Pumunta sa nilalaman

Gantimpalang Nobel sa Panitikan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang Gantimpalang Nobel sa Panitikan (Swedish: Nobelpriset i litteratur) ay isang taunang parangal para sa isang manunulat mula sa anumang bansa na, sang-ayon sa huling habilin ni Alfred Nobel, ay nakalikha "sa larangan ng panitikan ng pinakabukod-tanging akda sa isang ideyal na direksyon" (o sa orihinal na Wikang Suweko: den som inom litteraturen har producerat det mest framstående verket ko en idealisk riktning).[1][2] Bagaman minsan nang nabanggit ang indibidwal na akda bilang dahilan sa pagkakagawad, ang "akda" sa ganang ito'y nangangahulugan ng pangkalahatang mga akda ng isang manunulat. Ang Akademyang Sweko ang nagpapasya kung kanino igagawad ang gantimpala, na kanilang inaanunsyo tuwing Oktubre. Ito ay isa sa limang Gantimpalang Nobel na itinatag sa pamamagitan ng huling habilin ni Alfred Nobel noong 1895; ang iba pa ay ang Gantimpalang Nobel sa Kimika, Gantimpalang Nobel sa Pisika, Gantimpalang Nobel sa Kapayapaan, at Gantimpalang Nobel sa Pisiyolohika o Medisina.

Ang pagbibigay-diin ni Nobel sa "ideyalismo" bilang saligan ng Gantimpalang Nobel sa Panitikan ay naging sanhi ng ilang pagtatalo. Sa orihinal na Sweko, ang salitang idealisk ay naisasalin bilang "ideyalistiko" o "ideyal." Sa mga unang taon ng ika-20 siglo, binigyan ito ng Komiteng Nobel ng isang napakahigpit na pakahulugan. Bunga nito, maraming tanyag na manunulat tulad nina James Joyce, Leo Tolstoy, Anton Chekhov, Marcel Proust, Henrik Ibsen, at Henry James[3]  ang hindi nagawaran ng parangal. Nito lamang nasimulan ng komite na bigyan ng isang liberal na pakahulugan ang gayong salita, at dahil dito, ang premyo ay siya nang iginagawad para sa walang-kupas na kahusayan sa literatura at bilang tanda ng walang-pagbabagong ideyalismo sa isang makabuluhang antas. Noong mga nakararaang taon, nangahulugan ito bilang isang ideyalismo ng pangmalawakang pagtatanggol sa karapatang pantao. Samakatwid, ang paggawad nito ay madalas nabibigyan ng pulitikal na kulay.

Nakaakit ng kritisismo ang Akademyong Sweko sanhi ng pangangasiwa nito sa pamimigay ng gantimpala. Ayon sa mga kritiko, iniwasan ng akademyang parangalan ang nakararami sa mga bantog na manunulat, habang ilang mga laureado naman ang naipagpalagay na hindi karapat-dapat kagawaran ng gantimpala. Mayroon ring mga kontrobersya ng di-umano'y mga pulitikal na interes sa likod ng proseso ng pagmungkahi ng kandidato at sa pagpili sa ilang mga laureado. Ayon sa ilan, tulad na lamang ng Indyanong akademikong si Sabaree Mitra, bagamat may kabuluhan ang Gantimpalang Nobel sa Panitikan, "hindi lamang ito ang tanging sanggunian sa kahusayang pampanitikan."

Noong 1901, ang makatang Pranses na si Sully Prudhomme (1839-1907) ang unang ginawaran ng Gantimpalang Nobel sa Panitikan, "bilang katangi-tanging pagkilala sa kanyang mala-tulang pagkatha, na nagbibigay-tanda sa matayog na ideyalismo, ganap na kasiningan at isang bihirang pagsasama ng mga kalidad ng puso at isip."

Sa kanyang huling habilin, itinakda ni Alfred Nobel na ang matitira niyang estado ay gagamitin upang makalikha ng isang grupo ng mga gatimpalang igagawad sa "pinakadakilang pakinabang para sa sangkatauhan" sa mga larangan ng pisika, kimika, kapayapaan, pisiyolohika o medisina at panitikan. Bagamat maraming naisulat na huling habilin si Nobel, ito ang kahuli-hulihan niyang nagawa isang taon bago siya pumanaw, at kanyang nilagdaan sa Swedish-Norwegian Club sa Paris noong ika-27 ng Nobyembre 1895. Nag-iwan si Nobel ng 94% ng kanyang nalalabing pag-aari (13 million Swedish kronor o US$186 million noong 2008) upang itatag at pagkalooban ng pondo ang limang premyo. Bunga ng pag-aalinlangan sa kanyang habilin, noon lamang ika-26 ng Abril 1897 pinagtibay ng Storting (Parlyamento ng Norway) ang naturang hakbang. Ang nagsilbing abogado sa kanyang habilin ay sina Ragnar Sohlman at Rudolf Lilljequist, na bumuo ng Nobel Foundation upang pangalagaan ang yaman ni Nobel at itatag ang mga gantimpala.

Agad na hinirang ang mga kagawad ng Komiteng Nobel ng Norway matapos mapagtibay ang habilin ni Nobel. Sinundan ito ng mga samahang maggagawad ng bawat parangal: ang Karolinska Institutet noon ika-7 ng Hunyo, ang Akademyang Sweko noong ika-9 ng Hunyo at ang Royal Swedish Academy of Sciences noong ika-11 ng Hunyo. Nagkaroon ng isang kasunduan ang Nobel Foundation tungkol sa mga patnubay kung paano igagawad ang parangal. Pinagtibay ni Haring Oscar II noong 1900 ang kagagawa lamang na batas. Ayon sa huling habilin ni Nobel, ang Akademyang Sweko ang magsisilibing tagapagbigay ng Gantimpala sa Literatura.

Patakaran sa Pagmumungkahi

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Taun-taon, nagpapadala ang Akademyang Sweko ng mga pamamanhikan sa nominasyon ng mga kandidato para sa Gantimpalang Nobel sa Panitikan. Pinapayagang magmungkahi ang mga kagawad ng Akademya, miyembro ng mga akademya at samahang pampanitikan, mga propesor ng wika at panitikan, mga naunang laureado, at mga presidente ng mga organisasyon ng mga manunulat. Hindi pinapayagang imungkahi ang sarili.

Libo-libong sulat ng pamamanhikan ang ipinadadala kada taon. Noong 2011 lamang, nasa 220 na panukala ang nakabalik. Dapat matanggap ng Akademya ang mga panukalang ito nang hindi lalampas sa ika-1 ng Pebrero, kung saan sisimulang pag-aralan ng Komiteng Nobel ang bawat isa. Pagdating ng Abril, tatapyasin ng Akademya ang mga kandidato hanggang sa maging dalawampu. Sa Mayo, isang shortlist na may limang pangalan ang pagtitibayin ng Komite. Ang mga susunod na apat na buwan ay kanilang gugugulin sa pagbabasa at pagsusuri ng mga akda ng limang kandidato. Sa Oktubre, magbobotohan ang mga kagawad ng Akademya, at kung sino ang makatatanggap ng higit sa kalahati ng pangkalahatang boto ay siyang tatanghaling laureado. Upang mapili ay nararapat nasa listahan ang kandidato nang may dalawang beses man lamang, kung kaya't marami sa mga manunulat ay maya't-mayang lumalabas at paulit-ulit na sinusuri taun-taon. Nagpakadalubhasa ang Akademya sa labintatlong wika, ngunit kung ang isang kandidato ay mula sa isang di-kilalang wika, sila ay tatawag ng mga tagasalin at mga nanumpang eksperto upang magbigay ng sampol ng manunulat. Ang iba pang salik ng proseso ay katulad sa ibang Gantimpalang Nobel.

Ang mga Gantimpala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang isang laureado ay tumatanggap ng isang gintong medalya, isang diplomang naglalaman ng sipi ukol sa kanyang pagkapanalo, at premyong salapi. Ang kabuuang halagang iginagawad ay batay sa kinita ng Nobel Foundation sa taong iyon. Kung ang isang gantimpala ay iginawad sa higit pa sa isang manunulat, pantay na hinahati ang premyong salapi para sa bawat isa o, kung tatlo ang laureado, maaari itong hatiin sa isang kalati at dalawang sangkapat. 

Pabago-bago ang premyong salapi ng Gantimpalang Nobel mula pa noong umpisa, ngunit noong 2012 ito'y umabot na sa nasa kr 8,000,000 (o mga US$1,100,000). Dati-rati ito ay nasa kr 10,000,000.[4][5][6] Hindi ito ang unang pagkakataon na ito'y nabawasan—mula sa naturingang halagang kr 150,782 nong 1901 (o nagkakahalaga ng 8,123,951 sa SEK noong 2011) naging singbaba ito ng naturingang halagang kr 121,333 (2,370,660 sa SEK noong 2011) noong 1945—ngunit ito'y siya ring tumaas at naging pirmi mula noon, hanggang sa maabot nito ang rurok na 11,659,016 sa SEK (2011) noong 2001.[6]

Ang laureado ay pinaaanyayahan ring magbigay ng lektyur sa "Linggo ng Nobel" sa Stockholm; ang pinakatampok na bahagi nito ay ang pagdiriwang at salu-salo sa ika-10 ng Disyembre[7]  Ito ang pinakamayamang premyong pampanitikan sa buong daigdig.

Ang mga medalya ng Gantimpalang Nobel, na minenta ng Myntverket[8] sa Sweden at ng Menta ng Norway mula 1902, ay pawang rehistradong tatak-pangkalakal (registered trademark) ng Nobel Foundation. Bawat medalya ay nagtatampok sa harapan ng larawan ni Alfred Nobel na nakatagilid sa kaliwa. Ang mga medalya para sa Gantimpalang Nobel sa Pisika, Kimika, Pisiyolohika o Medisina, at Literatura ay may magkakatulad na harapan, na nagpapakita ng larawan ni Alfred Nobel at ang mga taon ng kanyang kapanganakan at kamatayan (1833-1896). Nasa medalya rin ng Gantimpalang Nobel sa Kapayapaan at ng Gantimpala sa Ekonomiks ang larawan ni Nobel, ngunit may kaunting kaibhan sa disenyo.[9] Ang larawan sa likuran ng isang medalya ay naiiba ayon sa institusyong tagapaggawad ng parangal. Ang likuran ng mga medalya ng Gantimpalang Nobel sa Kimika at Pisika ay may magkatulad na disenyo.[10] Ang medalya para sa Gantimpalang Nobel sa Panitikan ay dinisenyo ni Erik Lindberg.[11]

Ang laureado ay tumatanggap ng isang diploma mula mismo sa kamay ng Hari ng Sweden. Ang bawat diploma ay may kanya-kanyang disenyo ayon sa institusyong tagapaggawad ng parangal.[12] Ang diploma ay napapalooban ng isang larawan at teksto na naglalahad ng pangalan ng laureado at ng sipi kung bakit sila ang nakatanggap ng gantimpala.[12]

  1. "The Nobel Prize in Literature". nobelprize.org. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2011-05-14. Nakuha noong 2007-10-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. John Sutherland (Oktubre 13, 2007). "Ink and Spit". Guardian Unlimited Books. The Guardian. Nakuha noong 2007-10-13.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Kjell Espmark (1999-12-03). "The Nobel Prize in Literature". Nobelprize.org. Nakuha noong 2006-08-14.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "The Size of the Nobel Prize Is Being Reduced to Safeguard Long-Term Capital". Nobel official website. Hunyo 11, 2012. Nakuha noong Hunyo 11, 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "The Nobel Prize Amount". nobelprize.org. Nakuha noong 2007-10-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 "Nobel Prize Amounts" (PDF). Nobel website. Nakuha noong Hunyo 12, 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "The Nobel Prize Award Ceremonies". nobelprize.org. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2007-10-11. Nakuha noong 2007-10-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Medalj – ett traditionellt hantverk" (sa wikang Suweko). Myntverket. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2007-12-18. Nakuha noong 2007-12-15.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "The Nobel Prize for Peace" Naka-arkibo 2009-09-16 sa Wayback Machine., "Linus Pauling: Awards, Honors, and Medals", Linus Pauling and The Nature of the Chemical Bond: A Documentary History, the Valley Library, Oregon State University.
  10. ""Nobel Prize for Chemistry". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2011-08-12. Nakuha noong 2016-06-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "The Nobel Medal for Literature". Nobelprize.org. The Nobel Foundation. Nakuha noong Nobyembre 11, 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. 12.0 12.1 "The Nobel Prize Diplomas". Nobelprize.org. Nakuha noong 2011-10-12.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)