Pumunta sa nilalaman

Gampaning pangkasarian

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang mga gampaning pangkasarian o gampaning seksuwal ay ang pangkat ng mga pamantayang ng pag-uugali at panlipunan na itinuturing na akma o angkop sa lipunan para sa mga indibiduwal ng isang partikular na kasarian na nasa diwa ng isang partikular na kultura, na malawak na nagkakaiba-iba sa pagitan ng mga kalinangan at sa loob ng mga kapanahunan. May mga pagkakaiba ng opinyon kung ang napapansing mga pagkakaiba sa mga katangian ng kaasalan at katauhan o personalidad ay, kahit na bahagi lamang, ay dahil sa mga bagay na pangkultura o panglipunan, kaya ang produkto ng mga karanasan sa pakikisalamuha o sosyalisasyon, o kung hanggang saan ang mga kaibahang ito na pangkasarian ay dulot ng mga pagkakaibang pambiyolohiya at pampisyolohiya.[1]

Ang mga pananaw hinggil sa pagkakaiba o diperensiyasyon na nakabatay sa kasarian sa pook ng hanapbuhay at sa mga pakikipag-ugnayan sa ibang tao ay kadalasang napasailalim sa marubdob na mga pagbabago bilang resulta ng mga impluwensiyang peminista at/o ekonomika, subalit mayroon pa ring mga kaibahang maisasaalang-alang sa mga gampaning pangkasarian sa halos lahat ng mga lipunan. Totoo rin na sa panahon ng mga pangangailangan, katulad ng habang may digmaan o iba pang emerhensiya, ang mga babae ay pinapayagang magsagawa ng mga tungkulin na sa "normal" mga panahon ay itinuturing na gampaning panlalaki, o kaya ay kabaligtaran nito, ang mga lalaki ay makapagsasagawa naman ng mga gampaning pambabae.

Ang kasarian ay mayroong ilang mga kahulugan. Karaniwan itong tumutukoy sa isang pangkat ng mga katangian na itinuturing na mapagkakakilanlan sa pagitan ng lalaki at ng babae, makapagpapasalamin ng kasariang pambiyolohiya ng isang tao, o makapagpasalamin ng katauhang pangkasarian ng isang tao. Ang katauhang pangkasarian ay ang (mga) katangian, o kawalan nito, na napagkakakilanlan ng sarili ng isang tao bilang siya; hindi ito nangangailangang nakabatay sa kasariang pambiyolohiya, na maaaring tunay o nahihiwatigan o nararamdaman, at kaiba ito mula sa kamulatang seksuwal. Ito ay isang panloob at pansarili o personal na pakiramdam ng pagiging isang lalaki o isang babae (o pagiging isang batang lalaki o batang babae) ng isang tao.[2] Mayroon dalawang pangunahing mga kasarian: ang maskulino (lalaki), o peminino (babae), bagaman may ilang mga kultura na kumikilala sa mas marami pang mga kasarian. Ang androhinya, halimbawa, ay iminungkahi bilang isang pangatlong kasarian.[3] May ilang mga lipunan na mayroong mahigit sa limang mga kasarian,[4] at ilang mga lipunang hindi Kanluranin ay mayroong tatlong mga kasarian - lalaki, babae, at ikatlong kasarian.[5] Ang ekspresyon ng kasarian (himanting ng kasarian, pagpapahayag ng kasarian, pagpapadama ng kasarian, o pagpapamalas ng kasarian, gender expression sa Ingles) ay ang panlabas na manipestasyon (pagpapatotoo at pagpapakita) ng katauhang pangkasarian ng isang tao, sa pamamagitan ng "maskulino," "peminino," ibang kasarian (gender-variant) o neutral na kasariang pag-uugali, pananamit, ayos ng buhok, at mga katangian ng katawan.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "What do we mean by "sex" and "gender"?". World Health Organization. Nakuha noong 2009-09-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 Gay and Lesbian Alliance Against Defamation. ‘’GLAAD Media Reference Guide, ika-8 edisyon. Transgender Glossary of Terms”, ‘’GLAAD’’, USA, Mayo 2010. Nakuha noong 2011-11-20.
  3. (Maccoby, E.E., Sex differences in intellectual functioning, 1966.; Bem S.L., 1975)
  4. Graham, Sharyn (2001), Ang ikalimang kasarian ng Sulawesi, Inside Indonesia, Abril–Hunyo 2001.
  5. Roscoe, Will (2000). Changing Ones: Third and Fourth Genders in Native North America. Palgrave Macmillan (Hunyo 17, 2000) ISBN 0-312-22479-6
    See also: Trumbach, Randolph (1994). London’s Sapphists: From Three Sexes to Four Genders in the Making of Modern Culture. In Third Sex, Third Gender: Beyond Sexual Dimorphism in Culture and History, Gilbert Herdt (editor), 111-36. New York: Zone (MIT). ISBN 978-0-942299-82-3