Dagat Kanlurang Pilipinas

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Dagat Luzon)
Jump to navigation Jump to search
Ang lugar na itinakda bilang "West Philippine Sea" ay ang bahagyang mas-madilim na pook na bughaw sa kanluran ng Pilipinas.

Ang Dagat Kanlurang Pilipinas, o mas-kilala sa kinikilalang pangalan nito sa Ingles bilang West Philippine Sea, ay ang opisyal na pagtatalaga ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga silangang bahagi ng Dagat Timog Tsina na nakapaloob sa eksklusibong sonang ekonomiko ng Pilipinas. Ang katawagan ay minsan ding ginagamit upang matukoy ang kabuuan ng pinagtatalunang dagat.

Pinagmulan[baguhin | baguhin ang batayan]

Matagal nang tinawag ang bahagi ng Dagat Timog Tsina sa kanluran ng Pilipinas bilang payak na South China Sea (Ingles ng Dagat Timog Tsina), kalakip ang bahagi sa loob ng mga teritoryal na katubigan na malimit na tawaging Dagat Luzón (Luzon Sea).[1] Ngunit kalakip ng lumalalang sigalot sa Kapuluang Spratly at ang labis na pag-aangkin ng Tsina sa mga tampok sa dagat, inihayag ng pamahalaan ang pagbago ng pangalan ng Dagat Luzón sa West Philippine Sea o Dagat Kanlurang Pilipinas upang maipalakas ang pag-angkin nito sa nabanggit na likas na tampok sa dagat.[2]

Ang unang gamit ng pamahalaan sa katawagang West Philippine Sea ay sa taong 2011, noong administrasyon ni noo'y-Pangulong Benigno Aquino III.[3] Nilayon ng pagpapangalan bilang makasagisag na gawa upang pagtalunan ang soberanya ng Tsina sa buong Dagat Timog Tsina.[4]

Noong Setyembre 2012, inihayag ng pamahalaan ng Pilipinas na sisimulan ang paggamit ng pangalang West Philippine Sea upang tukuyin ang mga katubigan sa kanluran ng Pilipinas sa mga mapa ng pamahalaan, ibang mga uri ng komunikasyon at mga dokumento.[3]

Ligal na saklaw[baguhin | baguhin ang batayan]

The maritime areas on the western side of the Philippine archipelago are hereby named as the West Philippine Sea. These areas include the Luzon Sea as well as the waters around within the adjacent to the Kalayaan Island Group and Bajo de Masinloc, also known as Scarborough Shoal.

— 

Sec. 1, Administrative Order No. 29 (2012)[5]

Sa mapang ito (nasa Wikang Aleman), nakakulay-lunting gubat ang linyang saklaw ng mga pag-aangkin ng Pilipinas. Ang West Philippine Sea ay yaong dagat sa loob at paligid ng nabanggit na linya.

Sa batas ng Pilipinas, tumutukoy lamang ang Dagat Kanlurang Pilipinas o West Philippine Sea sa mga bahagi ng Dagat Timog Tsina, lalo na yaong mga bahaging nasa eksklusibong sonang ekonomiko (EEZ) ng bansa. Naging opisyal ang pagpapangalan sa lugar sa pamamagitan ng Kautusang Pampangasiwaan Blg. 29 na inilabas ni noo'y-Pangulong Benigno Aquino III noong Setyembre 5, 2012. Binabanggit din ng kautusan ang Kautusang Pampanguluhan Blg. 1599 na inilabas noong 1978 sa panahon ng pagkapangulo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagtatag ng EEZ ng Pilipinas, pati ang Batas Republika Blg. 9522 o ang Baselines Law na isinabatas noong 2009 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagtakda ng mga baseline o distansiya ng kapuluan ng Pilipinas.[6]

Iginigiit at pinapalakas ng kautusang pampangasiwaan ang pag-aangkin ng Pilipinas sa EEZ nito sa Dagat Timog Tsina na naipapakita ang paninindigan ng pamahalaan ng Pilipinas na mayroon itong karapatang pansoberaniya sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea sa lugar ng West Philippine Sea at ang "likas na kapangyarihan at karapatan na magtakda ng mga pook pandagat nito na may angkop na kangalanan (nomenclature) para sa mga layunin ng pambansang sistema ng pagmamapa".[6]

Walang eksaktong hangganan para sa lugar sa Dagat Timog Tsina na bumubuo sa West Philippine Sea.[4]

Paggamit[baguhin | baguhin ang batayan]

Sa ilalim ng Kautusang Pampangasiwaan Blg. 29, inatasan ang Pambansang Pangasiwaan sa Pagmamapa at Dulugang Kaalaman (NAMRIA) na gamitin ang katawagang West Philippine Sea sa mga mapang inilikha at inilathala ng ahensiya ng pamahalaan. Kinakailangan ding gamitin ng ibang mga ahensiya ng pamahalaan ang katawagan upang maging malawak ang paggamit ng pangalan sa loob at labas ng bansa.[6]

Bago ang pagpapalabas ng kautusan, ginamit ng PAGASA, ang ahensiya ng pamahalaan sa pagtataya ng panahon sa bansa, ang pangalan noong 2011 upang tukuyin ang mga katubigan sa kanluran ng bansa habang pinanatili ang pangalang Philippine Sea para naman sa mga katubigan sa silangan ng kapuluan.[7]

Talasanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. John Zumerchik; Steven Laurence Danver (2010). Seas and Waterways of the World: An Encyclopedia of History, Uses, and Issues. ABC-CLIO. p. 259. ISBN 978-1-85109-711-1.
  2. http://www.the-diplomat.com/new-leaders-forum/2011/12/15/the-west-philippine-sea/
  3. 3.0 3.1 "Philippines renames coast 'West Philippine Sea'". South China Morning Post. Agence France-Presse. 12 September 2012. Hinango noong 18 June 2019.
  4. 4.0 4.1 Heydarian, Javad. "The West Philippine Sea?". The Diplomat. Hinango noong 18 June 2019.
  5. "ADMINISTRATIVE ORDER NO. 29 : NAMING THE WEST PHILIPPINE SEA OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES, AND FOR OTHER PURPOSES". Official Gazette. Government of the Philippines. September 5, 2012.
  6. 6.0 6.1 6.2 Ubac, Michael Lim (13 September 2012). "It's official: Aquino signs order on West Philippine Sea". Philippine Daily Inquirer. Hinango noong 18 June 2019.
  7. https://www.asiaone.com/News/Latest%2BNews/Asia/Story/A1Story20110613-283772.html