Liwasang Malacañang
| Liwasang Malacañang | |
|---|---|
![]() | |
| Lokasyon | Maynila, Pilipinas |
| Mga koordinado | 14°35′37″N 120°59′55″E / 14.59361°N 120.99861°E |
| Nilikha | 1930s |
| Mga pasilidad | Bahay Pangulo |
Ang Liwasang Malacañang ay isang parke sa Maynila, Pilipinas at parte ng Palasyo ng Malakanyang.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Itinayo ang Liwasang Malacañang sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Manuel L. Quezon. Ang lupaing sinasakop ng parke ay dating palayan sa timog ng Palasyo ng Malakanyang sa kabila ng Ilog Pasig, at nakuha ng pamahalaan noong huling bahagi ng 1930. Kasama sa orihinal na plano para sa parke na inilaan para sa pook para sa paglilibang at pagpapahinga ang tatlong gusali: isang bulwagan ng libangan, isang bulwagan ng pagpupulong para sa komunidad, at isang bahay-pahingahan. Itinayo ang mga gusali ng Kawanihan ng Pagawain (ngayon ay ang Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan) at dinisenyo nina Juan Arellano at Antonio Toledo. Maliban sa tatlong gusali, naglagay din ng damuhan, mga kuwadra, at mga korteng tennis dito.[1]
Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginawang maliit na pook-laruan ng golp ang damuhan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Jose P. Laurel matapos ang isang nabigong tangkang pagpatay sa kanya sa Pook-laruan ng Golp ng Wack Wack. Isang gasebo rin ang itinayo sa administrasyon niya.[1]
Pinalawak ng administrasyon ni Pangulong Manuel Roxas ang pook-laruan ng golp at nagtayo rin ng isang hardin ng gulay para sa paninda bilang parte ng isang kasariling kakayahan na programa sa pagkain, habang tinakpan naman ng administrasyon ni Pangulong Ramon Magsaysay ang estero na naghahati sa Liwasang Malacañang at Kawanihan ng Industriya ng Paghahayupan bilang parte ng isang programang pabahay ng Paseguruhan ng mga Naglilingkod sa Pamahalaan para sa mga guwardya at iba pang employado. Sumailalim ang parke sa isang pagsasaayos noong unang bahagi ng 1960s, na siyang pinangunahan ng Unang Ginang at asawa ni Pangulong Diosado Macapagal, Eva Macapagal. Pinangalanan ang bahay pahingahan bilang Bahay Pangarap.[1]
Ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos ang naging responsable sa paggamit sa ibang layunin ng gusali ng Kawanihan ng Industriya ng Paghahayupan at ginamit bilang punong-tanggapan ng Guwardiyang Pampanguluhan (na mas kilala ngayon sa tawag na Pampanguluhang Pangkat ng Seguridad). Nakuha ni Gen. Fabian Ver ang hurisdiksyon sa bulwagang ng libangan, na siyang naging himnasyo ng Pampanguluhang Pangkat ng Seguridad, pati na rin ng bulwagan ng pagpupulong ng komunidad na ginawang gusali ng mga escorts ng pangulo. Ang klabhaws ng pook-laruan ng golp ay naging tirahan ng ina ni Marcos na si Josefa Edralin.[1]
Sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos, muling binago ang Bahay Pangarap sa ilalim ng inisyatiba ng asawa ni Ramos na si Amelita Ramos, at ginawa itong klabhaws ng Klab ng Golp ng Malacañang sa tulong ng arkitektong si Francisco Mañosa. Noong 2008, giniba ang bahay at pinalitan ng mas kontemporaryong istraktura na dinisenyo ng arkitektong si Conrad Onglao.[1]
Mga pasilidad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bahay Pangulo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Bahay Pangulo ay isang kontemporaryong bahay sa loob ng liwasan na nagsilbing opisyal na tahanan nina Pangulong Benigno Aquino III, Rodrigo Duterte at Bongbong Marcos. Dati itong naging bahay-pahingahan ng parke at dati na ring klabhaws ng pook-laruan ng golp ng parke.
Pook-laruan ng golp
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayroong sariling pook-laruan ng golp ang Liwasang Malacañang.[2] Narito rin ang Klabhaws ng Malago na siyang ginagamit bilang lugar ng tagpuan.[2]
Bakuran ng Pampanguluhang Pangkat ng Seguridad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Madalas na nauugnay sa Liwasang Malacañang ang punong-tanggapan ng Presidential Security Group, na dating opisina ng Kawanihan ng Industriya ng Paghahayupan. Gayunpaman, binanggit ng Pampanguluhang Museo at Aklatan ang isang 1940 na mapa, at ginigiit nila na palaging isang panlibangan na parke ang Liwasang Malacañang at wala sa looban ng nasabing parke ang punong-tanggapan ng Pampanguluhang Pangkat ng Seguridad.[1]
Nasa parke rin ang Estasyong Ospital ng Pampanguluhang Pangkat ng Seguridad na may kapasidad ng 5 kama na siyang itinayo noong 2020.[3]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1 2 3 4 5 6 "Briefer on Bahay Pangarap and Malacañang Park". The Official Gazette. Presidential Communications Development and Strategic Planning Office. July 29, 2010.
- 1 2 "Covid-19 pandemic response heads don't have to be doctors: PRRD" (sa Ingles). Philippine News Agency. 25 March 2021. Nakuha noong 26 June 2021.
- ↑ "MRP Foundation-funded PSG Station Hospital topped off". BusinessMirror. 24 February 2020. Nakuha noong 26 June 2021.
