José N. Sevilla
José N. Sevilla | |
|---|---|
![]() Si G. Sevilla buhat sa kanyang akdang Sinupan ng Wikang Tagalog | |
| Kapanganakan | 29 Oktubre 1880 Binyang, Laguna |
| Trabaho | Manunulat |
| Kilala sa | Salitikan ng̃ Wikag̃ Pag̃bansa (aklat pambalarila) |
| Magulang |
|
Si José N. Sevilla ay isang Pilipinong manunulat, makata, mananagalog at mambabalarila. Naging kasapi siya ng dating Akademya ng Wikang Tagalog at Surian ng Wikang Pambansa.[1]
Talambuhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinanganak si Jose N. Sevilla noong ika-29 Oktubre,1880 kanila Ambrosio Sevilla at Silvina Tolentino sa Binyang, Laguna. Nag-aral at nagtapos siya sa paaralang Epifanio del Castillo.
Naging kasapi si Sevilla sa pakikipaglaban sa Kastila noong panahon ng himagsikan sa ilalim ng paglilingkod kay Gregorio del Pilar, subali't pagsapit ng panahon ng mga Amerikano, nawili na lamang siya sa pagsusulat upang makatulong sa maliit niyang sahod. Noong 1939 ay inatasan naman siya ng Pangulong Manuel Luis Quezon upang gumawa ng balarilang Tagalog. Bunga nito, inilathala niya ang Sálitikán ng̃ Wikag̃ Pag̃bansâ (1940), kung saan nagbuhat ang salitang salitikan (balarila) sa pagsasama ng salita at titik, na hinulapian ng -an.[1]
Akda
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bilang Tagalista, marami siyang naiambag naiambag na kathambuhay, aklat-aralan at aklat pang-aghamwika sa wikang Tagalog, tulad ng mga sumusunod:
- Ang Pag-Ibig ng Layas (1921) – kathambuhay
- Mg̃a Dakilag̃ Pilipino; o ang kaibigan ng mga nagaaral (1922)
- Sinupan ng̃ Wikag̃ Tagalog (1938)
- Ag̃ Palapantigan ng̃ Wikag̃ Tagalog (1939)
- Sálitikán ng̃ Wikag̃ Pag̃bansâ (1940) – aklat pambalarila[1][2]
- Ang Poót ni Tikbalang
Mapapansing tinangka niyang dalisayin ang wikang Tagalog sa kanyang mga akdang panlingguwistika sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga salitang Ingles at Kastila, at pati na rin sa paggamit ng likhang salita tulad ng salitikan (balarila), siphanay (pangungusap), Digmaraw (Martes) atpb., lalo na't wala pang pamantayan noon kung anu-ano ang mga katawagang dapat gamitin. Nguni't iilan lamang sa kanyang salita ang naging popular sa madla, tulad ng bantayog (monumento).[1][3][4]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1 2 3 4 Garcia, Lydia Gonzales (1992). Mga gramatikang Tagalog/Pilipino, 1893-1977. Sentro ng Wikang Filipino, Unibersidad ng Pilipinas-Sistema.
- ↑ "Books by Sevilla, Jose N. (sorted by popularity)". Project Gutenberg. Nakuha noong 2025-06-23.
- ↑ Santos, Lope K. (1938). Sources and Means for Further Enrichment of Tagalog as our National Language [Mg̃a Batis at Paraan ng Pagpapayaman pa sa Wikang Tagalog na Pambansa] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Bernando, Gabriel A. Pamantasan ng Pilipinas.
- ↑ Agoncillo, Teodoro A. (1943). "The Dilemma Of The National Language" (PDF). pp. 15–18.
