Đổi Mới
Ang Đổi Mới (transl. "renobasyon" o "inobasyon", lit. na '[ang] bagong pagpapalit') ay ang pangalang ibinigay sa proseso ng repormang pang-ekonomiya ng Biyetnam mula noong huling bahagi ng 1986, na may layuning lumikha ng isang “ekonomiyang pamilihan na may sosyalistang oryentasyon.” Ang katagang đổi mới ay isang pangkalahatang termino na malawakan ang gamit sa wikang Biyetnamita, na nangangahulugang "magpanibago". Gayunpaman, ang Patakarang Đổi Mới (Chính sách Đổi Mới) ay partikular na tumutukoy sa mga repormang naglalayong ilipat ang Biyetnam mula sa isang planadong ekonomiya tungo sa isang ekonomiyang pamilihan na may sosyalistang oryentasyon.[1] Ang mga repormang pang-ekonomiya sa Unyong Sobyet sa ilalim ni Gorbachev ay nagbigay inspirasyon sa pamahalaan ng Biyetnam. Gayunpaman, hindi tulad ng Unyong Sobyet, subalit tulad ng Tsina, ang mga komunistang pinuno sa Biyetnam ay tumangging magsagawa ng repormang pampolitika.
Ang mga reporma sa ekonomiya ng Đổi Mới ay pinasimulan ng Komunistang Partido ng Biyetnam (CPV) noong Disyembre 1986 sa ika-6 na Pambansang Kongreso ng partido. Natuto ang Biyetnam mula sa karanasan sa reporma ng Tsina, ngunit sa mas konserbatibong paraan. Ipinakilala ng mga repormang ito ang mas malaking papel ng puwersa ng pamilihan sa pagkoordina ng gawaing pang-ekonomiya sa pagitan ng mga negosyo at mga ahensiya ng pamahalaan, at pinahintulutan ang pribadong pagmamay-ari ng maliliit na negosyo, gayundin ang pagtatatag ng isang pamilihang-sapi para sa parehong estadong at di-estadong mga negosyo.[2]
Sanligan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isang sentralisado, burukratiko, at planadong ekonomiya (ang Panahon ng Subsidyo) ang ipinakilala bilang kapalit ng malayang pamilihan sa Hilaga noong 1954, matapos matalo ang Estado ng Biyetnam sa mga komunista sa Unang Digmaang Indotsina; gayundin, ipinataw ito sa buong Biyetnam noong 1975 matapos bumagsak ang kapitalistang Timog Biyetnam sa mga komunista pagkatapos ng Digmaang Biyetnam. Pagkatapos ng muling pag-iisa bilang isang pinag-isang estadong komunista noong 1976, ang ekonomiya ng Sosyalistang Republika ng Biyetnam ay sinalanta ng matitinding suliranin sa produksiyon, kawalan ng balanse sa suplay at demand, di-kahusayan sa distribusyon at sirkulasyon, papataas na antas ng implasyon, at lumalalang mga suliranin sa utang. Ang kabuuang domestikong produkto (GDP) ng Biyetnam noong 1984 ay nagkahalaga ng US$18.2 bilyon, at ang tantiya sa kita kada tao ay nasa pagitan ng US$200 at US$300. Kabilang sa mga dahilan ng mahinang pagganap na ito ng ekonomiya ang matitinding kundisyong pangklima na nakaapekto sa mga pananim, ang mga parusang ipinataw ng Estados Unidos matapos bumagsak ang kaalyado nitong Republika ng Biyetnam (Timog Biyetnam), ang Digmaang Sino-Biyetnamita, burukratikong maling pamamahala, ang paghina ng pagnenegosyo, at ang pananakop ng Biyetnam sa Kambodya, na nagbunga ng pagtigil ng lubhang kailangan nitong tulong internasyonal para sa rekonstruksiyon.[3]
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Beresford, Melanie (1988). Vietnam: Politics, Economics and Society [Biyetnam: Politika, Ekonomiya at Lipunan] (sa Ingles). London: Pinter. ISBN 9780861874484.
- ↑ "Consistently pursuing the socialist orientation in developing the market economy in Vietnam" [Patuloy na itinataguyod ang sosyalistang oryentasyon sa pagpapaunlad ng ekonomiyang pamilihan sa Biyetnam] (sa Ingles). Communist Review. Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Mayo 2011. Nakuha noong 20 Marso 2013.
- ↑ "Vietnam – The Economy" [Biyetnam – Ang Ekonomiya] (sa Ingles). Nakuha noong 3 Marso 2015.