Katinig na tunog-R
Sa ponetika, katínig na tunóg-R o rotíko ang mga likidong katinig na kumakatawan sa samu't saring paraan sa pagbigkas sa titik na R sa sulat Latin (o mga katumbas sa ibang sistema ng panulat). Isinusulat ito sa Internasyonal na Ponetikong Alpabeto bilang isa sa mga barayti ng R. Mahirap igrupo ang mga ito sa ponetika dahil sa kawalan nito ng iisang paraan o lugar ng artikulasyon na makikita sa lahat ng mga ito.[1] Gayunpaman, madalas itong magpakita sa mga ponolohiya ng mga wika ng mundo.[2]
Bagamat tinatawag na tunog-R, iba-iba ang maaaring maging gampanin nito depende sa mga wika at hindi agad ito kumakatawan sa titik na R o katumbas nito sa lokal na sistema ng panulat. Maaari itong umakto bilang mga katinig na pasutsot, malapatinig, o kahit bilang mga pasara.[3][4][5] Halimbawa, ang matunog na simpleng katinig na pakatal sa gilagid [ɾ] ay itinuturing bilang isang katinig na tunog-R sa maraming mga wika kabilang na ang wikang Tagalog, pero sa wikang Ingles sa Hilagang Amerika, isa lamang itong alopono ng di-matunog na katinig na pasara sa gilagid [t] kagaya sa salitang Ingles na water (hal. [ˈwɑ.ɾɚ], "tubig"). Dahil rito, itinuturing ng ilang mga lingwista ang mga katinig na tunog-R bilang isang ponolohikal na grupo, hindi ponetiko.[6]
May ilang mga wika na nagtatangi sa pagkakaroon o kawalan ng tunog-R sa isang salita, na tinatawag na rotisidád. Halimbawa, may mga barayti ang wikang Ingles na hindi binibigkas ang tunog-R ("di-rotiko") kagaya ng Britanikong Ingles, samantalang may mga barayti ang naturang wika na nagbibigkas sa tunog na ito ("rotiko") kabilang na ang Amerikanong Ingles at ang lokal na barayti sa Pilipinas, Pilipinong Ingles.
Uri
[baguhin | baguhin ang wikitext]Makikita sa mga wika ng mundo ang mga sumusunod na katinig na tunog-R:[7]
- Katinig na pakatal, mga katinig na nabubuo sa pamamagitan ng panginginig ng dila sa isang artikulador.
- Simpleng katinig na pakatal, na nabubuo sa pamamagitan ng isang mabilis na pagdampi ng dila sa artikulador. Halimbawa ang tunog na [ɾ] sa wikang Tagalog. Sa ibang mga wika kagaya ng mga barayti ng wikang Ingles sa Australia at Estados Unidos, umaakto ang mga ito bilang mga pasara.
- Matinding katinig na pakatal, na nabubuo naman sa pamamagitan ng mabilis at sunod-sunod na pagdampi ng dila sa artikulador. Halimbawa ang tunog na [r] sa wikang Espanyol. Hindi lahat ng mga matitinding katinig na pakatal ay mga katinig na tunog-R, kagaya ng matinding katinig na pakatal sa parehong labi [ʙ].
- Katinig na palapit sa gilagid at dilang pulupot, mga katinig na nabubuo sa gilagid o sa pamamagitan ng pagpulupot paatras ng dila. Walang nagaganap na pagkiskis na maririnig, at wala ring kahit anong paghaharang sa daanan ng boses.
- Katinig sa tilao, na nabubuo sa tilao sa bandang lalamunan. Umaatras ang dila sa likurang bahagi para magawa ang tunog. Depende sa paraan ng artikulasyon, maaaring mailarawan ang tunog nito bilang "garalgal" lalo na sa mga katinig na pasutsot sa lugar na ito. Maririnig ito sa mga wikang Europeo, partikular na ang mga wikang Portuges, Pranses, at Aleman.
Katangian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Madalas na sinusulat bilang /r/ ang mga katinig na tunog-R sa mga transkripsiyon sa mga wika kung saan walang pagtatangi sa mga ganitong tunog sa imbentaryo. Halimbawa, sa mga wikang katutubo ng Australia kung saan may katinig na palapit at matinding pakatal na tunog-R sa kanilang imbentaryo, sinusulat ang mga ito bilang r at rr.
Dahil sa kawalan ng iisang paraan o lugar ng artikulasyon ng mga katinig na tunog-R, isang sikat na paksa sa mga lingwista ang paghahanap sa mga pagkakapareho ng mga ito,[4] kung meron man, upang mabigyang katuwiran ang naturang grupo.[6] Isa sa mga mungkahing paliwanag ay ang ideya ng pagkakaroon ng mga katangian ang mga miyembrong katinig nito sa isa't isa pero hindi sa lahat.[1] Isa ring paliwanag ukol rito ang mga katangian ng mga katinig na tunog-R kumpara sa mga katinig na pagilid at patinig batay sa sonoridad, ang tindi ng lakas ng tunog kumpara sa ibang mga tunog ng kaparehong tinis, haba, at diin.[1]
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1 2 3 Lindau, Mona (1978). "Vowel features" [Mga tampok ng patinig]. Language (sa wikang Ingles). 54 (3): 541–63. doi:10.2307/412786. JSTOR 412786.
- ↑ Wiese, Richard (2001). "The phonology of /r/" [Ang ponolohiya ng /r/]. Mula sa T Alan Hall (pat.). Distinctive Feature Theory [Teorya ng Natatanging Tampok] (sa wikang Ingles). Berlin: Mouton de Gruyter. ISBN 3-11-017033-7.
- ↑ Whitley, M. Stanley (2003). "Rhotic Representation: Problems and Proposals" [Representasyon sa mga Rotiko: Mga Problema at Mungkahi]. Journal of the International Phonetic Association (sa wikang Ingles). 33 (1): 81–86. JSTOR 44526903.
- 1 2 Scobbie, J.M. (2006). "(R) as a Variable" [(R) bilang Paiba-iba]. Mula sa Brown, Keith (pat.). Encyclopedia of Language & Linguistics [Ensiklopedya ng Wika at Lingguwistika] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). Elsevier. pp. 337–344. doi:10.1016/B0-08-044854-2/04711-8. ISBN 9780080448541.
- ↑ Wiese, Richard (2011). "The representation of rhotics" [Ang representasyon sa mga rotiko]. Mula sa van Oostendorp, Marc; Ewen, Colin; Hume, Elizabeth; Rice, Keren (mga pat.). The Blackwell Companion to Phonology [Ang Kasama ng Blackwell sa Ponolohiya] (sa wikang Ingles). John Wiley & Sons. pp. 711–729.
- 1 2 Chabot, Alex (2019). "What's wrong with being a rhotic?" [Anong mali sa pagiging rotiko?]. Glossa: A Journal of General Linguistics (sa wikang Ingles). 4 ((1)38): 1–24. doi:10.5334/gjgl.618.
- ↑ Ladefoged, Peter; Maddieson, Ian (1996). The Sounds of the World's Languages [Ang mga Tunog ng mga Wika ng Mundo] (sa wikang Ingles). Oxford, Inglatera: Blackwell. ISBN 0-631-19815-6.