Ernő Gerő
Ernő Gerő | |
|---|---|
| First Secretary of the Hungarian Working People's Party | |
| Nasa puwesto 18 July 1956 – 25 October 1956 | |
| Nakaraang sinundan | Mátyás Rákosi |
| Sinundan ni | János Kádár |
| Minister of the Interior | |
| Nasa puwesto 4 July 1953 – 6 June 1954 | |
| Nakaraang sinundan | József Györe |
| Sinundan ni | László Piros |
| Minister of Finance | |
| Nasa puwesto 3 December 1948 – 11 June 1949 | |
| Nakaraang sinundan | Miklós Nyárádi |
| Sinundan ni | István Kossa |
| Minister of Transport[a] | |
| Nasa puwesto 11 May 1945 – 18 February 1949 | |
| Nakaraang sinundan | Gábor József |
| Sinundan ni | Lajos Bebrits |
| Member of the High National Council | |
| Nasa puwesto 26 January 1945 – 11 May 1945 Nagsisilbi kasama ni Béla Miklós and Béla Zsedényi | |
| Nakaraang sinundan | Ferenc Szálasi (as Leader of the Nation) |
| Sinundan ni | József Révai |
| Pansariling Detalye | |
| Isinilang | Ernő Singer 8 Hulyo 1898 Terbegec, Kingdom of Hungary, Austro-Hungarian Empire (now Trebušovce, Slovakia) |
| Yumao | 12 Marso 1980 (81 taong gulang) Budapest, Hungarian People's Republic |
| Partido | Hungarian Communist Party (1918–1942) Hungarian Working People's Party (1942–1956) Hungarian Socialist Workers' Party (1956–1962) |
| Asawa | Erzsébet Fazekas (k. 2026–1967) |
| Anak | 3 |
Si Ernő Gerő (ipinanganak bilang Ernő Singer; 8 Hulyo 1898 – 12 Marso 1980) ay isang lider komunistang Hunggaryo sa panahon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pansamantalang naging pinakamakapangyarihang tao sa Hungriya noong 1956 bilang pinuno ng naghaharing Hungarian Working People's Party.
Maagang Buhay at Karera
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinanganak siya sa Terbegec, Hont County sa Kaharian ng Hungriya (ngayo’y Trebušovce, Slovakia), bilang isa sa sampung anak ng mga magulang na Hudyo, bagaman kalaunan ay itinakwil niya ang relihiyon. Ang kaniyang ama ay isang mangangalakal. Natapos niya ang sekundaryang edukasyon sa Újpest malapit sa Budapest at nag-aral ng medisina bago tuluyang pumasok sa politika.
Naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Hungriya mula nang ito’y maitayo noong Nobyembre 1918. Nang maitatag ang Republikang Sobyet ng Hungriya, iniwan niya ang kaniyang pag-aaral at naging ganap na kasapi ng Young Communists. Matapos mabigo ang rebolusyon, tumakas siya patungong Vienna at nakilahok sa mga gawaing pang-organisasyon sa iba’t ibang bansa. Lihim siyang bumalik sa Hungriya noong Setyembre 1921 ngunit inaresto makalipas ang isang taon. Nasentensiyahan siya ng labing-anim na taong pagkakabilanggo, ngunit pinalaya matapos ang isang kasunduang pagpapalitan ng mga bilanggo sa pagitan ng Moscow at Budapest at pagkatapos ay ipinatapon sa Unyong Sobyet.
Dahil marunong siya ng pitong wika, tinanggap siya ng Comintern noong 1925. Una siyang ipinadala sa isang pabrika upang matutunan ang wikang Ruso, at kalaunan ay ipinadala sa Pransiya kung saan pinamunuan niya ang seksiyong Hunggaryo ng Partido Komunista ng Pransiya hanggang 1928. Habang nasa Unyong Sobyet, naging aktibong ahente rin siya ng NKVD at nagsagawa ng mga misyong pampulitika sa Belgium, Sweden, Finland, at Yugoslavia. Lumaban din siya sa Digmaang Sibil sa Espanya kung saan nakibahagi siya sa mga purga laban sa mga grupong Trotskyista sa loob ng International Brigades.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Europa, nasa Moscow si Gerő at nanatili roon sa buong panahon ng digmaan. Matapos mabuwag ang Communist International noong 1943, pinamahalaan niya ang propagandang nakatuon laban sa mga puwersang kaaway at mga bihag ng digmaan. Isa siya sa mga unang opisyal komunistang bumalik sa Hungriya noong Nobyembre 1944 at nakilahok sa mga talakayan sa Moscow hinggil sa mga kondisyon ng pagsuko ng Hungriya sa digmaan.
Pagbalik niya sa Hungriya noong Disyembre 1944, naging isa siya sa mga pangunahing tagapag-organisa ng pansamantalang kapulungan na lumagda sa tigil-putukan kasama ang mga nagwaging kapangyarihan. Tuluyan siyang nanirahan sa Budapest noong mga huling yugto ng opensiba sa lungsod noong Enero 1945 at pinamunuan ang aparatong pampartido sa kabisera. Nagsilbi rin siya bilang kasapi ng High National Council, ang pansamantalang pamahalaan ng Hungriya, mula Enero hanggang Mayo 1945. Pagkaraan nito, hinirang siyang Ministro ng Kalakalan at Transportasyon, at kalaunan ay Ministro ng Transportasyon lamang.
Sa halalan noong Nobyembre 1945, nakakuha lamang ng 17% ng boto ang Partido Komunista ng Hungriya sa pamumuno nina Gerő at Mátyás Rákosi, samantalang 57% naman ang nakuha ng Independent Smallholders' Party. Gayunpaman, ipinilit ng pinunong Sobyet sa Hungriya na si Marshal Kliment Voroshilov ang pagbuo ng isang pamahalaang koalisyon kung saan hawak ng mga komunista ang mahahalagang posisyon.
Noong Hunyo 1948, naging kasapi si Gerő ng Secretariat ng Hungarian Working People's Party, na nabuo matapos ang pagsasanib ng Partido Komunista ng Hungriya at ng Social Democratic Party of Hungary. Noong Nobyembre ng parehong taon, hinirang siyang kinatawan at pangunahing katuwang ni Mátyás Rákosi bilang Pangkalahatang Kalihim ng partido.
Sa halalan noong Mayo 1949, ganap nang nakontrol ng Hungarian Working People's Party at ng koalisyong Hungarian Independent People's Front ang politika ng bansa. Sina Gerő at Mihály Farkas ang naging pangunahing katuwang ni Rákosi, habang pinamunuan ni Gerő ang National Economic Council at ang kolektibisasyon ng agrikultura.
Noong 1952, naging punong ministro rin si Rákosi, ngunit humina ang kaniyang kapangyarihan matapos mamatay si Joseph Stalin noong 1953. Pinalitan siya bilang punong ministro ng mas repormistang si Imre Nagy, habang nanatili naman si Gerő bilang panimbang laban sa mga repormista. Noong Hunyo 1953, sumama si Gerő sa delegasyong pampartido na nagtungo sa Moscow, kung saan kinilala nila ang mga pagkakamali at pagmamalabis ng pamahalaan mula pa noong 1948, bagaman hindi ito nagbunga ng malaking pagbabago sa polisiya.
Mula Hulyo 1953 hanggang Hunyo 1954, nagsilbi siyang Ministro ng Interyor at Pangalawang Punong Ministro sa ilalim ni Imre Nagy. Nang tuluyang humina ang impluwensiya ni Rákosi matapos ang “Lihim na Talumpati” ni Nikita Khrushchev laban sa Stalinismo noong 1956, napilitang bumaba sa puwesto si Rákosi noong 18 Hulyo 1956. Gayunpaman, sapat pa rin ang impluwensiya niya upang maitalaga si Ernő Gerő bilang kaniyang kahalili bilang Unang Kalihim ng partido.
Pamumuno at Himagsikan ng 1956
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pinamunuan ni Ernő Gerő ang Hungriya sa maikling panahon na tumagal lamang nang mahigit tatlong buwan, simula noong 18 Hulyo 1956. Ang panahong ito ay kilala bilang “Gerő Interregnum.” Gayunpaman, dahil sa kaniyang malapit na kaugnayan kay Mátyás Rákosi, hindi naging katanggap-tanggap ang kaniyang pamumuno para sa malaking bahagi ng mamamayang Hunggaryo.
Noong 23 Oktubre 1956, nagmartsa ang mga estudyante sa Budapest upang iharap sa pamahalaan ang kanilang mga kahilingan. Lumaki nang lumaki ang kilos-protesta habang dumarami ang sumasama rito. Tumugon si Gerő sa pamamagitan ng isang matinding talumpati na lalong nagpagalit sa mga tao, habang nagpaputok naman ang pulisya laban sa mga nagpoprotesta. Ito ang naging simula ng Himagsikang Hunggaryo ng 1956.
Dahil sa kaniyang kabiguang mapigil ang paglawak ng protesta, nawalan si Gerő ng suporta mula sa Unyong Sobyet. Habang kumakalat ang himagsikan sa buong bansa, nagpulong ang Central Committee ng Hungarian Working People's Party noong 25 Oktubre 1956. Napagkasunduan nilang italaga si János Kádár bilang bagong pinuno ng partido. Si Kádár ay dating ministro na nakulong noon sa gawa-gawang kasong paniniktik mula 1951 hanggang 1954. Napagpasyahan din nilang ibalik bilang punong ministro si Imre Nagy, na dati nang tinanggal dahil sa kaniyang hidwaan sa maka-Stalinistang pakpak ng partido.
Huling Buhay at Kamatayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 28 Oktubre 1956, matapos mapatalsik sa kapangyarihan, inilikas si Gerő patungong Unyong Sobyet. Doon ay binigyan siya ng posisyon sa Institute of Economics ng Academy of Sciences. Noong 9 Mayo 1957, tinanggalan siya ng kaniyang puwesto sa parlamento at ng pagiging kasapi sa Presidential Council.
Pinayagan lamang siyang makabalik sa Hungriya noong Abril 1960. Noong Agosto 1962, nagpasa ng resolusyon ang Central Committee ng Hungarian Socialist Workers' Party—na siyang humalili sa dating Hungarian Working People's Party—na nagpanagot kay Gerő sa mga paglabag at pagmamalabis na naganap noong dekada 1950. Dahil dito, pinatalsik siya mula sa partido.
Sa kaniyang pagreretiro, namuhay siya nang tahimik at hiwalay sa publiko sa Budapest at paminsan-minsang nagtrabaho bilang tagasalin ng wika. Noong 1977, sinubukan niyang muling maging kasapi ng Hungarian Socialist Workers' Party ngunit tinanggihan ang kaniyang kahilingan. Namatay siya sa Budapest noong 1980 sa edad na 81.
- ↑ Minister of Trade and Transport until 15 November 1945, when the ministry was divided into two separate ministries.
<ref> tag na ang grupong "lower-alpha", pero walang nakitang <references group="lower-alpha"/> tag para rito); $2