Capacity planning

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Capacity Planning - pagpaplano ng suplay ng produkto(o serbisyo) at paraan ng pangangasiwa ng suplay ayon sa kasalukuyang demand at pagtataya ng demand sa hinaharap. Kasama rito ang pag-alam sa dami ng manggagawa at makinaryang dapat gamitin para sa bawat proseso na napapaloob sa paggawa ng produkto o paghatid ng serbisyo. Ang capacity planning ay karaniwang ginagawa para sa tagal ng isa o higit pang mga taon.

Proseso ng Capacity Planning

1. Tantiyahin ang kinakailangang capacity sa hinaharap.

Kalakip sa hakbang na ito ang paghanap sa tayang demand sa loob ng tagal ng pag-aaral. Ang mga karaniwang pinag-uukulang pansin sa mga tayang demand ng tumatagal ng higit sa isang taon ay ang takbo ng demand, kung ito ba ay bumababa o tumataas, at ang mga cycle.
Matapos kunin ang tayang demand ay kinukuha naman ang kinakailangang capacity ayon sa tayang demand. Maaari itong maipakita sa pamamagitan ng dami ng makina o ng manggagawa na kakailanganin upang makagawa ng produkto o makapaghatid ng serbisyo ayon sa tayang demand.

2. Suriin ang kasalukuyang capacity at kunin ang pagkukulang ng kasalukuyang capacity sa kinakailangang capacity.

Maaaring makuha ang kasalukuyuang capacity sa pamamagitan ng pagsuri sa kasalukuyang dami ng manggagawa at/o pag-aaring makina.
Ang capacity gap ay ang pagkakaiba ng kasalukuyang capacity at kinakailangan capacity. Maaari itong makuha sa pamamagitan ng pagbawas ng kasalukuyang capacity sa kinakailangang capacity.

3. Magpanukala ng mga solusyon at suriin ang mga ito ayon sa mga importanteng isyu.

Ang panukalang solusyon ay maaaring, (1)bumili ng bagong makina at magdagdag ng manggagawa upang makagawa ng produktong sasapat sa capacity gap, (2)bumili ng bagong makina at magdagdag ng manggagawa upang makagawa ng ilan sa mga produktong kailangan at bilhin ang iba pang produktong kulang, o kaya ay (3) bilhin mula sa ibang tagagawa ang produktong kulang upang sumapat sa capacity gap. Ang pangunahing isinasaalang-alang sa pagsuri sa mga ito ay ang magiging gastos sa pagsagawa ng solusyon.

4. Pumili ng pinakaangkop na solusyon.

Pinipili ito ayon sa mga pamantayang ginamit sa ikatlong hakbang. Karaniwan ang solusyon na may pinakamababang gastos ang pinipili kung ang gagastusin lamang ang pamantayan.

5. Isagawa ang napiling solusyon.

6. Subaybayan ang mga resulta.

Kinakailangan ito upang masuri kung tama pa rin ang ginawang capacity plan kung nagkaroon ng pagbabago sa demand at/o pagbabago sa paggawa ng produkto o serbisyo.