Pumunta sa nilalaman

Domus Sanctae Marthae

Mga koordinado: 41°54′03″N 12°27′12″E / 41.9007°N 12.4533°E / 41.9007; 12.4533
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Domus Sanctae Marthae
Tanawin ng Domus Sanctae Marthae mula sa simboryo ng Basilika ni San Pedro
Domus Sanctae Marthae is located in Vatican City
Domus Sanctae Marthae
Lokasyon sa isang mapa ng Lungsod ng Batikano
Pangkalahatang impormasyon
UriTirahan, bahay-panuluyan
Estilong arkitekturalModerno
BansaLungsod ng Batikano
Mga koordinado41°54′03″N 12°27′12″E / 41.9007°N 12.4533°E / 41.9007; 12.4533
Natapos1996 (29 taon ang nakalipas) (1996)
Binuksan1996 (29 taon ang nakalipas) (1996)
May-ariBanal na Luklukan

Ang Domus Sanctae Marthae (Latin para sa Bahay ni Santa Marta; Italyano: Casa Santa Marta) ay isang gusaling katabi ng Basilika ni San Pedro sa Lungsod ng Batikano. Nakumpleto noong 1996, sa panahon ng kapapahan ni Papa Juan Pablo II, ipinangalan ito kay Marta ng Betanya, kapatid nina Maria at Lazaro ng Betanya. Ginagamit ang gusali bilang bahay-panuluyan para sa mga klero na may gawain sa Banal na Luklukan, at bilang pansamantalang tirahan ng mga miyembro ng Kolehiyo ng mga Kardinal habang lumalahok sa isang kongklabeng pampapa upang pumili ng bagong papa.

Nakatira si Papa Francisco sa isang silid sa Domus Sanctae Marthae mula sa kanyang pagkahalal noong 2013 hanggang sa kanyang kamatayan noong 2025, at tumanggi siyang manirahan sa mga apartamento ng papa sa Palasyong Apostoliko.

Gusali at pasilidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bago ang pagtatayo ng Domus Sanctae Marthae, nakatira ang mga kardinal na nakikilahok sa mga kongklabe sa mga hindi komportableng pansamantalang silid sa Palasyong Apostoliko na may limitadong pasilidad sa palikuran at kainan, at walang pasilidad sa pagpapalamig ng hangin, kaya mahirap para sa mga matatandang kardinal.[1][2][3]

Nagpasya si Papa Juan Pablo II, matapos makilahok sa dalawang kongklabe, upang gawing mas komportable at hindi gaanong nakakapagod ang proseso para sa mga matatandang kardinal, at kinomisyon ang pagtatayo ng Domus Sanctæ Marthæ. Tinukoy niya na ito ay magsisilbi para sa mga kongklabe at, sa ibang pagkakataon, magagamit ng "mga tauhang eklesyastiko na naglilingkod sa Kalihiman ng Estado at, hangga't maaari, sa iba pang mga Dikasteryo ng Romanong Kurya, gayundin ng mga kardinal at obispo na bumibisita sa Lungsod ng Batikano upang makita ang Santo Papa o upang lumahok sa mga kaganapan at pagpupulong na iniorganisa ng Banal na Luklukan."[4] Nakapanuluyan na rin doon ang mga layko.[5]

Nagprotesta ang mga makakalikasang grupo sa Italya, kasama ang ilang politikong Italyano, laban sa pagpapatayo ng gusali dahil haharangan nito ang tanawin ng Basilika ni San Pedro na tinatamasa mula sa ilang kalapit na apartamento. Ipinagtanggol ng pinuno ng Kagawaran ng Teknikal na Serbisyo ng Batikano na mas mababa ang taas ng gusali kaysa sa maraming iba pang mga gusali sa kapitbahayan, at tinanggihan niya ang mga pagtutol sa karapatan ng Batikano na magtayo sa loob ng mga hangganan nito.[6]

Nagkakahalaga ng $20 milyon ang otel, kung saan $13 milyon ay unang ipinangako ng may-ari ng kasino na si John E. Connelly mula sa Pittsburgh, Pennsylvania, na kalaunan ay nakatanggap ng kontrata para magbenta ng mga kopya ng sining ng Batikano sa Estados Unidos. Hindi natupad ni Connelly ang kanyang paunang pinansiyal na pangako matapos humarap sa mga pag-urong sa pananalapi ang kanyang negosyo. Binawi rin ang kanyang kontrata sa sining matapos siyang mabigong palawakin ang kanyang mga pagsisikap sa pagmamarket sa labas ng Pittsburgh.[7]

Iminungkahi ni Connelly si Louis D. Astorino, isang arkitektong nakabase sa Pittsburgh, upang magdisenyo ng gusali. Nang tanggihan ang kanyang disenyo, nanatili si Astorino upang idisenyo ang katabing Kapilya ng Banal na Espiritu, habang ang Italyanong arkitektong si Giuseppe Facchini, dating subdirektor ng serbisyong teknikal ng gobernasyon ng Batikano, ang nagdisenyo ng bagong gusali.[8] Matatagpuan ang kapilya sa pagitan ng Muog Leonino at ng mismong bahay-panuluyan.[9]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Deborah (2013-03-01). "Vatican Route: St. Martha's House" [Rutang Batikano: Bahay ni Santa Marta]. Inside The Vatican (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-04-25.
  2. Tobin, Greg (2009). Selecting the Pope : uncovering the mysteries of papal elections [Pagpipili ng Papa : pagbubunyag ng mga misteryo ng mga halalang pampapa] (sa wikang Ingles). Internet Archive. New York : Sterling. ISBN 978-1-4027-2954-6.
  3. From Pope John Paul II to Benedict XVI : an inside look at the end of an era, the beginning of a new one, and the future of the church [Mula kay Papa Juan Pablo II hanggang kay Benedicto XVI: Isang panloob na pagtanaw sa pagtatapos ng isang panahon, simula ng bago, at ang kinabukasan ng simbahan] (sa wikang Ingles). Internet Archive. Lanham, Md. : Rowman & Littlefield Publishers. 2005. ISBN 978-1-58051-202-2.{{cite book}}: CS1 maint: others (link)
  4. "The St. Martha Foundation" [Ang Pundasyon ni Sta. Marta] (Nilabas sa mamamahayag) (sa wikang Ingles). Catholic News Service/Vatican Press Office. Abril 2005. Nakuha noong 24 Enero 2014.
  5. "Kissinger in conclave at Vatican" [Kissinger sa kongklabe sa Batikano]. Catholic News (sa wikang Ingles). 30 Abril 2007. Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Marso 2011. Nakuha noong 24 Enero 2014.
  6. Thavis, John (2013). The Vatican Diaries: A Behind-the-Scenes Look at the Power, Personalities and Politics at the Heart of the Catholic Church [Ang mga Talaarawan ng Batikano: Isang Sulyap sa Likod ng Lente sa Kapangyarihan, mga Personalidad, at Politika sa Puso ng Simbahang Katoliko] (sa wikang Ingles). New York City: Viking. pp. 121–2. ISBN 978-0-670-02671-5.
  7. Rodgers-Melnick, Ann (9 Enero 2001). "Connelly's plan to market replicas never took hold beyond Pittsburgh" [Ang plano ni Connelly na mag-market ng mga replika, hindi na lumaganap sa labas ng Pittsburgh]. Pittsburgh Post-Gazette. Nakuha noong 24 Enero 2014.
  8. "New Vatican Chapel Designed By Pittsburgh Architect" [Bagong Kapilya ng Batikano Idinisenyo ng Arkitekto mula sa Pittsburgh]. KDKA News (sa wikang Ingles). CBS Local. 4 Marso 2013. Nakuha noong 24 Enero 2014.
  9. "Chapel of the Holy Spirit" [Kapilya ng Banal na Espiritu] (sa wikang Ingles). Astorino. Inarkibo mula sa orihinal noong 2 Nobyembre 2013. Nakuha noong 24 Enero 2014.