Pumunta sa nilalaman

Hinilawod

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Hinilawod
TagapagsalinF. Landa Jocano
BansaPilipinas
WikaLumang Karay-a
AnyoPanulaang epiko
Uri ng midyaPasalita
Hinilawod (1983) ni Gerochi

Ang Hinilawod ay isang panulaang epiko na pasalitang ipinapasa na nagmula sa mga unang naninirahan (ang mga Suludnon) sa lugar na tinatawag na Sulod sa gitnang Panay, Pilipinas.[1] Nasa arkaiko o lipas na wikang Karay-a ang Hinilawod.[2] Pangkalahatang sinasalin ang katawagang "Hinilawod" bilang "Tales From The Mouth of The Halawod River" sa Ingles at "Mga Kuwento mula sa Bunganga ng Ilog Halawod" sa Tagalog. Malamang na karaniwang kilala ng mga Bisaya ng Panay bago ang pananakop ng mga Kastila ang epiko, dahil nabanggit ang mga pangunahing bida nito, tulad ni Labaw Donggon, sa mga salaysay ng mga paniniwala ng mga tagapulo at naitala ng mga unang mananakop na Kastila. Sinasabi ng isa sa mga ulat ng mga Kanluranin na ginugunita ang mga pakikipagsapalaran ng sinaunang bayaning ito ng Panay sa panahon ng mga kasalan at sa mga awit.

Nakalagay ang Mga Rekord ng Epikong Hinilawod na matatagpuan sa Aklatang Henry Luce III ng Pamantasan ng Gitnang Pilipinas, sa Memory of the World Register (Alaala ng Rehistrong Pangmundo) ng UNESCO. Minarkahan ito ang pangalawang pagkilala sa Lungsod ng Iloilo ng UNESCO, kasunod ng pagtatalaga nito bilang unang Creative City of Gastronomy in the Philippines (Malikhaing Lungsod ng Gastronomiya sa Pilipinas), at ito ang unang pamanang dokumentaryo sa labas ng Maynila na tumanggap ng karangalang ito.

Una namang nai-rekord ang Hinilawod sa teyp noong huling bahagi ng dekada 1950 nang nakilala ng antropologong Pilipino na si F. Landa Jocano ang katutubong si Ulang Uldig at ang binukot na si Hugan-an.[3] Tumagal ng tatlong linggo ang pagrerekord ng 30-oras ng tulang epiko.

Isinalaysay ng Hinilawod ang kuwento ng tatlong magkakapatid na kalahating diyos ng Suludnon ng sinaunang Panay: Labaw Donggon, Humadapnon at Dumalapdap.[4] Kinukuwento din ng panulaang epikong ito ang ina ng mga diyos na ito, ang diwatang si Alusina, at ang kayang asawa na si Datu Paubari, isang mortal.[5][6]

Isa itong kuwentong romantiko na mayroon mala-bayaning pagtatapos sa pagtatatag ng mga taga-Panay kung saan ang tatlong lalawigan ng pulo ay kinakatawan ang angkan ng mga hari: Labaw Donggon para sa Iloilo; Humadapnon para sa Antique; at Dumalpdap para sa Aklan.[5]

Pag-aaral at pagrekord

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang antropologo at polkloristang Pilipino na si F. Landa Jocano ay naglakbay para mangaloketa ng mga kuwentong-bayan, awiting-pambayan, at bugtong sa mga teritoryong wala pa sa mapa partikular sa pulo ng Panay. Pinakakilala siya sa pagdokumento at pagsalin ng Hinilawod.[7] Noong 1956, sa kanyang paglalakbay, nakilala niya ang isang matandang lalaki na nagngangalang Ulang Udig na kinakanta ang Hinilawod sa kanyang anak.

Sa kalaunan, na-rekord ang bahagi ng Hinilawod na inawit ni Ulang Udig na taga-Lambunao, Iloilo sa teyp sa tulong ng isang tekniko ng radyo. Sa pagbabalik ni Jocano noong 1957 para kumpletuhin ang rekord, hindi na pumayag si Ulang Udig.[3][8] Pagkalipas ng ilang linggo, nakilala ni Jocano ang binukot na si Hugan-an (Kristiyanong pangalan: Narcisa Lingaya[2]) na taga-Tapaz, Capiz, at sa ilang paghihikayat, pumayag itong i-rekord ang kanyang pag-awit ng Hinilawod. Tumagal ng tatlong linggo ang pagrerekord ng mga 30-oras ng tulang epiko.[9] Napreserba ang 15 epiko at dalawa dito ang nailathala na kinuwento at inawit sa arkaiko o lipas na wikang Karay-a, na isang sa mga wika ng Panay.[2] Naisalin ito ni Jocano sa Ingles noong 1959.[5]

Nakapreserba ang mga rekording nito sa teyp sa Aklatang Henry Luce III ng Pamantasan ng Gitnang Pilipinas.[10] May 22 teyp mula sa koleksyon ni Jocano at 19 dito ang aktuwal na mga rekording ng Hinilawod na may tagal na 35 oras at 32 minuto.[5] Nailagay naman sa dihital na pormat at nakoadhator ang mga rekording ng Hilinawod ng Sentro ng Etnomusikolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas.[10]

Ang Hinilawod ay ang pinakamahabang epiko ng mga Sulodnon[5] na may mga 29,000 taludtod. Batay sa pagdodokumento ni Jocano, tumatagal ng humigit-kumulang tatlong araw upang kantahin sa orihinal nitong anyo,[5] na ginagawa itong isa sa pinakamahabang epiko na kilala sa mundo,[6] kasama ng Epiko ni Haring Gesar ng Tibet.[11] Mas mahaba pa ang Hinilawod kaysa sa Iliada.[6] Isa ang panitikang pasalitang Hinilawod na naipasa sa maraming nagdaang henerasyon, na nababago sa isang antas depende sa umaawit na kinukuwento niya sa mga tagapakinig.[11] Bukod sa isang akdang pampanitikan, pinagmumulan din ang Hinilawod ng impormasyon tungkol sa kultura, relihiyon at mga ritwal ng mga sinaunang Sulod; na nagpapahiwatig sa paniniwalang "sagrado" ng mga sinaunang Pilipino na pumapaloob sa kahalagahan ng dangal ng pamilya at sa personal na katapangan at dignidad.[6]

Dahil sa kahalagan ng tulang epikong ito, nailagay ang Hinilawod sa sa Memory of the World Register (Alaala ng Rehistrong Pangmundo) ng UNESCO.[12] Naganap ang paglagay ng mga rekording ng Hinilawod noong ikasampung Pangkalahatang pagpupulong ng Memory of the World Committee for Asia and the Pacific (MOWCAP, o Komite para sa Asya at ang Pasiko ng Alaala ng Rehistrong Pangmundo) sa Ulaanbaatar, Mongolia.[5] Parehong naitala ang Hinilawod sa pangrehiyon at internasyunal na Alaala ng Rehistro na nilalagay ang pagkilalang ito sa Antas Grado I ng Batas ng Pambansang Pamanang Pangkalinangan kaya binibigyan ito ng prayoridad para sa proteksyon, pagpapahayag at pagpepreserba nito.[13]

Sa kauna-unahang pagkakataon, naitanghal ang Hinilawod bilang anyong sayaw sa Cultural Center of Western Visayas (Sentrong Pangkalinangan ng Kanlurang Bisaya) noong Marso 1983, at ang grupong mananayaw na Panayana ang nagtanghal.[14] Marami nang pagtatahanghal sa teatro ang naganap simula noon na karamihan sa Kabisayaan. Una lamang ito naipalabas sa Maynila noong 2011 kung saan tinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at mga artistang sina Robert Seña and Isay Alvarez ang nagsilibing tagapagturo sa mga gaganap sa palabas.[15]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. UY, ED (2011-08-05). "'Hinilawod': Unearthing a Pinoy epic". The Manila Times (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-27.
  2. 1 2 3 "Hinilawod Epic Chant Recordings (2024) - Memory of the World Committee for Asia and the Pacific". www.mowcapunesco.org (sa wikang Ingles). 2025-01-20. Nakuha noong 2025-03-27.
  3. 1 2 Rabago-Visaya, Ligaya. "Hinilawod: Local flavor, global appeal". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-20.
  4. Jocano, F. Landa. "Oral Traditions and Expressions, Including Language" (PDF). unesco-ichcap.org (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-27.
  5. 1 2 3 4 5 6 7 Sanvictores Jr., Benito V. (Hunyo 24, 2024). "Hinilawod chant honored by UNESCO-MOWCAP". upd.edu.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-27.
  6. 1 2 3 4 Vibal-Guioguio, Peachy (Oktubre 7, 2011). "An epic worth retelling". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-27.
  7. Cruz, Vida (2013-10-28). "F. Landa Jocano, anthropologist and UP professor emeritus, passes away". GMA News Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-27.
  8. Jocano, F. Landa (1958). "The Sulod: A Mountain People In Central Panay, Philippines". Philippine Studies. 6 (4): 401–436. ISSN 0031-7837. JSTOR 42720408.
  9. Hugan-an; Jocano, F. Landa (2000). Hinilawod (PDF). Epic of Central Panay. Metro Manila: PUNLAD Research House. ISBN 978-971-622-010-0.
  10. 1 2 Palcullo, Vince (2024-05-08). "Hinilawod Epic Chant Recordings Secured in UNESCO's Memory of the World Registry". Henry Luce III Library (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-27.
  11. 1 2 Clark, Jordan (2017-12-08). "BINUKOT: Women Secluded and Veiled in Philippine History • THE ASWANG PROJECT". THE ASWANG PROJECT (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-27.
  12. "UNESCO's Memory of the World (MOW) Regional Register inscribes 20 new items in recognition of human innovation and imagination in Asia-Pacific" (sa wikang Ingles). 8 Mayo 2024. Nakuha noong 2025-03-27.
  13. Liao, Janine (2024-05-08). "The Hinilawod Epic Chant Recordings: Inscribed into the 2024 UNESCO-MOWCAP". UP Center for Ethnomusicology (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-30.
  14. Policarpio, Allan (2011-08-07). "Isay upbeat about local theater, does her part". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-03-28.
  15. Alipio, Elli (2011-07-15). "Robert Seña and Isay Alvarez coach scholars who will mount Hinilawod play this September". PEP.ph. Nakuha noong 2025-03-30.