Pagsasapaham
Ang pagsasapaham (Ingles: intellectualization; maaari ring tukuyin bilang pagsasatalino, pagsasakarunungan, o intelektwalisasyon) ay isang proseso kung saan ang isang wika, ideya, o disiplina ay pinauunlad upang umabot sa antas ng mas mataas na pag-iisip, karunungan, at akademikong aplikasyon. Karaniwang ginagamit ang kataga sa mga larangan ng lingguwistika at sikolohiya, bagaman may magkakaibang kahulugan ito batay sa konteksto. Sa larangan ng wika, ang pagsasapaham ay proseso ng pagpapayaman ng wika upang magamit sa mataas na diskurso, samantalang sa sikolohiya, ito’y isang paraan ng pag-iwas sa emosyon sa pamamagitan ng lohikal na paliwanag.
Etimolohiya at kataga
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang salitang pagsasapaham ay lokal na katawagan sa Tagalog na mula sa ugat na paham, na nangangahulugang "marunong," "matalino," o "may karunungan," at ang panlaping pagsasa- na nangangahulugang proseso ng paggawa o pagkakaroon ng isang bagay. Ang paham ay nag-ugat sa Malay na pahám at sa Arabikong fahm (فهم), na ang ibig sabihin ay “agham” o “pag-unawa.” Ito ay salin ng salitang Ingles na intellectualization (intelektwalisasyon) na mula sa salitang intellectualize sa na nagmula sa Latin na intellectus, na nangangahulugang "kaisipan" o "pag-unawa." Idinagdag ang hulaping -ation upang ipahiwatig ang proseso.
Ang pagsasatalino ay isang salitang Tagalog na nagmula sa ugat na talino, na tumutukoy sa "dunong," "alam," o "diwa," samantalang ang pagsasarunong ay nagmumula sa ugat na dunong, na nangangahulugang "talino" o "kaalaman". Pareho silang ginagamitan ng panlaping pagsasa-, na nagpapahiwatig ng proseso ng pagbibigay, pagpapayaman, o pagpapalawak ng kaalaman at katalinuhan.
Sa larangan ng aghamwika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa larangan ng wika, ang pagsasapaham ay tumutukoy sa proseso ng pagpapalawak at pagpapayaman ng isang wika upang maging angkop sa mga mas mataas na diskurso, tulad ng agham, teknolohiya, batas, pilosopiya, at iba pang larangan. Kasama sa pagsasapaham ng wika ang pagbuo ng mga bagong kataga at konsepto upang maging mas epektibo ito sa paggamit sa mga akademikong at teknikal na usapin. Layunin ng prosesong ito na gawing kapaki-pakinabang ang wika sa mga masalimuot na paksa, upang hindi na kailangang umasa sa banyagang wika.
Sa larangan ng sikolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa agham ng pag-iisip, ang pagsasapaham o intelektwalisasyon ay isang mekanismo ng pagtatanggol kung saan ang isang tao ay tumutuon sa lohika at mga katotohanan upang makaiwas sa hindi komportableng damdamin. Tinitingnan niya ang isang sitwasyon bilang isang problemang kailangang lutasin sa makatuwirang paraan, habang isinasantabi ang emosyon bilang hindi mahalaga. Sa ganitong paraan, maaaring hindi agad maramdaman ang matinding emosyon at sa halip ay ituon ang pansin sa mga teknikal o praktikal na bahagi ng karanasan bilang paraan ng pagharap sa sakit ng damdamin.
Isa ito sa mga unang mekanismo ng pagtatanggol na natukoy ni Sigmund Freud. [1] Ayon sa kanya, ang mga alaala ay may malay at di-malay na bahagi, at sa pamamagitan ng pagsasapaham, nagagawa ng tao na suriin ang isang pangyayari nang hindi lubos na nakakaramdam ng pag-aalala o kaba. Bagamat hindi ginamit ni Freud ang salitang ito mismo,[2] inilalarawan niya ang mga pagkakataon kung saan ang pag-iisip ay hiwalay sa damdamin—pinapansin ang isang bagay sa isip ngunit hindi ito lubos na pinaparamdam sa sarili.[3][4]
Ayon kay Anna Freud, normal sa mga kabataan ang pagsasapaham habang hinaharap nila ang mga pagbabago sa kanilang sarili, ngunit nagiging suliranin ito kapag sumasaklaw na sa buong pag-iisip. [5][6] Karaniwan ding ginagamit ang malalalim na salita o jargon bilang paraan ng pagsasapaham, kung saan ang atensyon ay napupunta sa mga termino sa halip na sa tunay na epekto nito sa tao.
Sa kabuuan, pinoprotektahan ng pagsasapaham ang sarili laban sa pagkabahala, ngunit maaari rin itong magdulot ng pagsupil sa mga damdaming kailangang harapin upang makausad.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Defenses – PsychPage" (sa wikang Ingles). 2013-02-24. Nakuha noong 2025-05-05.
- ↑ Edward Erwin, The Freud encyclopedia (2002) p. 202
- ↑ Sigmund Freud, On Metapsychology (Penguin 1987) p. 438
- ↑ Sigmund Freud, Case Studies II (London 1991) p. 390
- ↑ Otto Fenichel, The Psychoanalytic Theory of Neurosis (London 1946) p. 112
- ↑ Anna Freud, The ego and the mechanism of defense (London 1993) p. 172