Pumunta sa nilalaman

Hinangong likha

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Maaaring pinagmumulan ng maraming mga uri ng mga hinangong likha ang isang gawa. Makikita sa larawang ito na ang aklat ng komiks ay pinagmumulan ng mga paninda, isang larong video, isang magasin, at isang pelikula.

Ang isang hinangong likha (Ingles: derivative work), sa ilalim ng batas sa karapatang-sipi, ay isang likhang may mga pangunahing elemento ng naunang gawa na paglikha na kinabibilangan ng mga pangunahing elemento ng isang nauna at dating nilikha na orihinal na gawa (na siyang pinagbatayang likha o underlying work). Nagiging pangalawa at hiwalay na gawa ang hinangong likha na nakapag-iisa sa naunang gawa. Dapat na malaki ang pagbabago o transpormasyon, modipikasyon, o adaptasyon (o pag-aangkop) ng hinangong likha at taglay nito ang pagkatao ng manlilikha nito upang maging orihinal at maging karapat-dapat sa pananggalang ng karapatang-sipi. Ilan sa mga karaniwang uri ng mga hinangong likha ang mga pagsasalin, pampelikulang pag-aangkop, at pangmusikang kaayusan.

Karamihan sa mga batas ng mga bansa ay naglalayong isanggalang ang parehong mga orihinal at hinangong likha.[1] Binibigyan nila ang mga manlilikha ng karapatang hadlangan o kontrolin ang kanilang integridad at pangkomersiyong pakinabang. Nakikinabang naman ang mga hinangong likha at mga manlilikha nito sa ganap na pananggalang hatid ng karapatang-sipi nang hindi napipinsala ang mga karapatan ng manlilikha ng orihinal na gawa.

Bagama't hindi tuwirang gumagamit ng salitang "hinangong likha", nakasaad sa Kumbensiyong Berne (isang pandaigdigang kasunduan sa karapatang-sipi) na "Ang mga pagsasalin, pag-aangkop, kaayusang pangmusika at iba pang mga pagbabago ng isang gawang pampanitikan o pansining ay dapat protektahan bilang orihinal na mga gawa nang walang prehuwisyo sa karapatang-sipi sa orihinal na gawa".

Sang-ayon sa Tanggapan sa Ari-ariang Intelektuwal ng Pilipinas (IPOPHL), binibigyang-kahulugan ang hinangong likha bilang:

"isang gawa na ibinatay sa o hinango mula sa isa o higit pang gawang may umiiral nang karapatang-sipi. Kabílang sa mga itinuturing na mga hinangong likha ang mga sumusunod: salin, pagsasadula, pag-aangkop, pagpapaikli, pagsasaayos, at iba pang pagbabago ng mga gawang pampanitikan o pansining. Kabilang din sa itinuturing na hinangong likha ang mga tinipon o pinagsama-samang mga gawang pampanitikan at pansining at mga kalipunan ng mga datos at iba pang bagay."[2]

Bagama't hindi tuwirang binibigyang-kahulugan sa batas sa karapatang-sipi ng Canada ang "hinangong likha", nagbibigay naman ito ng mga sumusunod na halimbawa ng kung ano ang tumutukoy sa isang "hinangong likha" sa seksiyon 3 ng Copyright Act. Ang mga halimbawang pangkalahatang sinang-ayunan ng ilang sektor.[3][4]

"karapatang-sipi"... kabilang ang tanging karapatan

( a ) na gumawa, magparami, magsagawa o maglathala ng anumang pagsasalin ng gawa,

( b ) na gawing isang nobela o ibang gawa na hindi padula, sa kaso ng mga likhang dula,

( c ) na gawing isang pagsasadula sa pamamagitan ng pagtatanghal sa publiko man o hindi, sa kaso ng isang nobela o mga ibang gawa na hindi dula, o ng isang likhang sining,

( d ) na gumawa ng anumang rekording ng tunog, pelikula, o ibang paraan sa pamamagitan ng mekanikal na pagpaparami o pagtatanghal, sa kaso ng isang gawang pampanitikan, pandula o pangmusika,

( e ) na paramihin, iangkop, at itanghal sa publiko bilang pelikula, sa kaso ng anumang likhang pampanitikan, dula, musika o sining

Nilinaw ng Kataas-taasang Hukuman ng Canada sa pasiyang Théberge v Galerie d'Art du Petit Champlain Inc ([2002] 2 S.C.R. 336, 2002 SCC 34) na sumakop lamang ang pambatas na pagkilala ng mga hinangong likha sa mga pangyayaring mayroong paggawa at pagpaparami. Walang paglabag sa Copyright Act kung walang paghalaw, pagpaparami, o paggawa ng bago at orihinal na gawa na isinasama ang gawa ng isang manlilikha.

Estados Unidos

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sa ilalim ng batas sa Amerika, isinasanggalang ng karapatang-sipi ang ipinapakitang hinangong likha ng isang radiograph sa dibdib (na nasa pampublikong dominyo) dahil sa karagdagang mga grapiko. Gayunpaman, nananatili sa pampublikong dominyo ang radiograph na bahagi ng hinangong likha.

Ibinibigay ng Batas sa Karapatang-sipi ng Estados Unidos ang isang malawak na kahulugan ng "hinangong likha", sa ilalim ng 17 U.S.C. § 101:

Ang "hinangong likha" ay isang gawang ibinatay sa isa o higit pang mga nauna nang gawa, tulad ng isang pagsasalin, pangmusikang kaayusan, pagsasadula, pagsasakathang-isip, bersiyong pampelikula, rekording ng tunog, pagpaparami ng sining, pagpapaikli, pagpapasiksik, o iba pang anyo ng paghuhulma, pagbabago o pag-aangkop ng isang gawa. Ang isang gawang binubuo ng mga editoryal na rebisyon, anotasyon, elaborasyon, o iba pang mga pagbabago na kumakatawan sa isang orihinal na gawa ng manlilikha sa kabuoan ay isang "hinangong likha".

Sang-ayon sa 17 U.S.C. § 103:

(b) Sumasaklaw lamang ang karapatang-sipi ng isang kalipunan o hinangong likha sa materyal na iniambag ng manlilikha ng naturang gawa, bukod pa sa dati nang nilikhang materyal na ginamit sa gawa at hindi nangangahulugan ng natatanging karapatan sa dati nang nilikhang materyal. Ang karapatang-sipi sa naturang gawa ay hiwalay sa anumang proteksiyon ng karapatang-sipi sa dati nang nilikhang materyal, at hindi rin nakaaapekto o nakalalawak sa saklaw, haba, tagal, pagmamay-ari, o pamamalagi ng, anumang proteksiyon ng karapatang-sipi sa dati nang nilikhang materyal.

Sang-ayon naman sa 17 U.S.C. § 106:

Alinsunod sa mga seksiyon 107 hanggang 122, ang may-ari ng karapatang-sipi sa ilalim ng pamagat na ito ang may mga natatanging karapatan na gawin at pahintulutan ang alinman sa mga sumusunod:

(1) na paramihin ang mga kopya ng mga gawang may karapatang-sipi... ;

(2) na maghanda ng mga hinangong likha batay sa gawang may karapatang-sipi;

(3) na ipamahagi sa publiko ang mga kopya... ng gawang may karapatang-sipi sa pamamagitan ng pagbebenta o ibang paglilipat ng pagmamay-ari, o sa pamamagitan ng pag-upa, pagpapaupa, o pagpapahiram....

Mga halimbawa ng mga hinangong likha, ayon sa grapiko ng Tanggapan sa Karapatang-sipi ng Estados Unidos noong 1959

Ayon sa US Copyright Office Circular 14: Derivative Works:

Isang karaniwang halimbawa ng isang hinangong likha na natanggap ng Tanggapan para sa pagpaparehistro ay pangunahing isang bagong gawa ngunit mayroong materyal na nauna nang inilathala. Sa ilalim ng batas sa karapatang-sipi, nagiging hinangong likha ang bagong gawa na ito dahil sa dati nang nilikhang materyal. Upang maging karapat-dapat sa karapatang-sipi, dapat na naiiba nang husto sa orihinal na gawa ang hinangong likha upang maituring na "bagong gawa" o dapat na naglalaman ito ng maraming bagong materyal. Ang maliliit na mga pagbabago o pagdaragdag ng maliit na substansiya sa isang dati nang nilikhang gawa ay hindi magiging kuwalipikado na maging isang bagong bersiyon ang hinangong likha sa usapin ng karapatang-sipi. Dapat na orihinal mismo ang bagong materyal. Bilang halimbawa, hindi karapat-dapat sa karapatang-sipi ang mga pamagat, maikling parirala, at padron.

Mas pinipili ng batas ng Pransiya ang katawagang "œuvre composite" ("composite work") bagama't minsan ginagamit din ang katawagang "œuvre dérivée". Tinukoy ito sa artikulo L 113-2, talata 2 ng Kodigo ng Ari-ariang Intelektuwal bilang "mga bagong gawa [na isinasama] sa dati nang nilikhang gawa nang walang pagtutulungan ng manlilikha nito".[5] Binigyang-kahulugan ng Hukuman ng Kasasyon (ang kanilang kataas-taasang hukuman) ang batas na ito; ayon sa kanila, kailangan ng dalawang magkakaibang input sa magkaibang mga punto sa oras upang mapabilang sa œuvre composite.[6]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Sa Estados Unidos, isinasanggalang ng US, 17 U.S.C. § 106(2) ang mga hinangong likha. Para sa Reyno Unido o UK, pakitingnan ang Fact Sheet P-22: Derivative works ng UK Copyright Service] Naka-arkibo April 21, 2017, sa Wayback Machine. (Huling isinapanahon: Disyembre 10, 2012). Isinasanggalang ng batas sa Pransiya ang mga hinangong likha bilang mga "œuvres composites" o "une œuvre dérivée." Tingnan ang Artikulo L. 112–13 ng Code de la Propriété Intellectuelle, Artikulo L.112–13). Isinasanggalang naman ng Batas sa Karapatang-sipi ng Alemanya (UrhG, seksiyon 3, 23, at 69c Blg. 2) ang mga pagsasalin (Übersetzungen) at ibang mga pag-aangkop (andere Bearbeitungen), gayundin ang ibang mga uri ng elaborasyon tulad ng pagsasadula, pagsasaorkestra, at mga bagong bersiyon ng mga gawa. Sa Espanya, isinasanggalang ng Artikulo 11 TRLPI ang mga hinangong likha tulad ng mga pagsasalin, pag-aangkop, pagrerebisa, kaayusang pangmusika at anumang pagbabago o transpormasyon ng isang gawang pampanitikan, sining, o pang-agham. Nagbibigay naman ng pananggalang ang Artikulo 4 ng Batas sa Karapatang-sipi ng Italya ang mga malikhaing elaborasyon ng mga gawa, tulad ng mga pagsasalin sa ibang wika, pagbabago sa ibang anyo mula sa anyong panitikan o sining, mga pag-iiba o pagdaragdag na bumubuo sa malakihang bagong gawa (remake) ng orihinal na gawa, mga pag-aangkop, "mga pagbabawas" (bilang maikling mga bersiyon ng mga protektadong gawa), mga kompendiyo, at mga ibang uri na hindi bumubuo sa mga orihinal na gawa. Nakasaad naman sa Artikulo 10-2 ng Batas sa Karapatang-sipi ng Olanda na maaaring isanggalang ng karapatang-sipi bilang mga orihinal na gawa ang mga pagpaparami ng binagong uri ng isang gawang pampanitikan, pang-agham, o sining, tulad ng mga pagsasalin, pangmusikang kaayusan, pag-aangkop, at ibang mga elaborasyon nang walang prehuwisyo sa pinagmulang gawa. Nakasaad sa Artikulo 2, § 3 ng Kumbensiyong Berne: "Ang mga pagsasalin, pag-aangkop, kaayusang pangmusika at iba pang mga pagbabago ng isang gawang pampanitikan o pansining ay dapat protektahan bilang orihinal na mga gawa nang walang prehuwisyo sa karapatang-sipi sa orihinal na gawa." Isinama ang tadhanang ito sa Kasunduang TRIPS. Para sa paghahambing ng iba't ibang mga rehimen sa karapatang-sipi ng mga bansa hinggil sa pagsasanggalang ng mga hinangong likha, tingnan ang The Derivative Right, or Why Copyright Law Protects Foxes Better than Hedgehogs ni Daniel Gervais, 15 VANDERBILT J. OF ENT. AND TECH. LAW 785 2013; Institute Naka-arkibo December 27, 2016, sa Wayback Machine. for Information Law, Univ. of Amsterdam, The digitisation of cultural heritage: originality, derivative works, and (non) original photographs.
  2. "Glossary of Terms - Copyright". Intellectual Property Office of the Philippines. Nakuha noong Hunyo 14, 2025.
  3. "Supreme Court of Canada - Decisions - Théberge v. Galerie d'Art du Petit Champlain inc". Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 30, 2008. Nakuha noong Mayo 24, 2008. examples of what might be called derivative works [are] listed in s. 3(1)(a) to (e) of our Act
  4. "Creative Commons Attribution 2.5 Canada Legal Code". Nakuha noong Mayo 24, 2008. Derivative works include: ...
  5. "Code de la propriété intellectuelle - Article L113-2 | Legifrance". www.legifrance.gouv.fr (sa wikang Pranses). Nakuha noong Hunyo 14, 2025.
  6. Bellefonds (2002:147,148)

Bibliograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Bellefonds, Xavier Linant de, Droits d'auteur et Droits Voisins, Dalloz, Paris, 2002
[baguhin | baguhin ang wikitext]