Pumunta sa nilalaman

David at Goliat

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
David at Goliat (1888), isang litograpong may kulay na gawa ni Osmar Schindler (1869-1927).
Pagpaslang ni David kay Goliat, isang dibuho (langis sa ibabaw ng kanbas) na ipininta ni Peter Paul Rubens, c. 1616.

Ang David at Goliat[1] ay isang kuwentong matatagpuan sa 1 Samuel 17 ng Nevi'im ng Tanakh at ng Lumang Tipan ng Bibliya na tungkol sa pagtutunggali sa pagitan ng higanteng si Goliat (binabaybay ding Goliath[2]) na isang Filisteong taga-Gat (o taga-Gath[2]) at ng bata pang si David na anak ni Isai (o Jesse[3]) na Belenita; ito si David na magiging hari ng Sinaunang Israel.[4][5] Nilarawan ang salaysay na ito bilang "ang pinakatanyag na sagupaan" o konprontasyon "ng kasaysayan" sa 500 Questions & Answers from the Bible (o "500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya") na pinatnugutan ni Mark Fackler.[4]

Bilang kuwentong pambata

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Narito ang paglalahad ng David at Goliat ayon sa naging isang maikling kuwentong pambata na muling isinulat ni Walter Russell Bowie, na nakabatay sa nakalahad sa Nevi'im ng Tanakh at sa Lumang Tipan ng Bibliya. Pinamagatan ito ni Bowie bilang David and Goliath (o "David at Goliat").[1]

Noong mga panahong muling naghahanda ang mga Filisteo ng isang hukbong magmamartsa patungo sa lupain ng Sinaunang Israel, mayroon silang isang kasamang lalaking higanteng nagngangalang Goliat. Nakasuot sa ulo nito ang isang kalubkob o helmet na yari sa tansong dilaw (metal na pinaghalong tanso at zinc). Nababalutan ang katawan at binti nito ng baluting gawa rin sa tansong dilaw. Mayroon siyang hawak na makapal na pana, habang nauuna sa kanya ang kanyang tagapagtangan ng sariling kalasag. Araw-araw na pumupunta si Goliat sa pagitan ng lambak na nasa pagitan ng kampo ng mga Filisteo at ng kampo ng mga Israelita upang maghamon at maghanap ng isang taong lalaban sa kanya. Walang sinuman ang nagnais na kalabanin siya, maging si Haring Saul.
Noong mga panahon ding iyon, tatlo sa mga anak na lalaki ni Isai na mga kapatid ni David ang kasali sa hukbo ni Saul. May ilang araw na nagbalik sa Belen si David upang pangalagaan ang mga tupa ng kanyang ama. Isang araw, pinadala ni Isai si David upang magdala ng mga pagkaing keso, mais, at tinapay para sa kanyang mga kapatid na kabilang sa mga nagmamatyag sa hukbo ng mga Filisteo. Ginawa nga ito ni David sa pagsapit ng sumunod na araw. Nang marating ni David ang kampo ng Israel, natagpuan niya ang pagpapalitan ng mga sigawan sa pagitan ng mga hukbo ng Israel at ng mga Filisteo. Isa iyong pangyayari na tila magsisimula ang isang labanan. Pagkaraang matagpuan ni David ang kanyang mga kapatid, lumitaw si Goliat na katulad ng dati. Naghahamon si Goliat at naghahanap ng makakatunggali. Sinabi pa nitong magiging alipin ng mga Israelita ang mga Filisteo kung matatalo siya ng isang lalaking Israelita. Subalit magiging alipin naman ng mga Filisteo ang Israel kung magwawagi si Goliat. Napagmasdan ni David si Goliat. Nagkaroon si David ng galit at pagkamuhi rito dahil narinig niya ang paghamon ni Goliat sa hukbo ng Israel na "hukbo ng buhay na Diyos".
Dumating ang pagkakataon na sinimulang pag-usapan ng hukbo ang batang si David. Nakarating ang balita kay Haring Saul. Pinatawag ni Saul si David. Napag-alaman ni Saul na ang batang si David na ito ang siya ring tagapagtangan niya ng kanyang baluti at siya ring tagatugtog niya ng kudyapi. Sinabi ni David na walang dapat mangamba dahil kay Goliat. Nagbitiw siya ng salitang lalabanan niya ang higante nanghahamon. Nag-alinlangan si Haring Saul sa kakayanan ni David, subalit ipinaliwanag ni David na, habang binabantayan niya ang mga tupa ng kanyang amang si Isai, may isang leon na kumuha ng isang batang tupa mula sa kawan, na nasundan din ng isang oso na kumuha rin ng isa pang batang tupa. Kapwa tinunton ni David ang leon at oso at pinaslang niya ang mga ito dahil sa kanilang ginawa. Para kay David, magiging katulad lamang ng leon at oso si Goliat sa kanyang mga kamay. Nasabi ito ni David sapagkat naniniwala siyang may dahilan kung bakit napunta siya sa kampo at nasaksihan ang paghahamon ni Goliat. Naniniwala rin ito kung bakit iniligtas siya ng Diyos mula sa mga leon at mga osong lumusob sa kawan ng tupa ng kanyang ama. Nababatid niyang ililigtas din siya ng Diyos mula kay Goliat.
Pumayag si Saul na harapin ni David si Goliat. Ibinibigay ni Saul ang kanyang sariling kalubkob, baluti, metal na pananggalang sa dibdib, at espada, ngunit tinanggihang gamitin ito ni David dahil sa pagiging mabigat ng mga ito. Isa pa, hindi pa siya nakapagsusuot ng baluting pangkatawan at hindi rin siya sanay gumamit ng sandata. Sa halip, pumili siya ng limang makikinis na mga bato mula sa isang sapa, at ipinaloob sa sisidlan o supot niyang pampastol na nasa kanyang balakang. Humarap si David na tangan lamang ang isang panghulagpos[5] o pamukol[6] sa isang kamay at isang tungkod sa isa pang kamay.
Patakbong sinalubong ni David si Goliat. Kumuha si David ng isang bato mula sa kanyang sisidlan at ikinabit sa kanyang sandatang panghulagpos. Pinaikot ni David ang panghulagpos at inasinta si Goliat. Pinakawalan ni David ang bato mula sa umiikot na panghulagpos. Sa isang nakamamatay na pagpukol, tumama sa pinuntiryang pagitan ng dalawang mata ni Goliat ang unang bato. Pagkaraang bumaon ang bato sa noo ng higante, nawalan ito ng malay[4] at bumagsak sa lupang nauuna ang mukha. Patakbong nilapitan ni David si Goliat. Tumuntong sa ibabaw ni Goliat si David. Hinugot ni David ang espada ni Goliat mula sa lalagyan nito. Pinugutan ni David ng ulo ang higante.
Dahil sa pangyayaring ito, nahintakutan at umurong ang nagaping mga Filisteo. Hinabol ng mga Israelita ang nagsisitakas na mga Filisteo. Kinuha ng mga Israelita ang lahat-lahat ng mga bagay na nasa loob mga kubol ng kampo ng mga Filisteo. Walang ibang inibig na matanggap si David, maliban na lamang sa baluti ng natalo niyang higanteng si Goliat.

Paghahanda at pananalig ni David

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Limang bato ni David

[baguhin | baguhin ang wikitext]
David at Goliat, isang dibuho ni Tanzio de Varallo, c. 1625.

Isang bato lamang ang nakapagpabagsak kay Goliat, ngunit namulot si David ng limang makikinis na bato bago harapin ang higante. Ayon sa pinanutnugutang aklat ni Fackler, naghanda si David ng ganitong bilang ng bato dahil sa tatlong mga kadahilanan: una, maaaring magsikilos at makipagsagupaan kay David at mga Israelita ang mga Filisteo kapag naging matagumpay si David sa paggapi kay Goliat sa unang pukol pa lamang; pangalawa, maaaring kailanganin ang mga bato kung sakaling kumilos o lumaban din ang taong tagapagdala ng baluti ni Goliat; at pangatlo, naghanda si David para sa isang matagalang pakikibaka, isang pakikipagtuos na kakailanganin ni David ang pag-iwas mula sa mga bigwas ni Goliat habang magpapatama naman ng mga pagtira ng mga bato mula sa panghulagpos si David.[4]

Pagtitiwala ni David

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Higit na nakasalalay ang paghahanda ni David para sa pakikipagtunggali kay Goliat sa kanyang pananampalataya kaysa limang batong dala-dala niya sa loob ng kanyang "supot-pastol".[4][5] Bagaman walang nakatitiyak kung ano talaga ang nasa isipan ni David noong lumabas na siya mula sa kampo ng Israel bago makibaka kay Goliat, subalit nasesegurong nangangailangan ng isang "malaking puso" ang tulad ni David para humarap sa isang makapangyarihang katunggaling kagaya ng dambuhalang si Goliat. Hindi inaasahan, at maaaring nagulat rin si David, katulad ng mga nakasaksi sa labanang naganap, nang mapabagsak niya si Goliat sa pamamagitan ng una at iisang bato lamang.[4]

  1. 1.0 1.1 "David and Goliath, Bible Stories". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 164-165.
  2. 2.0 2.1 Long, Dolores; Long, Richard (1905). ""Goliath", "taga-Gath"". Ang Dating Biblia (Ang Biblia/Ang Biblia Tagalog), wika: Tagalog/Pambansang Wika ng Pilipinas, nasa dominyong publiko. Online Bible, Byblos.com.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "[http://angbiblia.net/1_samuel17.aspx Ang Hamon ni Goliat], Si David sa Kampo ni Saul, Natalo ni David si Goliat, Iniharap si David kay Saul, at paggamit ng baybay na Jesse sa halip na Isai". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008. {{cite ensiklopedya}}: External link in |title= (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 "1 Samuel 17:40, Why five stones for David's battle with Goliath?; (...) David defeats Goliath by knocking him unconscious with a stone and then cutting off his head (...)". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 44.
  5. 5.0 5.1 5.2 Abriol, Jose C. (2000). "1 Samuel 17: 1-58, Ang Higanteng si Goliat, Pinatay ni David ang Higante, Tinanggap ni David ang Hamon, at Ang Labanan; "supot-pastol"". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 409-412.
  6. Gaboy, Luciano L. Sling - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.

Panlabas na mga kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]