Pumunta sa nilalaman

Dekada '70 (pelikula)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Dekada '70
DirektorChito S. Roño
PrinodyusCharo Santos-Concio
SumulatLualhati Bautista
Itinatampok sinaVilma Santos
Christopher de Leon
Piolo Pascual
Marvin Agustin
Kris Aquino
Ana Capri
Dimples Romana
Jhong Hilario
Carlos Agassi
Danilo Barrios
Carlo Muñoz
Tirso Cruz III
Orestes Ojeda
John Wayne Sace
Marianne dela Riva
Manjo del Mundo
Kakai Bautista
Inilabas noong
25 Disyembre 2002 (2002-12-25)
Haba
131 minuto
BansaPilipinas Pilipinas
WikaFilipino
Tagalog
Ingles
Para sa lathalain tungkol sa aklat, tingnan ang Dekada '70 (nobela).

Ang Dekada '70 ay isang pelikulang Pilipino ng 2002 na pinangasiwaan ni Chito na kinabituwinan ng mga artistang sina Vilma Santos, Christopher de Leon, Piolo Pascual, Marvin Agustin, Kris Aquino, Ana Capri, Dimples Romana, Jhong Hilario, Carlos Agassi, Danilo Barrios, Carlo Muñoz, Tirso Cruz III, Orestes Ojeda, John Wayne Sace, Marianne dela Riva, Manjo del Mundo, at Cacai Bautista.[1]

Ang pelikula ay ibinatay sa nagantimpalaang nobela ni Lualhati Bautista, ang Dekada '70 na sumasalaysay sa isang panggitnang-klaseng mag-anak na Pilipino na, sa loob ng isang dekada, ay nagkaroon ng kamalayan sa mga patakarang pampolitika na sa kalaunan ay naghatid sa panunupil at sa katayuang batas militar sa Pilipinas. Gumanap na Amanda si Vilma Santos, na napaghulo ang mga kahihitnan ng buhay habang nasa ilalim ng diktaturya matapos na mapagmunimuni ang mga magkakasalungat na mga pananaw at pagtanggap ng kaniyang asawa at limang anak na lalaki.

Si Julian, ang asawa ni Amanda, ay kakampi ng anak nilang lalaki sa mga gawain nitong kumakalaban sa pamahalaan habang kasabayan namang tumatangging unawain ang kagustuhan ni Amanda na makahanap ng hanapbuhay. Isang sundalong pandagat ng Estados Unidos ang pangalawang anak na lalaki (Carlos Agassi) ni Amanda. Ang ikatlo naman niyang anak na lalaki (Marvin Agustin) ay nagsusulat naman ng mga ipinagbabawal na mga sulating pampolitika na nagsisiwalat ng mga katiwalian. Ang ikaapat (Danilo Barrios) ay naging biktima ng isang tiwaling kagawaran ng pulisya, habang isa pa lamang paslit na bunsong lalaki (John W. Sace) ang ikalima.

Tumanggap ang Dekada ‘70 ng 11 gantimpala at 12 banggit ng pagkakahalal.[2] Ito ang opisyal na lahok ng Pilipinas sa ika-76 na taunang Academy Awards para sa kategoryang pelikulang nasa ibang wika.[3]

Pagsusuri ng pelikula

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kung tutuusin, ang isang tunay na magandang pelikula ay higit pa sa pagsasama ng ibat ibang elemento nito. The whole is greater than the sum of its parts, wika nga. Maaari natin itong sabihin sa pelikulang Dekada 70 ng Star Cinema para sa 2002 Metro Manila Film Festival. Sa katunayan, ito ay higit pa sa magara nitong production design, sinematograpiya at iba pa nitong teknikal na aspeto, sa makabagbag-damdaming pag-arte ng mga nagsiganap, sa matalino nitong screenplay na si Lualhati Bautista mismo ang sumulat, at siyempre sa impresibong direksiyon ni Chito Roño.

Dahil nga sa mainam ang pagkakagawa ng pelikula, nagiging background na lamang ang mga makatotohanang props at setting, at animoy nanonood at nakikinig na lamang tayo sa mga masalimuot na pangyayari sa buhay at madalas ay madrama o nakatutuwang mga usapan ng isang pangkaraniwang pamilya noong dekada sitenta. Nakakalimutan nating si Vilma Santos talaga si Amanda Bartolome, si Christopher de Leon talaga ang asawa niyang si Julian, at napapaniwala tayong isang mataas na pinuno ng NPA talaga si Jules, at hindi ito si Piolo Pascual.

Sa ganitong banda, madali para sa isang ordinaryong manonood na mag-concentrate sa mga nilalamang mensahe ng istorya. At katulad ng premyadong nobelang pinagbasihan nito, mayaman ang pelikula sa mga mahahalagang mensaheng ito.

Ngunit una sa lahat, kailangan nating banggitin na kung ang Dekada ay isa lamang pelikula tungkol sa panahon ng martial law, maaaring hindi ito naging singganda. Tinatanggap natin itong isang melodrama at hindi social commentary na nagkataon lamang na naganap ang istorya noong panahon ng batas militar. Bagamat naniniwala tayong maganda ang pelikula, nauunawaan nating si Roo ay hindi isang Lino Brocka, at masasabi nating mas pampolitika pa rin ang nobela kaysa pelikula, kahit pa si Bautista ang mismong nagsulat.

Maliban sa pagpapaalaala sa ating mahalagang bantayan ang ating kalayaan at gampanan ang ating mga pananagutan dito, naniniwala tayong wala itong tunay mabigat na mensaheng pampolitika. Ngunit muli, hindi natin sinasabing kakulangan ito. Sa katunayan, nauunawaan nating tama naman na dito ituon ang mga pangunahing tema ng pelikula: sa kahalagahan ng pamilya sa ikabubuti ng isang mas malaking komunidad, katulad ng sarili nating bansa. Sa ganitong paraan, hindi nakakahon at nakakulong lamang sa isang dekada ng ating kasaysayan ang mensahe nito. It transcends its own place and time in history.

Halimbawa, sa unay hindi nauunawaan ni Amanda kung bakit gayon na lamang ang animoy pagkabale-wala ni Julian sa mga nangyayari sa kanilang mga anak. Makikita nating isa lamang siyang maybahay na naghahangad din namang hanapin ang sarili niyang fulfillment sa labas ng papel na ito. Dito pa lamang, totoo sa kanyang pagiging peminista, ipinapaalaala sa atin ni Bautista ang maling kalagayan ng kababaihan sa ating bansa.

May isang eksena pa na pilit sumasali si Amanda sa usapang pampolitika nina Julian at mga kaibigan niya, kung saan ipinagkamali niyang nagsulat si Amado V. Hernandez ng isang librong Ingles. Gayunman, lumalabas na katawa-tawa siya rito at kaawa-awa rin, ngunit hindi natin maiwasang humanga pa rin sa kanya dahil kahit papaanoy naninindigan siya.

Mapapansin din nating nauna pa nga na namulat si Jules at ang kapatid niyang manunulat na si Emmanuel (Marvin Agustin) sa mga masamang katotohanan ng martial law kaysa kay Amanda. Ngunit sa huli ay mamumulat din naman si Amanda nang dahan-dahan bagamat sigurado.

Si Julian naman ay isang may pagkasinaunang ama ng tahanan whose word is final, bagamat may pagkaliberal din dahil kunoy ipinapalaganap niya ang freedom of expression sa kanilang bahay. Maiisip nating maaaring ito ay dahil lahat naman ng kanilang limang anak ay pawang mga lalake rin. Walang kiyemeng ipangangalandakan pa nga niya sa kanila at kay Amanda na ang kaligayahan ng mga babae ay maaari lamang magmula sa mga lalake. Double standards, like charity, begin at home.

Itinuturing din niya na ayon lang naman sa kanyang mga liberal na pananaw na hayaang hanapin ng kanilang mga anak ang kanilang sariling mga paniniwalaan sa buhay. Every man has to believe in something he can die for, because a life that does not have something to die for is not worth living, sasabihin pa niya, ngunit makikita natin sa huli na ang totooy natatakot din siya sa maaaring kahinatnan ng mga anak niya.

Ipinapakitang patas din ang turing ng Dekada sa mga kalalakihan nang ibinigay nito kay Julian ang linyang Mahirap din ang maging lalake. Maraming emosyon ang iniipit na lang dito, sabay turo sa kanyang puso. Anupaman ang mga limitasyon ng pananaw ni Julian sa buhay, nagawa pa rin niyang lumabas sa kanyang sariling kahon at mamulat sa kanyang sariling paraan.

Dahil nga nagaganap ang istorya sa panahon ng batas militar, maaasahan nating marami sa mga tema ng pelikula ay may bahid-politika. Sa katunayan, mainam nitong isinasalarawan ang masalimuot na panahong ito sa ating kasaysayan. Maigting na ipinapakita ang mga nag-aalab na damdamin ng mga aktibistang-estudyante sa ibat ibang paraan. Nariyan ang tapang nila sa harap ng karahasan ng Metrocom sa mga nagra-rally, ang pagkakasal sa isang magkasintahan kasama sa kilusan kung saan sa halip na puting alindong ay pulang bandilang komunista ang ibinabalabal at sa halip na singsing ay kuwarenta y singkong baril ang hahawakan nila, at iba pa. Si Jules, bilang panganay at estudyanteng kolehiyo, ang mamumulat sa ganitong mga pangyayari sa kanyang kapaligiran.

May isang eksena sa gitna ng pelikula na simple ngunit puno ng simbolismo. Sa gabi ng unang araw ng pag-alis ni Jules upang sumali na sa NPA at mamundok, makikita natin si Amanda at Julian na nakaupo sa veranda ng kanilang bahay. Pinag-uusapan nila ang ginawa ng kanilang anak. Nagsisimula ang eksena sa isang long shot, at mapapansin nating nasa ibabang bahagi ng screen ang isang mesang bubog kung saan nasasalamin ang baligtad na imahe ng mag-asawa. Ipinahihiwatig sa atin ng shot na ito na binabaligtad na ng mundo sa labas ang kanilang datis masayahin at tahimik na tahanan.

Sa katunayan, mapapansin natin, katulad nga ng nabanggit na, na tila ang mga anak pa mismo nina Amanda at Julian ang nag-aakay sa dalawa upang harapin ang kanilang tungkulin bilang mamamayan. Sa maalab na paninindigan ng magkakapatid, at kahit sa nga kapus-kapalarang sinapit ng isa sa kanila, si Jason (Danilo Barrios), pagdadaanan mismo ng mag-asawa ang sakit at pait ng mga katulad nilang magulang na katulad nilang naging biktima ng batas militar ang kanya-kanyang anak.

Sa huli, kung tutuusin ay pampolitika din naman ang mensahe ng Dekada '70. Binibigyang-diin nitong mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak sa mga usaping katulad ng kalayaan o karapatang pantao o peminismo at marami pang iba. At sa kahihinatnan, makikita nating ganito rin kahalaga ang papel na gagampanan ng isang pamilya magulang at anak sa paghubog ng isang tunay na malaya at mapagpalayang lipunan.

Mga tauhan at katauhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga gantimpala at parangal

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • 2002 Metro Manila Film Festival
  • Cinemanila International Film Festival
    • Best Actress - Vilma Santos
    • Netpac Award, Special Mention/Special Jury Prize Award - Chito S. Roño (Network for the Promotions of Asian Cinema)
  • Gantimpalang FAMAS
  • Gantimpalang FAP, Pilipinas

Natatanging gantimpalang Jury para sa Network for the Promotions of Asian Cinema (NETPAC)

Mga talabanggitan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Dekada '70 Full Credits Internet Movie Database Kinuha noong 5 Disyembre 2006.
  2. Awards for Dekada '70Internet Movie Database Kinuha noong 8 Disyembre 2006.
  3. Kapistahang Pansandaigdigan ng mga Pelikula Naka-arkibo 2008-02-13 sa Wayback Machine. ABS-CBN, kinuha noong: 8 Disyembre 2006.
  4. 4.0 4.1 Mga ginantimpalaang pelikula[patay na link] Regal Films kinuha noong 30 Enero 2007.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga talaugnayang panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]