Kultura ng Pilipinas

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kulturang Pilipino)
Jump to navigation Jump to search

Ang kultura ng Pilipinas o kalinangan ng Pilipinas ay pinaghalong impluwensiya ng mga katutubong tradisyon at mga kultura ng mga unang mangangalakal at mananakop nito noon. Ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sa pamamahala ng Mehiko, na tumagal ng mahigit 333 taon, ay may malaking kontribusyon sa Kultura ng Pilipinas. Ang Wikang Pilipino, na mas kadalasang kilala bilang Tagalog, ay maraming hiniram na salita galing Kastila. Karamihan sa mga pinagdiriwang na mga tradisyon ay magkahalong Kristiyano, Pagano, at iba pang lokal na seremonya. Bilang halimbawa, bawat taon, ang mga bayan sa buong bansa, ay nagsasagawa ng malalaking Pista, nagpapaalala sa mga Santong Patron ng mga bayan, barangay, o ng mga distrito. Ang mga Pista ay kadalasang may patimpalak sa katutubong pagsayaw, at sa ibang lugar ay mayroon pang sabungan. Ang mga ganitong tradisyon ay ginaganap din sa mga bansang nasakop ng mga Kastila. Sa katimugang bahagi ng bansa na karamihan ay mananalig Islam ay nagdiriwang din ng kanilang mga tradisyon at nakagawian.

Bago pa man dumating ang mga unang mananakop, ang mga mangangalakal galing sa India, Malaysia, Indonesia, Tsina at Hapon ay may malaking kontribusyon din sa Kultura ng Pilipinas. Ang Hinduismo at Budismo ay may impluwensiya sa mga katutubong paniniwala ng mga Pilipino bago dumating ang mga Kastila at ang mga mangangalakal na Muslim. Ang wikang Tagalog at iba pang wika sa Pilipinas ay maraming hiniram sa wikang Sanskrito. Isang mabuting halimbawa ang karma, na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan pa rin ng mga Pilipino. Marami sa mga pamahiin, hiniram na salita at pagkain, tulad ng pansit, siopao at iba pa ay minana sa mga mangangalakal na Tsino. Ang ibig sabihin ng kultura ay ang paraan ng pamumuhay ng mga tao nagpapakita ng kaugalian, tradisyon, mga sining, sistema ng edukasyon, musika at pamahalaan.

Lipunang Pilipino[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang Lipunang Pilipino ay magkahalong lipunan. Isa bilang bansa, at marami dahil sa pagkakahiwalay ng mga ito ng lugar, dahil sa pulo pulo nitong ayos at mga kasanayan. Ang bansa ay nahahati sa pagitan ng mga Kristiyano, Muslim, at iba pang pangkat; sa pagitan ng mga nasa lungsod at sa mga nayon; mga tagabundok at tagapatag; at pagitan ng mga mayayaman at ng mga mahihirap.

Kaugaliang Pilipino[baguhin | baguhin ang batayan]

  • Bayanihan: Nabuo ang Bayanihan sa mga samahan ng mga magkakapitbahay na nagtutulungan kahit kailan o saan man kailanganin ng tulong. Kadalasan makikita ang bayanihan sa mga sasakyang nasisiraan ng gulong. Ang mga tambay at ang mga taong-bayang na malapit dito ay agad agad ding tutulungan ang drayber kahit ano pa man ang mangyari maayos lamang ang nasirang sasakyan. O kaya naman mas kadalasang inilalarawan ito ng paglilipat bahay noon ng mga nasa lalawigan. Ang mga bahay ay sabay sabay bubuhatin ng mga kalalakihan na sinasabayan pa kung minsan ng awitin upang di gaanong madama ang kabigatan nito. Ito ay kabaligtaran ng ugaling indibidwalismo ng mga lipunang Europeo at Amerikano.
  • Matinding Pagkakabuklod-buklod ng Mag-anak: Ang mga Pilipino ay kadalasang malalapit sa kanilang mag-anak at iba pang kamag-anak. Ang pangunahing sistemang panlipunan ng mga Pilipino ay mag-anak. Maraming mga Pilipino ang tumitira malapit sa kanilang mga kamag-anak, kahit pa sila ay may edad na o kaya naman ay may sarili na ring mag-anak. Kadalasan ang isang bahay sa Pilipinas ay binubuo ng mahigit sa dalawang mag-anak. Sa mga lalawigan, ang mga nayon ay kadalasang binubuo ng iisang angkan, at halos lahat ay mag-kakakilala
  • Pakikisama[1]: Ang pakikisama ay ang kaugaliang Pilipino na nagnanais magkaroon ng maganda at mabuting pakikitungo sa iba.
  • Hiya: Ang kaugaliang Hiya ay isang panlipunang kaugalian. Ang mga Pilipino kasi ay naniniwala na dapat na kumilos sila kung ano ang mga tinatanggap na kaugalian ng lipunan; ang kung sila ay nakagawa ng kaugaliang hindi tanggap, ang kahihiyan na ginawa nila ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi kahihiyan din ito para sa kanilang mag-anak. Isang halimbawa ay ang pagiging magarbo ng paghahanda kahit na hindi dapat sapat ang kabuhayan niya. Kung ay isa ay pinahiya sa maraming tao, sila ay nakararamdam ng hiya at nawawalan ng lakas ng loob.
  • Utang na Loob[1]: Ang Utang na Loob, ay isang utang ng tao sa taong tumulong sa kanya sa mga pagsubok na kanyang dinaanan. May mga kasabihan nga na: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan
  • Amor Propio: Pagpapahalaga ng isang tao sa kanyang dignidad. citation needed
  • Delicadeza: Isang ugali na kailan na dapat ang isang tao ay kumilos sa tama at nasa lugar. Kailangang ang pagkilos ay tanggap ng lipunan upang hindi marumihan ang dignidad ng mag-anak.citation needed
  • Palabra de Honor: "May isang salita" Isang kaugalian ng mga Pilipino na kailangan tuparin ang mga sinabi nitong mga salita o pangako.

Arkitektura[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang bahay na bato ay isang tradisyunal na Pilipinong bahay kolonyal

Bilang kolonya ng Imperyong Kastila nang 333 taon, ipinakilala ng mga Kastila ang Europeong arkitekturang kolonyal sa Pilipinas. Naging dahilan ang pagkilala ng Kristiyanismo sa pagdala ng mga Europeong simbahan at arkitektura na naging sentro ng karamihan ng mga bayan at lungsod sa bansa. Ipinakilala rin ng mga Kastila ang mga bato bilang materyales pambahay at pangkonstruksyon at pinagsama ng mga Pilipino ang mga ito sa kanilang arkitektura para makabuo ng kombinasyon ng arkitektura na mahahanap lamang sa Pilipinas. Makikita pa rin ang arkitekturang kolonyal ng mga Pilipino sa mga gusaling may edad ng ilang siglo tulad ng mga Pilipinong simbahang Baroque, bahay na bato, tahanan, paaralan, kumbento, gusali ng gobyerno sa buong bansa. Mahahanap ang pinakamagandang koleksyon ng arkitektura ng panahong kolonyal ng mga Kastila sa nakapader na lungsod ng Intramuros sa Maynila at sa makasaysayang bayan ng Vigan. Ang mga simbahan ng kapanahunang kolonyal ay kasama sa mga pinakamahusay na halimbawa at legasiya ng Kastilang arkitekturang Baroque na tinatawag na Earthquake Baroque na mahahanap lamang sa Pilipinas. Mayroon ding mga gusali mula sa panahong kolonyal ang mga makasaysayang probinsya tulad ng Ilocos Norte at Ilocos Sur, Pangasinan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Quezon, Iloilo, Negros, Cebu, Bohol at Zamboanga del Sur.


Dati, bago ang pamumuno ng Espanya, bahay kubo ang karniwang pinagtitirahan ng mga katutubong Pilipino. Nailalarawan ito sa paggamit ng payak na materyalbes tulad ng kawayan at buko bilang pangunahing pinagkukunan ng kahoy. Ginagamit ang kugon, dahon ng nipa, at dahon ng buko bilang pang-atip. Itinayo ang mga sinaunang tahanan sa mga tiyakad dahil sa madalas na pagbaha sa tag-ulan. Kabilang sa mga rehiyonal na baryante ang paggamit ng mas makapal at masinsin na pang-atip sa mga kabundukan, o mga mas mahaba na tiyakad sa mga baybayin lalo na kapag itinayo ang istruktura sa ibabaw ng tubig. Mailalarawan ang arkitektura ng mga ibang katutubong tao sa paggamit ng anggular na bubong na gawa sa kahoy, kawayan sa halip ng mga dahong pang-atip at gayakang kahoy na inukit. Ang bahay na bato ay isang baryante ng bahay kubo na lumitaw noong panahong kolonyal.

Ang Pangunahing Gusali ng Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila ay isang halimbawa ng arkitekturang Neorenasimiyento. Sinimulan ang konstruksyon ng gusali noong 1924 at nakumpleto ito noong 1927. Ang gusali na idinisenyo ni Padre Roque Ruaño, O.P., ang kauna-unahang gusaling may laban sa lindol sa Pilipinas na hindi simbahan.[2] Makikita rin ang Islamikong at iba pang Asyanong arkitektura sa mga gusali tulad ng mga moske at templo. Karaniwan pa rin ang Prehispanikong pamamahay sa mga kabukiran. Popular ang mga kontemporaryong subdibisyon at kanugnog na nakapultahang komunidad sa mga lunsuring lugar tulad ng Kalakhang Manila, Gitnang Kabisayaan, Gitnang Luzon, Pulo ng Negros at mga iba pang mayamang rehiyon.

Ang kalesa, isang tradisyunal na Pilipinong lunsuring transportasyon sa harap ng pasukan ng Katedral ng Maynila

Nagkaroon ng mga panukala na magsabatas ng patakaran kung saan magkakaroon ang bawat munisipalidad at lungsod ng ordinansang nag-aatas ng lahat ng konstruksyon at muling pagtatayo sa loob ng nasabing teritoryo na maging nakakiling sa istilong arkitektura at paisahismo ng munisipalidad o lungsod para preserbahin at konserbahin ang mga namamatay na pamanang pook ng bansa na mabilisang ginigiba paisa-isa dahil sa urbanisasyon, pag-unlad na walang pananagutan sa kultura, at kakulangan sa paninging arkitektura na paisaheng urbano. Ginagamit ang patakarang ganito ng mga bansang nakapagpreserba ng kanilang kababalaghang arkitekura, at buong lungsod mismo, nang daan-daang taon, tulad ng Italya, Pransiya, Rumanya, Alemanya, and Espanya. Itinataguyod ng panukala ang paggamit at reinterpretasyon ng mga katutubong, kolonyal, at modernong estilong arkitektura at paisahe na laganap o dating laganap sa isang lungsod o munisipalidad. Nilalayon ng panukala na paunlarin ang renasimiyento sa Pilipinong paysaismo, lalo na sa mga kabukiraning lugar na maaaring baguhin para maging bagong bayan ng pamanang arkitektura sa loob ng 50 taon. Sa kasamaang-palad, kulang ang pagpapahalaga sa pagpepreserba ng bayang pamana sa mga dalubhasa ng arkitektura at inhenyeriang nakabase sa Pilipinas, tulad ng sa kaso sa Maynila, kung saan tinatanggap nang tinatanggap at itinatayo nang itinatayo ang mga panukalang negosyo para magtayo ng mga istrakturang hindi nakakiling sa mga istilong arkitektura ng Maynila ng mga nasabing eksperto na mabisang lumilipol sa paisaheng arkitekura ng Maynila nang paisa-isang gusali. Bukod dito, hindi pa namanipesto ang natatanging panukalan sa arkitekura para maging aktwal na patakaran dahil wala pang Kagawaran ng Kultura. Ang lungsod ng Vigan lamang ang nagsabatas ng ordinansang ganito na humantong sa kanyang deklarasyon bilang Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO noong 1999 at sa pagkakaloob ng iba't ibang pagkilala para sa konserbasyon at pagpapanatili ng kanyang katangi-tanging istlo ng arkitektura at paisahe. Noong 2016, nagsampa si senadora Loren Legarda ng panukalang-batas na magtatatag ng Kagawaran ng Kultura. Ipinakilala ang panukalang-batas sa Senado noong Enero 2017 at inaasahang maisasabatas ito sa huling bahagi ng 2018 o sa unang bahagi ng 2019. Suportado ang panukalang-batas ng 9 pang senador mula sa iba't ibang partido, alalaong baga'y, sina Bam Aquino, Nancy Binay, Francis Escudero, Juan Zubiri, Joseph Ejercito, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, at Sonny Angara. Sinampa rin ang tatlong katapat na panukalang-batas na naglalayong magtatag ng Kagawaran ng Kultura sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas, akda ni Christopher de Venecia, Evilina Escudero, and Jose Antonio Sy-Alvarado.[3][4]

Arkitektura ng Pilipinas

Relihiyon[baguhin | baguhin ang batayan]

Orihinal na Imahen ng Santo Niño de Cebú

Kristiyanismo[baguhin | baguhin ang batayan]

Naimpluwensya ng Kristiyanismo ang kulturang Pilipino sa halos lahat ng mga tapyas, mula sa visual art, arkitektura, sayaw, at musika. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay isa sa dalawang nakararaming Katolikong Romanong (80.58%) nasyon sa Asya-Pasipiko, East Timor ang isa pa. Mayroon ding sariling independiyenteng simbahang Pilipino ang bansa, ang Aglipayan na nagbubuo ng halos 2% ng pambansang populasyon. Nakahiwalay ang mga ibang Kristiyanong simbahan sa mga iba't ibang uri ng Kristiyanong sekta at kulto. Mula sa senso noong 2014, binubuo ng halos 90.7% ng populasyon ang Kristiyanismo at laganap ito sa buong bansa.[5]

Anitismo[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Mitolohiyang Pilipino

Ang Anitismo,[6][7] na tinutukoy bilang mitolohiyang Pilipino o mga katutubong relihiyon ng mga ninuno ng Pilipinas, ay lawas ng mga alamat, kwento, at pamahiin na ipinapaniwala ng mga Pilipinos (binubuo ng higit sa isang daang mga etniko sa Pilipinas) na halos nagmumula sa mga paniniwala noong panahong prehispaniko. Nagbunga ang mga ibang paniniwala mula sa mga relihiyon bago ang Kristiyanismo na naimpluwensiyahan ng Hinduismo. Sa kasalukuyan, pinaniniwalaan pa rin ang mga ibang paniniwalang prekolonyal ng mararaming Pilipino sa mga syudad at kanayunan.

Ipinagsama sa mitolohiyang Pilipino ang mga iba't ibang pinagmulan na may pagkakapareho sa mga mitolohiyang Indonesiyo at Malay, pati na rin ang Hindu, Muslim, Budista, at Kristiyanong tradisyon, tulad ng ideya ng kaluwalhatian (kalangitan, kamurawayan, atbp.), impiyerno (kasamaan, sulad, atbp.), at ang kaluluwa (kaulolan, atbp.). Itinatangka ng mitolohiyang Pilipino na paliwanagin ang kalagayan ng mundo sa pamamagitan ng mga buhay at kilos ng mga bathala (diyos, diyosa), bayani, at mitolohikong nilalang. Halos lahat ng mga alamat na ito ay ipinasa sa pamamagitan ng tradisyong pasalita, at napreserba sa tulong ng mga babaylan (katalonan, mumbaki, baglan, machanitu, walian, mangubat, bahasa, atbp.) at mga matatanda sa komunidad.

Ang terminong 'Mitolohiyang Pilipino' ay ginagamit mula noong ika-20 siglo ng mga magkakasunod na henerasyon bilang pangkalahatang termino para sa lahat ng mga mitolohiya sa loob ng Pilipinas. Sinusundan itong mga "mitolohiya" bilang balidong relihiyon ng mga katutubong tao, katulad sa pagsusunod sa Shinto bilang balidong relihiyon sa Hapon o pagsusunod sa Kristiyanismo bilang balidong relihiyon sa Europa. Ang bawat pangkat etniko sa Pilipinas ay may natatanging mitolohiya ( o relihiyon), panteon ng mga bathala, at sistema ng paniniwala. Halimbawa, napakaiba ang mitolohiya ng mga Maranao sa mitolohiya ng karatig na mga Subanon, habang ang mitolohiya ng mga Hiligaynon ay napakaiba rin sa mitolohiya ng karatig na mga Suludnon. Binubuo ang Pilipinas ng higit sa isang daang natatanging pangkat etniko, ayon sa ika-21 siglong mapa na inilathala ng Komisyon ng Wikang Filipino, ang Atlas Filipinas.[8][9][10][11]

Ayon sa kasaysayan, tinukoy ang mga mitolohiyang Pilipno at katutubong relihiyon blang Anitismo,[6] na may kahulugang "minamanang relihiyon".[12][13] Sa kasalukuyan, karamihan sa mga pangkat etniko ay patuloy-tuloy na sumusunod at nag-aalaga sa kanilang natatanging katutubong relihiyon, lalo na sa mga dominyo ng ninuno, ngunit patuloy-tuloy na nakasasagabal ang mga Hispanong at Arabeng relihiyon sa kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagbabagong-loob, pag-agaw ng lupa, inter-marriage, at/o pagbibili ng lupa. Mararaming nalikhang gawaing-iskolar tungkol Anitismo at ang kanyang mararaming paksa, ngunit hindi pa dokumentado ang karamihan sa kanyang mga kuwento at tradisyon ng pandaigdigang lipunang antropolohikal at pang-alamat.[12][14][6][15] Hindid katulad sa mga patay na relihiyon tulad ng Mitolohiyang Nordiko, patuloy-tuloy na yumayabong ang mga buhay na relihiyon tulad ng Anitismo, Shinto, at Hinduismo hanggang sa ngayon dahil sa di-maiiwasang dinamika sa mga sistema ng paniniwala sa modernong siglo. Dahil sa likas na kababalaghang ito, dumadami nang dumadami ang mga katutubong panitikan o pasalitang kuwento tungkol sa mga iba't ibang mitolohiyang Pilipino tungkol sa mga bathala, bayani, at nilalang mula noong panahong prekolonyal hanggang sa ika-21 siglo. Sa kasalukuyan, Anitista ang humigit-kumulang sa 2% ng populasyon na nakatipon sa Rehiyong Pampangasiwaan ng Cordillera, Palawan, Mindoro, Kanlurang Visayas, at Mindanao. Sumusunod din ang mga tiyak na komunidad sa buong Pilipinas sa Anitismo, habang 90% ng pambansang populasyon ng Pilipinas ay patuloy na naniniwala sa mga tiyak na Anitismong sistemang paniniwala, kahit sumusunod sa ibang relihiyon.[16][17] Sa modernong panahon, pinahahalubilo ang karamihan ng mga relihiyong Anitismo, katutubo, at Shamanismo sa Kristiyanismo.

Katutubong relihiyon o shamanismo[baguhin | baguhin ang batayan]

Isang nagtatanghal na naglalarawan sa babaylan.

Dahil sa pagdagsa ng Kristiyanismo, Islam, at ibang pandaigdigang relihiyon sa mga tradisyonal na komunidad, nawawala na ang mga katutubong kaugalian, ritwal, espirituwal na pagtatanghal at kaalaman ng mga katutubong Pilipino. Iminumungkahi ng mga manggagawa sa kultura ang Modelong Paiwan na binuo ng pamahalaang Taiwanes para mapanatii ang mga katutubong relihiyon, para iligtas ang mga katutubong relihiyon mismo ng Pilipinas. Noon, ang mga katutubong kaugalian at shamanismo ng mga Paiwan ng Taiwan ay ang pinakamabilis na dumalisdis na relihiyon sa bansa. Sinenyasan nito ang pamahalaang Taiwanes para preserbahin ang relihiyon at itaguyod ang pagtatatag ng Paaralan ng Shamanismong Paiwan kung saan tinuturuan ng mga pinuno ng relihiyon ang mga baguhan sa katutubong relihiyon para kailanma'y hindi ito mawawala. Naging epektibong paraan ito sa pagpapanatili, at kahit sa pagpapasigla ng katutubong relihiyon ng mga Paiwan. Sa Pilipinas, kilala ang shamanismo bilang dayawismo na nangangahulugang `mga galanteng relihiyon na nagpapasalamat sa lahat ng buhay at di-buhay na bagay'. Noong 2018, wala pang natatag na paaralan ng dayawismo sa Pilipinas na nagpapanganib sa mga daan-daang katutubong relihiyon sa bansa sa pagkalipol dahil sa pagdagsa ng mga relihiyon ng panahong kolonyal. Natatangi ang bawat katutubong relihiyon ng Pilipinas na nag-aari sa kakaibang epiko, panteon, sistema ng paniniwala, at iba pang hindi nasasalat na pamana na nauukol sa mga relihiyosong paniniwala. Dahil sa napakalawak na dibersidad sa mga katutubong relihiyon, hindi magagawa ang isang paaralan ng dayawismo. Sa halip nito, mas angkop na kapupunan ang pagkakaroon ng daan-daang paaralan ng dayawismo na nauukol sa mga etno-lingguwistikang tribo sa kasalukuyang estado ng relihiyon sa Pilipinas.[18]

Islam[baguhin | baguhin ang batayan]

Dumating ang mitolohiyang Islam sa Pilipinas noong ika-13 siglo sa pamamagitan ng mga daan ng pangangalakal sa Timog-Silangang Asya. Itinatag ang paglago ng Islam ng iba't ibang uri ng mga sistema ng paniniwala, lalo na sa mga timog-kanlurang bahagi ng kapuluan, kung saan niyakap ang sistemang sultanato ng mga katutubo nang walang pangangailangan ng sapilitang pagbabagong-loob, dahil hindi binalak ng mga relihiyosong mangangalakal na sakupin ang kapuluan. Sa kasalukuyan, halos 6% ng populasyon ay Muslim at nakatipon ang karamihan sa rehiyong Bangsamoro sa Mindanao. Nasa ilalim ng Sunni Islam ang karamihan ng mga Pilipinong Muslim ayon sa paaralan ng Shafi'i.[5]

Iba pa[baguhin | baguhin ang batayan]

Dumating ang Hinduismo sa Pilipinas noong 200 –300 PK habang dumating ang Budismong Vajrayana noong 900 PK. Karamihan sa mga sumusunod sa Hinduismo ay may pinagmulang Indyano habang ang mga sumusunod sa Budismo ay may pinagmulang Tsino o Hapones, lalo na ang mga dumayo sa Pilipinas sa mga ilang nakaraang dekada. Dumating ang Shinto bago ang ika-12 siglo dahil sa mga Hapones na mangangalakal, habang dumating ang Hudaismo noong ika-16 na siglo dahil sa Ingkisisyon. Sinusundan din ang Taoismo ng mga ilang imigranteng Tsino. Mahahanap din ang Ateismo sa Pilipinas.[19][5]

Ritwal ng pagtuloy[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Pagtutuli

Bawat taon, madalas sa Abril at Mayo, pinapatuli ang libu-libong mga Pilipinong batang lalaki. Ayon sa Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (WHO), halos 90% ng lalaking Pilipino ay natuli, isa sa pinakamataas na antas ng pagtutuli. Kahit pinepetsahan ang pinanggalingan nito sa pagdating ng Islam noong 1450, pinawi ng sumunod na 200 taon ng pamumuno ng Kastila ang mga relihiyosong dahilan para sa pagtutuli. Gayunman, nagpatuloy ang pagtutuli. Kahit sa wika nagpapakita ang panggigipit para maging tuli: ang salitang Tagalog na supot ay may kahulugang 'duwag' din. Karaniwang pinaniniwalaan na ang tuli na bata na walo o sampung taong gulang ay hindi na bata at binibigyan ng mga mas maraming papel na pang-adulto sa pamilya at lipunan.[20]

Sining-biswal[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Sining ng Pilipinas

Makikita ang maagang pagpinta sa Pilipinas sa mga disenyong red slip (luwad na may halong tubig) na napalamutian sa palayukang panritwal ng Pilipinas tulad ng nabunying Palayok sa Manunggul. Nadiskubre ang ebidensya ng Pilipinong pagpapalayok na napetsahang kasing aga ng 6000 BK sa Yungib ng Sanga-Sanga, Sulu at Yungib ng Laurente sa Cagayan. Napatunayan na sa 5000 BK, nagpapalayok ang mga tao sa buong kapuluan. Ang mga maaagang Austronesyo, lalo na sa Pilipinas, ay nagsimulang magpalayok bago ang kanilang kapwang taga-Cambodia, at halos sa parehas na oras ng mga Taylandes at Laosyano bilang bahagi ng marahil na laganap na pagpapalago sa Panahon ng Yelo ng teknolohiyang pagpapalayok.

Napapahayag din ang higit pang ebidensya ng pagpipinta sa tradisyon ng tatu ng mga sinaunang Pilipino na tinaguri ng Portuges na manggagalugad bilang Pintados o mga 'Pinturadong Tao' ng Kabisayaan.[21][22] Nag-aadorno sa kanilang katawan ang mga iba't ibang disensyo na tumutukoy sa mga kahayupan at kahalamanan na may kasamang makalangit na lawas sa iba't ibang makulay na pigmentasyon. Siguro makikita ang ilan sa mga pinakadetalyadong pagpipinta na ginawa ng mga sinaunang Pilipino na nananatili hanggang ngayon sa sinang at arkitektura ng mga Maranao na kilalang-kilala para sa dragong Nāga at ang naukit at napintang Sarimanok sa magandang panolong ng kanilang torogan o Bahay ng Hari.

Nagsimulang lumikha ang mga Pilipino ng mga pinta sa tradisyong Europeo sa panahong Kastila noong ika-17 siglo. Ang mga pinakamaaga sa mga ito ang presko sa simbahan, larawang relihiyoso mula sa mga sangguniang Biblikal, pati na rin ang mga pag-ukit, iskultura, at litograpiya na nagtatampok ng mga imaheng Kristiyano at kamaharlikaan ng Europa. Karamihan sa mga pinta at iskulutra mula sa ika-19 at ika-20 siglo ay nakalikha ng halo ng mga likhang-sining na relihiyoso, pampulitika, at paisahe na may mga katangian ng katamisan, kadiliman, at katingkaran.

Kilala ang mga Itneg para sa kanilang saligutgot na kayong hinabi. Ang binakol ay isang kumot na may disenyong naglalakip ng mga harayang pangmata. Ipinapakita ng mga tao mula sa iba pang bahagi ng Kabundukan ng Rehiyon ng Cordillera o "Kalgorotan" sa lokal na termino ang kanilang kasiningan sa pagtatatu, paghahabi ng mga bayong tulad ng "sangi", isang tradisyunal na napsak, at panlililok ng kahoy. Ang mga nahabing kayo ng mga Ga'dang ay kadalasang may matingkad na pula. Malalaman din kung sa kanila ang pagkakahabi sa pagkakaroon ng makuwintasing dekorasyon. Ang mga iba tulad ng Ilongot ay gumagawa ng mga alahas mula sa perlas, tuka ng pulang kalaw, halaman, at metal. Ginagamit din ang mga ilang katutubong materalyes sa mga iba't ibang likhang-sining lalo na sa pagpipinta ni Elito Circa, katutubong manlilikha ng Pantabangan at tagabunsod sa paggamit ng mga katutubong materyales at likas na panangkap kabilang ang dugo ng tao. Marami ang naimpluwensiyahan na Pilipinong pintor at nagsimulang gumamit ng mga materyales tulad ng ekstrakto ng sibuyas, kamatis, tuba, kape, kalawang, pulot, iba pang materyales na mahahanap kahit saan bilang pintura. Ang mga Lumad ng Mindanao tulad ng B'laan, Mandaya, Mansaka at T'boli ay bihasa sa kasiningan ng pagtitina ng hibla ng abaka. Ang abaka ay isang halaman na malapit na kamag-anak ng saging, at ginagamit ang kanyang dahon para yumari ng hibla na kilala bilang Manila hemp. Tinitinahan ang hibla sa pamamagitan ng isang pamamaraan na tinatawag na ikat. Hinahabi ang ikat para maging kayo na may heometrikang hulwaran na naglalarawan ng mga tema ng tao, hayop, at halaman.

Ang kut-kut ay isang kasiningan na nagsama-sama ng mga proseso ng kasiningang Asyano at Europeo na itinuturing bilang nawawalang sining at kanais-nais na kasiningan. Napakakaunti ang mga kilalang umiiral na likhang-sining ngayon. Ipinraktis itong kasiningan ng mga katutubo ng Pulo ng Samar mula unang bahagi ng 1600 hanggang huling bahagi ng 1800 PK. Kakaibang likhang-sining ito ng Pilipinas na nakabatay sa pamamaraan ng mga unang siglo: sgraffito, encaustic, at pagpapahid-pahid. Nagbubunga ang pagsasama ng sinaunang istilo ng kakaibang likhang-sining na kilala sa kanyang pinong umiikot na magkahabing linya, patong-patong na pagkahabi, at ilusyon ng tatluhing sukod na puwang.

Ang Islamikong sining sa Pilipinas ay may dalawang pangunahing istilo. Una ang okir, isang panliliok ng kahoy at paggawa ng metal na magkatulad sa Islamikong sining sa Gitnang Silangan na panlalaki. Ang isa pang istilo ay ang heometrikang tapisera na pambabae. Ipinapakita ng mga Tausug at Sama–Bajau ang kanilang okir sa mga detalyadong pagmamarka na may paglalarawang malabangka. Gumagawa ang mga Maranao ng mga magkahawig na ukit sa mga bahay na tinatawag na torogan. Bihasang inukit ang mga armas na ginagawa ng mga Pilipinong Muslim tulad ng kampilan.

Kilala ang mga maagang modernistang pintor tulad ni Haagen Hansen sa kanilang mga pintang relihiyoso at sekular. Ipinakita ng kasiningan ni Lorenzo Miguelito at Alleya Espanol ang tunguhin para sa pahayag sa politika. Ginamit ng unang Amerikanong pambansang alagad ng sining, si Jhurgen D. C. Pascua, ang post-modernismo para lumikha ng mga pinta na naglalarawan sa kultura ng Pilipinas, kalikasan, at pagkakasundo. Samantala, ginamit ng mga ibang manlilikha tulad ni Bea Querol ang mga katotohanan at abstrakto sa kanilang mga gawa. Noong dekada 1890, sumikat si Odd Arthur Hansen, na kilalang-kilala bilang ama ng makabayan pintor. Ginagamit niya ang sarili niyang puting buhok para gumawa ng mga sarili niyang brotsa at nilalagdaan ang kanyang mga pinta ng sarili niyang dugo sa kanang sulok. Nabuo ang kanyang mga sariling istlo nang walang propesyonal na pag-aaral o gabay mula sa mga propesyonal.

Pagdiriwang[baguhin | baguhin ang batayan]

Ipinapagdiriwang ang pista ng Sinulog bilang paggunita ng Santo Niño

Nagmula ang mga pagdiriwang sa Pilipinas, kilala bilang mga pista sa Pilipinas mula sa kapanahunang kolonyal ng Espanya noong ipinakilala ng mga Kastila ang Kristiyanismo sa bansa. Mayroong nakatalagang patrong santo ang karamihan ng mga Pilipinong bayan at lungsod. Panrelihiyon o pangkultura ang mga pista sa Pilipinas. Ginaganap ang mga pistang ito upang parangalan ang patrong santo o parangalan ang kasaysayan at kultura tulad ng pagtaguyod ng lokal na produkto at pagdaraos ng saganang ani. Maaaring pag-uriin ang mga pista bilang mga Misa, prusisyon, parada, dulaan, seremonyang panrelihiyon o pangkultural, pakikipagkalakalan, eksibit, konsiyerto, paringal at iba't ibang laro at paligsahan.

Buwan Pagdiriwang Pook
Enero Ati-Atihan Kalibo, Aklan
Sinulog Cebu
Dinagyang Iloilo
Dinagsa Cadiz, Negros Occidental
Coconut San Pablo, Laguna
Hinugyaw Koronadal, Timog Cotabato
Pebrero Panagbenga Baguio
Kaamulan Bukidnon
Paraw Regatta Iloilo at Guimaras
Pamulinawen Ilocos
Marso Pintados de Passi Passi, Iloilo
Araw ng Dabaw Davao
Kariton Licab, Nueva Ecija
Kaamulan Bukidnon
Abril Moriones Marinduque
Sinuam San Jose, Batangas
Pana-ad Negros Occidental
Aliwan Pasay
Mayo Magayon Albay
Pahiyas Lucban, Quezon
Sanduguan Calapan, Oriental Mindoro
Sumakah Lungsod ng Antipolo, Rizal
Butwaan Butuan
Hunyo Baragatan Palawan
Sangyaw Tacloban
Pista Y Ang Kagueban Puerto Princesa, Palawan
Hulyo T'nalak Koronadal, South Cotabato
August Kadayawan Davao
Higalaay Cagayan de Oro
Pavvu-rulun Tuguegarao
Sabutan Festival Baler, Aurora
Setyembre Peñafrancia Lungsod ng Naga
Sandurot Dumaguete
Padul-ong Borongan, Silangang Samar
Bonok-Bonok Lungsod ng Surigao
Banigan Basey, Samar
Diyandi Lungsod ng Iligan
Oktubre Fiesta Pilar Lungsod ng Zamboanga
Masskara Bacolod
Buglasan Negros Oriental
Pangisdaan Lungsod ng Navotas
Nobyembre Itik Victoria, Laguna
Disyembre Paru-Paru Dasmariñas, Cavite

Mga pista[baguhin | baguhin ang batayan]

Ibinebenta ang mga parol sa panahon ng Pasko
Pag-oobserba ng Biyernes Santo sa Pampanga

Pistang karaniwan[baguhin | baguhin ang batayan]

Petsa (Kalendaryong Gregoryano) Araw
Enero 1 Araw ng Bagong Taon
Marso–Abril Mahal na Araw kabilang ang Biyernes Santo at Huwebes Santo
Abril 9 Araw ng Kagitingan
Mayo 1 Araw ng Manggagawa
Hunyo 12 Araw ng Kalayaan
Agosto 29 Araw ng mga Bayani
Nobyembre 30 Araw ni Bonifacio
Disyembre 24 Bisperas ng Pasko
Disyembre 25 Araw ng Pasko
Disyembre 30 Araw ni Rizal

Pistang espesyal[baguhin | baguhin ang batayan]

Petsa (Kalendaryong Gregoryano) Araw
Enero–Pebrero Bagong Taong Pang Tsino
Pebrero 25 Anibersaryo ng Rebolusyon ng Lakas ng mga Tao
Agosto 21 Araw ni Ninoy Aquino
Nobyembre 1 Araw ng mga Santo
Nobyembre 2 Araw ng mga Kaluluwa
Disyembre 31 Bisperas ng Bagong Taon

Sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.0 1.1 "Tungkol sa pakikisama, at utang na loob". Flavier, Juan M., "Doctor to the Barrios" (New Day Publishers). 1970.
  2. "Main Building". UST.edu.ph. Sininop mula sa orihinal noong 2009-12-28. Hinango noong 2009-12-04.
  3. "17th Congress – Senate Bill No. 1528 – Senate of the Philippines". Senate.gov.ph. Hinango noong 2018-04-06.
  4. "House of Representatives". www.congress.gov.ph. Hinango noong 6 April 2018.
  5. 5.0 5.1 5.2 https://asiasociety.org/education/religion-philippines
  6. 6.0 6.1 6.2 https://elibrary.ru/item.asp?id=5274644
  7. https://dspace.aiias.edu/handle/3442/326
  8. "Atlas Filipinas – kwf.gov.ph".
  9. "INDIANIZED KINGDOMS – Understanding Philippine Mythology (Part 2 of 3)".
  10. "ANIMISM – Understanding Philippine Mythology (Part 1 of 3)".
  11. "FOREIGN INFLUENCE – Understanding Philippine Mythology (Part 3 of 3)".
  12. 12.0 12.1 https://www.asj.upd.edu.ph/mediabox/archive/ASJ-09-02-1971/hislop-anitism-survey-religious%20beliefs-native-philippines.pdf
  13. Sizoo, Edith (29 April 2019). Responsibility and Cultures of the World: Dialogue Around a Collective Challenge. Peter Lang. p. 167. ISBN 978-90-5201-670-2.
  14. "Download Karl Gaverza's Incredible Philippine Mythology Thesis".
  15. Almocera, Reuel (1 May 1990). Christianity encounters Filipino spirited-world beliefs: a case study (Thesis). South East Asia Graduate School of Theology, Philippines – via dspace.aiias.edu.
  16. "LAKAPATI: The "Transgender" Tagalog Deity? Not so fast…".
  17. "The Moon God Libulan/ Bulan : Patron deity of homosexuals?".
  18. Collins, Nick (21 Sep 2009). "School of witchcraft opens in Taiwan". Telegraph.co.uk.
  19. Carolyn Brewer (2004). Shamanism, Catholicism, and gender relations in colonial Philippines, 1521–1685. Ashgate Publishing. p. xvii. ISBN 978-0-7546-3437-9.
  20. "'Circumcision season': Philippine rite puts boys under pressure". Channel News Asia. Agence France-Presse. 19 June 2019. Hinango noong 20 June 2019.
  21. "Islas de los Pintados: The Visayan Islands". Sininop mula sa orihinal noong 2011-05-26.
  22. Francisco Alzina (1668). Historias de las Islas el Indios de Bisaias. The Bisayans are called Pintados because they are in fact so, not by nature although they are well-built, well-featured and white, but by painting their entire bodies from head to foot as soon as they are young men with strength and courage enough to endure the torture of painting. In the old days, they painted themselves when they had performed some brave deed. They paint themselves by first drawing blood with pricks from a very sharp point, following the design and lines previously marked by the craftsmen in the art, and then over the fresh blood applying an indelible black powder. They do not paint the whole body at one time, but part by part, so that the painting takes many days to complete. In the former times they had to perform a new feat of bravery for each of the parts that were to be painted. The paintings are very elegant, and well proportioned to the members and parts where they are located. I used to say there, captivated and astonished by the appearance of one of these, that if they brought it to Europe a great deal of money could be made by displaying it. Children are not painted. The women paint the whole of one hand and a part of the other.

Tingnan din[baguhin | baguhin ang batayan]