Pumunta sa nilalaman

Kumalarang (sinaunang kaharian)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Kaharian ng Kumalarang
Kumalarang
bago mag-1417–1515
KabiseraKumalarang
Karaniwang wikaSubanon
Relihiyon
Hinduismo, Islam
PamahalaanKaharian
Hari 
• ika-15 dantaon-1421
Kanlai Ipentun
• 1421-?
Lapi
Kasaysayan 
• Naitatag
bago mag-1417
• Sumailalim sa Sultanato ng Maguindanao
1515
SalapiBarter
Pumalit
Sultanato ng Maguindanao
Bahagi ngayon ngPilipinas
Bahagi ng isang serye tungkol sa
Kasaysayang Prekolonyal ng Pilipinas
Tignan din: Kasaysayan ng Pilipinas

Ang sinaunang Kaharian ng Kumalarang (Mandarin: 古麻剌朗; pinyin: Gǔmǎlàlǎng), kilala rin sa katawagang Sibuguey, ay isang Subanong[1] kaharian na matatagpuan sa katimugang bahagi ng Kapuluan ng Pilipinas, na matatagpuan sa kasalukuyang bayan ng Kumalarang sa lalawigan ng Zamboanga del Sur sa pulo ng Mindanao. Ayon sa tala ng mga Tsino, umiiral na ang kaharian ng Kumalarang simula noong ika-15 na dantaon.[2]

Mga tala ng Tsino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakatala ang Kumalarang sa Ming Shilu (taunang pagtatala patungkol sa mga emperador ng Dinastiyang Ming) gaya ng ibang mga bayan sa mga mapupulong bahagi ng Timog Silangang Asya (gaya ng Malacca, Brunei, Sulu) bilang isang bayan na pinagkalooban ng imperyal na selyo ng Emperador ng Ming noong ika-15 na dantaon.[3]

Noong 15 Disyembre 1417, ipinadala ng Emperador ng Tsina ang eunuko na si Zhang Qian (張謙) upang akayin ang hari ng Kumalarang. Kalaunan ay dumayo si Zhang Qian dala-dala ang kautusan ng emperador upang makuha ang loob ng hari ng Kumalarang na si Kanlai Ipentun o Ganlayiyibendun (干剌義亦奔敦). Siya ay nakatanggap ng iba't ibang tela mula sa pag-dalaw ni Zhang Qian, gaya na lang ng mga brokado, mga sutla at mga gasa.[4][5]

Noong Septyembre 1420, dinala ni Haring Kanlai Ipentun ang kaniyang pamilya upang samahan si Zhang Qian sa korteng imperyal sa Tsina kung saan siya ay nakarating noong 16 Nobyembre ng nasabing taon. Nakatanggap ang hari ng parangal na maihahantulad sa parangal na ibinigay sa hari ng Sulu. Kalaunan ay nag-harap ng petitsyon si haring Kanlai Ipentun sa harap ng Emperador na maging isang tributaryo ng Tsina kung kaya't binigyan siya ng iilang mga handog na mula sa Emperador ng karapat-dapat para sa isang haring gaya ni Kanlai Ipentun, kasama na ang magagarang mga damit pati na ang isang korona.[4][5]

Sa sumunod na taon, Pebrero 1421, humingi ang hari ng pahintulot na umuwi sa kaniyang bayan. Biniyayaan ulit siya at ang kaniyang asawang reyna ng magagarang damit at tela pati na rin ang ginto't pilak.[4]

Nang makarating sina Kanlai Ipentun at ang kaniyang mga kasama sa lalawigan ng Fujian, sa kasamaang palad, siya ay nagkasakit at yumao noong 27 Mayo 1421. Ipinadala ng Ministeryo ng mga Ritwal si Yang Shan (楊善) upang pamunuan ang seremonya sa libing, kung saan binigyan niya ang yumaong hari ng postumong pamagat na Kangjing 康靖 (matapang at mapayapa). Isinaayos ng mga pamunuang lokal ang kaniyang libing. Ang anak na si Lapi o Labi (剌苾) ang humalili sa pagka-hari at bumalik sa kaniyang bayan na may kalakip na mga handog mula sa mga Tsino.[4][5]

Noong 3 Nobyembre 1424, ipinadala ng nakababatang hari na si Lapi si Datu Batikisan at iba pa kasama ang dala-dalang ginto na may ukit ng isang memoryal.[5]

Panahon ng Sultanato ng Maguindanao

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1515, matapos maitatag ni Shariff Kabungsuwan ang Sultanato ng Maguindanao, ang Kumalarang ay isa sa mga sumailalim sa pamumuno nito. Datapwat ay nanatili ang kasarinlan ng Kumalarang maliban sa pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan, ngunit nagsimula na rin sa panahong ito ang Islamisasyon ng kaharian, kung saan kalaunan ay sila'y naging isang sultanato na rin.

Ugnayang pangdiplomatiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naging maigting ang ugnayan sa pagitan ng Kumalarang at ng Tsina sapagkat kinilala ng bayan ang sarili nito bilang isang tributaryo ng Tsina gaya ng ibang mga bayan sa Timog Silangang Asya na may balak na magkaroon ng kaugnayan sa Tsina.[3][4][5]

Bago pa man maglakbay ang hari ng Kumalarang sa Tsina ay nauna na ang hari ng Sulu na humingi ng pabor sa Emperador ng Tsina. Batay sa napag-aalaman ng historyador na si William Henry Scott, ginawa ito ng Sulu upang makipag-kompetensiya ang Sulu sa Kumalarang sa daloy ng kalakalan sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Ito ay isang patunay na masigasig ang kalakalan na nagaganap sa Mindanao.[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "The Riverine People of Mindanao". National Commission for Culture and the Arts (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-03-04. Nakuha noong 2025-09-17.
  2. Scott, William (1984). Prehispanic Source Materials: For the Study of Philippine History (ika-revised (na) labas). Quezon City: New Day Publishers. p. 66. ISBN 9711002264.
  3. 3.0 3.1 Gallop, Annabel Teh (2016). "The Early Use of Seals in the Malay World". Bulletin de l'École française d'Extrême-Orient. 102: 125–163.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 "明史/卷323 - 维基文库,自由的图书馆". zh.wikisource.org (sa wikang Tsino). Nakuha noong 2025-09-15.
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 William Henry Scott. Filipinos In China Before 1500.