Pumunta sa nilalaman

Kaganapan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kasakdalan)

Ang kaganapan o kasakdalan[1] ay, sa malawak na kahulugan, ang katayuang ganap at walang kakulangan.

Kadalasan, ginagamit ang katagang "kaganapan" o "kasakdalan" upang italaga ang mga konseptong naiiba kung hindi man katulad. Sa kasaysayan, binibigyan pansin ng mga konseptong ito sa ilang natatanging mga disiplina, katulad ng matematika, pisika, kemika, etika, estetika, ontolohiya at teolohiya.[2]

Ang sinaunang pilosopong Griyego na si Platon (ipinanganak ca. 428–423 BK, namatay 347 BK) ay bihirang gumamit ng salitang "kasakdalan," subalit ang konsepto ng "ang mabuti," na sentral sa kanyang pilosopiya, ay halos katumbas ng "kasakdalan."[3]

Yakap ng Kristiyanismo ang mithiin ng kasakdalan. Itinakda sa Mateo 5:48: "Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit". Isinulat ni San Agustin (354–430), isang Romano mula Hilagang Aprika, na hindi lamang ang taong talagang tinatawag na sakdal at walang dungis ang tunay na sakdal, kundi gayundin ang nagsisikap nang buong puso tungo sa kasakdalan.[4] May ilang tinig sa Bibliya na nagdududa kung maaabot ba ng tao ang kaganapan. Sinasabi ng 1 Juan 1:8: "Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan."

Noong ika-5 dantaon, lumitaw na sa loob ng Simbahan ang dalawang magkaibang pananaw tungkol sa kaganapan: una, na ang tao ay maaring maging sakdal sa lupa sa pamamagitan ng sariling kakayahan; at ikalawa, na ito’y maaring dumating lamang sa pamamagitan ng natatanging biyaya ng Diyos.[5] Noong ika-14 na dantaon, sa mga Eskotista,[a] nagkaroon ng pagbabago ng interes mula sa moral tungo sa ontolohikal na kasakdalan. Noong ika-15 dantao, lalo na sa panahon ng Renasimiyentong Italyano, nagbago naman ang pokus tungo sa artistikong kasakdalan.[6]

Ang ikalawang kalahati ng ika-16 na dantaon ay nagdala ng Kontra-Repormasyon, ng Konseho ng Trento, at ng mga bayani’t matinding pagsisikap na marating ang kasakdalan sa pamamagitan ng pagmumuni-muni at pagpapahirap sa laman. Ang unang kalahati ng ika-17 dantaon ay nakasaksi ng pagsisimula ng Jansenismo at ng lumalawak na paniniwala sa predestinasyon at sa imposibilidad ng kasakdalan nang wala ang biyaya ng Diyos.

Ang ika-18 dantaon at ang Panahon ng Kaliwanagan ay nagdulot ng malawakang pagbabago sa ideya ng moral na kasakdalan, mula sa relihiyoso patungo sa sekular. Ang taong sakdal ay siya na nabubuhay nang kaayon ng kalikasan.[7] Pansamantalang umurong ang ideya ng kasakdalan noong kalagitnaan ng ika-18 dantaon, nang ang artikulo tungkol sa "Perpeksiyon" sa Encyclopédie ng Pransiya ay tinalakay lamang ang teknolohikal na kasakdalan, ang pinakamainam na pagtutugma ng mga gawang-tao sa mga gawaing nakatalaga sa kanila; walang binanggit ukol sa moral, estetiko, o ontolohikal na kasakdalan.[8]

Gayunpaman, ang ika-18 dantaon ay nakakita ng mga pahayag hinggil sa darating na kasakdalan ng tao mula kina Immanuel Kant (1724–1804) at Johann Gottfried von Herder (1744–1803). Iba pang mga manunulat, mula rito at sa mga sumunod na panahon, na nag-asang makakamit ang kasakdalan sa pamamagitan ng mga sekular na proseso ay kinabibilangan nina David Hume, John Locke, David Hartley, Claude Adrien Helvétius, Jeremy Bentham, Charles Fourier, Francis Galton, Johann Gottlieb Fichte, Georg Wilhelm Friedrich Hegel, at ang mga positibista at ebolusyonista ng ika-19 na dantaon kabilang ang polimata na si Herbert Spencer.

Mula ika-20 siglo, ayon kay Tatarkiewicz, ang layunin ay hindi na gaanong kasakdalan kundi pagpapabuti na nakatuon sa pag-abot ng kahusayan.[9]

  1. Mga Skotista: isang paaralang pampilosopiya at sistemang panteolohiya na pinangalan sa pilosopo-teologong Eskoses na si John Duns Scotus (ca. 1265/66 – 1308).

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Perfection, kasakdalan Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., bansa.org
  2. Władysław Tatarkiewicz, O doskonałości (Sa pagiging sakdal), 1976. (sa Polako)
  3. Władysław Tatarkiewicz, "Moral Perfection", Dialectics and Humanism, bol. VII, blg. 3 (tag-init ng 1980), p. 117. (sa Polako)
  4. Władysław Tatarkiewicz, "Moral Perfection", Dialectics and Humanism, bol. VII, blg. 3 (tag-init ng 1980), p. 118. (sa Polako)
  5. Władysław Tatarkiewicz, "Moral Perfection", Dialectics and Humanism, bol. VII, blg. 3 (tag-init ng 1980), p. 119. (sa Polako)
  6. Władysław Tatarkiewicz, "Moral Perfection", Dialectics and Humanism, bol. VII, blg. 3 (tag-init ng 1980), p. 121. (sa Polako)
  7. Władysław Tatarkiewicz, "Moral Perfection", Dialectics and Humanism, bol. VII, blg. 3 (tag-init ng 1980), p. 122. (sa Polak)
  8. Władysław Tatarkiewicz, "Moral Perfection", Dialectics and Humanism, bol. VII, blg. 3 (tag-init ng 1980), p. 123. (sa Polako)
  9. Władysław Tatarkiewicz, "Moral Perfection", Dialectics and Humanism, bol. VII, blg. 3 (tag-init ng 1980), p. 124. (sa Polako)