Pumunta sa nilalaman

Pagreresiklo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pagresiklo)
Ang unibersal na simbolo ng pagreresiklo na binubuo ng tatlong naghahabulang palaso

Ang pagreresiklo ay proseso ng pagkomberte ng mga basura para maging bagong materyales at bagay. Kadalasang kabilang sa konseptong ito ang pagbabawi ng enerhiya mula sa mga basura. Nakasalalay ang resiklabilidad ng isang materyal sa kakayahan nitong makuha muli ang mga katangian na mayroon ito sa orihinal nitong estado.[1] Isa itong alternatibo sa "nakasanayang" pagtatapon ng basura na nakakabawi ng materyal at nakakatulong sa pagpapababa ng emisyon ng greenhouse gas. Maaari din nitong pigilan ang pag-aaksaya ng mga materyales na may potensiyal na mapagkikinabangan pa at bawasan ang pagkonsumo ng mga likas na materyales, bawasan ang paggamit ng enerhiya, polusyon sa hangin (mula sa pagsusunog) at polusyon sa tubig (mula sa pagtatambak sa lupa).

Isang mahalagang bahagi ang pagreresiklo ng pagbabawas ng basura sa modernong panahon at ito ang ikatlong bahagi ng "Reduce, Reuse, and Recycle" ("Bawasan, Muling Gamitin, at Magresiklo") na herakiyang pambasura.[2][3] Itinataguyod nito ang pagpapanatili ng kapaligiran sa pagbabawas ng mga pampasok na panangkap at pagreredirekta ng basura sa sistema ng ekonomiya.[4] May ilang mga pamantayang ISO na may kaugnayan sa pagreresiklo, tulad ng ISO 15270:2008 para sa mga basurang plastik at ISO 14001:2015 para sa kontrol sa pamamahala ng kapaligiran ng pagreresiklo.

Kabilang sa mga nareresiklong materyales ang maraming uri ng salamin, papel, karton, plastik, gulong, kayo, baterya, at elektronika. Isa pang uri ng pagreresiklo ang pag-aabono at iba pang paggamit muli ng mga nabubulok—tulad ng pagkain at basura sa hardin.[5] Ang mga ireresiklong materyales ay idinadala sa resikluhan o kinukuha mula sa mga basurahan sa may bangketa, at ibinubukud-bukod, inililinis, at ipinoproseso muli para maging bagong materyales para sa pagmamanupaktura ng mga bagong produkto.

Sa mga ideyal na pagpapatupad, nakakaprodyus ang pagreresiklo ng isang materyal ng sariwang suplay ng parehong materyal—halimbawa, makakabuo ng bagong papel mula sa ginamit na papel, at bagong polistireno mula sa ginamit na polistireno. Maaaring imanupaktura nang imanupaktura muli ang ilang uri ng materyales, tulad ng mga lata nang hindi nawawala ang kanilang kadalisayan.[6] Sa iba pang mga materyales, masyadong mahirap o mahal ang ganitong proseso (kumpara sa pagpoprodyus ng parehong produkto mula sa likas na materyales o iba pang mapagkukunan), kaya kapag "nireresiklo" ang mga ganitong materyales, ibig sabihin na ginagamit muli ang mga bagay sa pagprodyus ng mga ibang materyales (halimbawa, karton). Isa pang uri ng pagreresiklo ang pagsasagip ng mga sangkap mula sa komplikadong produkto, dahil sa likas na halaga (tulad ng tingga mula sa mga baterya ng kotse at ginto mula sa mga printed circuit board), o dahil sa pagiging mapanganib (hal. pagtanggal at paggamit muli ng asoge mula sa mga termometro at termostato).

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Villalba, G; Segarra, M; Fernández, A.I; Chimenos, J.M; Espiell, F (Disyembre 2002). "A proposal for quantifying the recyclability of materials" [Isang panukala para sa pagsusukat ng resiklabilidad ng mga materyales]. Resources, Conservation and Recycling (sa wikang Ingles). 37 (1): 39–53. Bibcode:2002RCR....37...39V. doi:10.1016/S0921-3449(02)00056-3. ISSN 0921-3449.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Lienig, Jens; Bruemmer, Hans (2017). "Recycling Requirements and Design for Environmental Compliance". Fundamentals of Electronic Systems Design [Mga Pangunahing Kaalaman sa Pagdidisenyo ng Mga Sistemang Elektroniko] (sa wikang Ingles). pp. 193–218. doi:10.1007/978-3-319-55840-0_7. ISBN 978-3-319-55839-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. European Commission (2014). "EU Waste Legislation" [Batas ng EU sa Basura] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa ang orihinal noong 12 Marso 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Geissdoerfer, Martin; Savaget, Paulo; Bocken, Nancy M.P.; Hultink, Erik Jan (1 Pebrero 2017). "The Circular Economy – A new sustainability paradigm?" [Ang Ekonomiyang Pabilog – Isang bagong paradigma sa sustenabilidad?] (PDF). Journal of Cleaner Production (sa wikang Ingles). 143: 757–768. Bibcode:2017JCPro.143..757G. doi:10.1016/j.jclepro.2016.12.048. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 31 Marso 2021. Nakuha noong 8 Abril 2021.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. League of Women Voters (1993). The Garbage Primer [Ang Primer ng Basura] (sa wikang Ingles). New York: Lyons & Burford. pp. 35–72. ISBN 978-1-55821-250-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Lilly Sedaghat (2018-04-04). "7 Things You Didn't Know About Plastic (and Recycling)" [7 Bagay na Hindi Mo Alam Tungkol sa Plastik (at Pagreresiklo)]. National Geographic (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 25 Enero 2020. Nakuha noong 2023-02-08.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)