Katayuan ng pagpapanatili
Ang katayuan ng pagpapanatili ng isang pangkat ng mga organismo (halimbawa, isang espesye) ay nagpapahiwatig kung umiiral pa ang pangkat at kung gaano kalaki ang posibilidad na ito ay tuluyang malipol sa malapit na hinaharap. Maraming salik ang isinasaalang-alang sa pagtatasa ng katayuan ng pagpapanatili, hindi lamang ang bilang ng mga natitirang indibiduwal, kundi pati ang pangkalahatang pagtaas o pagbaba ng populasyon sa paglipas ng panahon, ang antas ng tagumpay sa pagpaparami, at ang mga kilalang banta.
Iba't ibang sistema ng katayuan ng pagpapanatili ang ginagamit sa pandaigdigan, pangmaraming-bansa, pambansa, at lokal na antas, pati na rin para sa paggamit ng mga mamimili tulad ng mga listahan ng payo sa napapanatiling pagkaing-dagat at sertipikasyon. Ang dalawang pandaigdigang sistema ay yaong itinatag ng International Union for Conservation of Nature (IUCN, literal na Pandaigdigang Unyon para sa Pagpapanatili ng Kalikasan) at The Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES, literal na Ang Kumbensyon sa Pandaigdigang Kalakalan sa mga Nanganganib na Espesye ng Ilang na Fauna at Flora).
Mga sistemang pandaigdig
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pulang Tala ng mga Nanganganib na Espesye ng IUCN
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang IUCN Red List of Threatened Species (o Pulang Tala ng mga Nanganganib na Espesye ng IUCN) ng International Union for Conservation of Nature (o Pandaigdigang Unyon para sa Pagpapanatili ng Kalikasan) ang pinaka-kilalang pandaigdigang sistema ng pag-uuri at pagtataya ng katayuan ng pagpapanatili. Ang mga espesye ay ikinoklasipika ng Pulang Tala ng IUCN sa siyam na grupo batay sa mga pamantayan tulad ng bilis ng pagbagsak ng populasyon, laki ng populasyon, lawak ng heograpikong saklaw, at antas ng pagkakahiwa-hiwalay ng populasyon at saklaw ng pamamahagi.[1][2]
Kasama rin dito ang mga espesyeng tuluyang nawala simula noong 1500 CE.[3] Kapag tinatalakay ang Pulang Tala ng IUCN, ang opisyal na terminong "binabantaan" ay tumutukoy sa isang pangkat ng tatlong kategorya: kritikal na nanganganib, nanganganib, at maaring mawala.
- Lipol na (EX) – Walang kilalang buhay na indibidwal.
- Lipol na sa ilang (EW) – Kilala lamang na nabubuhay sa pagkakakulong o bilang isang naturalisadong populasyon sa labas ng dating saklaw nito.
- Kritikal na Nanganganib (CR) – Pinakamataas na panganib ng pagkalipol sa ilang
- Nanganganib (EN) – Mas mataas na panganib ng pagkalipol sa ilang
- Maaring Mawala (VU) – Mataas na panganib ng pagkalipol sa kagubatan
- Malapit Nang Mabantaan (NT) – Malamang na maging nanganganib sa malapit na hinaharap
- Umaasang Pagpapanatili (CD) – Mababang panganib; pinananatili upang maiwasang malapit nang maging nanganganib, ngunit ang ilang pangyayari ay maaaring magdala nito sa mas mataas na antas ng panganib.
- Mababang pag-alala (LC) – Napakababang panganib; hindi kwalipikado sa mas mataas na kategorya ng panganib at malabong maging nanganganib sa malapit na hinaharap. Kabilang sa kategoryang ito ang mga laganap at masaganang taksa.
- Kakulangan ng datos (DD) – Hindi sapat ang datos upang masuri ang panganib ng pagkalipol nito
- Di sinuri (NE) – Hindi pa nasusuri batay sa pamantayan.
Ang Kumbensyon sa Pandaigdigang Kalakalan sa mga Nanganganib na Espesye ng Ilang na Fauna at Flora
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES, literal na Ang Kumbensyon sa Pandaigdigang Kalakalan sa mga Nanganganib na Espesye ng Ilang na Fauna at Flora) ay ipinatupad noong 1975. Layunin nito na matiyak na ang pandaigdigang kalakalan ng mga halimbawa ng ligaw na hayop at halaman ay hindi magbanta sa kanilang pag-iral. Maraming bansa ang nangangailangan ng mga pahintulot mula sa CITES kapag nag-aangkat ng mga halaman at hayop na nakalista sa CITES.
Mga gabay sa mamimili
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang ilang gabay para sa mga mamimili ng pagkaing-dagat, tulad ng Seafood Watch, ay naghahati ng mga isda at iba pang lamang-dagat sa tatlong kategorya, na kahalintulad ng mga kategorya ng katayuan ng pagpapanatili.
- Pula ("sabihin hindi " o "umiwas")
- Dilaw o kahel ("mag-isip nang mabuti ", "magandang alternatibo" o "ilang alalahanin")
- Lunti ("pinakamahusay na pagpipilian ng pagkaing-dagat")[4]
Ang mga kategorya ay hindi lamang nagpapakita ng panganib sa bawat espesye, kundi isinasaalang-alang din ang mga epekto sa kapaligiran ng paraan at lugar ng pangingisda, tulad ng bycatch (di sinasadyang huli) o paggamit ng mga ocean bottom trawler (o panghuli sa ilalim ng dagat). Madalas, ang mga pangkat ng espesye ang sinusuri sa halip na ang bawat indibiduwal na espesye (halimbawa, pusit, hipon).
Ang Marine Conservation Society (Samahan para sa Pagpapanatili ng Karagatan) ay may limang antas ng pagtaya para sa mga espesye ng pagkaing-dagat, na makikita sa kanilang websayt na FishOnline.[5]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Categories and Criteria The IUCN Red List of Threatened Species. Nakuha noong 18 Setyembre 2015. (sa Ingles)
- ↑ IUCN. (2012) IUCN Red List Categories and Criteria: Version 3.1 Naka-arkibo 2016-01-28 sa Wayback Machine. Ikalawang edisyon. Gland, Switzerland and Cambridge, UK. ISBN 9782831714356. (sa Ingles)
- ↑ IUCN Standards and Petitions Committee (2019), Guidelines for Using the IUCN Red List Categories and Criteria (PDF) (sa wikang Ingles) (ika-14 (na) labas), p. 7
- ↑ "Seafood Recommendations: Our Seafood Ratings". Seafoodwatch.org (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Hunyo 2014. Nakuha noong 19 Hunyo 2014.
- ↑ "Fish ratings". FishOnline (sa wikang Ingles). Marine Conservation Society. Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 14, 2013. Nakuha noong Marso 28, 2013.