Pumunta sa nilalaman

Kasaysayan ng Rusya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Bantayog ng Milenaryo ng Rusya sa Veliky Novgorod, nilikha taong 1862.

Nagsimula ang kasaysayan ng Rusya sa pagdating ng mga tribong Eslabo sa Kapatagan ng Silangang Europa noong ika-6 at ika-7 siglo. Tradisyonal na isinasapetsa ang pagkakatatag ng mismong estado sa Panawagan ng mga Varego noong 862, nang inimbitahan ang pinunong si Rurik na mamuno at ipagkaisa ang kalat-kalat na mga bayang Eslabo. Sinakop ng kanyang kahalili na si Prinsipe Oleg ng Novgorod ang Kyiv, na pinagsama ang hilaga at katimugang lupain sa ilalim ng iisang awtoridad. Sinubukan ni Igor na isalakay ang Constantinopla noong 944; bagama't hindi ito naging matagumpay, nagtapos ito sa isang kasunduang pangkalakalan sa Imperyong Bisantino. Pagsapit ng taong 988, pinagtibay ni Vladimiro I ang kanilang relihiyon at nanampalataya sa Ortodoksong Kristiyanismo.

Paglipas ng ilang dantaon ay nagkawatak-watak ang Rus ng Kyiv sa mga nagtatalunang prinsipado. Nilusob sila ng mga hukbong Mongol ni Genghis Khan mula sa Bulubundukin ng Kaukasya, at tuluyang tinalo sa Labanan sa Ilog Kalka noong 1223 ngunit umatras. Bumalik sila sa pangunguna ni Batu Khan at ginapi ang Kyiv noong 1237. Nakaligtas ang Novgorod sa pansusunog at pandarambong sa pagsuko ni Alejandro Nevsky sa mga mananakop. Pinagtanggol muli ni Nevsky ang lungsod mula sa Teutonikong Orden sa Labanan sa Lago Piepus noong 1242. Itinatag ng kanyang anak na si Daniel ang Dukadong Maringal ng Mosku noong 1283, at mabilis na lumaki sa kapangyarihan. Tinalo ni Dmitri Donskoy ang Gintong Horda sa Labanan sa Kulikovo noong 1380. Pinagkaisa ang Rus ni Ivan III noong 1478 at sa sumunod na dalawang taon ay lumaya mula sa pang-aaping Mongol-Tatar sa Dakilang Engkwentro sa Ilog Ugra.

Ginawa ni Ivan ang Nakakasindak ang dukado na isang tsarato noong 1547. Nakuha niya ang Kazan at Astrakhan ngunit nadaig sa Digmaang Livonia noong 1583. Inumpisahan ng Kosakong manlalakbay na si Yermak Timofeyevich ang pagpapalawak ng Rusya sa Siberya, kung saan nilupig nila ang mga Tatar at mga katutubong pangkat; sa karamihan ng ika-17 dantaon ay umabot na ito sa mga lupaing kasing-layo ng Karagatang Pasipiko. Nang pumanaw si Teodoro I noong 1598 na walang isyu ay pumasok ang Rusya sa sunod-sunod na krisis na kilala bilang Panahon ng Bagabag: naglabanan ang mga nagpapanggap na umaangkin sa trono, malawakang tagsalat at kaguluhang panlipunan, at pagsakop ng mga banyagang tropa sa Mosku, Smolensk at Novgorod. Winakasan ito sa koronasyon ni Miguel I bilang unang tsar ng dinastiyang Romanov noong 1613.

Sumali ang Rusya sa Unang Digmaang Pandaigdig ngunit dumanas ng paghina ng ekonomiya at sunod-sunod na pagkatalong militar; dumulot ito sa Himagsikang Pebrero na nakita ang boluntaryong pagbibitiw ni Nicolas II at paglipat sa demokrasya. Sa parehong taon, sinamantala ng mga Bolshebista ni Vladimir Lenin ang pagkawatak-watak ng pamahalaang probisyonal sa Himagsikang Oktubre upang gumawa ng Sobyetikong republika. Bumulusok ang dating imperyo sa matagalang digmaang sibil sa pagitan ng mga komunistang Pula at konserbatibong Puti. Nagtagumpay ang Hukbong Pula ngunit napilitang hayaan na magtiwalag ang ibang teritoryo tulad ng Pinlandiya, Polonya, at mga Baltiko. Nilagdaan ng Rusya ang pagsasanib nito sa Unyong Sobyetiko kasama ang Ukranya, Biyelorusya, at Transkaukasya noong 1922.