Pumunta sa nilalaman

Himagsikang Negros

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Himagsikang Negros ng 1898
Bahagi ng Himagsikang Pilipino
Opisyal na watawat ng Himagsikang Negros hanggang 1898. Ang watawat ay binago nang itatag ang Republika ng Negros (1898–1901).
Opisyal na watawat ng Himagsikang Negros hanggang 1898. Ang watawat ay binago nang itatag ang Republika ng Negros (1898–1901).
PetsaNobyembre 3, 1898 – Nobyembre 24, 1898
Lookasyon
Resulta

Tiyak na tagumpay ng mga Pilipino

Mga nakipagdigma

Katipunan

  • Mga Rebolusyonaryong Negrense

Espanya Imperyong Kastila

  • Guwardiya Sibil
Mga kumander at pinuno
Aniceto Lacson
Juan Araneta
Espanya Isidro de Castro (sumuko)
Espanya Maximiano Correa
Mga nasawi at pinsala
Di-alam Di-alam

Ang Himagsikang Negros, na kilala rin bilang Araw ng Negros (Hiligaynon: Adlaw sang Negros) at mas karaniwang tinutukoy bilang Cinco de Noviembre (Kastila para sa Ikalima ng Nobyembre), ay isang pag-aalsa noong 1898 na nagwakas sa pamumuno ng Espanya sa Pulo ng Negros at nagbunga ng panandaliang Republika ng Negros, na pinamunuan ng mga Negrense. Tumagal lamang ng mga tatlong buwan ang naitayong republika. Natapos ang kalayaan ng mga Negrense nang lumapag ang mga puwersang Amerikano sa pulo na walang pagtutol sa mga nasa pulo. Noong Abril 20, 1901, isinama na ang Negros sa nasasakupang Pulo ng Pilipinas.[1][2]

Konteksto sa kasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong ika-19 na dantaon, lumitaw ang iba't ibang lokal na pag-aalsa sa Negros at iba pang bahagi ng Pilipinas bilang tugon sa pang-aabuso ng mga Espanyol at sa hangaring makamit ang kalayaan mula sa dayuhang pamamahala. Kabilang sa mga pinakatanyag na pag-aalsang ito ang pinamunuan ni Punong Manyabog ng tribong Carolan sa Kabankalan noong 1855, ang paglaban ni Ponciano Elofre (kilala rin bilang Dios Buhawi) mula 1880 hanggang 1889, at ang pakikibaka ni Dionisio Magbuelas (tinaguriang Papas Islo).[3]

Kasabay nito, ang Pulo ng Negros ay isa sa pinakamayamang rehiyon sa Pilipinas dahil sa mabilis na paglago ng industriya ng asukal.[4] Pinamumunuan ito ng mga mayayamang hacendero, mga may-ari ng malalaking plantasyon, na nagkontrol sa ekonomiya, lipunan, at politika.[5] Habang umiigting ang rebolusyon sa iba pang bahagi ng bansa, maraming Negrense na elitista ang naging maingat sa kanilang hakbang. Subalit sa paglakas ng kilusang nasyonalista laban sa Espanya at sa kabiguan ng mga nakaraang kasunduan gaya ng Kasunduan sa Biak-na-Bato,[6] nagsimulang gumawa ng sariling hakbang ang mga lokal na pinuno.

Paghahanda at pag-aalsa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Aniceto Lacson

Noong unang bahagi ng Nobyembre 1898, nagtagpo nang lihim ang mga kasapi ng Katipunerong Negrense, karamihan ay mga hacendero, upang planuhin ang Himagsikang Negros. Noong Nobyembre 3, napagdesisyunan nilang magsimula, at sa mga sumunod na araw, naghanda sila ng armas, pinutol ang mga linya ng telegrapo, at mobilisado ang kanilang mga tagasuporta.[7]

Ang huling pahina ng Acta de Capitulación (Dokumento ng Pagsuko).

Ang pinaka-tiyak na sandali ay dumating noong Nobyembre 5, 1898, na naging kilala bilang Cinco de Noviembre. Pinamunuan nina Heneral Aniceto Lacson at Juan Anacleto Araneta ang mga rebolusyonaryong kolum patungo sa mga posisyon ng Espanya. Sa halip na umasa lamang sa tradisyunal na puwersang militar, gumamit ang mga Negrense ng matalinong panlilinlang: nagmartsa sila gamit ang mga kahoy na baril na inukit mula sa lokal na materyales, at gumawa ng mga "kanyon" sa pamamagitan ng pag-ikot ng mga banig ng kawayan (amakan) upang gayahin ang hitsura at tunog ng totoong artilerya.[8]

Pagsuko at paglilipat ng kapangyarihan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Makasaysayang palatandaan na nagpaparangal sa pagsuko ng mga puwersang Espanyol sa Bacolod noong 1898. Inilagay sa Fountain of Justice noong 2007.

Nagtagumpay ang panlilinlang. Naisip ng Gobernador ng Espanya sa Negros, si Isidro de Castro, na nakaharap siya sa isang puwersang may malakas na armas. Sa Bacolod, napilitang umatras ang mga tropa ng Espanya sa isang kumbento, at nadagdagan ang presyon sa mga komandante upang sumuko. Nagsimula ang negosasyon, sa tulong ni José Ruiz de Luzuriaga, isang lokal na hukom at politiko, na nagsilbing tulay sa pagitan ng mga rebolusyonaryo at awtoridad ng Espanya. Noong Nobyembre 6, nilagdaan ni Gobernador de Castro ang Acta de Capitulación, na nagbigay-daan sa pagsuko ng mga Espanyol sa pamahalaang rebolusyonaryo, at nakamit ang kanilang ligtas na pag-alis.[9]

Pagtatatag ng Republika ng Negros

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matapos ang pagsuko, mabilis na nag-organisa ng pansamantalang pamahalaan ang mga Negrense. Noong Nobyembre 27, pormal nilang idineklara ang Republika ng Negros (o Republica Cantonal de Negros) na ginawa ang Bacolod bilang kabisera.[10][11][12]

Nanguna si Aniceto Lacson bilang lider, at si Juan Anacleto Araneta ang itinalagang Kalihim ng Digmaan.[13] Kinilala ng republika, sa ilang bahagi, ang pambansang pamahalaan sa Malolos, subalit nagpakita ng malawak na autonomiya sa rehiyon.[14] Sa maikling panahon ng republika, inorganisa rin nito ang isang ekspedisyon upang palayain ang katimugang bahagi ng pulo: noong Nobyembre 24, lumabas na nag-alis din ang mga tropa ng Espanya sa Dumaguete (kabisera ng Negros Oriental).[15]

Kalikasan ng Himagsikang Negros

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karaniwang inilalarawan ang Himagsikang Negros bilang isang "walang dugong" pag-aalsa kung saan nalinlang ang mga puwersang Espanyol sa pamamagitan ng mga huwad na kanyon at sandata.[16] Sa tradisyunal na naratibo, nagulat ang kolonyal na pamahalaan sa biglaang mobilisasyon ng mga Negrense, na nagresulta sa mabilis na pagsuko ng mga Espanyol at pagbuo ng Republica Cantonal de Negros.[17]

Gayunman, nagbabala ang ilang historyador laban sa sobrang payak na pagbasa. Ayon kay Filomeno V. Aguilar Jr., ang Himagsikang Negros ay dapat ding unawain sa konteksto ng kapangyarihan ng mga lokal na elitista.[14] Para sa kanya, ang pangyayaring ito ay maaaring ituring na isang "opportunidad ng elitista," kung saan ginamit ng mga may-ari ng asyenda ang humihinang kapangyarihan ng Espanya upang itatag ang isang lokal na pamahalaang kanilang pinangungunahan habang nakikipag-ugnayan nang maaga sa mga Amerikano para sa proteksyon at katatagan.

Samantala, may lumilitaw ding bagong interpretasyon mula sa ilang lokal na mananaliksik at historyador. Ayon sa isang ulat ng Digital News Exchange (DNX) na tumatalakay sa obserbasyon ni Neil Solomon Locsin ng Negros Occidental Historical Council (Konsehong Pangkasaysayan ng Negros Occidental), maaaring nakaunawa na ang ilang opisyal na Espanyol na may nagaganap na paghahanda o paglakas ng anti-kolonyal na damdamin sa Negros bago pa man ang mismong pag-aalsa.[18] Ang pananaw na ito ay nakabatay sa lokal na oral history at sa impluwensya ng mga babaylanes sa mga rural na pamayanan, na maaaring nagbigay ng indikasyon ng nalalapit na pag-aaklas. Bagaman hindi nito kinukumpirma na alam ng Espanya ang buong plano ng rebolusyon, ipinapahiwatig nito na hindi ganap na bulag ang kolonyal na pamahalaan sa lumalalang tensyon sa pulo.

Sa kabilang dako, nananatiling malakas ang pananaw ng karamihan sa akademikong literatura na ang mga Espanyol ay nabigla pa rin sa lawak at organisasyon ng pwersang Negrense, isang interpretasyong suportado ng mga pangyayaring gaya ng pagputol ng telegrapo, mabilis na pagkubkob sa mga kabiserang bayan, at paggamit ng mga simbolikong taktika ng panlilinlang.[14][19][20]

Dahil dito, lumilitaw na ang "walang dugong" rebolusyon ay isang masalimuot na pangyayari na maaaring hindi lubos na maipaliwanag ng iisang naratibo. Ang Himagsikang Negros ay nananatiling halimbawa ng pag-iral ng magkakasabay na salaysay: ang tradisyunal na pananaw ng matagumpay na panlilinlang, ang elitistang interpretasyong pampulitika,[21] at ang bagong perspektibang nagsasabing maaaring may hinala na ang mga Espanyol sa nalalapit na paghihimagsik.

Pagdating ng mga Amerikano at Pagtatapos ng Kalayaan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maikling nagtagal ang Republika ng Negros. Noong Pebrero 2, 1899, dumating ang mga puwersa ng Amerika sa pulo nang walang labanan, na epektibong nagtapos sa de facto na kalayaan nito.[22][23] Sa sumunod na dalawang taon, nasakop ang teritoryo sa ilalim ng pamumuno ng militar ng Amerika sa bisa ng Utos Pangkahalatan Blg. 30 (General Order No. 30).[24] Noong Abril 20, 1901, opisyal na isinama ang Negros sa nasasakupang Kapuluang Pilipinas ng Estados Unidos.[25][26][27]

Makasaysayang Palatandaan ng Cinco de Noviembre sa Lungsod ng Silay, Negros Occidental

Nanatiling inaalalang simbolo ang Himagsikang Negros sa mga Negrense. Ang Nobyembre 5 (Cinco de Noviembre) ay opisyal na ipinagdiriwang bilang espesyal na pista sa Negros Occidental sa ilalim ng Batas Republika Blg. 6709 na naisabatas noong Pebrero 10, 1989.[28] Kasama sa mga selebrasyon ang parada, pagtatanghal sa lansangan, muling paglalarawan ng martsa gamit ang mga pekeng armas, at "Sigabong sang mga Kanyon” (simulasyon ng putok ng kanyon) sa Lungsod ng Bago upang muling likhain ang drama ng 1898.[29][30][31]

Isa sa mga mahalagang monumento ay ang Fountain of Justice (Plasa ng Katarungan) sa Bacolod, na minamarkahan ang lugar kung saan nilagdaan ang dokumento ng pagsuko.[32] Bukod dito, isa pang mahalagang lugar tungkol sa Himagsikang Negros ang palatandaan ng Cinco de Noviembre sa Lungsod ng Silay, na nagtataglay ng makasaysayang palatandaan kaugnay ng mga pangyayaring naganap sa lungsod.[31] Patuloy ang pagtatalo ng mga historyador tungkol sa kalikasan ng rebolusyon, na pinag-uusapan kung ito ba ay tunay na popular na kilusan o isang palabas ng mga elitista.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Zaide, Gregorio F. (1970). "Philippine Constitutional History and Constitutions of Modern Nations: With Full Texts of the Constitutions of the Philippines and Other Modern Nations" (sa wikang Ingles).
  2. Diamonon, Victoriano D. (1920). "The Development of Self-government in the Philippine Islands" (sa wikang Ingles).
  3. "Cinco de Noviembre". FESTIVALSCAPE (sa wikang Ingles). 2023-10-30. Nakuha noong 2025-11-20.
  4. "Negros | History, Geography & Culture of the Philippines | Britannica". www.britannica.com (sa wikang Ingles). 2025-11-05. Nakuha noong 2025-11-19.
  5. Jimenez, Atty Josephus B. (Marso 16, 2023). "The Negros Island politics: Oligarchy of sugar barons". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-19.
  6. "THE EXILE AND RETURN OF AGUINALDO" (sa wikang Ingles). NCCA. 2023-05-19. Nakuha noong 2025-11-19.
  7. "Cinco de Noviembre". victoriahoffarth.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-20.
  8. "Cinco de Noviembre: Negros Occidental Cinco de Noviembre Celebrations" (sa wikang Ingles). 2025-04-21. Nakuha noong 2025-11-20.
  9. "The Republic of Negros was founded November 7, 1898". The Kahimyang Project (sa wikang Ingles). 2012-11-03. Nakuha noong 2025-11-20.
  10. Maria, Jojo La (2016-11-05). "Pacete: The fate of the Federal Republic of Negros 2". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-20.
  11. "A Republic in Negros". Manny Villar (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-20.
  12. "Old Capitals | Explore Historical Capital Cities". Old Capitals (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-20.
  13. "BALAY NI TAN JUAN: Heritage at the Heart of Bago" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-20.
  14. 1 2 3 Aguilar Jr., Filomeno V. (2012). ""The Republic of Negros," Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints". Archium Ateneo (sa wikang Ingles). 48 (Blg. 1, Artikulo 2). doi:10.13185/2244-1638.4167.
  15. Maria, Jojo La (2016-11-03). "Pacete: The fate of the Federal Republic of Negros". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-20.
  16. "The 'unsung heroes' of Negros Revolution". Negros Now Daily (sa wikang Ingles). 2020-11-05. Nakuha noong 2025-11-21.
  17. Hofileña Jr, Roque P. (2020-11-24). "Hofileña: Historical relevance of Cinco de Noviembre to Negrenses". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  18. Papasin, Hannah A. (2023-11-03). "Cinco De Noviembre: New evidence emerging that Spain knew all along of rebels' plan". DNX News (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2025-08-14. Nakuha noong 2025-11-21.
  19. "Cinco de Noviembre and the Negros Republic". Independence Day (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  20. Maria, Jojo La (2013-11-06). "Pacete: The Negros Theatrical Revolution (Last of Two Parts)". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  21. Aguilar Jr, Filomeno V. (Setyembre 1997). "Masonic Myths and Revolutionary Feats in Negros Occidental". Journal of Southeast Asian Studies (sa wikang Ingles). 28 (2): 285–300. doi:10.1017/S0022463400014466. ISSN 1474-0680.
  22. Sturtevant, David Reeves (1976). Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940 (sa wikang Ingles). Cornell University Press. p. 122. ISBN 978-0-8014-0877-9.
  23. "Information about Cinco De Noviembre Mark Point". Guide to the Philippines (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  24. Brainard, David Legg (1899). General Orders and Circulars (sa wikang Ingles). Military governor of the Philippines.
  25. Beltran, Roger (2022-11-04). "A Negrense achievement". Visayan Daily Star (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  26. "Negros History". Silliman University (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  27. Hofileña Jr, Roque P. (2022-06-07). "Hofileña: Negros Occidental between two foreign powers (Third in a series)". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  28. "Republic Act No. 6709". lawphil.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  29. "Bago City celebrates heroism, nationalism through 126th Al Cinco de Noviembre". SunStar Publishing Inc. (sa wikang Ingles). 2024-11-05. Nakuha noong 2025-11-21.
  30. Susbilla, Bernard Ceasar (2024-11-18). "Negrenses celebrate heroism on 126th 'Al Cinco de Noviembre'". Philippine Information Agency (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  31. 1 2 P, Mea (2019-10-31). "Cinco de Noviembre: What to Do on November 5". Mea in Bacolod (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-11-21.
  32. "Negros Occidental to commemorate Al Cinco de Noviembre" (sa wikang Ingles). Sun.Star Bacolod. 2006-11-03. Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-03-05. Nakuha noong 2009-10-12.