Pumunta sa nilalaman

Binukot

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Binokot)
Isang ilustrasyon mula sa Historia de las Islas e Indios de Bisayas (1668) ni Francisco Ignacio Alcina na naglalarawan sa isang datu ng Bisaya at isang binukot na babaeng maharlika na may belo (alampay) at isang sadok (salakot)

Ang binukot, na binabaybay din na binokot, ay isang tradisyong Bisaya bago pa man nasakop ng mga Kastila ang Pilipinas. Sa tradisyong ito, binubukod ang isang kabataang babae sa pag-asa na magreresulta ito sa paglalagay ng isang mas mataas na halaga para sa mga manliligaw nito na ninais na maging asawa sa hinaharap. Orihinal itong nailalapat sa mga kabataang babaeng maharlika. Literal na nangangahulugan ang salitang "binukot" bilang "nakabalot" o "nakatalukbong" sa mga wikang Bisaya, sa kontekstong pagbubukod.[1]

Nananatili ang pagsasanay hanggang kamakailan sa mga Suludnon (na tinatawag din na Panay Bukidnon), mga inapo ng mga sinaunang Bisaya na nakatakas sa pagbabagong Espanyol. Iningatan nila ang mga kababaihan mula sa mata ng publiko simula pagkabata.[2][3] Walang asawa sa buong buhay nila ang karamihan sa mga binukot, gayunpaman, kung nagkaroon ng asawa ang isang binukot, agad siyang magiging isang nabukot (dating binukot). Ang isang lalaking nagpapakasal sa isang binukot ay dapat magkaroon ng isang masipag at mapagmahal na kalikasan at may kakayahang mahalin, pahalagahan, at ikalugod ang kanyang asawa sa lahat ng panahon yayamang walang kaalaman ang isang binukot sa pangangalaga ng kanyang sarili dahil karaniwang pinalaki at sinusuportahan siya sa kabuuan ng kanyang buhay. Pangunahing tagapagdala sila ng kalinangan ng Panay Bukidnon dahil mayroon silang malawak na kaalaman sa mga epiko ng kanilang mga pangkat-etniko, na kanilang kadalubhasaan, kasama ang mga tradisyonal na gawi ng isang binukot.[4] Tinatawag na mga Sugidanon ang kanilang epiko ng Panay na kinakanta ng mga binukot.

Ang "binukot", kapag ginamit bilang pang-uri, ay nangangahulugang "nakabalot", "limitado," "nakahiwalay," o "pinaghihigpitan" sa mga wikang Bisaya. Ang salitang-ugat nito, "bukot", ay nangangahulugang "takpan o bigkisin ang sarili [ng tela]."[1][5] Sa ibang wika ng Pilipinas, sa wikang Bikol, may salitang "bukot" din na nangangahulugang din na "ihiwalay ang anak na babae para hindi sila umalis ng bahay tulad ng ginagawa noong unang panahon".[5]

Ang kasanayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang binukot ay isang pagsasanay na mababakas bago pa man nasakop ng mga Kastila ang kapuluan ng Pilipinas, at patuloy pa rin na ginagawa ang pagsasanay na ito. Makikita ang pagsasanay na ito sa Kanlurang Kabisayaan partikular sa pulo ng Panay at mga katutubong Suludnon. Itinuturing ng isang lipi o komunidad na karapat-dapat ang isang batang babae na mapag-isa upang maprotektahan sila upang magkaroon sila ng prestihiyong pangkalinangan at mas nakakaakit sa mga mataas na uring manliligaw. Ang napili ay hinihiwalay, iningatan, pinapahalagahan, at sa ilang antas, iginagalang.

Hinihiwalay ang isang binukot ng kanyang mga magulang sa gulang na tatlo o apat. Hindi nasisikatan ng araw o pinapayagang magtrabaho ang binukot at kasama ng kanyang mga magulang kapag naliligo. Nagreresulta ang kasanayang ito sa isang maputi, mahina, pinong kutis, at mahabang buhok. Sa bahay, inaaliw siya ng kanyang mga magulang at lolo't lola sa pamamagitan ng tradisyonal na kaalaman na pasalitang ginagawa, at tradisyonal na sayaw. Ang tradisyunal na libangan na ito ay maaaring gawin ang isang binukot na isang mahusay na mang-aawit at may kaalaman sa kasaysayang pinasa-pasa sa pamamagitan ng salita.

Ayon sa kaugalian, ang isang binukot ay hindi dapat makita ng sinumang lalaki mula pagkabata hanggang sa pagdadalaga. Tanging mga miyembro ng pamilya at babaeng kasambahay, na tinatawag na "apid", ang maaaring makaharap sa kanya. Madalas siyang naliligo sa gabi upang ilayo siya sa mga mata ng lalaki, gayundin para maprotektahan siya sa araw. Maaari ding gumawa ng pansamantalang bakod para maligo siya sa ilog para sa parehong layunin. Maaaring parusahan ng kamatayan ang mga lalaki kung titingnan nila ang isang binukot nang walang pahintulot.[5]

Hindi pinapayagang gumawa ng mabibigat na trabaho ang isang binukot subalit maaaring maghabi sa kanyang silid. Binibigyan siya ng mga babaeng tagapaglingkod upang gumawa ng iba pang gawain para sa kanya.[5] Kapag handa na para ikasal ang isang binukot, madalas sa edad na 13 o 14 o mas bata pa, humihingi ang kanyang mga magulang ng mataas na "pangayu" (Hiligaynon: presyo ng babaeng ikakasal o dote) mula sa pamilya ng manliligaw. Ang isang binukot na may mataas na "pangayu" ay kadalasang nagdadala ng prestihiyo sa isang pamilya. Kahit na bumisita ang isang manliligaw sa isang binukot, ang mga magulang ng binukot ay nagbibigay-aliw sa manliligaw at itinatago siya sa loob ng kanyang silid-subalit maaari niyang ipakita ang dulo ng kanyang kuko.

Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, isang katulad na kasanayan ang ipinakilala, ang recogimiento na paghihiwalay din kababaihan, at karaniwan din ang paghihiwalay ng kababaihan sa lipunang Hispannikong Katoliko. Bagaman may pagkakaiba ang binukot sa recogimiento.[6]

Itsura ng isang binukot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga binukot ay inilalarawan sa mga epiko at kuwento gamit ang mga metapora gaya ng "mukha ng araw," "itsura tulad ng araw," "nagniningning tulad ng isang bituin," "maputla na parang buwan," at "hindi mapapantayang ganda," na nagmumungkahi na ang binukot ay isang pamantayan ng estetikong kagandahan.

Sinasabing ang isang binukot ang pinakamagandang dilag sa kanyang pamayanan. Siya ay may kaaya-aya hanggang sa maputing kutis at nakasuot ng mga palda na may haba sa bukung-bukong at mga blusang mahahabang manggas na maraming burda (panubok) sa kwelyo, punyos, at laylayan.

Nagsusuot ang mga Binukot ng Panay Bukidnon ng mga alahas na gawa sa mga baryang Espanyol na pinagdikit-dikit at tinatawag na "biningkit". Ang pulseras na mga barya ay tinatawag na "wagkus", at ang palamuti sa ulo na mga barya ay kilala bilang isang "pundong".

Mga pananaliksik sa mga binukot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang antropologong si F. Landa Jocano na interesado sa mga katutubong kuwentong-bayan ay naglakbay sa mga teritoryong wala pa sa mapa upang kolektahin ang mga awiting-pambayan, kuwento at bugtong. Sa isa sa kanyang mga paglalakbay sa Panay, natuon ang kanyang pansin sa tanyag na kuwentong-bayan na Hinilawod, at kinanta sa kanya ang bahagi ng kuwentong-bayan ng isang matandang lalaking nagngangalang Ulang Udig nang kinakanta niya rin ito sa kanyang anak.

Sa tulong ng isang tekniko ng radyo, nai-rekord ang bahagi ng kuwento-bayan sa teyp noong 1956. Bagaman noong bumalik si Jocano noong 1957 para kumpletuhin ang rekord, ayaw nang umawit ni Ulang Udig.[7] Pagkalipas ng ilang linggo, nakilala niya ang binukot na si Hugan-an, at nahikayat niya itong i-rekord ang kanyang pag-awit ng Hinilawod. Tumagal ng tatlong linggo ang pagrerekord ng 30-oras ng tulang epiko.

Ang antropologo din na si Alicia P. Magos na tinturing si Jocano na kanyang tagapauturo,[8] ay pinag-aralan din ang mga binukot at nakilala niya ang binukot na si Anggoran (o kialla din sa pangalang Kristiyano na Preciosa "Susa" Caballero) na sinalaysay sa kanya ang dalawang epiko ng Panay o Sugidanon.[9]

Naitampok ang binukot sa programa ng GMA Network na i-Witness sa episodyong "Ang Huling Prinsesa" noong 2004 kung saan kinapanayam ni Kara David ang isang binukot na nagngangalang Isiang.[10][11] Ang episodyong ito ng i-Witness ang naging inspirasyon seryeng pantelebisyon din ng GMA Network na Amaya.[10] Bagaman pinuna ni Magos ang Amaya at sinabing ang paggamit ng salitang binukot, na nakahiwalay ito sa nararapat na konteksto pangkasaysayan at pangkalinangan upang katawanin ang mga karakter sa isang kathang-isip na kuwento, ay maaring maging mapanlinlang.[12] Nabanggit din sa episodyong iyon ang binukot na si Lola Elena Gardoce na marahil na pinakatayag na binukot ng Panay.[13] Si Conchita Gilbaliga ang isa pang kilalang binukot.[14]

Karagdagang pagbabasa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Abrera, María Bernadette L. (Enero 2008 – Disyembre 2009), "Seclusion and Veiling of Women: A Historical and Cultural Approach", Philippine Social Sciences Review, 1–2, bol. 60–61, Lungsod Quezon, Pilipinas: College of Social Sciences and Philosophy, University of the Philippines Diliman, pp. 34–56, ISSN 0031-7802, OCLC 5657379, inarkibo mula sa orihinal noong 19 Hunyo 2011

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1 2 Blanc-Szanton, Cristina (1990). "Collision of Cultures: Historical Reformulations of Gender in the Lowland Visayas, Philippines". Mula sa Jane Monnig Atkinson & Shelly Errington (pat.). Power and Difference: Gender in Island Southeast Asia (sa Ingles). Stanford University Press. ISBN 9780804717816.
  2. Austria, Kelly (29 Setyembre 2015). "Panay Bukidnon's last 'binukot'". Philippine Daily Inquirer (sa Ingles). Nakuha noong 26 Hulyo 2021.
  3. Revel, Nicole (2013). Songs of Memory in Islands of Southeast Asia (sa Ingles). Cambridge Scholars Publishing. p. 164. ISBN 9781443852807.
  4. Magos, Alicia P. (1995). "The Binokot (Kept-Maiden) in a Changing Socio-Cultural Perspective". Edukasyon. UP-ERP Journal, UP Diliman (sa Ingles).
  5. 1 2 3 4 Abrera, Maria Bernadette L. (2008–2009). "Seclusion and Veiling of Women". Philippine Social Sciences Review. 1 (sa Ingles). 60. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-06-19. Nakuha noong 2025-03-20.
  6. Camacho MST. Binukot and Recogimiento: Enduring and Changing Meanings of the Seclusion of Women in the Philippines. In: Gommans J, Lopez A, mga pat. Philippine Confluence: Iberian, Chinese and Islamic Currents, c. 1500-1800. Global Connections: Routes and Roots. Amsterdam University Press; 2020:75-114. (sa Ingles)
  7. Rabago-Visaya, Ligaya. "Hinilawod: Local flavor, global appeal". Philstar.com (sa Ingles). Nakuha noong 2025-03-20.
  8. Talledo, Tomasito (13 Enero 2013). "Construction of Identity in Central Panay: A Critical Examination of the Ethnographic Subject in the Works of Jocano and Magos" (PDF). Asian Studies: Journal of Critical Perspectives on Asia (sa Ingles). ASJ-40-1-2004.
  9. Clark, Jordan (2022-11-27). "Summary of the Sugidanon (Epics) of Central Panay • THE ASWANG PROJECT". THE ASWANG PROJECT (sa Ingles). Nakuha noong 2025-03-17.
  10. 1 2 "iWitness docu that inspired 'Amaya' to replay on GMA News TV this June 3". GMA News Online (sa Ingles). 2011-06-02. Nakuha noong 2025-03-20.
  11. Tan, Michael L. (2015-08-26). "Princesses and whiteners". INQUIRER.net (sa Ingles). Nakuha noong 2025-03-18.
  12. Burgos Jr, Nestor P. (2011-06-11). "Culture scholars say 'Amaya' is inaccurate, misleading". INQUIRER.net (sa Ingles). Nakuha noong 2025-03-17.
  13. "iWitness: Huling prinsesa (Last princess)". GMA News Online (sa Ingles). GMA Network Inc. Hulyo 19, 2004. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 16, 2015.
  14. "Lola Conchita, Panay Bukidnon's "Binukot"" (sa Ingles). 19 Enero 2009. Nakuha noong 30 Nobyembre 2016.