Pumunta sa nilalaman

Mangmang

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Marunong bumasa at sumulat)
Bagaman hindi marunong sumulat at bumasa, naging isang santo si San Felix ng Nicosia (1715-1787) dahil sa kaniyang pagkamaalam sa "agham ng kawang-gawa, kapwa-tao, at kababaang-loob. Naganap ang kaniyang kanonisasyon noong Linggo, 23 Oktubre 2005.

Ang mangmang (Ingles: illiterate, na kabaligtaran ng literate) ay isang hindi kaaya-ayang katawagan para sa mga mamamayang hindi marunong bumasa o sumulat, sapagkat nagpapahiwatig ito ng pagiging tanga ng tao. Iniiwasan ang paggamit ng salitang ito, sapagkat bagaman katumbas ng mangmang ang illiterate sa wikang Ingles, nagpapahiwatig ito ng kawalan ng kaalaman at karunungan ng isang tao. Sa katunayan, ayon kay Juan Flavier, mayroong mga taong hindi nga marunong bumasa o sumulat pero mayroon namang kaalaman, karunungan, at kakayahang nakuha ng mga ito mula sa kanilang mga karanasan sa buhay. Kaya para sa kanilang mga proyekto noong kasapi pa si Flavier ng Kilusan ng Rekonstruksiyon sa Pilipinas noong dekada ng 1970, ginagamit na lamang nila ang pariralang "hindi marunong sumulat at bumasa" sa halip na banggitin o isulat ang mismong salitang mangmang.[1]

Para sa mga nais tumulong sa pagbawas ng kamangmangan - o ang pagtuturo ng kasanayan sa pagbasa at pagsulat - isang tunay na suliranin ang kung paano matutukoy ang isang taong hindi marunong bumasa at sumulat. Bukod sa maaaring hindi umamin ang isang tao dahil sa kahihiyan o paglilihim, isa pa rin ang pagiwas ng mga ibig tumulong at magturo na mainsulto ang isang taong ayaw matatawag na mangmang. Hindi madaling tanggapin ng isang taong hindi marunong bumasa at sumulat ang kaniyang kalagayan at kakulangan sa kasanayang ito.[1]

Bilang karagdagan, isa ring problema ang pagpayag ng taong di-marunong sumulat at bumasa na makilahok sa mga klase o programa ng paturuan ng pagbasa at pagsulat. Subalit kung mapapatunayan ng tagapagturo desidido ito at mayroong sapat na pasensiya at disiplina, mahihikayat ang indibidwal sa kabila ng maraming mga kadahilanan ng huli. Sa bandang huli, ayon kay Flavier, ang tao, na dating hindi marunong sumulat at bumasa, ang siya pang magmumungkahing sana magkaroon sila ng seremonya ng pagtatapos at makatanggap ng sertipiko bilang katibayan at isang uri ng pagmamalaki na marunong na silang sumulat at bumasa.[1]

Ang Araw ng Literasiyang Internasyunal ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing Setyembre 8.

Si Justin I (c. 450Agosto 1, 527), kilala rin bilang Flavius Iustinus, ay naging isang emperador ng Silangang Imperyo Romano ng Dinastiyang Justinian bagaman hindi marunong sumulat at bumasa. Nakalarawan ang kaniyang wangis sa mga mukha ng dalawang salaping metal na nasa itaas.

Subalit sa aklat na Doctor to the Barrios (Manggagamot sa mga Kanayunan) ni Flavier, inilirawan niya ang ilang mga paraan na naging matagumpay para mapadali ang pagkakakilala sa mga taong nangangailangan ng tulong pang-edukasyon. Isinagawa ang mga ito para matulungan ang mga mamamayang hindi marunong sumulat at bumasa, sa kabila ng balakid na pagkakahiyaan. Ilan rito ang mga sumusunod: ang pagtatanong kung bumoto na ang isang tao sa isang nakalipas na panahon ng halalan, ang pag-aanyaya sa isang tao na gumanap bilang isang tagapagtala ng mga pangyayari sa isang pagpupulong sa nayon, ang pagpapadala ng liham sa isang pininiwalaang hindi marunong sumulat at bumasa at pagalam sa kung ano ang gagawin ng indibidwal kapag natanggap na ang sulat, at ang paghahanap ng mga kabataang lalaking may nakasukbit na tatlong pontempen sa pang-itaas na kasuotan.[1]

Hinggil sa pag-aanyaya sa isang tao para gumanap na tagasulat ng mga rekord sa isang pagpupulong, sinasabing nagdadahilan ang isang indibidwal na hindi marunong sumulat at bumasa na pangit ang kaniyang sulat-kamay at magbabanggit ng pangalan ng isang maaaring humalili para sa kaniya, isang taong may magandang gawi sa pagsusulat ng mga titik. Samantala, ang isang taong nakatanggap ng liham, magdadahilan ito na hindi niya nadala ang salaming sinusuot sa mata at hihilingin ang isang taong basahin para sa kaniya ang nilalaman ng liham. Kapag marunong bumasa ang isang mamamayan, agad nitong bubuksan ang sulat at, kahit malabo ang mata o nalimutan nga ang salaming pambasa, pilit niyang babasahin ang sulat para alamin kung sino ang nagpadala ng liham. Bilang dagdag, agad na ibinubulsa ng isang taong hindi marunong sumulat at bumasa ang natanggap na liham, saka tutunguhan ang isang kaibigan pagkatapos. Kapag nasapit na niya ang tahanan ng kaibigang marunong bumasa, kukuhanin niya ang liham na natanggap, bubuklatin ito, at iaabot sa kaibigan. Idadahilan nitong nakalimutan ang sariling salaming pang-mata kaya't ipababasa na lamang sa kaibigan.[1]

Tungkol sa mga binatang may sukbit-sukbit na tatlong panulat na pontempen, hindi ibig sabihin nito na marunong ngang sumulat at bumasa ang mga ito. Ginagamit nila ang pontempen sa panliligaw bilang pagtatago ng lihim ng kanilang personal na kapansanang di-makabasa at di-makasulat. Mas madaling mapapansin ng isang dalaga sa kanayunan ang tatlong pontempen kapag umaakyat ng ligaw ang lalaki. Sa paraang ito, makahihiram ng aklat ang lalaki mula sa babae. Sa paghihiraman at pagbabalik ng mga aklat sila makapag-uugnayan ng mataimtiman: sa pamamagitan ng pagsusulatan. Ngunit dahil nililihim nga ng binata ang kaniyang "kapansanan," tinutulungan siya ng isang kaibigan sa paggawa ng mga liham.[1]

Natatangi at huwaran

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga huwarang mamamayang hindi natutong sumulat at bumasa sina San Felix ng Nicosia[2] (1715-1787) at Justin I (c. 450Agosto 1). Naging santo si San Felix ng Nicosia dahil sa pagiging maalam sa "agham ng kawang-gawa, kapwa-tao, at kababaang-loob." Isinagawa ang kaniyang kanonisasyon noong Linggo, 23 Oktubre 2005. Samantalang naging isang emperador ng Silangang Imperyo Romano ng Dinastiyang Justinian si Justin I, na kilala rin bilang Flavius Iustinus, kahit na hindi rin marunong sumulat at bumasa (tingnan din ang mga larawan).[3]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 "Literacy, literate, illiterate, mangmang, tanga, pp. 171-172 at 204". Flavier, Juan M., "Doctor to the Barrios" (New Day Publishers). 1970.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. San Felix ng Nicosia, Campchabad.com (sa Ingles)
  3. H. John Chapman (1971). Studies on the Early Papacy. Kennikat Press, University of Michigan. pp. p.210. ISBN ISBN 0-8046-1139-4. {{cite book}}: |pages= has extra text (tulong); Check |isbn= value: invalid character (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)