Pumunta sa nilalaman

Batas sa karapatang-sipi ng Pilipinas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang karapatang-sipi (Ingles: copyright)[1] ay ang ligal na pananggalang na ibinibigay sa may-ari ng karapatan sa isang orihinal na gawa.[2] Sumasaklaw ang orihinal na gawa sa mga gawang pampanitikan, pansiyentipiko, at pansining.[2] Ang Tanggapan sa Ari-ariang Intelektuwal ng Pilipinas (IPOPHL) ay nangunguna sa pangangasiwa sa pagpaparehistro ng mga gawa at sa paglutas ng salungatan ng mga karapatan sa yamang isip, gayon din sa pagpapatupad ang mga batas sa karapatang-sipi.[3] Itinatag ang IPOPHL sa bisa ng Batas Republika Blg. 8293 o ang Batas sa Yamang Isip ng Pilipinas (Ingles: Intellectual Property Code of the Philippines) na ipinatupad noong ika-1 ng Enero, 1998, sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.[4]

Sa ilalim ng Kodigo sa Yamang Isip ng Pilipinas, kabilang sa mga gawang pampanitikan at pansining ang mga aklat, sulatin, gawang pangmusika, pelikula, pinta, at iba pang mga gawa tulad ng mga programa sa kompyuter.[2]

Isinasanggalang ang mga gawa sa katunayan ng mismong paglikha ng mga ito, anuman ang paraan o anyo ng pagpapahayag ng mga ito pati na rin ang nilalaman ng mga ito, ang kalidad ng nasabing nilalaman, at layunin ng mga gawa.[2]

Kalayaan sa panorama

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakasaad sa Seksiyon 172 ng Kodigo ng Ari-Ariang Intelektuwal ng Pilipinas (Intellectual Property Code of the Philippines o Batas Republika Blg. 8293), nakapamagat na "Literary and Artistic Works", na isinasanggalang ang mga "likhang sining", tulad ng arkitektura at eskultura. Walang anumang tadhana ng kalayaan sa panorama sa Seksiyon 184 ("Limitations on Copyright") na nagtatala ng mga gawaing hindi itinuturing na paglabag sa karapatang-sipi ng mga gumawa o nagdisenyo ng mga gusali, eskultura, atbp. mga obra, ngunit nagbibigay ang tadhanang (d) ng kataliwasan sa karapatang-sipi kung ang reproduksiyon ng "mga gawang pampanitikan, pansiyentipiko, at pansining" ay "bilang bahagi ng pag-ulat ng kasalukuyang mga kaganapan sa pamamagitan ng potograpiya, , o pamamahayag hanggang sa kinakailangang saklaw para sa layuning ito." Ang tadhanang (e) naman ay nagbibigay ng tadhanang patas na paggamit sa pagsasali ng isang gawa sa "isang publikasyon, brodkast, o ibang uri ng komunikasyon sa madla," kung para lamang sa layunin ng pagtuturo.[5]

Ipinatupad ang Batas ng Espanya sa Yamang Isip (Ingles: Spanish Law on Intellectual Property) noong 1880. Ito ay ang unang kilalang batas sa yamang isip sa Pilipinas. May binanggit ang Kasunduan sa Paris, na inilipat sa Estados Unidos ang pamumuno sa Pilipinas, hinggil sa mga karapatan sa yamang isip: "Patuloy na igagalang ang mga karapatan sa yamang sinanggalang ng mga karapatang-sipi at patente na nakuha ng mga Kastila sa Pulo ng Cuba at sa Porto Riko, Pilipinas at iba pang mga teritoryong isinuko, sa panahon ng pagpapalitan ng mga pagpapatibay ng kasunduang ito...." Noong 1924, ipinatupad ang Batas Blg. 3134, o ang Batas para Protektahan ang Yamang Isip (Ingles: An Act to Protect Intellectual Property) na ibinatay sa Batas sa Karapatang-sipi ng Estados Unidos noong 1909. Pinalitan ito ng Atas Pampangulo Blg. 49 (Ingles: Presidential Decree No. 49) sa panahon ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ipinasa ang Batas Republika Blg. 8293, ang kasalukuyang batas sa karapatang-sipi, noong 1998.[6]

Mga kamakailang kaganapan at usapin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kaniyang pahayag noong 2011, nanawagan si dating Senador Manny Villar ng pagsusog sa Kodigo sa Ari-Ariang Intelektuwal, kasabay ng kaniyang mga pag-alala ukol sa hindi sapat na pananggalang sa mga artista. Binanggit niya ang isang reklamo noong 2001 na inihain ng isang tagalathala ng musika laban kay Freddie Aguilar hinggil sa Anak na siya mismo ang unang bumuo. Ipinalagay din ni Villar na hindi mamamatay na mahirap si Levi Celerio kung nabigyan sana ng pananggalang ang kaniyang mga gawa tulad ng Ang Pasko ay Sumapit.[7]

Nagbabala noong 2022 si Rowel Barba, tagapagpaganap-heneral ng IPOPHL, na lumalabag sa batas sa karapatang-sipi ang simpleng pagbanggit na "CTTO" o "Credits to the Owner" bilang pagpapatungkol sa manlilikha ng isang gawa ng sining na itinampok sa isang meme o klip ng pelikula. Binigyang-diin niya na mangyari pa ring humingi ng pahintulot sa mga manlilikha ng mga pinta, retrato, sanaysay, tula, o lathalain bago gamitin ang mga ito sa mga meme o klip.[8] Ipinalagay ni Mario Cerilles Jr. ng Cerilles and Fernan Intellectual Property Law noong 2023 na maaaring maiwasan ng mga tagalikha ng nilalaman (content creator) ang mga reklamo ukol sa plahiyo [en] kung naglalagay sila ng mga pariralang tulad ng "CTTO" o "no copyright infringement intended", ngunit hindi nila maiiwaan ang mga reklamo ukol sa pagsuway sa karapatang-sipi. Bagamat maaaring sumamo ang mga tagalikha ng patas na paggamit bilang depensa sa gayong mga reklamo, nakasalalay pa rin ang kanilang tagumpay sa mga kalagayan ng kanilang paggamit ng gawa. Ayon kay Cerilles, mas mataas ang tiyansa ng tagumpay sa tagalikha kung hindi siya kumita sa kaniyang bidyo at gumamit lamang ng maliit na bahagi ng isang awit na sinanggalang ng karapatang-sipi, sa halip ng kabuoan nito.[9]

Noong ika-19 na Kongreso ng Pilipinas (202225), inihain sa Komite ng Kalakalan, Komersiyo at Pamumuhunan ng Senado ng Pilipinas ang mga Panukalang Batas Blg. 2150 at 2385 upang isúsog sa Batas sa Ari-ariang Intelektuwal ang tadhana hinggil sa pagharang ng mga website upang protektahan ang mga karapatan ng yamang isip laban sa onlayn na pamimirata.[10] Inihayag ng ilang mga mamumuhunan at kalahok sa usapin ang kanilang pagsang-ayon sa súsog, kabilang ang CitizenWatch Philippines,[11] Stratbase ADR Institute,[12] BK3 (Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente),[13] Viva Communications,[14] Globe Telecom,[14] at mga artista tulad nina Edu Manzano at Shaina Magdayao.[15]

Naghain sina Barba at ang noon ay Kalihim ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya na si Alfredo E. Pascual ng panukalang mga súsog sa Batas sa Ari-Ariang Intelektuwal noong Hulyo 2024. Kabilang sa mga panukala ang tadhana ukol sa paglaban sa onlayn na pamimirata, ang kapangyarihan para iutos ang pagharang ng website, ang mas mahigpit na mga kaparusahan, at ang mga pagbabago sa mga reglamento sa tatak pangkalakal.[16][17]

Noong Nobyembre 2025, ipina-alam ng Pandaigdigang Alyansa sa Ari-ariang Intelektuwal (IIPA), na nakahimpil sa Estados Unidos, sa Tanggapan ng Kinatawan ng Kalakalan ng Estados Unidos (USTR) na makipag-ugnayan sa pamahalaan ng Pilipinas patungkol sa "nakababahalang" mga súsog sa batas sa karapatang-sipi, na ayon sa kanila ay "magpapahina sa proteksiyon sa karapatang-sipi sa Pilipinas". Partikular na tinukoy nila ang kayarian sa pinalawak na kolektibong paglilisensiya at ang malabong lengguwahe sa sapilitang akreditasyon sa IPOPHL ng mga organisasyon sa kolektibong pamamahala. Iminungkahi rin ng IIPA na pahabain ang durasyon ng karapatang-sipi sa pitumpung (70) taon mula sa kasalukuyang limampung (50) taon at pagpalit ng bukas na sistemang patas na paggamit sa espesipikong sistema ng patas na pakikitungo (sa gawa, o fair dealing).[18]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Glossary of Terms - Copyright". Intellectual Property Office of the Philippines. Nakuha noong Abril 9, 2025.
  2. 1 2 3 4 "ABOUT COPYRIGHT". ipophil.gov.ph. Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 20, 2017. Nakuha noong Abril 9, 2017.
  3. "ABOUT INTELLECTUAL PROPERTY OFFICE". ipophil.gov.ph. Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 20, 2017. Nakuha noong Abril 15, 2017.
  4. "ABOUT INTELLECTUAL PROPERTY OFFICE". ipophl.gov.ph. Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 20, 2017. Nakuha noong Abril 15, 2017.
  5. "Intellectual Property Code of the Philippines (Republic Act No. 8293) (2015 Edition)". Intellectual Property Office of the Philippines. Nakuha noong 3 Hunyo 2020.
  6. "The intellectual property system: a brief history". Intellectual Property Office of the Philippines. Nakuha noong Mayo 31, 2023.
  7. "Villar: Protect Filipino artists, amend IP law". Senate of the Philippines. Disyembre 7, 2011. Nakuha noong Disyembre 20, 2024.
  8. Llemit, Kathleen A. (Oktubre 10, 2022). "'CTTO' can still put you into trouble: Intellectual Property officer warns meme makers". The Philippine Star. Nakuha noong Abril 5, 2025.
  9. Cerilles Jr., Mario A. (Agosto 11, 2023). "How to avoid copyright infringement". Inquirer.net. Nakuha noong Abril 5, 2025.
  10. "Senate hearing on bills vs online piracy slated next week". The Philippine Star. Abril 17, 2024. Nakuha noong Hulyo 29, 2024.
  11. Abarca, Charie (Oktubre 25, 2024). "Pass site-blocking bill before election fever heats up – group". Inquirer.net. Nakuha noong Disyembre 20, 2024.
  12. "Congress urged: Pass online site blocking measure". Daily Tribune. Nobyembre 4, 2024. Nakuha noong Disyembre 20, 2024.
  13. Bordey, Hana (Marso 4, 2025). "Group urged Senate to pass anti-online piracy bill". GMA Integrated News. Nakuha noong Disyembre 9, 2025.
  14. 1 2 "Anti-piracy bill passage to benefit Phl creative economy". Daily Tribune. Abril 25, 2025. Nakuha noong Disyembre 9, 2025.
  15. Maderazo, Jake J. (Disyembre 13, 2024). "Urgent action needed vs online piracy as Congress session nears end". Inquirer.net. Nakuha noong Disyembre 20, 2024.
  16. "Strong Intellectual Property Code pushed". The Philippine Star. Hulyo 29, 2024. Nakuha noong Hulyo 29, 2024.
  17. Miguel, Janine Alexis (Hulyo 29, 2024). "IP Code changes pushed by Ipophl". The Manila Times. Nakuha noong Hulyo 29, 2024.
  18. Barro II, Dexter (Nobyembre 20, 2025). "US creative sector raises alarm over 'problematic' Philippine IP Code amendments". Manila Bulletin. Nakuha noong Disyembre 7, 2025.
[baguhin | baguhin ang wikitext]