Pumunta sa nilalaman

Paggamit ng hatirang pangmadla sa Pilipinas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mga suki ng isang internet café na naghahanap sa isang hatirang pangmadla na websayt.

Isa ang social networking sa mga pinakamasiglang gawain na nakabatay sa web sa Pilipinas, kung saang ibinatid bilang mga pinakamasisiglang tagagamit ang mga Pilipino sa mga ilang websayt sa hatirang pangmadla na nakabatay sa web, tulad ng Facebook, Instagram, Snapchat, at Twitter. Naging malawak ang paggamit ng mga social networking website sa Pilipinas kung kaya't binansagan itong "Kabisera ng Hatirang Pangmadla sa Mundo" ("The Social Media Capital of the World"),[1] at naging bahagi na rin ng kalinangan sa Internet ng mga Pilipino ang paggamit ng mga social networking website. Kasunod nito, ginagamit din ang hatirang pangmadla bilang isang uri ng materyal sa kampanya sa halalan sa bansa, at naging kasangkapan na rin ito upang makatulong sa pagsiyasat ng mga kriminal.

Isa sa mga unang websayt sa social networking sa World Wide Web ang Friendster nang ipinakilala ito noong 2002, ngunit lumagapak ang katanyagan nito sa Estados Unidos noong 2004 dahil sa matinding mga suliraning teknikal at pagkaantala ng serbidor.[2] Gayunpaman, habang nawawala ang mga parokyano nito sa Amerika, dahan-dahang nakakuha ang Friendster ng mga tagagamit mula sa Timog-silangang Asya, simula sa Pilipinas. Nagtaka ang direktor ng inhenyeriya ng Friendster na si Chris Lunt kung bakit sumisipa ang dami ng web traffic ng nasabing hatirang pangmadla sa kalagitnaan ng gabi, at napansin niyang nagmumula ang trapiko sa Pilipinas.[3] Sinundan niya ang bakas, at natuklasan na ang Pilipinang Amerikanang si Carmen Leilani de Jesus, isang kasangguni sa marketing at hipnotisador, ang unang tagagamit na nagpakilala ng Friendster sa Pilipinas, kung saang nakatira ang ilan sa kaniyang mga kaibigan.[4]

Tinukoy ng isang pag-aaral ng Universal McCann noong 2008, na pinamagatang "Power to the People – Wave3", ang Pilipinas bilang "kabisera ng social networking sa mundo" kung saan 83 porsiyento ng mga Pilipinong sinarbey ay kasapi ng isang social network. Itinuturing din silang mga nangunguna sa pagkarga ng mga retrato at panonood ng mga video sa Internet, habang pumangalawa sila sa dami ng mga nagbabasa ng blog at nagkakarga ng mga video.[5][6]

Noong 2007, 6.9 milyon sa 7.9 milyong Pilipino na gumagamit ng Internet ang bumibisita sa isang social networking na websayt kahit minsan sa isang buwan.[7] Paminsan-minsang nagiging pinakapinupuntahang websayt sa bansa ang Friendster, gayundin sa Indonesya, ayon sa Alexa Internet na sumusubaybay sa Internet.[8] Sinabi ng pangalawang pangulo sa global marketing ng Friendster na si David Jones na "ang pinakamalaking porsiyento ng mga tagagamit (ng kanilang websayt) ay mula sa Pilipinas, na kumakatawan sa 39 porsiyento ng trapiko ng websayt." Idinagdag pa niya na nakapagtala ang Friendster ng 39 milyong natatanging mga bisita noong Marso 2008 pa lamang. Sa bilang na iyon, 13.2 milyon ay mula sa Pilipinas.[9]

Winika naman ni Peter Pezaris, pangulo at tagapagtatag ng Multiply, na bumuo sa pinakamalaki at pinakamasigasig na pangkat sa kanilang websayt ang mga Pilipinong tagagamit, batay sa dami ng mga suskritor at sa dami ng mga retratong kinakarga sa kanilang websayt araw-araw. Sa mahigit na siyam na milyong mga tagagamit na nakarehistro sa Multiply, 2.2 milyon ay mga Pilipino, na higit pa sa mga kabansaang may mas malaking populasyon tulad ng Estados Unidos, Indonesya, at Brasil. Dagdag pa rito, sa kabuoang bilang ng mga larawang ikinarga sa Multiply, kalahati rito o isang milyong mga retrato ay ikinarga ng mga Pilipino.[9] Animnapung porsiyento ng mga Pilipinong tagagamit ng Multiply ay babae, habang pitumpung porsiyento ay wala pang 25 taong gulang. Kung ihahambing, nasa pagitan ng edad na 16 at 30 taong gulang ang mga Pilipinong tagagamit ng Friendster; 55 porsiyento sa kanila ay babae.[9]

Inihayag ng Digital 2020, isang ulat ng We Are Social na nakahimpil sa Londres, na ang Facebook ang pinakasikat na plataporma sa hatirang pangmadla sa Pilipinas, na ginagamit ng 96 porsiyento ng mga gumagamit ng Internet sa bansa. Sinundan ito ng YouTube (95 porsiyento) at ng Messenger ng Facebook (89 porsiyento).[10]

Mula nang binuksan ng Facebook ang kanilang unang tanggapan sa bansa noong 2016, mayroon nang tinatayang 49 na milyong mga Pilipino na gumagamit sa kanilang social networking na websayt. Bunsod ng maraming tumatangkilik sa kanilang websayt, binuksan ng kompanya ang kanilang bagong punong tanggapan sa Bonifacio Global City, Taguig noong Mayo 2018. Sinimulan din nila ang 4 na bilyong dolyar na oportunidad sa e-commerce upang matulungan ang maliliit na mga negosyong pampook.[10]

Ikawalo ang Pilipinas sa nangungunang mga bansa na may tinatayang mga pinakamaraming tagagamit sa TikTok ayon sa pandaigdigang estadistika noong 2023.[11] Noong 2025, tinatayang may 40 milyong mga tagagamit ng TikTok sa bansa.[12]

Paglalapat ng hatirang pangmadla sa kalinangan at lipunang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mababakas ang katanyagan ng social networking sa bansa sa kalinangang Pilipino na pagtutulungan ng magkakaibigan. Maaaring mas mahalaga para sa mga Pilipino ang kanilang mga kaibigan at kakilala kaysa sa pera, lalo na kung maaaring makamit ang kinakailangan nila sa pamamagitan ng nepotismo, paboritismo, at pakikipagkaibigan.[4]

Malawak ang paggamit ng mga plataporma sa social networking sa Pilipinas. Ginamit ito upang itaguyod ang mga programa sa telebisyon tulad ng Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus kalakip ang dalawang profile nito sa Multiply. Nagpaskil ang isang kompanya ng call center ng tala ng mga bakanteng trabaho sa kanilang pampamayanang websayt sa Multiply, at nakahikayat sila ng mga rekrut.[13] Nasubok ang kapangyarihan ng hatirang pangmadla sa pangkalahatang halalan sa Pilipinas noong 2007 nang gumawa ang noo'y kandidato sa pagkasenador na si Francis Escudero ng kaniyang sariling profile sa Friendster upang palakasin ang suporta mula sa mga Pilipinong tagagamit.[14] Nakakuha siya ng puwesto sa Senado.[4] Magmula noon, gumawa ng kanilang pansariling mga profile sa Friendster ang mga celebrity at politiko upang makipagtalastasan sa kanilang mga tagasunod at nasasakupan.[15]

Ginamit din ang Friendster bilang kasangkapan sa mga imbestigasyon ng kapulisan. Natunton ng lokal na pulisya sa Lungsod ng Cebu ang mga suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa isang babaeng estudyante sa narsing noong Marso 2008. Pagkaraang nakatanggap ng impormasyon at tip mula sa publiko at mga ahente, ginalugad ng lokal na pulisya ang mga profile ng mga suspek upang masiyasat ang kanilang mga pagkatao. Inilimbag ng pulisya ang mga larawan ng mga suspek, at naglunsad sila ng sunud-sunod na mga operasyon na humantong sa pagkakadakip ng mga suspek.[16] Samantala, dinakip ng Distritong Pampulisya ng Maynila ang isang suspek na inirereklamo sa pagpatay sa dalawang mga opisyal sa guest relations sa Tondo noong Enero 2007 pagkaraan ng pagtukoy sa kaniyang kinaroroonan sa pamamagitan ng kaniyang profile sa Friendster.[17]

Pinagmumulan na rin ng mga malalaking alitan sa Internet ang mga social network, at isang halimbawa nito ang alitan ng dalawang aktor na sina Ynez Veneracion at Mon Confiado laban kay Juliana Palermo. Inakusahan ng dalawang aktor si Palermo na gumawa ng huwad na profile ng kaniyang dating nobyong si Confiado sa Friendster. Nakakarga sa huwad na profile ang mga larawan nina Confiado at ng kasintahang si Veneracion subalit sagana sa kabastusan ang kapsiyon ng bawat larawan.[18]

Naglunsad ang noo'y Kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Gilberto Teodoro ng masigasig na pangangampanya sa pamamagitan ng hatirang pangmadla, tulad ng YouTube at Facebook, para sa kaniyang kandidatura sa pagkapangulo noong Mayo 2010. Iniulat na gumastos siya ng halos ikaapat na bahagi ng kaniyang pangkampanyang badyet sa hatirang pangmadla, kompara sa 9% ginastos ng naging pangulo ng bansa na si Benigno Aquino III.[19]

Batay sa Digital News Report (DNR) ng Suriang Reuters noong 2024, bumaba sa 61 porsiyento ang paggamit ng mga matandang Pilipino sa Facebook bilang pinagkukuhanan ng balita, mula sa 72 porsiyento noong 2023. Pagbaba ito ng 11 puntos, na lampas sa karaniwang apat na puntos na pagbabang natatanaw sa ibang mga merkado sa midya. Ibinatay ng ikalabintatlong edisyon ng DNR ang kanilang datos sa isang onlayn na sarbey kalakip ang 94,943 mga tigulang mula sa 47 mga merkado sa midya, kabilang ang 2,104 na mga Pilipino.[20][21]

Hatirang pangmadla bilang ebidensiya sa hukuman

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagaman hindi tahasang nakasaad sa Mga Panuntunan sa Elektronikong Ebidensiya, na ipinahayag ng Kataas-taasang Hukuman noong 2001, ang paggamit ng mga mensahe at larawan mula sa hatirang pangmadla bilang patunay sa hukuman, pinahihintulutang gamitin ang mga ito bilang mga patunay hinggil sa mga gawaing kriminal.[22]

Sa isang hatol na may petsang Nobyembre 16, 2021 at inilathala noong ika-17 ng Hunyo 2022, ipinasiya ng hukuman na maaaring gamitin ang mga larawan at mensaheng nakuha ng mga indibidwal mula sa isang akawnt sa hatirang pangmadla bilang patunay sa hukuman.[23] Tinanggihan ng korte ang kahilingan ng nagsusumamo na huwag isama ang chat thread mula sa kaniyang Messenger, na ipinakita bilang patunay ng isang menor de-edad laban sa kaniya dahil sa umano'y paglabag sa kaniyang karapatan sa privacy. Ipinagtibay nito ang hatol ng Hukuman ng Apelasyon laban sa kaniya dahil sa paglabag sa Batas Republika Blg. 9775 o ang Batas Laban sa Pornograpiya ng mga Bata.[22][23]

Bukod diyan, pinahihintulutan ng Batas Republika Blg. 10173 o ang Batas sa Privacy ng Datos ang pagproseso ng pansariling impormasyon, kapagka gagamitin ito upang matukoy ang pangkriminal na pananagutan.[22] Sa kasong ito, winika ng hukuman na hindi naaangkop sa akusado ang mga paghihigpit sa paggamit ng datos sa ilalim ng batas.[23]

Pinuna ni Christine Gambito, Pilipinang Amerikanang aktres at komedyante na kilala rin bilang "HappySlip", ang Friendster dahil sa inilarawan niyang "hindi naaangkop na mga patalastas" na lumabas sa kaniyang profile. Nagpaskil siya ng mensahe sa bulletin board ng websayt na naghahayag sa kaniyang mga tagahanga na pinag-isipan niyang burahin ang kaniyang akawnt. Nauna na niyang binura ang kaniyang akawnt sa MySpace bilang pagtutol sa mga onlayn na patalastas na pinapaandar ng Google at tinuringan niyang "sumasalungat nang tahasan sa tatak ng HappySlip at lubusang lumilihis sa paglalarawan ng kababaihang Pilipino". Tahasang binatikos niya ang pagpaskil ng mga patalastas ng mga websayt sa pakikipag-date na buhat sa ibang bansa na diumano ay pinupunterya sa mga Pilipina.[24]

Noong 2008, inutusan ng noo'y hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na si Heneral Avelino Razon ang Pangkat ng Imbestigasyon at Pagtuklas ng mga Krimen (CIDG) na alamin kung sino ang gumawa ng huwad na akawnt sa Friendster gamit ang kaniyang pagkakakilanlan. Sagana ang nasabing huwad na akawnt sa maling impormasyon tungkol sa kaniya, tulad ng pahayag na "nais niyang makita ang mga traydor, korap, kriminal para durugin sila."[25]

Magmula noong Disyembre 2008, may mga kaso ng spam na mga komento sa mga profile sa Friendster. Karamihan sa mga ito ay sa pamamagitan ng isang larawang JPEG sa katauhan ng isang nakatagong video sa YouTube na may thumbnail ng isang maikli at masagwang video, tulad ng isang batang babae na naghuhubad ng kaniyang sarili. Kadalasang dinadala ang tagagamit sa hindi mapagkakatiwalaang websayt pagklik niya ng larawan, at mas malala pa kung dinala siya sa pag-drive-by download ng malware gaya ng Koobface worm. Dahil kaunti ang kaalaman ang ilang mga tagagamit sa panganib ng malware, lalo na ang mga adolesente na karaniwang bumibisita sa websayt sa mga Internet café, lubhang mapanganib ang gayong mga social engineering attack. Nakatanggap ng matinding batikos ang Friendster dahil sa usaping ito.[26][27][28]

Eskandalo hinggil sa Cambridge Analytica

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Siniyasat ng pamahalaan ng Pilipinas noong 2018 ang paglabag ng kompanyang Briton na Cambridge Analytica sa seguridad ng datos, kung saan ninakaw ang pansariling impormasyon ng mahigit sa 87 milyong mga akawnt sa Facebook. Isang liham ang ipinadala ng Komisyon para sa Proteksiyon ng Personal na Impormasyon (NPC) kay Mark Zuckerberg, punong ehekutibong opisyal ng Facebook, upang magbigay ang nasabing kompanya ng mga dokumento tungkol sa lawak at kinahinatnan ng paglabag sa seguridad ng datos sa mga Pilipino.[29] Nagmula sa Pilipinas ang 1.2 milyon sa mga akawnt na nilooban. Ayon sa tagasiwalat na si Christopher Wylie sa panayam sa Rappler, madaling punteryahin ang Pilipinas dahil sa kawalan ng regulasyon, mga tiwaling opisyal, at mataas na paggamit ng hatirang pangmadla sa mga Pilipino.[30]

Pekeng balita at maling impormasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mga alalahanin sa Pilipinas hinggil sa pagkalat ng pekeng balita at maling impormasyon sa hatirang pangmadla, lalo na sa mga plataporma tulad ng Facebook.[31] Ginamit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Facebook upang ibahagi ang kaniyang mensahe at batikusin ang mga sumasalungat sa kaniya. Mula nang inihalal siyang pangulo noong Mayo 2016, binuo ni Duterte ang isang pangkat ng mga personalidad at blogger sa Facebook upang pasamain ang mga kalaban sa politika.[32][33]

Tinulungan ng SCL Group (dating Strategic Communications Laboratories), ang punong kompanya ng Cambridge Analytica, si Duterte upang manalo sa pampanguluhang halalan noong 2016, sa pamamagitan ng paglalarawan sa kaniya sa hatirang pangmadla bilang isang lumalaban sa krimen, tulad ng nakasaad sa websayt nito.[34]

Mga kampanya para sa responsableng paggamit ng hatirang pangmadla

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Hulyo 2011, lumikha ang GMA Network ng kampanyang Think Before You Click ("Mag-isip-isip Ka [Muna] Bago Magklik") upang isulong ang responsableng paggamit ng hatirang pangmadla. Pinasimulan naman ng Rappler ang kawangis na kampanyang "#NoPlaceForHate" noong Agosto 2016. Hinihikayat naman nito ang pagkamagalang kapag nakikipag-ugnayan onlayn.

Mga panukala sa regulasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isinabatas ang Batas Republika Blg. 11934 (Batas sa Pagpaparehistro ng SIM) noong 2022.[35] Inatasan ng isang naunang bersiyon ng noo'y panukalang batas ang mga tagagamit na itala ang kanilang mga akawnt sa hatirang pangmadla gamit ang kanilang legal na mga pangalan at numero ng telepono. Iginiit ng mga pumapanig sa panukala na hahadlangan nito ang mga gawain ng mga manloloko at teroristang nagtatago ng kanilang pagkakakilanlan. Pinuna ng mga tumututol sa panukala sa kadahilanang malalagay sa panganib ang kalayaan sa pananalita at karapatan sa privacy ng bawat Pilipino.[36] Inalis kalaunan sa huling bersiyon ng panukalang batas (na naging batas paglaon) ang tadhana ukol sa hatirang pangmadla.[35]

Noong Pebrero 2025, iminungkahi ni Kinatawan Ace Barbers ng Ikalawang Distrito ng Surigao del Norte ang isang panukalang batas na nag-oobliga sa mga plataporma ng hatirang pangmadla na humingi ng obligatoryong prangkisa mula sa lehislatura, upang labanan ang pagkalat ng disinformation. Sinabi niyang makatitiyak nito ng "disiplina, isang kodigo ng pag-aasal, at etika [sa mga plataporma]". Nagbabala ang mga kritiko tulad nina Propesor Karl Patrick Mendoza ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at Danilo Arao ng Unibersidad ng Pilipinas na maaaring malagay sa alanganin ang kalayaan sa pananalita sa bansa. Sa halip, iminungkahi nilang palakihin pa ang paglaan ng badyet para sa pinahusay na edukasyon at literasi sa midya.[37]

Sa pagsisimula ng Ikadalawampung Kongreso ng Pilipinas, iminungkahi ni Senador Panfilo Lacson ang panukalang batas na naglalayong pagbawalan ang mga batang edad 18 taong gulang pababa na gumamit ng hatirang pangmadla. Binanggit niya ang isang pag-aaral mula sa UNICEF tungkol sa pagkakalantad ng mga menor de-edad sa onlayn na panggugulo at pang-aapi mula sa mga maton sa Internet. Sa ilalim ng kaniyang panukala, inaasahang titiyakin ng mga kompanya ng hatirang pangmadla ang edad at pagkakakilanlan ng mga netizen, bagaman dapat nilang matiyak ang seguridad ng datos bilang pagtalima sa Batas sa Privacy ng Datos ng taong 2012. Maaaring humantong sa mataas na multa o pagbawal sa pagnenegosyo ng mga kompanya ng hatirang pangmadla sa bansa kapag nabigo sila sa pagharang ng mga menor de-edad o sa seguridad ng datos ng mga tagagamit.[38]

Noong Enero 16, 2026, ipinanukala ng Kagawaran ng Teknolohiyang Pang-impormasyon at Komunikasyon (DICT) ang isang patakaran na iniuutos sa mga plataporma ng hatirang pangmadla na patunayan o beripikahan ang kanilang mga tagagamit, bilang panlaban sa mga troll, bot ng AI, at mga gawain ng mga onlayn na kriminal.[39] Nagbabala naman ang Democracy.Net.PH at Foundation for Media Alternatives, mga pangkat sa mga karapatan sa Internet, na maaaring magdala ng hindi kanais-nais na kapahamakan sa mga aktibista, kababaihan, at bata ang panukala, sa mga anyo ng pagmamaton, pang-aapi, at onlayn na pagmamanman.[40] Umatras kalaunan ang DICT sa panukala at sa halip ay mas pinili ang pampublikong kamuwangan at pagpapalaganap ng kabatiran, na isinasakatuparan pa rin ang parehong layunin ng pagpapairal ng pananagutan sa mundong onlayn.[41]

Noong Pebrero 6, 2026, nagpanukala si Senador Tito Sotto ng batas para sa patakarang "isang tao, isang akawnt" lamang, na ayon sa kaniya ay magpapawakas sa mga troll sa internet. Kasunod ito ng pagdami ng mga troll na naninira ng magkabilang panig sa kasagsagan ng usapin ng sigalutan sa teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at Tsina pagkaraan ng insidenteng diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa.[42]

Noong Hulyo 2025, nagpadala si Kalihim Henry Aguda ng DICT ng sulat sa punong ehekutibong opisyal ng Meta Platforms na si Mark Zuckerberg. Hinimok ni Aguda ang puno ng Meta Platforms na magtalaga ng karagdagang mga content moderation team sa bansa at agad na tanggalin ang mga nilalaman na gawa ng deepfake upang ipagsanggalang ang mga tagagamit mula sa disinformation. Bagaman umaasa siyang susunod ang Meta sa kahilingan ng pamahalaan, binanggit ni Aguda sa isang panayam sa DZBB-AM na ang hindi pagsunod ng Meta ay maaaring humantong sa pagsuspende ng mga operasyon ng Facebook sa bansa, katulad ng mga pamamaraan na ginamit sa Brasil at ibang mga bansa upang pairalin ang pananagutan ng mga plataporma ng hatirang pangmadla sa kanilang mga nilalaman.[43]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Mateo, Janvic. "Philippines still world's social media capital – study". The Philippine Star. Nakuha noong Enero 11, 2020.
  2. Rivlin, Gary (Oktubre 15, 2006). "Wallflower at the Web Party". New York Times. Nakuha noong Hunyo 24, 2008.
  3. "Orkut, Friendster Get Second Chance Overseas". MediaShift (sa Ingles). Hunyo 15, 2007. Nakuha noong Hunyo 11, 2024.
  4. 1 2 3 "Orkut, Friendster Get Second Chance Overseas". PBS.org. Hunyo 15, 2007. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 20, 2007. Nakuha noong Hunyo 22, 2008.
  5. "Power to the People: Social Media Tracker, Wave3" (PDF). Universal McCann. Marso 2008. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong Setyembre 21, 2008. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  6. Liao, Jerry (Mayo 20, 2008). "The Philippines – Social Networking Capital of the World". Manila Bulletin. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 11, 2008. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  7. Yazon, Giovanni Paolo (Marso 31, 2007). "Social networking to the higher level". Manila Standard Today. Nakuha noong Hunyo 23, 2008.
  8. Ling, Woo Liu (Enero 29, 2008). "Friendster Moves to Asia". Time. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 7, 2008. Nakuha noong Hunyo 23, 2008.
  9. 1 2 3 Salazar, Tessa (Hunyo 22, 2008). "Filipinos are prolific, go and Multiply". Philippine Daily Inquirer. pp. A1, A10. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 12, 2009. Nakuha noong Hunyo 23, 2008. {{cite news}}: |archive-date= / |archive-url= timestamp mismatch; Enero 7, 2014 suggested ()
  10. 1 2 Inquirer, Philippine Daily (Setyembre 30, 2020). "In The Know: Facebook in PH". INQUIRER.net (sa Ingles). Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  11. Baclig, Cristina Eloisa (Marso 30, 2023). "PH among most TikTok-crazed countries in the world". INQUIRER.net (sa Ingles). Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  12. Ferreras, Vince Angelo (Enero 28, 2025). "How will the TikTok ban in the US affect users in PH, other countries?". GMA News Online (sa Ingles). Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  13. Dizon, David (Hunyo 19, 2005). "Filipinos are top Multiply users". ABS-CBNNews.com. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 28, 2013. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  14. "Chiz Escudero campaigns in cyberspace". Manila Bulletin. Pebrero 26, 2007. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 24, 2008. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  15. Marinay, Manny B. (Enero 31, 2009). "Stars use Friendster's Fan Profiles to reach out to fans". Manila Bulletin. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 24, 2008. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  16. Mosqueda, Mars Jr. W (Marso 11, 2008). "Internet used to identify killers of nursing student". Manila Bulletin. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 12, 2009. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  17. Malayo, Natalie Jane M (Enero 16, 2007). "Suspect in killing of two GROs arrested". Manila Bulletin. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 29, 2008. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  18. Sadiri, Walden (Hunyo 3, 2007). "Ynez-Juliana feud turns Friendster to "Hatester?"". Manila Bulletin. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 12, 2009. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  19. Manglaus, Roni (Disyembre 10, 2010). "Using Social Media Marketing to Win Elections in the Philippines". Pulyetos. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 4, 2013. Nakuha noong Mayo 11, 2013.
  20. Chua, Yvonne T. (Hunyo 17, 2024). "Facebook, other traditional socmed platforms wane as news sources in PH — Digital News Report 2024". Philstar.com. Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  21. "Digital News Report 2024 | Reuters Institute for the Study of Journalism". reutersinstitute.politics.ox.ac.uk (sa Ingles). Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  22. 1 2 3 Yumol, David Tristan (Hunyo 17, 2022). "SC: Photos and messages obtained by private persons from Facebook Messenger can be used as court evidence". CNN Philippines. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 17, 2022. Nakuha noong Hunyo 19, 2022.
  23. 1 2 3 Santos, Jamil (Hunyo 18, 2022). "SC: Photos, messages on social media can be evidence in court". GMA News Online. Nakuha noong Hunyo 19, 2022.
  24. Oliva, Erwin (Hunyo 13, 2008). "Happy Slip unhappy with "inappropriate" ads on Friendster". Philippine Daily Inquirer. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 21, 2013. Nakuha noong Hunyo 24, 2008.
  25. Alberto, Thea (Enero 17, 2008). "Razon not amused by "Friendster account"". Philippine Daily Inquirer. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 21, 2013. Nakuha noong Hunyo 24, 2008.
  26. Mus (Disyembre 31, 2008). "How to stop Friendster spam" (sa Ingles).
  27. "YouTube Virus? Spreading thru Friendster". Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-03-05. Nakuha noong 2025-08-02.
  28. "YouTube Virus (?) spreading thru Friendster". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-07-13. Nakuha noong 2025-08-02.
  29. "Philippines Investigating Facebook Over Data-Mining". Voice of America (sa Ingles). Abril 14, 2018. Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  30. Occeñola, Paige (Setyembre 10, 2019). "Exclusive: PH was Cambridge Analytica's 'petri dish' – whistle-blower Christopher Wylie". Rappler (sa Ingles). Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  31. Stevenson, Alexandra (Oktubre 9, 2018). "Soldiers in Facebook's War on Fake News Are Feeling Overrun". The New York Times (sa Ingles). ISSN 0362-4331. Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  32. Staff, Recode (Disyembre 8, 2017). "Recode Daily: How the Chinese and Philippine governments are weaponizing social media against their citizens". Vox (sa Ingles). Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  33. "Philippines election: 'Politicians hire me to spread fake stories'". BBC News (sa Ingles). Mayo 7, 2022. Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  34. "How Cambridge Analytica's parent helped Duterte win 2016 election". South China Morning Post (sa Ingles). Abril 4, 2018. Nakuha noong Hunyo 3, 2025.
  35. 1 2 Rivas, Ralf (Oktubre 22, 2022). "Marcos signs SIM Card Registration Act. Will it really stop scammers?". Rappler. Nakuha noong Pebrero 11, 2025.
  36. Yang, Angelica Y. (Pebrero 7, 2022). "'Real name' social media registration seen to risk free speech, privacy and identity". Philippine Star. Nakuha noong Pebrero 11, 2025.
  37. Basilio, Kenneth Christiane L. (Pebrero 18, 2025). "Franchise requirement for social media mulled amid disinformation crackdown". BusinessWorld. Nakuha noong Pebrero 19, 2025.
  38. Mangaluz, Jean (Hulyo 2, 2025). "Skibidi no more? Lacson seeks to bar minors from social media". Philippine Star. Nakuha noong Hulyo 8, 2025.
  39. Cordero, Ted (Enero 16, 2026). "Goodbye trolls? DICT mulls all social media users to be verified". GMA Integrated News. Nakuha noong Enero 22, 2026.
  40. Pascual, Jekki (Enero 21, 2026). "No more alter accounts? DICT studies social media user verification". ABS-CBN News. Nakuha noong Enero 21, 2026.
  41. Serquiña, Mariel Celine (Enero 25, 2026). "DICT: Social media verification likely to remain voluntary". GMA Integrated News. Nakuha noong Enero 30, 2026.
  42. Cruz, RG (Pebrero 6, 2026). "Sotto suggestion to fight 'trolls': One person, one social media account". ABS-CBN News. Nakuha noong Pebrero 9, 2026.
  43. Baizas, Gaby (July 18, 2025). "DICT urges Zuckerberg to address fake news, deepfakes on Facebook". Rappler. Nakuha noong July 28, 2025.