Pumunta sa nilalaman

Museo Pambata

Mga koordinado: 14°34′45″N 120°58′38″E / 14.57907°N 120.97711°E / 14.57907; 120.97711
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

14°34′45″N 120°58′38″E / 14.57907°N 120.97711°E / 14.57907; 120.97711

Museo Pambata
Ang Museo Pambata, sa 1911 gusali ng Manila Elks Club
Itinatag1993
KinaroroonanErmita, Maynila, Pilipinas
UriMuseo pambata
Palatandaan ng Museo Pambata, sa Bulebar Roxas, Maynila.

Ang Museo Pambata ay isang museo para sa mga bata sa distrito ng Ermita ng Maynila, malapit sa Liwasang Rizal, sa Pilipinas.[1] Matatagpuan ito sa dating Elks Club Building, na itinayo noong 1910, sa Bulebar Roxas sa sulok ng South Drive.[2]

Ang Museo Pambata ay isang interaktibong museo para sa mga bata. Hindi tulad ng mga tradisyonal na museo kung saan nakatago ang bagay sa likod ng salamin at lubhang pinagbabawalan ang paghawak, inaanyayahan ng Museo Pambata ang mga bisita na matutunan sa mga eksibit sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang kabuuang mga pandama. Itinuturing ang kanyang sarili bilang museo ng pagtuklas at lunduyang mapagkukunan na nagtataguyod ng pandaigdigang kultura ng Pilipino, mga programa sa pagtataguyod ng mga bata, at mga malikhaing programang pang-edukasyon na may kaugnayan sa mga mga pandaigdigang komunidad. Mayroon ding mga regular na programa at kaganapan ang museo para sa iba't ibang sektor.

Binuksan noong 1994, pangarap na natupad ang Museo Pambata kay Nina Lim-Yuson, isang tagapagturo ng maagang pagkabata at ina ng apat, na nagdala ng kanyang mga anak sa Museo Pambata ng Boston sa Amerika. Talagang kinawiwilihan sila sa mga mahahawak na eksibit ng mga museo na nais niyang magkaroon ng isang katulad na lugar sa kanyang sariling bayan kung saan maaaring matuto at magsaya sa parehong oras ang kanyang mga anak - at ang milyun-milyong mga batang Pilipino.

Noong Marso 1993, iniharap ni Yuson, kasama ang kanyang ina, dating kalihim ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad na si Estefania Aldaba-Lim, ang isang panukala ng kanilang pinanaginipang museo na itatayo sa makasaysayang Elks Club Building sa Maynila, sa Mayor ng Maynila noon, si Alfredo Lim. Sa kanilang kagalakan at sorpresa, madaling inaprubahan ito.

Inihalal ang mga opisyales ng Museo Pambata sa unang pulong ng Lupon ng Tagapangasiwa na ginanap noong Hunyo 1993. Nakipagkita nang nakipagkita ang mga tagapagturo, manlilikhang bisuwal, arkitekto, manggagawa ng museo at mga iba pang propesyonal upang bumuo ng mga ideya. Isinalin sa pagdaka ang mga konsepto sa ilang mga nakatemang silid na dinisenyo at niyari nang walang bayad ni Joselito Tecson, isang arkitekto at tagadisenyo ng tanghalan.

Noong Disyembre 1993, ipinagkaloob ng Konseho ng Lungsod ng Maynila sa Museo Pambata sa isang kasunduan o memorandum of agreement (MOA) ang paggamit ng Elks Club Building nang sampung taon nang walang pag-arkila. Ginamit ang mga pinagkaloobang pondo sa lupon ng mga tagapangasiwa upang simulan ang rehabilitasyon nito.

Noong Marso 1994, ginanap ang hapunan ng pagkilala sa mga unang Ninong at Ninang ng Museo, (mga isponsor na nagbigay ng tig-isang milyong piso): Luis H. Lim Foundation, Juan and Lualhati Cojuangco Foundation, AY Foundation, Petron Corporation, Fe S. Panlilio, Don Emilio T Yap, Helena Z. Benitez, Security Bank and Trust Company, Landbank at GSIS.

Sa wakas, noong Disyembre 21, 1994, pagkatapos ng isang taon ng trabahong panimula, binuksan ang pinto ng museo sa mga bata, kabataan at mga magulang bilang pangungunang museo ng mga bata sa bansa.

Dahil sa matatag na pamumuno, tiyak na plano ng pagkilos at napipintong tagumpay, lumago na ang listahan ng mga Ninong at Ninang: Kagawaran ng Turismo, PAGCOR, Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan, Kagawaran ng Kalusugan, Sen. Ramon Magsaysay, Jr., Consuelo Alger Foundation, Philippine Charity Sweepstakes Office, Coca-Cola Foundation, Development Bank of the Philippines, PHINMA Group, Splash Foundation, Aldaba-Lim Foundation, WS Family Foundation, Sen. Francis Pangilinan, E. Zobel Foundation, Globe Telecom, Inc., C Com Foundation, at Ford Foundation Philippines.

Noong Marso 2012, na-shortlist ang Museo Pambata at nakatanggap ng Espesyal na Komendasyon[3][4] mula sa hurado ng First Children's Museum Award sa Bologna, Italya "para sa pagbibigay-inspirasyon sa paglikha ng mga bagong museo para sa mga bata sa Pilipinas at Asya."

Nakatanggap din ang Museo Pambata ng nominasyon sa Best Soft Power Cultural Organization sa 2016 Leading Cultural Destinations Awards[5] ("Oscars para sa mga museo")

Mga nakatemang silid

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Pagtatanghal ng mga manika sa museo ng mga bata

Mayroong walong nakatemang silid sa Museo Pambata, katulad:

  • Kalikasan at Karagatan - Naglalaman ng isang kunwang kagubatan at ilalim ng dagat kung saan matututunan ng mga bisita ang tungkol sa mga suliranin sa kapaligiran at pangangalaga ng ekolohiya.
  • Maynila Noon - Matututunan ng mga bisita ang tungkol sa kasaysayan sa pamamagitan ng pagtingin sa mga artepakto at kunwang pagtatanghal na naglalarawan ng Maynila dati.
  • Paglaki Ko - Ipinapakita ang iba't ibang mga karera at hinihikayat ang mga bisita na maisalarawan ang kanilang mga sarili na gumagawa ng isang partikular na karera. Sa kasalukuyan, nagtatampok ito ng mga manunulat at mga ilustrador.
  • I Love My Planet Earth (Mahal Ko Ang Aking Daigdig) - Kung saan matututunan ng mga bisita ang tungkol sa pagbabago ng klima at kung paano makilahok sa pag-aalaga sa planeta.
  • Pamilihang Bayan - Nagtatampok ng hilera ng mga tindahan at bilihan. Maaaring magpanggap ang isa na maging may-ari ng tindahan at magpraktis ng kanilang mga kasanayan sa negosyo.
  • Katawan Ko - Nagtatampok ng katawan ng tao, kung paano gumagana ang iba't ibang mga organo, at mga payo sa pangangalaga sa kalusugan.
  • Bata sa Mundo - Ipinapakita ang mga manika mula sa buong mundo sa silid na ito.

Ang museo ay mayroon ding aklatang pambata, nagbabagong bulwagang pantanghal, tindahan ng regalo, tatlong pook para sa iba't ibang mga kaganapan, palaruan, at paradahan.

Mga karapatan ng mga bata

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naka-angkla ang mga programang pang-edukasyon at mga espesyal na gawain ng Museo Pambata sa pagtataguyod ng mga karapatan ng mga bata, lalo na sa kanilang karapatan sa edukasyon, kalusugan, libangan, at isipning at pisikal na kaunlaran.

Isang katangi-tanging aktibidad na ginananap sa Karapatan Hall, isang lugar sa museo na dedikado sa mga karapatan ng mga bata, ay ang Rights of the Child Awareness Tournament noong 1995. Sinundan ito ng Mag-ROCK Tayo! (Rights Of the Child Kontest) noong 2001-2002. Kasama ang Council for the Welfare of Children (CWC), Plan International, UNICEF, Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD), Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), at mga paaralan sa lungsod ng Maynila, ipinakilala ng mga proyektong ito sa mga bata ang kanilang mga pangunahing karapatan tulad ng nakasaad sa Kombensiyon tungkol sa mga Karapatan ng Bata ng UN.

Kanino ba ang CRC? ay isang kapulungang pambata na tumagal nang tatlong araw na ginanap noong Nobyembre 2009 upang ipagdiwang ang ika-20 anibersaryo ng Kombensiyon tungkol sa mga Karapatan ng Bata (Ingles: Convention on the Rights of a Child o CRC). Tinipon ng kapulungan ang 50 mga bata na naninirahan sa iba't ibang, kadalasang mahirap na sitwasyon. Layunin ng kapulungan na ipauwana sa Kombensiyon tungkol sa mga Karapatan ng Bata sa pamamagitan ng patatanong ng "Kaninong responsibilidad ang CRC?". Nagbahagi ang mga batang kalahok, sa plenaryo at mga talakayan sa mga pantas-aral, ng kanilang mga pananaw sa mga karapatan at responsibilidad ng bata at ginawan ng mga mensahe ang mga nababahalang tao at ahensya. Itinatag ang kapulungan na may tulong mula sa DSWD, UNICEF, National Council of Social Development, Lab Pambata, CHILDHOPE Asia-Philippines, at iba pang mga pribadong donor.

Mga programa sa kanulatan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagsimula noong 1995, ang Mobile Library Program ay isang kampanya para sa pagbabasa para sa mga bata na may ekonomikang kapansanan at mga out-of-school youth ng Maynila. Nilalayon nito na ibahagi ang halaga ng pagbabasa sa mga bata sa pamamagitan ng pagkukuwento at mga sesyon ng pagpapahiram ng aklat. Pagkalipas ng anim na taon, pinasinayaan ang Mobile Library van sa pamamagitan ng isang kaloob mula sa Ford Foundation Philippines. Ito ay isang aklatang naglilibot na may anim na gulong. Mayroon itong higit sa 3,000 librong pambata at iba pang mga pantulong sa pag-aaral para sa kapakinabangan ng mga bata ng Maynila at mga kalapit na lungsod. Noong 2011, ibinago ang van sa tulong ni Atty. Ging Gonzalez-Montinola at Pilipinas Hino, Inc.

Kasabay ng pagdiriwang ng Sentenaryong Pilipino noong 1998, inilunsad ng Museo Pambata ang Aklat: Karapatan at Kapangyarihan para sa Kabataan o Aklat: KKK. Mayroon itong dalawang bahagi: ang outreach at ang mga programang pantahanan. Ipinagkaloob ang apat na mini-aklatan sa mga barangay ng Maynila bilang bahagi ng outreach, habang naging regular na gawain kapag Biyernes at Sabado ang mga sesyon ng pagkukuwento sa Museo Pambata Library and Resource Center.

Noong 1999, inilunsad ng Opisina ni Lito Atienza, Mayor ng Maynila at Museo Pambata ang Sa Aklat Sisikat!, isang kampanyang kanulatan sa buong Maynila upang itaguyod ang ugali ng pagbasa sa mga bata sa mga pampublikong paaralan sa Maynila. Nagtugon ang makabagong paunang kampanya na ito sa kagulat-gulat na pagbaba ng kakayahan sa pagbabasa at antas ng karunungang kanulatan sa bansa, lalo na sa mga pampublikong paaralan.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Museo Pambata's Official Website". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2019-06-03. Nakuha noong 2019-06-03.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "A Fun Museum at the Old Elks Club Building in Manila". TRAVELER ON FOOT: A TRAVEL JOURNAL. Nakuha noong 13 Marso 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Archive copy" (PDF). Inarkibo mula sa ang orihinal (PDF) noong 2015-06-18. Nakuha noong 2019-06-03.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2015-06-18 sa Wayback Machine.
  4. http://www.rappler.com/nation/3068-kiddie-museum-makes-int-l-debut
  5. "Archive copy". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2019-06-03. Nakuha noong 2019-06-03.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2019-06-03 sa Wayback Machine.

Bibliograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]