Pumunta sa nilalaman

Jose Mari Chan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
José Mari Chan
si Chan noong 2024
Kapanganakan
José Mari Chan y Lim

11 Marso 1945
MamamayanPilipinas
NagtaposPamantasang Ateneo de Manila
Hua Siong College of Iloilo
Trabahomang-aawit, manunulat ng awitin, mang-aawit-manunulat, business executive, kompositor ng musika sinematograpika
AnakLiza Chan, Joe Chan

Si José Mari Chan y Lim (ipinanganak noong 11 Marso 1945) ay isang Tsinong Pilipino na mang-aawit, manunulat ng mga awitin, at negosyante sa kalakalan ng asukal. Itinuturing na isa sa mga pinakatanyag na balladeer at kompositor ng bansa, kilala siya sa bansag na "King of Philippine Christmas Carols". Kilalang-kilala siya sa kaniyang tanyag na awiting "Christmas in Our Hearts"—na siyang pinakamabentang awiting Pamasko ng Pilipino sa kasaysayan—pati na rin sa mga hit na tulad ng A Perfect Christmas, Beautiful Girl, at Please Be Careful with My Heart.

Sinimulan ni Chan ang kaniyang karera noong 1967 at inilabas ang kaniyang unang album na *Deep in My Heart* noong 1969. Mula noon, nakapaglabas na siya ng 14 na studio album, kung saan ang pinakatanyag ay ang Constant Change (1989) at Christmas in Our Hearts (1990). Naging malaking tagumpay para kay Chan ang dalawang album; parehong ginawaran ng Double Diamond certification ng Philippine Association of the Record Industry at naging dalawa sa mga album na may pinakamataas na benta sa Pilipinas. Sa kaniyang karerang sumasaklaw ng limang dekada, pinarangalan siya ng iba't ibang mga organisasyong nagbibigay ng parangal, tulad ng Lifetime Achievement Award mula sa PMPC Star Awards for Music at dalawang "Album of the Year" mula sa Awit Awards.

Maagang buhay at pag-aaral

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ipinanganak si Chan noong 11 Marso 1945, sa Lungsod ng Iloilo, Pilipinas. Siya ang panganay na anak nina Antonio Chan, isang imigrante mula sa Fujian, Tsina na dumating sa Pilipinas sa edad na 13 at nagtayo ng isang kumpanya sa kalakalan ng asukal sa Bacolod noong 1960,[1][2][3] at Florencia Lim, ang kaisa-isang anak ng isang mag-asawang Tsino-Pilipino na kinoronahan bilang Miss Visayas noong 1940.[4][5][6] Kabilang sa kaniyang mga kapatid ay sina Anton, Nene Lily, at Steven.[6]

Lumaki si Chan sa isang pamilyang may malapit na ugnayan sa musika. Ang kaniyang ina ay isang pianista, habang ang kaniyang lola sa panig ng ina na mula sa Cebu ay mahilig magpatugtog ng musika sa kanilang tahanan. Ginugol ni Chan ang malaking bahagi ng kaniyang kabataan sa Iloilo, kung saan nagsimula rin ang kaniyang pagkahilig sa musika. Noong siyam na taong gulang siya, sumali siya sa Children's Hour, isang programang pang-radyo sa DYRI kung saan ang mga bata ay umaawit, tumutugtog ng piano at bumibigkas ng tula. Sa kaniyang mga unang pagganap ay sinasamahan siya ng kanilang kasambahay patungo sa istasyon ng radyo.[1] Madalas siyang pinipili sa paaralan upang magtanghal sa mga programa. Kabilang sina Paul Anka at Neil Sedaka sa mga kompositor na nagsilbing inspirasyon niya noong sa kaniyang kabataan.[1] Naisulat niya ang kaniyang unang orihinal na kanta noong siya ay 13 taong gulang.[1]

Bagaman sinuportahan ng kanyang ama ang kanyang mga unang paglahok sa radyo, naging mas maingat ito nang magsimula siyang seryosong magsulat ng mga kanta noong 14 o 15 taong gulang.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1 2 3 4 Ortiga, Kari (19 Disyembre 2016). "Jose Mari Chan". Esquire (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2 Setyembre 2026.
  2. ↑ Guadalquiver, Nanette (February 16, 2018). "Jose Mari Chan offers accolade to Chinese immigrant father". Philippine News Agency. Nakuha noong September 2, 2019.
  3. ↑ Guadalquiver, Nanette (16 Pebrero 2018). "Jose Mari Chan offers accolade to Chinese immigrant father". Philippine News Agency (sa wikang Ingles). Nakuha noong 3 Setyembre 2026.
  4. ↑ "Jose Mari Chan: King of Christmas Carols". 96.3 Easy Rock (sa wikang Ingles). 5 Disyembre 2017. Nakuha noong 2 Setyembre 2026.
  5. ↑ Logarta, Margie (28 Pebrero 2018). "Sugar in his hearts". Manila Times (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2 Setyembre 2026.
  6. 1 2 Jacinto, Frannie (11 Hunyo 2014). "A musical tribute to Inday Chan". Philippine Star. Nakuha noong 2 Setyembre 2026.


TalambuhayPilipinas Ang lathalaing ito na tungkol sa Talambuhay at Pilipinas ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.