Pumunta sa nilalaman

Janet Lim-Napoles

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Janet Lim-Napoles
Kapanganakan
Janet Luy Lim

(1964-01-15) 15 Enero 1964 (edad 60)
NasyonalidadPilipino
Trabahoutak ng Pork barrel scam
AsawaJaime G. Napoles
Anak4
Magulang
  • Johnny C. Lim
  • Magdalena L. Luy

Si Janet "Jenny" Luy Lim-Napoles (ipinanganak noong 15 Enero 1964 sa Lungsod ng Malabon) ay isang Pilipinang negosyanteng na kasalukuyang nasasangkot sa 10 bilyong pisong eskandalo sa paggamit ng PDAF.

Sinasalungat ng mga kaklase at mga kamag-anak ni Napoles ang pag-aangkin ni Napoles na siya ay nagmana ng 2 milyong piso mula sa kanyang amang si Johnny Lim. Ayon sa mga kakilala ni Napoles, ang ama nito ay bangkarota nang namatay at walang iniwan sa kanyang mga anak. Isinaad nilang ang pamilya ni Napoles ay napakahirap na ang ina nitong si Magdalena Lim ay nagbebenta ng banana cue upang mapakain ang mga anak niya. Ayon sa dating kaklase ni Napoles noong highschool na si Rohana Cabayacruz, si "Jenny ay nagpupunta sa aming bahay na may isang mangkok na kanin at humihingi sa amin ng tuyong isda kada araw". Ang isang doktor ay umaayon sa salaysay ng mga kaibigan ni Napoles na isa itong mahirap. Ayon kay Benhur Luy na ikalawang pinsan ni Napoles at empleyado ng JLN Corp, si Napoles at pamilya nito ay hindi mayaman bago gawing personal assistant si Luy ni Napoles noong 2002. Ayon kay Luy, "Ano lang siya, mahirap lang. Kasi yung bahay niya po sa Biñan, Laguna maliit lang po. Nung 2002 po, nagulat na lang ako nasa Ayala Alabang na siya".

Kinita ng mag-asawang Napoles mula 2004 hanggang 2012

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isinaad ni Janet Lim-Napoles sa kanyang Income Tax Return (ITR) ang kanyang kinita noong 2004 ay ₱195,800.00 ₱0.00 noong in 2006, ₱100,744.59 noong 2008 at ₱0.00 noong 2009. Hindi siya nag-file ng ITR para sa mga taong 2010, 2011 at 2012.[1]

Hindi nag-file ng Income Tax Return ang asawa niyang si Jaime Napoles para sa mga taong 2004, 2006, 2008, 2010, 2012 maliban sa 2009 na nagdeklara siyang wala siyang kinita.[1]

Mga ari-arian ng pamilya Napoles

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa BIR, ang halaga ng mga nakuhang ari-arian ni Janet Lim-Napoles noong 2004 ay ₱4.17 milyon, ₱22.29 milyon noong 2006, ₱4.35 milyon noong 2008, ₱9.84 milyon noong 2009, ₱6.33 milyon noong 2010, ₱5.64 milyon noong 2011 at ₱6.89 milyon noong 2012.[1]

Ang halaga naman ng mga nakuhang ari-arian ng kanyang asawang si Jaime Napoles ay ₱1.42 milyon noong 2004, ₱5.51 milyon noong 2006, ₱0.78 million noong 2008, ₱9.25 milyon noong 2009, ₱2.1 milyon noong 2010, ₱1.17 milyon noong 2011 at ₱3.65 milyon noong 2012.[1]

Kabilang sa mga ari-arian na tinukoy ng mga whistleblower na nalikom ni Napoles mula sa pork barrel scam ang mga bahay at lote sa mga subdibisyong tulad ng Forbes Park sa Makati, Ayala Alabang Village, at iba pa.

Kabilang sa mga mamahaling sasakyang nalikom ni Napoles ang Range Rover (PN TIN 11), white Porsche Cayenne (CYN 98), white Toyota Alphard, BMW, Tahoe, Chevrolet, two Ford E-150, Starex Gold, Toyota Prado, Savanna GMC, Lincoln Navigator, Hummer, Land Rover, Honda Civic at Mercedez Benz.[2]

Ang anak ni Janet Lim-Napoles na si Jeane Napoles ay bumili ng Ritz Carlton condominium unit sa Los Angeles, Califoria noong Hulyo 2011 sa halagang 1.28 milyong dolyar. Ito ay kasalukuyang ipinagbibili ni Napoles sa halagang $1.475 milyong dolyar.

Pork barrel scam

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang paglalantad ng pork barrel scam ni Benhur Luy noong Hulyo 2013 ay sinasabing nagmula sa pagdukot at pagdetine ni Napoles kay Luy na empleyado ng JLN Corp. Ayon kay Luy, ang kanilang alitan ni Napoles noong Disyembre 19, 2012 ay dahil sa pagsusupetsa ni Napoles na si Luy ay nagsasagawa ng transaksiyon sa mga mambabatas sa kanyang sarili. Si Luy ay sinagip ng NBI noong Marso 22, 2013 at nagsampa ng kasong pagdukot laban kay Napoles. Ayon sa NBI, si Luy ay dinetine ng kapatid ni Napoles na si Reynald Lim sa tirahan ni Napoles sa Taguig dahil sa nalalaman ni Luy tungkol sa pork barrel scam ni Napoles.[3] Sinasabing ibinasura ng DOJ ang kaso ng pagdukot kay Napoles dahil sa kawalan ng malamang na dahilan. Si Luy ay gumawa ng isang affidavit na naglalantad sa pork barrel scam ni Napoles. Si Napoles ay nagtatag ng mga pekeng NGO na paglilipatan ng mga pork barrel fund ng mga mambabatas para sa mga ghost project, mga supply na may sobrang taas na presyo o mga bogus na benepisyaryo. Bukod kay Luy, ang iba pang mga empleyado ng JLN Corp. ay tumestigo rin laban kay Napoles.

Ang modus operandi ng scam ay si Napoles at ang isang mambabatas ay may kasunduan na ang pekeng NGO ni Napoles ang tatanggap ng pork barrel funds ng mambabatas kapalit ng mga kickback mula kay Napoles. Ang bawat senador ay pinaglalanan ng pork barrel funds na 200 milyong piso at ang bawat kinatawan ay 70 milyong piso kada taon. Ang mambabatas ay magsusumite ng talaan sa Department of Budget and Management (DBM) ng mga proyektong ipapatupad. Ang DBM ay maglalabas ng Special Allotment Releases Order (SARO) sa mambabatas na mag-eendorso ng napili nitong NGO ni Napoles sa ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng proyekto. Ang kasabwat na ahensiyang nagpapatupad ng proyekto ay hindi magsasagawa ng public bidding para sa proyekto at sa halip ay papasok sa isang kasunduan sa NGO ni Napoles para sa pagpapatupad ng proyekto. Pagkatapos na makumpleto ang mga papeles, ang DBM ay naglalabas ng Notice of Cash Allocation (NCA) sa nagpapatupad na ahensiya. Sa pagtanggap ng NCA, ang ahensiyang nagpapatupad ay maglalabas ng tseke sa NGO ni Napoles na idedeposito sa account sa bangko ni Napoles ng mga empleyado ng JLN Corp.[3]

Ang kickback na napupunta sa bulsa ng mambabatas sa pork barrel scam ay 40-60 porsiyento.[3] Ang mambabatas ay tatanggap ng paunang bayad mula kay Napoles sa pagsusumite ng mambabatas ng talaan ng mga proyekto sa DBM. Ang ikalawang bayad sa mambabatas ay ibibigay kapag nailabas na ang SARO.

Ang hindi bababa sa 35 porsiyento ay napupunta sa bulsa ni Napoles, ang 10 porsiyento ay napupunta sa pinuno ng kasabwat na ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng mga pekeng proyekto,[3] at ang natitirang porsiyento ay napupunta sa mga chief of staff ng mga mambabatas at mga pangulo ng mga NGO ni Napoles at mga incorporator nito. Kabilang sa mga ahensiya ng pamahalaan na kahati sa kickback ang National Livelihood Development Corporation (NLDC), National Business Corporation (NABCOR), Zamboanga Rubber Estate Corporation (ZREC) at Technology Resource Center (TRC).[3].

Mga sangkot na mambabatas sa scam

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga sumusunod ang mga nasangkot na mambabatas sa pork barrel scam batay sa mga testimonya ng mga testigong empleyado ng JLN Corp, mga dokumentong nakalap ng Commission on Audit (COA), Department of Budget, SEC, at mga nagpapatupad na ahensiya gaya ng SARO, Memorandum of Agreement, mga liham ng pag-eendorso ng mambabatas, mga mungkahing proyekto, mga ulat ng aktibidad ng proyekto, mga ulat ng inspeksiyon at pagtanggap, mga ulat ng disbursement, mga disbursement voucher, mga accomplishment report, ang resibo ng pagkilala, mga photocopy ng tsekeng inisyu ng mga NGO, mga opisyal na resibo na inilabas ng mga NGO at COA Special Audit Report:[3]

Senador Pondong nilipat sa NGO
ni Napoles
Nakuhang Kickback
mula kay Napoles
Bong Revilla ₱1.015 bilyon[2] ₱224,512,500[3]
Juan Ponce Enrile ₱641.65 milyon[2] ₱172,834,500[3]
Jinggoy Estrada ₱585 milyon[2] ₱183,793,750[3]
Bongbong Marcos ₱100 milyon[2]
Gringo Honasan ₱15 milyon[2]
Kinatawan Pondong nilipat sa NGO
ni Napoles
Nakuhang Kickback
mula kay Napoles
Rizalina Seachon-Lanete ₱137 milyon[2] ₱108,405,000[3]
Rodolfo Plaza ₱79,500,000[3] ₱42,137,800[3]
Samuel Dangwa ₱54,000,000[3] ₱26,770,472[3]
Constantino Jaraula ₱50,500,000[3] ₱20,843,750[3]
Edgar Valdez[2] ₱56,087,500[3]
Erwin Chiongbian[2]

Siya ay napalaya sa ilalim ng batas ng mabuting pag-aasal noong 2014.[4]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 "Archive copy". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2013-09-27. Nakuha noong 2013-10-16.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 2.8 https://web.archive.org/web/20130715013437/http://www.asianewsnet.net/28-Philippine-solons-linked-to-pork-barrel-scam-49147.html
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 3.11 3.12 3.13 3.14 3.15 3.16 "Archive copy". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2013-09-24. Nakuha noong 2013-10-15.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. https://newsinfo.inquirer.net/1163638/janet-lim-napoles-listed-among-convicts-freed-on-good-conduct