Ensaladang Caprese
| Ibang tawag | Insalata caprese (sa Italyano) |
|---|---|
| Uri | Ensalada |
| Lugar | Italya |
| Rehiyon o bansa | Campania |
| Pangunahing Sangkap | Mozzarella, kamatis, balanoy, asin, langis ng oliba |
| |
Ang ensaladang Caprese (Italyano: insalata caprese [insaˈlaːta kapreːze; -eːse] o caprese lamang)[1] ay isang ensaladang Italyano, gawa sa sariwang mozzarella na hiniwa-hiwa, mga kamatis, at matamis na balanoy, na tinimplahan ng asin, at langis ng oliba. Karaniwan itong nakalagay sa isang plato kapag inihahain sa restoran.[2][3] Tulad ng pizza Margherita, nagtatampok ito ng mga kulay ng bandila ng Italya: lunti, puti, at pula. Sa Italya, kadalasang inihahain ito bilang antipasto (pampagana), hindi contorno (pamutat), at maaari itong kainin sa anumang oras ng araw. Isang anyo ng putaheng Caprese ang ensaladang Caprese; maaari rin itong ihain bilang pizza, pasta, o sandwits.
Nakapangalan ang ensalada sa pulo ng Capri, kung saan ito pinaniniwalaang nagmula.[4] Ang dalawang karaniwang kuwento tungkol sa pinagmulan nito ay pagpupugay sa watawat ng Italya o "sa ika-20 siglo upang payapain ang mga panlasa ng mga nababakasyon na royalidad at importanteng politiko".[5]
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang ensaladang Caprese ay ipinangalan sa pulo ng Capri, na matatagpuan sa Look ng Napoles sa Campania. Dito pinaniniwalaang nagmula ang ensalada,[6] at noong dekada 1990, karaniwang pinaniniwalaan ng mga lokal na may hindi bababa sa isang daang taon na ang edad nito.[7] Ilang salaysay ang naglalarawan sa paglikha ng ulam; ang pinakamatanda ay isang alamat na nag-uugnay rito sa Romanong emperador na si Tiberio habang nagbabakasyon siya sa isla.[6] Ang iba naman ay itinuturing ang paglikha nito bilang isang makabayang pagpupugay sa watawat ng Italya, o bilang paraan upang mapalugdan ang panlasa ng mga nagbabakasyong maharlika at mga pulitiko noong ika-20 siglo.[5] Ayon sa manunulat ng pagkain sa Capri na si Marino Barendson, nakilala ang ensalada sa pangalang ito noong dekada 1930 sa Ristorante Luigi ai Faraglioni. Ayon naman sa Kamara ng Komersiyo ng Napoles, nagsimula ang pag-usbong ng katanyagan ng ulam sa Capri noong dekada 1920, nang ihain ito ng tagapagtatag ng kilusang Futurista na si Filippo Tommaso Marinetti sa isang serye ng mga hapunan sa Grand Hotel Quisisana.[8]
Sa paglipas ng panahon, nagbago ang paraan ng paghahanda at paghahain ng ensaladang Caprese. Noong isang bahagi ng ika-20 siglo, kabilang sa paghahanda ang paghihiwa, paglalagay ng asin, at pagpapatulo ng katas ng mga kamatis bago timplahan ng asin, paminta, langis, at bawang, at saka ihahalo sa balanoy at tinadtad na mozzarella. Sa ibang mga pagkakataon, hinihiwa sa kalahati ang kamatis at binubuo itong hugis-bulaklak sa pamamagitan ng paglalagay ng balanoy at mozzarella. Pagsapit ng dekada 1990, naging popular ang pagdaragdag ng oregano, lalo na sa Capri kung saan tumutubo ang isang mas matamis na lokal na uri nito, gayundin ang isang nilinang na arugula na madalas ilarawang “ligaw.”[7] Sa panahong ito, nagsimulang magbenta ang McDonald's sa buong Italya ng ensaladang Caprese.[9]
Noong dekada 1950, madalas puntahan ang Capri ng mga kilalang tao, maharlika, at mga politiko. Iniuugnay ni Kate Wickers sa Italy Magazine ang pag-usbong ng pandaigdigang pagkilala sa putahe sa panahong ito, matapos itong ihain sa bumibisitang Haring Farouk ng Ehipto. Sinang-ayunan ang salaysay na ito ng Kamara ng Komersiyo ng Napoles, na idinagdag na si Farouk ay hinainan ng ensaladang nakarolyo. May ilang kuwento na nag-uugnay sa unang paglaganap ng putahe sa labas ng isla sa isang lalaking taga-Capri na nagngangalang Constantino Moffa, na ayon sa mga ulat ay naghain nito habang nagtatrabaho sa Suwisa bilang hotel maître d’.[6][8]
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang ensaladang Caprese, sa pinakasimpleng anyo nito, ay binubuo ng hiniwang kamatis at mozzarella na nilalagyan ng balanoy, asin at paminta, at ekstra birheng langis ng oliba.[10] Kung minsan ay dinaragdagan ito ng oregano, at lalo na sa mga tahanan, maaari pang dagdagan ang resipi ng mga olibo, sili, at bawang.[11][7][8][12] Hindi tulad ng sa Estados Unidos,[5] ang mga paghahanda ng ensaladang Caprese sa Italya ay hindi nilalagyan ng suka batay sa paniniwalang ang pagdaragdag nito ay makasisira sa pinong lasa ng sariwang mozzarella.[13][7] Ang berdeng balanoy, puting mozzarella, at pulang kamatis ay bumubuo sa mga pambansang kulay ng Italya, na kung minsan ay napagkakamalang insalata tricolore na naglalaman ng mozzarella, kamatis, at anumang berdeng gulay.[6]
Galeriya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Mozzarella, kamatis, at ensaladang gulay
- Ensaladang mozzarella at kamatis
- Ensaladang Caprese na nakatuhog
- Mga hiniwang mozzarella na may kamatis at oliba
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Edward Antrobus (31 Oktubre 2010). Recipes of If You Can Read, You Can Cook: Year 1 [Mga Resipi ng Kung Marunong Ka Magbasa, Kaya Mong Magluto: Ika-1 Taon] (sa wikang Ingles). SEAM Publishing. p. 32. ISBN 978-1-301-75286-7.
- ↑ The Joy of Cooking [Ang Kagalakan ng Pagluluto] (sa wikang Ingles). Edisyon ng Ika-75 Anibersaryo, pa. 169
- ↑ "Nigel Slater's classic insalata caprese recipe" [Ang klasikong resipi ng insalata caprese ni Nigel Slater] (sa wikang Ingles), The Observer, Sunday 18 Hulyo 2010.
- ↑ "Insalata Caprese". ITALY Magazine (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2020-09-17.
- 1 2 3 "Caprese Salad captures Italy's rich history" [Sa Ensaladang caprese nakikita ang mayamang kasaysayan ng Italya] (sa wikang Ingles). The Lowell Sun. Agosto 26, 2015. Nakuha noong 23 Setyembre 2020.
- 1 2 3 4 "Insalata Caprese". ITALY Magazine (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2020-09-17.
- 1 2 3 4 Schwartz, Arthur (1998). Naples at Table: Cooking in Campania [Naples sa Lamesa: Pagluluto sa Campania] (sa wikang Ingles). New York: HarperCollins. pp. 217. ISBN 0-06-018261-X.
- 1 2 3 Kostioukovitch, Elena (2010) [2009]. Why Italians Love to Talk About Food [Bakit Gustung-gusto ng mga Italyano na Pag-usapan ang Pagkain] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Appel, Anne Milano. London: Duckworth Overlook. pp. 270. ISBN 978-0-7156-3988-7.
- ↑ Helstosky, Carol (2004). Garlic and Oil: Politics and Food in Italy [Bawang at Mantika: Politika at Pagkain sa Italya] (sa wikang Ingles). Oxford and New York: Berg Publishers. pp. 159. ISBN 1-85973-890-7.
- ↑ Riley, Gillian (2007). The Oxford Companion to Italian Food [Ang Kompanyerong Oxford sa Pagkaing Italyano] (sa wikang Ingles). New York: Oxford University Press. pp. 336, 420. ISBN 978-0-19-860617-8.
- ↑ Del Conte, Anna (2004) [2001]. The Concise Gastronomy of Italy [Ang Maigsing Gastronomiya ng Italya] (sa wikang Ingles). New York: Barnes and Nobles. pp. 212, 272. ISBN 0-7607-6344-5.
- ↑ Sorini, Alex Revelli; Cutini, Susanna. "Panino con caprese". TaccuiniGastrosoficit.it (sa wikang Italyano). Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Disyembre 2025. Nakuha noong 27 Disyembre 2025.
- ↑ Willinger, Faith Heller (1996). Red, White & Green: The Italian Way with Vegetables [Pula, Puti at Berde: Ang Paraang Italyano sa mga Gulay] (sa wikang Ingles). New York: HarperCollins. pp. 284. ISBN 0-06-018366-7.