Pumunta sa nilalaman

Juan Abad

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Juan Abad
Kapanganakan8 Pebrero 1872
  • (Kalakhang Maynila, Pilipinas)
Kamatayan24 Disyembre 1932
MamamayanPilipinas
Trabahomamamahayag

Si Juan K. Abad, isinilang sa taong 1875, ay isang manlilimbag mula sa Sampaloc, Maynila. Sa edad na labinganim (16) ay naisulat niya ang Senos de Mala Fortuna, isang komedia na may anim na yugto. Itinanghal ito sa Dulaang Arevalo sa Sampaloc noong taong 1895.

Nagsulat siya ng mga aklat na naglalaman ng mga tuligsa sa pamahalaan at mga prayleng Kastila. Sinunog niya ang mga ito bago siya sumanib sa Katipunan.

Nakasama siya sa hukbong Pilipino na nakipaglaban sa mga hukbong Amerikano. Sa panahong iyon itinatag nila ni Emilio S. Reyes ang Republicang Tagalog, isang pahayagang nalathala sa San Fernando, Pampanga.

Noong 1899 ay nagpalabas siyang muli ng isang pahayagan, ang Laon-Laan na naging dahilan upang siya ay dakipin at ikulong sa loob ng isang buwan at pagreportin umaga't hapon sa military kasama ang pagbabanta na huwag nang sumulat muli.

Nang sumunod na taon, sinimulan niyang muli ang pagtatatag ng isang pahayagang para sa mga manggagawa. Binigyan niya ito ng pangalang Dimas-Alang at pinamatnugutan ng isang Dr. Xeres Burgos. Pagkaraan ng maikling panahong paglalathala (3 buwan) ay pinatigil din ito ng mga Amerikano.

Sumunod na napagtuunan ng pansin ni Abad ay ang komedia na sa kanyang paniniwala ay lumalasonsa isipan ng mga Pilipino. Nagalit sa kanya ang mga nagtatanghal ng komedia at moro-moro kaya isinumbong naman siya sa pamahalaan dahil sa pagtatanghal ng mga dulang Mabuhay Ang Filipinas at Mapanglaw na Pagka-alaala.

Bilang parusa ay ipinatapon siya sa Olongapo at doon niya nasulat ang isa nanamang dula, ang Manila-Olongapo." Ang dulang ito ay tumatalakay sa buhay ng mga bilanggo. Nang siya ay lumaya, itinanghal ito sa dulaang Zorilla.

Noong 7 Hulyo 1902 ay itinanghal sa Dulaang Libertad ang Tanikalang Ginto, isang dulang nagtutulak sa mga Pilipino na maghimagsik laban sa mga Amerikano. Dinakip siyang muli at ibinilanggo.

Sa piitan ay sinulat niya ang Isang Punlo ng Kaaway na itinanghal naman sa Dulaang Rizal sa Malabon taong 1904. Dinakip siyang muli. Ang muli't muling pagdakip at pagpapabilanggo kay Abad ay di naging dahilan ng pagtigil niya sa pagsusulat ng mga dulang makabayan manapa ito'y nagiging malakas na tulak upang muli't muling pamilantikin ang kanyang panitik. Kay Juan K. Abad ay angkop ang kasabihang "Ang bayaning nasusugatan, nag-iibayo ang tapang."