Gintong Templo
| Gintong Templo | |
|---|---|
Harmandir Sāhib Darbār Sāhib | |
| Relihiyon | |
| Pagkakaugnay | Sikhismo |
| Lokasyon | |
| Lokasyon | Amritsar |
| Estado | Punjab |
| Bansa | Indiya |
| Mga koordinadong heograpikal | 31°37′12″N 74°52′35″E / 31.62000°N 74.87639°E |
| Arkitektura | |
| Istilo | Arkitekturang Sikh[1] |
| Tagapagtatag | Guru Arjan |
| Pagtitibag | 1581[2] |
| Nakumpleto | 1589 (templo) 16 Agosto 1604 (kasama ang Adi Granth)[2] |
| Websayt | |
| sgpc.net/sri-harmandir-sahib/ | |
Ang Gintong Templo[a] ay isang gurdwara na matatagpuan sa Amritsar, Punjab, Indiya.[3][4] Ito ang pangunahing espirituwal na pook ng Sikhismo at isa sa mga pinakabanal nitong lugar, kasama ang Gurdwara Darbar Sahib sa Kartarpur at ang Gurdwara Janam Asthan sa Nankana Sahib, kapwa nasa Punjab, Pakistan.[3][5]
Ang sarovar (banal na imbakan ng tubig) sa lugar ng gurdwara ay natapos ng ikaapat na Sikh Guru, si Guru Ram Das, noong 1577.[6][7] Noong 1604, inilagak ng ikalimang Sikh Guru na si Guru Arjan ang isang kopya ng Adi Granth sa Ginintuang Templo at gumanap ng mahalagang papel sa pag-unlad nito.[3][8] Paulit-ulit na itinayong muli ng mga Sikh ang gurdwara matapos itong maging puntirya ng pag-uusig at ilang ulit na winasak ng mga hukbong Mughal at ng mga sumasalakay na hukbong Apgano.[3][5][9] Si Maharaja Ranjit Singh, matapos itatag ang Imperyong Sikh, ay muling itinayo ito gamit ang marmol at tanso noong 1809, at binalutan ng dahon ng ginto ang santuwaryo noong 1830. Dahil dito, nagmula ang pangalang Gintong Templo.[10][11][12]
Ang Gintong Templo ay ang espirituwal na pinakamahalagang dambana sa Sikhismo. Naging sentro ito ng Kilusang Singh Sabha mula 1883 hanggang dekada 1920, at ng Kilusang Punjabi Suba mula 1947 hanggang 1966. Noong unang bahagi ng dekada 1980, ang gurdwara ay naging sentro ng alitan sa pagitan ng pamahalaan ng Indiya at ng isang radikal na kilusan na pinamunuan ni Jarnail Singh Bhindranwale.[13] Noong 1984, ipinadala ni Punong Ministro Indira Gandhi ang Hukbong Indiyano bilang bahagi ng Operation Blue Star (Operasyong Bituing Bughaw), na nagbunga ng pagkamatay ng libu-libong sundalo, militante, at sibilyan, pati ng malaking pinsala sa gurdwara at pagkawasak ng kalapit na Akal Takht, ang pangunahing luklukan ng awtoridad ng mga Sikh. Muling itinayo ang kompleks ng gurdwara matapos ang pag-atake noong 1984.[5]
Bukas ang Gintong Templo bilang pook-sambahan para sa lahat ng tao, mula sa iba't ibang antas ng buhay at pananampalataya.[3] May parisukat na plano ang estruktura, may apat na pasukan, at may landas na paikot sa paligid ng imbakan ng tubig. Ang apat na pasukan ng gurdwara ay sumasagisag sa paniniwala ng Sikhismo sa pagkakapantay-pantay at sa pananaw na tinatanggap sa banal na lugar ang mga tao mula sa lahat ng grupo, kasta, at etnisidad.[14] Ang kompleks ay binubuo ng mga gusali sa paligid ng santuwaryo at ng imbakan ng tubig.[3] Isa sa mga ito ang Akal Takht, ang pangunahing sentro ng awtoridad panrelihiyon ng Sikhismo.[5] Kabilang pa sa iba ang tore ng orasan, mga tanggapan ng Komiteng Gurwara, isang museo, at ang langar, isang libreng kusinang pinamamahalaan ng pamayanang Sikh na nag-aalok ng pagkaing begetariyano sa lahat ng bisita nang walang diskriminasyon.[5] Mahigit 150,000 katao ang dumadalaw sa dambana araw-araw para sa pagsamba.[15] Nominado ang kompleks ng gurdwara bilang Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO, at kasalukuyang nasa tentatibong talaan ng UNESCO ang aplikasyon nito.[16]
Pagpapangalan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Harmandir Sahib ay maaari ring baybayin bilang Harimandar o Harimandir Sahib.[3][17] Tinatawag din itong Durbār Sahib, na nangangahulugang "banal na pagtitipon/pagtanggap", pati na rin bilang Gintong Templo dahil sa santuwaryong gitna nito na binalutan ng dahon ng ginto.[5]
Ang salitang "Harmandir" ay binubuo ng dalawang salita: "Hari", na isinasalin ng mga iskolar bilang "Diyos",[3] at "mandir", na nangangahulugang "bahay".[18] Idinaragdag naman ang "Sahib" sa pangalan ng dambana, isang katawagan na karaniwang ginagamit sa tradisyon ng Sikh upang ipakita ang paggalang sa mga lugar na may relihiyosong kahalagahan.[19]
May ilang gurdwara sa tradisyong Sikh na pinangalanang "Harmandir Sahib", tulad ng nasa Kiratpur at Patna. Sa mga ito, ang nasa Amritsar ang pinakabanal at pinakakilalang sambahan.[20][21]
Arkitektura
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang arkitektura ng Gintong Templo ay sumasalamin sa iba't ibang mga pamamaraang arkitektural na laganap sa subkontinenteng Indiyano, dahil sa paulit-ulit na muling pagtatayo at pagpapanumbalik ng templo.[22]
Ang unang estruktura ng Harmandir Sahib na itinayo sa ilalim ng pamumuno ni Guru Arjan ay pinaghalo ang mga konsepto ng dharamsaal at ng mga banal na imbakan ng tubig (sarovar).[22] Sa halip na kopyahin ang tradisyunal na paraan ng pagtatayo ng Hindu na templo sa pamamagitan ng pagtayo ng dambana sa mataas na plataporma, pinili ni Guru Arjan na itayo ang dambana nang mas mababa kaysa sa paligid nito upang ang mga deboto ay kailangang bumaba upang marating ito.[22] Ang apat na pasukan ay sumasagisag na ang pananampalatayang Sikh ay pantay na bukas sa apat na tradisyunal na klasipikasyon ng kasta sa Indiya (varna).[22] Walang umiiral na tala, paglalarawan, o rekord ng prototipong Harmandir Sahib bago ang 1764 na itinayo mismo ng mga guru na Sikh.[22] Gayunpaman, naniniwala si Kanwarjit Singh Kang na ang orihinal na estrukturang itinayo ng Guru ay karamihang katulad at maihahambing sa kasalukuyang estrukturang sinasabing itinayo noong 1764.[22]
Itinuturing ni James Fergusson ang Gintong Templo bilang isang halimbawa ng isa sa mga anyo kung paano umunlad ang arkitektura ng mga Hindu na templo noong ika-19 na dantaon.[22] Nang ihanda at inilathala ng kolonyal na pamahalaan ng Punjab noong 1875 ang listahan ng mga estrukturang kapupulutan ng interes, ipinahayag na ang disenyo ng arkitektura ng Gintong Templo, sa anyong itinayo ni Ranjit Singh, ay hango sa dambana ng Sufi na santo na si Mian Mir.[22] Ayon kay Louis Rousselet noong 1882, ang dambana ay may "marangyang estilo ng arkitektura ng Jat."[22] Inilarawan ni Major Henry Hardy Cole ang arkitektura ng gusali bilang pangunahing hango sa mga Islamikong estilo na may mahalagang impluwensya mula sa mga estilo ng Hindu. Inuri rin ni Percy Brown ang templo bilang isang pagsasanib ng mga estilo ng arkitekturang Islamiko at Hindu, subalit kanyang napansin na may sarili ring natatanging katangian at imbensyon ang estruktura. Naniniwala si Hermann Goetz na ang arkitektura ng templo ay isang "Kangra na pagbabagong-anyo ng arkitekturang Oudh" na inangkop ng mga Sikh sa kanilang sariling mga gusali, na kanyang pinupuri; subalit, kanyang kinritiko rin ang templo dahil sa pagkakaroon ng mga "mararangyang" elemento na karaniwang matatagpuan sa mga Indiyanong gurdwara, tulad ng sining na estilo rococo. Inilarawan nina Ian Kerr at iba pang mga iskolar ang templo bilang isang halo ng arkitekturang Indo-Islamiko ng mga Mughal at arkitekturang Hindu ng mga Rajput.[3][23]
Mga pananda
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ kilala din bilang Harmandir Sāhib lit. na 'Bahay ng Diyos', Punjabi: harimandara sāhiba, binibigkas [ɦəɾᵊmən̪d̪əɾᵊ saːɦ(ɪ)bᵊ], o ang Darbār Sāhib, lit. na ''korteng marangal'', Bigkas sa Punjabi: [d̪əɾᵊbaːɾᵊ saːɦ(ɪ)bᵊ]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Tourism Dept fails to promote gurdwaras situated in Golden Temple periphery". The Tribune (sa wikang Ingles). 17 Mayo 2022. Nakuha noong 13 Setyembre 2025.
- 1 2 Arvind-Pal Singh Mandair 2013, pp. 41–42.
- 1 2 3 4 5 6 7 8 9 Kerr, Ian J. (2011). "Harimandar". Mula sa Harbans Singh (pat.). Encyclopaedia of Sikhism (sa wikang Ingles). Punjabi University Patiala. pp. 239–248. Nakuha noong 1 Hulyo 2018.
- ↑ Eleanor Nesbitt 2016, pp. 64–65, 150.
- 1 2 3 4 5 6 "Harmandir-Sahib". Encyclopedia Britannica (sa wikang Ingles). 2014. Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Marso 2018. Nakuha noong 2 Mayo 2018.
- ↑ Louis E. Fenech & W. H. McLeod 2014, p. 33.
- ↑ Pardeep Singh Arshi 1989, pp. 5–7.
- ↑ W. Owen Cole 2004, p. 7
- ↑ M. L. Runion (2017). The History of Afghanistan, 2nd Edition (sa wikang Ingles). Greenwood. pp. 69–71. ISBN 978-0-313-33798-7. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Marso 2024. Nakuha noong 2 Mayo 2018., Banggit: "Ahmad Durrani was forced to return to India and [he] declared a jihad, known as an Islamic holy war, against the Marathas. A multitude of tribes heralded the call of the holy war, which included the various Pashtun tribes, the Balochs, the Tajiks, and also the Muslim population residing in India. Led by Ahmad Durrani, the tribes joined the religious quest and returned to India (...) The domination and control of the [Afghan] empire began to loosen in 1762 when Ahmad Shah Durrani crossed Afghanistan to subdue the Sikhs, followers of an indigenous monotheistic religion of India found in the 16th century by Guru Nanak. (...) Ahmad Shah greatly desired to subdue the Sikhs, and his army attacked and gained control of the Sikh's holy city of Amritsar, where he brutally massacred thousands of Sikh followers. Not only did he viciously demolish the sacred temples and buildings, but he ordered these holy places to be covered with cow's blood as an insult and desecration of their religion (...)"
- ↑ Trudy Ring, Noelle Watson & Paul Schellinger 2012, pp. 28–29.
- ↑ Eleanor Nesbitt 2016, pp. 64–65.
- ↑ Jean Marie Lafont (2002). Maharaja Ranjit Singh: Lord of the Five Rivers (sa wikang Ingles). Oxford University Press. pp. 95–96. ISBN 978-0-19-566111-8.
- ↑ Fenech, Louis E. (2014). The Oxford Handbook of Sikh Studies (sa wikang Ingles). OUP Oxford. pp. 30–31. ISBN 978-0-19-969930-8. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Abril 2023. Nakuha noong 19 Marso 2023.
But this strategy backfired in the spring of 1984, when a group of armed radicals led by Bhindranwale decided to provoke a confrontation with the government by occupying Akal Takhat building inside the Golden Temple complex.
- ↑ "Nature and importance of Harmandir Sahib – Pilgrimage". BBC (sa wikang Ingles) (ika-GCSE Religious Studies Revision (na) labas). Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Marso 2022. Nakuha noong 17 Marso 2022.
- ↑ "Soon, Golden Temple to use phone jammers". The Times of India (sa wikang Ingles). 19 Hulyo 2012. Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Enero 2013. Nakuha noong 25 Mayo 2023.
- ↑ Sri Harimandir Sahib, Amritsar, Punjab Naka-arkibo 2022-05-16 sa Wayback Machine., UNESCO (sa Ingles)
- ↑ Asher, Catherine Blanshard (1992). Architecture of Mughal India (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. p. 316. ISBN 978-0-521-26728-1. Inarkibo mula sa orihinal noong 1 Nobyembre 2022. Nakuha noong 11 Marso 2022.
Situated in the middle of an enormous tank connected to land via a long causeway, the shrine is known as Harimandir.
- ↑ Louis E. Fenech & W. H. McLeod 2014, p. 146.
- ↑ McLeod, W.H. (2014). Historical Dictionary of Sikhism (sa wikang Ingles). Rowman & Littlefield. p. 269. ISBN 978-1442236011.
- ↑ Henry Walker 2002, pp. 95–98.
- ↑ H. S. Singha (2000). The Encyclopedia of Sikhism (sa wikang Ingles). Hemkunt Press. p. 97. ISBN 978-81-7010-301-1.
- 1 2 3 4 5 6 7 8 9 Kang, Kanwarjit Singh (1988). "13. Art and Architecture of the Golden Temple". Punjab Art and Culture (sa wikang Ingles). Atma Ram & Sons. pp. 56–62. ISBN 9788170430964.
- ↑ Eleanor Nesbitt 2016, pp. 64–65 Quote: "The Golden Temple (...) By 1776, the present structure, a harmonious blending of Mughal and Rajput (Islamic and Hindu) architectural styles was complete." (sa Ingles)
Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Arvind-Pal Singh Mandair (2013). Sikhism: A Guide for the Perplexed (sa wikang Ingles). Bloomsbury Academic. ISBN 978-1-4411-0231-7. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Marso 2024. Nakuha noong 2 Mayo 2018.
- Eleanor Nesbitt (2016). Sikhism: A Very Short Introduction (sa wikang Ingles). Oxford University Press. ISBN 978-0-19-874557-0. Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Agosto 2023. Nakuha noong 2 Mayo 2018.
- Louis E. Fenech; W. H. McLeod (2014). Historical Dictionary of Sikhism (sa wikang Ingles). Rowman & Littlefield Publishers. ISBN 978-1-4422-3601-1. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Agosto 2023. Nakuha noong 2 Mayo 2018.
- Pardeep Singh Arshi (1989). The Golden Temple: history, art, and architecture (sa wikang Ingles). Harman. ISBN 978-81-85151-25-0.
- W. Owen Cole (2004). Understanding Sikhism (sa wikang Ingles). Dunedin Academic Press. ISBN 978-1-906716-91-2. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Marso 2024. Nakuha noong 2 Setyembre 2020.
- Trudy Ring; Noelle Watson; Paul Schellinger (2012). Asia and Oceania: International Dictionary of Historic Places (sa wikang Ingles). Routledge. ISBN 978-1-136-63979-1.
- Henry Walker (2002). Kerry Brown (pat.). Sikh Art and Literature (sa wikang Ingles). Routledge. ISBN 978-1-134-63136-0. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Marso 2024. Nakuha noong 2 Mayo 2018.