Pumunta sa nilalaman

Katatasan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang katatasan (ᜃᜆᜆᜐᜈ᜔) ay isang salitang Tagalog na tumutukoy sa antas ng kasanayan at kahusayan sa paggamit ng wika, partikular sa malinaw at maayos na pagsasalita. Karaniwang iniuugnay ito sa konsepto ng fluency sa wikang Ingles, ngunit hindi lamang ito sumasaklaw sa tuloy-tuloy na pagbigkas kundi pati na rin sa kalinawan, kawastuhan, at pagiging angkop ng mga salitang ginagamit.[1]

Sa larangan ng patolohiya ng pagsasalita at wika, tumutukoy ito sa daloy ng pag-uugnay ng mga tunog, pantig, salita, at parirala kapag mabilis na nagsasalita, kung saan ang kapansanan sa katatasan (fluency disorder) ay ginagamit bilang kolektibong tawag sa pagkabulol at pagkabagok.

Nagmula ang salitang Tagalog na "katatasan" (ᜃᜆᜆᜐ) sa ugat na salitang "tatas" (ᜆᜆ), na nangangahulugang malinaw, maayos, at wastong pagsasalita o pagpapahayag. Idinagdag ang panlaping "ka-" at "-an" upang buuin ang pangngalang tumutukoy sa estado o antas ng tatas.

Ginagamit ang katatasan upang ilarawan ang kakayahan ng isang tao na:

  • Magpahayag nang tuluy-tuloy at walang pagkaantala,
  • Gumamit ng tamang gramatika at wastong mga salita,
  • Magpaliwanag nang malinaw at direkta sa punto.

Bagaman madalas itong ikinakabit sa pagsasalita, maaaring gamitin din ang katatasan sa pagsusulat at iba pang anyo ng komunikasyon.

Paggamit ng wika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang katatasan sa wika ay isa sa mga katagang ginagamit upang ilarawan o sukatin ang kakayahan ng isang tao sa wika, kadalasan ay kaakibat ng kawastuhan at kompleksidad. Bagaman walang iisang pamantayan o kahulugan ng katatasan, karaniwang sinasabing ang isang tao ay matatas kung ang kanilang pagsasalita ay daloy, natural, buo, at madaling maintindihan, kumpara sa mabagal at putol-putol na pagsasalita. [2][3] [4]

Ang katatasan ay madalas na tinutukoy bilang kakayahang makapagsalita nang mabilis at maayos, nang hindi nahihirapan o tumitigil sa pagsasalita.[5] [6] [7] Ang mga teoriya ng automaticity ay nagsasabing ang mga matatas na tagapagsalita ay kayang pamahalaan ang lahat ng bahagi ng wika nang hindi kinakailangang magtuon ng pansin sa bawat bahagi nito.[8] Sa madaling salita, ang katatasan ay nakamtan kapag ang isang tao ay nakakagamit ng wika ng hindi namamalayan o awtomatiko.[9] [10]

Ang katatasan ay madalas ding inihahambing sa kawastuhan (tama o mali sa gramatika) at kompleksidad (malawak na kaalaman sa bokabularyo at estratehiya sa pagsasalita).[11][2]

Mga uri ng Katatasan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May apat na karaniwang uri ng katatasan: katatasan sa pagbasa, katatasan sa pagsasalita, katatasan sa pabigkas na pagbasa, at katatasan sa pagsulat o pagbuo ng teksto. Magkaugnay ang mga ito ngunit hindi laging sabay-sabay na umuunlad. Maaaring matatas ang isang tao sa isang uri ngunit hindi sa iba.[10]

Sa usapin ng kasanayan, ang katatasan ay may iba't ibang aspeto:

  • Ang katatasan sa pagbasa ay tungkol sa ugnayan ng pagkilala sa mga salita at pag-unawa sa binabasa. Nakikita ito sa bilis at katumpakan ng pagbabasa. Kailangan ng mambabasa na may sapat na kaalaman sa wika at bokabularyo upang maging matatas. Karaniwang ginagamit sa pagtuturo ang paulit-ulit na pagbasa, ngunit maaaring iba ang proseso para sa mga batang may learning disability.[4] [12][4]
  • Ang katatasan sa pagsasalita ay sumusukat sa kakayahan ng isang tao na makipag-usap nang maayos—parehong pagsagot at pag-unawa sa kausap. Karaniwan sa natural na pagsasalita ang mga pagputol-putol, paghinto, o pag-ulit, kaya’t mahalaga kung ito ba ay tunog natural o tila may problema. [4]
  • Ang katatasan sa pabigkas na pagbasa ay kakayahang magbasa nang tama, mabilis, at may magandang bigkas o ekspresyon. Malapit ito sa Theory of Prosody ni Schreiber, na nagbibigay-diin sa tono, ritmo, at damdamin sa pagsasalita. [12]
  • Ang katatasan sa pagsulat naman ay sinusukat sa iba’t ibang paraan tulad ng haba ng sulatin (lalo na kung may takdang oras), dami ng salitang naisusulat kada minuto, haba ng pangungusap, at dami ng salita sa bawat sugnay (ratio). Ang mga bahagdan tulad ng salita kada sugnay o salita kada walang mali (error-free) na pangungusap ang itinuturing na pinaka-maaasahang sukat nito. [10]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Fluency Disorders". American Speech-Language-Hearing Association (sa wikang Ingles). nd. Nakuha noong 2023-03-11.
  2. 2.0 2.1 González, Josué M. (2008). Encyclopedia of Bilingual Education. Thousand Oaks, CA: SAGE Publications. pp. 673. ISBN 9781412937207.
  3. Ellis, Rod (2005). Analysing learner language. Barkhuizen, Gary Patrick. Oxford: Oxford University Press. ISBN 978-0194316347. OCLC 58970182.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 Guillot, Marie-Noëlle (1999). Fluency and its teaching. Clevedon, U.K.: Multilingual Matters. ISBN 978-1853594397. OCLC 44961785.
  5. Schmidt, R. (1992). "Psychological mechanisms underlying second language fluency". Studies in Second Language Acquisition. 14 (4): 357–385. doi:10.1017/s0272263100011189. {{cite journal}}: |hdl-access= requires |hdl= (tulong)
  6. Fillmore, C. J. (1979). Individual differences in language ability and language behavior. New York, NY: Academic Press. pp. 85–101.
  7. Lennon, P (1990). "Investigating fluency in EFL: A quantitative approach". Language Learning. 40 (3): 387–417. doi:10.1111/j.1467-1770.1990.tb00669.x.
  8. LaBerge, D; Samuels, S. J. (1974). "Toward a Theory of Automatic Information Process in Reading". Cognitive Psychology. 6 (2): 293–323. doi:10.1016/0010-0285(74)90015-2.
  9. "Report of the National Reading Panel: Teaching Children to Read". www.nichd.nih.gov (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-10-19. Nakuha noong 2017-10-18.
  10. 10.0 10.1 10.2 Wolfe-Quintero, Kate; Shunji, Inagaki; Hae-Young, Kim (1998). Second language development in writing : measures of fluency, accuracy, & complexity. Honolulu: Second Language Teaching & Curriculum Center, University of Hawaii at Manoa. ISBN 9780824820695. OCLC 40664312.
  11. Chambers, Francine (1997). "What do we mean by fluency?". System. 25 (4): 535–544. doi:10.1016/s0346-251x(97)00046-8.
  12. 12.0 12.1 Rasinski, T. V.; Farstrup, A. (2006). "A brief history of reading fluency". Sa Samuels, S. (pat.). What research has to say about fluency instruction. Newark, DE: International Reading Association. pp. 70–93.