilalanin ba o hindi ang isang kalalayang estado.[d]

Pagkakakilanlan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Gumagamit ang mga bansa ng mga simbolo para sa kani-kanilang pagkakakilanlan. Maaari itong maglaman ng mga bagay na may kinalaman sa kultura, relihiyon, o politika, at makikita sa kanilang mga watawat, eskudo, o selyo.[35]

Marami sa mga bansa sa mundo ang may mahabang pangalan at maikling pangalan. Karaniwang ginagamit ang mahabang pangalan sa mga pormal na konteksto at karaniwan nitong inilalarawan ang kanilang uri ng pamahalaan. Halimbawa ay Republika ng Pilipinas, na tumutukoy sa Pilipinas bilang isang republika. Samantala, ginagamit naman ang maikling pangalan sa mga pangkaraniwang konteksto. Sa pangalang ito pinakakilala ang isang bansa, at karaniwan itong hindi nagbabago sa pagpalit ng pamahalaan, di tulad ng mahabang pangalan.[e] Para sa ilang mga bansa, pawang parehas lamang ang mahaba at maikling pangalan nito.[f][36]

Maaaring mahalaga ang pangalan ng bansa sa diplomasya at kultura. May mga bansa na nagpalit ng pangalan bilang hudyat ng pagpapalit ng pamahalaan, o di kaya'y bilang bahagi ng dekolonisasyon. Halimbawa, pinalitan ng Imperyong Estado ng Persia ang kanilang pangalan bilang Imperyong Estado ng Iran noong 1935 noong panahon ng dinastiyang Pahlavi, na naging Islamikong Republika ng Iran matapos ng Rebolusyong Islamiko noong 1971 na nagpatalsik sa Shah.[37] Pinalitan naman ng Kaharian ng Siam ang kanilang pangalan noong 1939 patungong Kaharian ng Tailandiya.[38] Sa kabilang banda naman, ginamit ng mga kalalayang bansa noong huling bahagi ng ika-20 siglo ang kanilang katutubong pangalan:

May mga kaso rin kung saan ang pagpapalit ng pangalan ay naganap ilang taon matapos nilang lumaya.

  • Ceylon Sri Lanka, lumaya sa Reyno Unido noong 1948 ngunit pinalitan ang pangalan noong 1972.[42]
  • Hilagang Volta Burkina Faso, lumaya sa Pransiya noong 1960 ngunit pinalitan ang pangalan noong 1984 matapos ng isang kudeta.[43]
  • Dahomey Benin, lumaya sa Pransiya noong 1960 ngunit pinalitan ang pangalan noong 1975.[44]
  • Timog Rodesya Zimbabwe, kumalas sa Reyno Unido sa ilalim ng pamahalaang kontrolado ng mga Puti noong 1965 ngunit pormal na nakalaya noong 1980 sa ilalim ng kasalukuyang pangalan.[45]
  • Swaziland Eswatini noong 2018, 50 taon matapos nilang lumaya sa Reyno Unido.[46]

May ilang kaso rin na bumalik ang pangalan ng bansa sa dati nang magpalit ang kanilang pamahalaan:

  • Lumaya ang Congo sa Belhika noong 1960 sa naturang pangalan, ngunit pinalitan ito noong 1971 bilang Zaire. Nanatili itong ganito hanggang noong 1997, nang binalik ito sa Congo, opisyal na Demokratikong Republika ng Congo upang itangi ito sa kapitbahay nitong Republika ng Congo.[47]
  • Lumaya ang Kambodya sa Pransiya bilang Kaharian ng Kambodya noong 1953, na pinalitan bilang Kampuchea noong 1970 sa panunungkulan ni Pol Pot. Nanatili itong ganito hanggang noong 1989, nang binalik ito sa dati bilang pananda ng pagbabalik muli ng monarkiya.[48]

May mga iba naman na mas piniling gamitin ang katutubong pangalan bilang opisyal na pangalan nito sa kahit anong wika.

  • Pinalitan ng Turkiya ang kanilang pangalan bilang Turkiye (opisyal na Türkiye) noong 2022 dahil sa mga kadahilanang pangkultura at upang itangi ang bansa sa pabo, isang ibon na may pangalang kahalintulad sa bansa sa wikang Ingles.[49]
  • Pinalitan ng Nauru ang kanilang pangalan bilang Naoero noong 2026 upang iakma ito sa ortograpiya ng kanilang wika.[50]
  • Dahil sa mga problemang dulot ng pagsasalin sa pangalan ng kanilang bansa, ginawang opisyal na pangalan ng bansang kilala sa wikang Ingles bilang Ivory Coast sa pangalang Pranses nito na Cote d'Ivoire sa kahit anong wika noong 1986.[51]

Sa kabilang banda, maaaring dahil sa isang isyu ang pagpapalit ng pangalan, kagaya ng kaso ng bansang kilala na ngayon bilang Hilagang Masedonya. Opisyal na kilala noon ang naturang bansa bilang Masedonya lamang ngunit tinututulan ng kapitbahay nitong Gresya dahil sa kahalintulad na pangalan nito sa kanilang rehiyon na Masedonya, na nasa timog nito. Nagpalit ito ng pangalan noong 2019 bilang bahagi ng kasunduan sa Gresya upang payagan itong makapasok sa NATO.[52] Isa ring isyu ang pagpapalit ng pangalan ng Burma patungong Myanmar noong 1989. Bagamat lumaganap ang paggamit ng bagong pangalan simula noon, umusbong ang paggamit sa lumang pangalan nito simula noong 2021 bilang pagtutol sa pamahalaang militar doon, lalo na sa konteksto ng kasalukuyang digmaang sibil.[53]

Nagpapanatili ang Pandaigdigang Organisasyon sa Pagsasapamantayan (ISO) ng isang talaan ng mga kodigong pambansa bilang bahagi ng ISO 3166 para tukuyin ang bawat bansa gamit ng isang kodigo.[54] Sa kasalukuyan, may 249 na bansa ang nakatala sa naturang pamantayan, kung saan 193 sa mga ito ay miyembro ng Mga Nagkakaisang Bansa.[55]

Ilan sa mga watawat ng mga bansang kinikilala noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo.

Noon, ang watawat ng isang bansa ay pawang personal na watawat mismo ng pinuno, hindi ng bansa. Kalaunan, nagkaroon din ng mga watawat na para sa bansa, bukod sa personal na watawat ng pinuno. Ilan sa mga pinakaunang halimbawa nito ay ang watawat ng mga republikang pandagat tulad ng Genova noong ika-12 siglo.[56] Gayunpaman, ginagamit lamang ito bilang pantukoy ng mga barko sa dagat.[57]

Bagamat matagal na'ng ginagamit ang konsepto ng watawat upang kumatawan sa isang bagay, limitado lamang ito sa militar o pandagat. Nagsimula lamang magkaroon ng mga watawat para mismo sa bansa noong ika-18 siglo sa kasagsagan ng pag-usbong ng nasyonalismo partikular na sa Europa. Ginamit ng mga rebolusyonaryo sa Pransiya at Estados Unidos ang mga watawat upang gamitin bilang simbolo ng mga tao bilang mamamayan ng isang bansa imbes bilang mga tauhan lamang ng monarkiya.[58][59] Naging talamak ang paggamit sa watawat pagsapit ng sumunod na siglo, kung saan halos lahat na ng mga bansa sa Europa ay may watawat na ginagamit bilang simbolo ng bansa nila.[58] Nagsimula rin ituring ang mga watawat bilang mga simbolo ng pagkakaisa, tulad halimbawa ng Union Jack, ang tawag sa watawat ng Reyno Unido, na unang ginamit bilang simbolo ng unyon ng Inglatera at Eskosya, gayundin bilang simbolo ng sama-samang pakikibaka, kagaya ng paggamit sa mga kulay ng mga Eslabo sa kani-kanilang watawat (bughaw, puti, at pula), mga kulay ng mga Arabo (itim, puti, lunti, at pula), o mga kulay ng Aprika (pula, lunti, ginto, at itim).[60]

Kasabay ng kolonisasyon ng mga Europeo sa iba't ibang panig ng mundo ang ideya ng nasyonalismo at simbolo na kumalat sa mga ito. Tinitingnan ng mga lugar na ito ang pagkakaroon ng mga simbolong tulad ng watawat bilang mahalaga para sa pagbuo ng kanilang bansa.[61] Umusbong ang mga bagong watawat at simbolo kasabay ng proseso ng dekolonisasyon at mga rebolusyon noong huling bahagi ng ika-19 na siglo papunta sa sumunod.[59] Dahil sa pagdami ng mga watawat sa panahong ito, naging interes ang pagsusuri sa mga disenyo at simbolismo sa mga ito, na kalaunan ay naging isang pormal na pag-aaral na tinatawag na beksilolohiya.[62]

Nakasulat na musika at titik ng "Lupang Hinirang", ang pambansang awit ng Pilipinas.

Pambansang awit ang tawag sa isang makabayang komposisyong pangmusika na sumisimbolo at nag-aalala sa kasaysayan o tradisyon ng isang bansa.[63] Bagamat nagsimula lamang ang paglalapat ng mga pambansang awit ng mga bansa noon lamang ika-19 na siglo, may ilang awit na matagal na'ng kinakanta, kadalasan bilang isang makabayang awit. Maraming bansa ang walang opisyal na pambansang awit, bagamat may ginagamit bilang de facto na awit sa palakasan o diplomasya. Kabilang rito ang itinuturing na pambansang awit ng Reyno Unido, "God Save the King".[g] Bukod, maaari ding magkaroon ng sari-sariling pambansang awit ang mga bansa na kabilang sa bansang multinasyonal, kagaya ng kaso ng Gales, na bahagi ng Reyno Unido ngunit ginagamit ang "Hen Wlad Fy Nhadau" lalo na sa palakasan.[64]

Pagkamakabayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkamakabayan ang tawag sa positibong damdamin na nararamdaman ng isang tao tungo sa bansa niya. Madalas itong inilalarawan bilang debosyon o pagmamahal sa sariling bansa, at maaaring kombinasyon ng samu't saring damdamin tungo sa ilang partikular na aspeto ng bansa kagaya ng wika, kultura, politika, o kasaysayan. Malapit ang kahulugan nito sa pagkamakabansa, na tumutukoy naman sa isang ideolohiya na nagsasama sa panlipunan at pampulitikang konsepto ng bansa.

Kabuuang domestikong produkto (GDP) kada kapita ng 213 bansa at rehiyon noong 2020 (ayon sa kapantayan sa lakas ng pagbili (PPP) gamit ang pandaigdigang dolyar).
  •      >50,000
  •      35,000–50,000
  •      20,000–35,000
  •      10,000–20,000
  •      5,000–10,000
  •      2,000–5,000
  •      <2,000
  •      Walang datos

Maraming mga organisasyon sa mundo na naghahanap ng mga paraan upang mauri ang mga bansa batay sa kanilang ekonomiya. Karaniwan itong hinahati sa dalawa: mga mauunlad na bansa at mga papaunlad pa lamang,[65]

Naglalathala ang Kagawaran ng Ekonomiya at Lipunan ng Mga Nagkakaisang Bansa ng isang ulat na nag-uuri sa mga bansa bilang mga mauunlad na bansa, ekonomiyang nasa transisyon, at papaunlad na bansa. Inuuri ng ulat ang mga bansa batay sa kabuuang pambansang kita (GNI) kada kapita at tinutukoy ang mga subgrupo batay sa mga malalawak na kategorya batay sa heograpikong lokasyon o ibang mga piling kriterya.[66] Nasa Aprika, Silangang Asya, Timog Asya, Kanlurang Asya, Latin Amerika, at Karibe ang mga heograpikong lokasyon na may mga ekonomiyang papaunlad. Pawang mga ekonomiyang nasa transisyon naman ang mga bansang dating bahagi ng Unyong Sobyet gayundin sa timog-silangang Europa. Samantala, nasa Hilagang Amerika, Europa, at Asya-Pasipiko naman ang mga ekonomiyang maunlad. Marami sa mga bansang may ekonomiyang nasa transisyon at papaunlad ay nasa Aprika, Asya, Latin Amerika, at Karibe.[67]

Inuuri din ng Bangkong Pandaigdig ang mga bansa batay sa GNI kada kapita, bilang mga bansang may mababang kita, mababang katamtamang kita, mataas na katamtamang kita, at malaking kita. Noong 2020, itinuring ng Bangkong Pandaigdig ang mga sumusunod na hangganan ng klasipikasyon:[68]

  • Bansang may mababang kita: $1,025 o mas mababa noong 2018
  • Bansang may mababang katamtamang kita: mula $1,026 hanggang $3,995 noong 2018
  • Bansang may mataas na katamtamang kita: mula $3,996 hanggang $12,375 noong 2018
  • Bansang may malaking kita: mula $12,376 o mas mataas noong 2018

Hinahati ng Bangkong Pandaigdig ang mga bansa batay sa rehiyon: Silangang Asya at Pasipiko, Europa at Gitnang Asya, Latin Amerika at Karibe, Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, Hilagang Amerika, Timog Asya, at Subsaharang Aprika. Hinahati rin nito ang mga bansa batay sa kanilang mga patakaran ng operasyon: yaong mga kabilang sa Pandaigdigang Asosasyon ng Pagpapaunlad (IDA), Pandaigdigang Bangko para sa Rekonstruksiyon at Pagpapaunlad (IBRD), at mga bansang Blend.[68]

  1. Maliban sa Mga Maliliit na Pulong Menor ng Estados Unidos, na nakakalat sa Pasipiko at Karibe at may iisang kodigo. Matutukoy ang mga ito sa mapa sa pamamagitan ng "UM-" na sinundan ng unang titik ng pangalan ng pulo at isa pang natatanging titik kung kinakailangan.
  2. Walang mga kodigong ISO 3166-1 ang mga sumusunod na teritoryo:
    1: Akrotiri at Dhekelia
    2: Kapuluang Ashmore at Cartier
    3: Kapuluan ng Dagat Coral
  3. Orihinal na sipi: International Law does not say that a State is not in existence as long as it is not recognised, but it takes no notice of it before its recognition. Through recognition only and exclusively a State becomes an International Person and a subject of International Law.
  4. Orihinal na sipi: ...the recognition of an independent and sovereign state is an act of sovereignty pertaining each member of the international community, an act to be taken individually, and it is, therefore, up to member states and each OAU power whether to recognise or not the newly independent state.
  5. Halimbawa, kilala ang kasalukuyang Republikang Pranses bilang Kaharian ng Pransiya bago tuluyang binuwag nila ang kanilang monarkiya noong ika-19 na siglo. Gayunpaman, parehong kilala ang mga ito sa maikling pangalan na Pransiya.
  6. Halimbawa ay ang kaso ng Ukranya, Bosnia at Herzegovina, at ang Republika ng Gitnang Aprika.
  7. Nagbabago depende sa namumunong monarko ang ilang bahagi ng awit. Dahil si Charles III ang kasalukuyang hari ng Reyno Unido, "God Save the King" (lit. na'Iligtas ng Panginoon ang Hari') ang ginagamit ngayon. Kung reyna ang monarko, "God Save the Queen" (lit. na'Iligtas ng Panginoon ang Reyna') naman ang gagamitin.
  1. 1 2 3 Fowler, Michael Ross; Bunck, Julie Marie (1996). "What constitutes the sovereign state?" [Anong tinataglay ng isang malayang estado?]. Review of International Studies (sa wikang Ingles). 22 (4). Cambridge University Press: 381–404. doi:10.1017/s0260210500118637. ISSN 0260-2105. S2CID 145809847.
  2. 1 2 "Recognition and its Variants" [Pagkilala at mga pagkakaiba nito]. academic.oup.com (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2 March 2024.
  3. "Nations, States and Nation-States" [Mga Bansa, Estado, at Estadong Bansa] (sa wikang Ingles). Utah State University.
  4. Khan, Themrise; Abimbola, Seye; Kyobutungi, Catherine; Pai, Madhukar (2022). "How we classify countries and people  and why it matters" [Paano natin inuuri ang mga bansa at tao  at bakit ito mahalaga]. BMJ Global Health (sa wikang Ingles). 7 (6) e009704. BMJ. doi:10.1136/bmjgh-2022-009704. ISSN 2059-7908. PMC 9185389.
  5. "How Many Countries Are There in the World in 2026?" [Ilan ang mga Bansa sa Mundo sa taong 2026?]. Political Geography Now (sa wikang Ingles). January 22, 2026.
  6. 1 2 3 4 Seguin, Denis (2011-07-29). "What makes a country?" [Anong tinataglay ng isang bansa?]. The Globe and Mail (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 24 January 2024.
  7. "In quite a state" [Nasa isang estado]. The Economist (sa wikang Ingles). 8 April 2010. ISSN 0013-0613. Inarkibo mula sa orihinal noong 24 August 2022.
  8. "bansâ". KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino (sa wikang Ingles). Komisyon sa Wikang Filipino. Nakuha noong 2026-08-05.
  9. Mayrhofer, Manfred (1996). "vam̆́śá-". Etymologisches Wörterbuch des Altindoarischen [Diksiyonaryo ng Etimolohiya ng Lumang Indo-Aryano] (sa wikang Aleman). Bol. 2. Heidelberg: Carl Winter Universitätsverlag. p. 485.
  10. "bansâ". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 2026-08-05.
  11. Philpott, Daniel (1995). "Sovereignty: An Introduction and Brief History". Journal of International Affairs. 48 (2): 353–368. ISSN 0022-197X. JSTOR 24357595.
  12. Kyris, George (2022). "State recognition and dynamic sovereignty". European Journal of International Relations. 28 (2): 287–311. doi:10.1177/13540661221077441. ISSN 1354-0661.
  13. Allcock, John B.; Lampe, John R.; Young, Antonia (1998-07-20). "History, Map, Flag, Population, Languages, & Capital". Encyclopedia Britannica. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 June 2015. Nakuha noong 2024-01-29.
  14. "Taiwan: Sovereignty and Participation in International Organizations". Foreign Policy Research Institute (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-22.
  15. Young, Antonia; Allcock, John B.; Lampe, John R. (2026-07-28). "Kosovo". www.britannica.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-10.
  16. "Sahrawi Arab Democratic Republic (SADR)" [Demokratikong Republika ng Arabong Sahrawi (SADR)]. www.britannica.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-10.
  17. "Transnistria profile". BBC News. May 31, 2012. Nakuha noong February 23, 2026.
  18. HSE University; Bratersky, Maxim; Skriba, Andrei; HSE University; Sapogova, Arina; HSE University (November 1, 2021). "The Struggle for Recognition or Enhancement of Status: Conditions for the Stability and Development of Unrecognized States Using the Example of Eurasia" [Ang Pakikibaka para sa Pagkilala o Pagpapaganda sa Katayuan: Mga Kondisyon para sa Katatagan at Pagdebelop sa mga Estadong Di-kinikilala Gamit ang Halimbawa ng Eurasya]. International Organisations Research Journal (sa wikang Ingles). 16 (3): 203–219. doi:10.17323/1996-7845-2021-03-09.
  19. Grzybowski, Janis (October 8, 2019). "The paradox of state identification: de facto states, recognition, and the (re-)production of the international" [Ang kabalintunaan ng pagtukoy sa mga estado: de facto na mga estado, pagkilala at ang (muling) produksiyon ng pandaigdigan]. International Theory (sa wikang Ingles). 11 (3). Cambridge University Press: 241–263. doi:10.1017/s1752971919000113. hdl:2013/ULB-DIPOT:oai:dipot.ulb.ac.be:2013/405143. ISSN 1752-9719.
  20. Lowe, Vaughan (2015-11-26). "Nations under law" [Mga bansa sa ilalim ng batas]. International Law: A Very Short Introduction [Pandaigdigang Batas: Isang Napakaiksing Panimula] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. p. 1–18. doi:10.1093/actrade/9780199239337.003.0001. ISBN 978-0-19-923933-7.
  21. Bedjaoui, M. (1991). International Law: Achievements and Prospects [Pandaigdigang Batas: Mga Tagumpay at Inaasam]. Democracy and power (sa wikang Ingles). Springer Netherlands. p. 47]. ISBN 978-92-3-102716-1.
  22. Cohen, Rosalyn (1961). "The Concept of Statehood in United Nations Practice" [Ang Konsepto ng Pagkabansa sa Gawain ng Mga Nagkakaisang Bansa]. University of Pennsylvania Law Review (sa wikang Ingles). 109 (8): 1127–1171. doi:10.2307/3310588. JSTOR 3310588. S2CID 56273534. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 January 2024.
  23. Kelsen, Hans (1941). "Recognition in International Law: Theoretical Observations" [Pagkilala sa Pandaigdigang Batas: Mga Teoretikal na Obserbasyon]. The American Journal of International Law (sa wikang Ingles). 35 (4). American Society of International Law: 605–617. doi:10.2307/2192561. ISSN 0002-9300. JSTOR 2192561. S2CID 147309779.
  24. Lauterpacht, H. (1944). "Recognition of States in International Law" [Pagkilala sa mga Estado sa Pandaigdigang Batas]. The Yale Law Journal (sa wikang Ingles). 53 (3). The Yale Law Journal Company, Inc.: 385–458. doi:10.2307/792830. ISSN 0044-0094. JSTOR 792830.
  25. 1 2 "States, Sovereignty, Treaties" [Estado, Soberanya, at Kasunduan]. Encyclopedia Britannica (sa wikang Ingles). 26 July 1999. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 April 2022.
  26. Caspersen, N.; Stansfield, G. (2012). Unrecognized States in the International System [Mga Di-kinikilalang Estado sa Pandaigdigang Sistema]. Exeter Studies in Ethno Politics (sa wikang Ingles). Taylor & Francis. p. 55. ISBN 978-1-136-84999-2.
  27. D'Aspremont, Jean (2019-08-29). "Statehood and Recognition in International Law: A Post-Colonial Invention" [Pagkabansa at Pagkilala sa Pandaigdigang Batas: Isang Poskolonyal na Imbensiyon]. The Global Community Yearbook of International Law and Jurisprudence 2018 [Ang Pandaigdigang Yearbook ng Pamayanan ng Pandaigdigang Batas at Hurisprudensiya 2018] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. pp. 139–152. doi:10.1093/oso/9780190072506.003.0005. ISBN 978-0-19-007250-6.
  28. 1 2 Crawford, James R. (2007-03-15). The Creation of States in International Law [Ang Paggawa sa mga Estado sa Pandaigdigang Batas] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. pp. 2–11. doi:10.1093/acprof:oso/9780199228423.003.0002. ISBN 978-0-19-922842-3.
  29. 1 2 Castellino, Joshua (2000). International Law and Self-Determination: The Interplay of the Politics of Territorial Possession With Formulations of Post-Colonial National Identity [Pandaigdigang Batas at Pansariling Determinasyon: Ang Ugnayan ng Politika ng Pagmamay-ari ng Teritoryo sa mga Pormulasyon ng Poskolonyal na Pambansang Pagkakakilanlan] (sa wikang Ingles). Martinus Nijhoff Publishers. p. 77. ISBN 90-411-1409-2.
  30. "The Opinions of the Badinter Arbitration Committee: A Second Breath for the Self-Determination of Peoples" [Ang mga Opinyon ng Komiteng Badinter sa Arbitrasyon: Isang Pangalawang Hinga para sa Pansariling Determinasyon ng mga Tao] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-05-17.
  31. "Statehood and Recognition" [Pagkabansa at Pagkilala]. academic.oup.com (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 26 January 2024.
  32. Hillier, Tim (1998). Sourcebook on Public International Law [Sangguniang Aklat sa Pampublikong Pandaigdigang Batas] (sa wikang Ingles). Routledge. pp. 201–202. ISBN 978-1-85941-050-9.
  33. Oppenheim, Lassa; Roxburgh, Ronald (2005). International Law: A Treatise [Pandaigdigang Batas: Isang Tratado] (sa wikang Ingles). The Lawbook Exchange, Ltd. p. 135. ISBN 978-1-58477-609-3.
  34. Talmon, S. (1998). Recognition of Governments in International Law: With Particular Reference to Governments in Exile [Pagkilala sa mga Pamahalaan sa Pandaigdigang Batas: Partikular na Pagtukoy sa mga Pamahalaan sa Pagpapatapon]. Oxford monographs in international law (sa wikang Ingles). Clarendon Press. p. 186. ISBN 978-0-19-826573-3.
  35. "National symbol(s)" [(Mga) Pambansang simbolo]. CIA (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 8 November 2016.
  36. "Countries: Designations and abbreviations to use" [Mga Bansa: Mga designasyon at daglat na gagamitin] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 4 January 2021.
  37. "Why is Persia called Iran today? The history behind the name change by the Shah" [Bakit Iran ang tawag na ngayon sa Persia? Ang kasaysayan sa likod ng pagpapalit ng pangalan ng Shah]. Vox News (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-11.
  38. Cavendish, Richard (2014-05-15). "Siam Becomes Thailand" [Naging Tailandiya ang Siam]. History Today (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-11.
  39. "Northern Rhodesia Reborn as Zambia; Britain Ends Rule" [Naging Zambia ang HIlagang Rodesya; Nagtapos na ang Panunungkulan ng Britanya]. The New York Times (sa wikang Ingles). 1964-10-24. ISSN 0362-4331. Nakuha noong 2026-08-11.
  40. "Botswana". BBC News (sa wikang Ingles). 2011-04-11. Nakuha noong 2026-08-11.
  41. "The Struggle for Bangladesh: From East Pakistan to Independence" [Ang Pakikibaka para sa Bangladesh: Mula Silangang Pakistan patungong Kalayaan]. PolSci Institute (sa wikang Ingles). 2025-08-24. Nakuha noong 2026-08-11.
  42. Haviland, Charles (2011-01-01). "Sri Lanka erases colonial name, Ceylon" [Binura ng Sri Lana ang pangalang kolonyal nitong Ceylon]. BBC News (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-11.
  43. Williamson, Bryan (2013-01-01). "From Upper Volta to Burkina Faso: A Study of the Politics of Reaction and Reform in a Post-Colonial African Nation-state, 1960-1987" [Mula Hilagang Volta patungong Burkina Faso: Isang Pag-aaral sa Politika ng Reaksyon at Reporma sa isang Poskolonyal na Estadong Bansa sa Aprika, 1960-1987]. USF Tampa Graduate Theses and Dissertations (sa wikang Ingles).
  44. Law, Robin; Ronen, Dov; Adotevi, Stanislas Spero (2026-08-03). "Benin - Decolonization, Independence, Revolution" [Benin - Dekolonisasyon, Kalayaan, Rebolusyon]. www.britannica.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-11.
  45. Sibanda, Eliakim (2021). "The Unilateral Declaration of Independence in Southern Rhodesia (later Zimbabwe)" [Ang Unilateral na Deklarasyon ng Kalayaan sa Timog Rodesya (kalaunan Zimbabwe)]. Gilder Lehrman Institute of American History (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-11.
  46. "Swaziland king renames country 'the Kingdom of eSwatini'" [Pinalitan ng hari ng Swaziland ang pangalan ng bansa bilang 'ang Kaharian ng eSwatini']. BBC News (sa wikang Ingles). 2018-04-19. Nakuha noong 2026-08-11.
  47. Lemarchand, René; Cordell, Dennis D.; Wiese, Bernd Michael; Payonzo, Ntsomo (2026-08-11). "Democratic Republic of the Congo (DRC)" [Demokratikong Republika ng Congo (DRC)]. www.britannica.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-12.
  48. Chandler, David P.; Overton, Leonard C. (2026-08-10). "Cambodia" [Kambodya]. www.britannica.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-12.
  49. "Turkey officially changes name at UN to Türkiye" [Opisyal na'ng pinalitan ng Turkey ang pangalan nito sa UN patungong Türkiye]. The Guardian (sa wikang Ingles). 2022-06-03. ISSN 0261-3077. Nakuha noong 2026-08-12.
  50. "Nauru officially changes its name to Naoero" [Opisyal na'ng pinalitan ng Nauru ang pangalan nito patungong Naoero]. The Guardian (sa wikang Ingles). 2026-08-03. ISSN 0261-3077. Nakuha noong 2026-08-12.
  51. "What was Côte d'Ivoire formerly known as?" [Ano ang dating pangalan ng Côte d’Ivoire?]. www.britannica.com (sa wikang Ingles). 2026-06-25. Nakuha noong 2026-08-12.
  52. Halasz, Stephanie; Labropoulou, Elinda; McKenzie, Sheena (2019-02-13). "Macedonia officially changes its name to North Macedonia" [Opisyal na'ng pinalitan ng Masedonya ang pangalan nito patungong Hilagang Masedonya]. CNN (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-12.
  53. Tong-Hyung, Kim; Kim, Hyung-Jin (2021-02-02). "Myanmar, Burma and why the different names matter" [Myanmar, Burma at bakit mahalaga ang pagkakaiba ng pangalan]. AP News (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-08-12.
  54. "ISO 3166 – Country Codes" [ISO 3166 – Mga Kodigong Pambansa]. ISO (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 8 March 2017.
  55. "Standard Classification of Countries and Areas of Interest (SCCAI) 2017" [Pamantayang Klasipikasyon ng mga Bansa at Lugar ng Interes (SCCAI) 2017]. Statistics Canada (sa wikang Ingles). 12 Mar 2018. Inarkibo mula sa orihinal noong 29 January 2024.
  56. Barraclough, E.M.C. (1971). Flags of the World [Mga Watawat ng Mundo] (sa wikang Ingles). Great Britain: William Cloves & Sons Ltd. ISBN 0-7232-1338-0.
  57. Devereux, E. (1994). Flags: The New Compact Study Guide and Identifier [Mga Watawat: Ang Bagong Siksik na Gabay sa Pag-aaral at Pantukoy]. Eyewitness books (sa wikang Ingles). Chartwell Books. p. 18. ISBN 978-0-7858-0049-1.
  58. 1 2 Nadler, Ben (14 June 2016). "Where Do Flags Come From?" [Saan Nagmula ang mga Watawat?]. The Atlantic (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 24 November 2021.
  59. 1 2 Inglefield, Eric; Mould, Tony (1979). Flags [Mga Watawat] (sa wikang Ingles). Ward Lock. ISBN 978-0-7063-5652-6.
  60. Bartlett, Ralph G. C. (2011). Unity in Flags [Pagkakaisa sa mga Watawat] (PDF). 24th International Congress of Vexillology (sa wikang Ingles). Alexandria, Virginia: International Federation of Vexillological Associations. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 24 December 2022.
  61. Virmani, Arundhati (August 1999). "National Symbols under Colonial Domination: The Nationalization of the Indian Flag, March-August 1923" [Mga Pambansang Simbolo sa ilalim ng Kolonyal na Dominasyon: Ang Nasyonalisasyon ng Watawat ng India, Marso-Agosto 1923]. Past & Present (sa wikang Ingles) (164). Oxford University Press: 169–197. doi:10.1093/past/164.1.169. JSTOR 651278.
  62. Xing, Fei (2013). The Study of Vexillology in China [Ang Pag-aaral ng Beksilolohiya sa Tsina] (PDF). 25th International Congress of Vexillology (sa wikang Ingles). Rotterdam: International Federation of Vexillological Associations. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 16 June 2022.
  63. "National anthem" [Pambansang awit]. Central Intelligence Agency (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 5 August 2022.
  64. Harrison, Ellie (29 November 2022). "The history of the Welsh national anthem that's gripped the world" [Ang kasaysayan ng pambansang awit ng Gales na nagpadagundong sa mundo]. The Independent (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 29 January 2024.
  65. Paprotny, Dominik (14 Sep 2020). "Convergence Between Developed and Developing Countries: A Centennial Perspective" [Pagsasama sa Pagitan ng mga Mauunlad at Papaunlad na Bansa: isang Sentenyal na Pananaw]. Social Indicators Research (sa wikang Ingles). 153 (1). Springer Science and Business Media LLC: 193–225. doi:10.1007/s11205-020-02488-4. ISSN 0303-8300. PMC 7487265. PMID 32952263.
  66. "What We Do" [Anong Ginagawa Namin] (sa wikang Ingles). Mga Nagkakaisang Bansa. 20 Sep 2020. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 January 2024.
  67. "UN list of least developed countries" [Talaan ng UN ng mga bansang may pinakamababang kaunlaran]. UNCTAD (sa wikang Ingles). 1 Dec 2023. Inarkibo mula sa orihinal noong 1 August 2023.
  68. 1 2 "How does the World Bank classify countries?" [Paano inuuri ng Bangkong Pandaigdig ang mga bansa?]. World Bank Data (sa wikang Ingles). 1 Jul 2022. Inarkibo mula sa orihinal noong 22 May 2020.
[baguhin | baguhin ang wikitext]