Katinig na pailong
Sa ponetika, katínig na pailóng ang oklusibong katinig na nagagawa sa pamamagitan ng pagbaba ng ngala-ngala, na nagpapahintulot sa hangin na lumabas sa pamamagitan ng ilong (kumpara sa bibig sa kaso ng mga katinig na pabibig). Makikita ito sa halos lahat ng mga wika ng tao. Ilan sa mga halimbawa sa wikang Tagalog ang [m], [n], at [ŋ], na sinusulat bilang titik m, n, at ng tulad sa mga salitang manok, nanay, at nginig.
Kahulugan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Halos lahat ng mga katinig na pailong ay pawang mga oklusibong katinig, kung saan lumalabas ang hangin sa ilong imbes sa bibig dahil hinaharangan ito ng dila o ng labi, Maaari ding sumailalim sa ganitong proseso (nasalisasyon) ang mga katinig na hindi oklusibo, bagamat bihira ito. Matunog ang karamihan sa mga katinig na pailong. Isa sa mga pinakakaraniwang ponema na makikita sa halos lahat ng wika ang mga ponemang [n] at [m]. Lumalabas din ang mga walang tunog na katinig na pailong sa ilang mga wika, kagaya sa wikang Birmano, Gales, Islandes, at Guarani. Sa akustika naman, pawang mga sonante ang mga katinig na pailong; ibig sabihin, hindi nito pinipigilan nang matindi ang paglabas ng hangin. Gayunpaman, mga obstruyente pa rin sila dahil sa pagharang sa hangin sa bibig. Nagagawa ang tunog ng mga katinig na pailong mula 200 hanggang 2,000 Hz.
| Walang tunog | Matunog | |
|---|---|---|
| Parehong labi | ||
| Labi–ngipin | ||
| Labi–dila | n̼̊ | |
| Ngipin | ||
| Gilagid | ||
| Pulupot na dila | ||
| Paleta | ||
| Ngala-ngala | ||
| Tilao | ||
| Labi–gilagid | n̥͡m̥ | |
| Labi–pulutpot na dila | ɳ̥͡m̥ | |
| Labi–ngala-ngala | ŋ̥͡m̥ |
Uri
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hinihiwalay ng mga lingwistang sina Peter Ladefoged at Ian Maddieson ang mga katinig na pailong mula sa tunay kagaya ng [m, n, ng] kung saan tanging sa ilong lamang lumalabas ang hangin, mula sa bahagyang katinig na pailong kagaya ng mga katinig na prenasalisado at pailong na preoklusibo kung saan lumalabas lamang ang hangin nang ilang sandali, at gayundin sa mga nasalisadong katinig kung saan parehong lumalabas ang hangin sa bibig at ilong.[1] Narito ang ilan sa mga uri ng katinig na pailong:
- tunay na pailong (oklusibong pailong), kagaya ng [m, n, ng] sa maraming mga wika.
- nasalisadong padulas, kagaya ng [j̃, w̃] sa ilang dayalekto ng wikang Portuges gayundin sa wikang Polako.
- prenasalisadong katinig, kagaya sa wikang Arrernte sa hilagang Australia.
- nasalisadong pitik, kagaya sa wikang Zulu.
Wika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Halos lahat ng wika sa mundo ay may mga katinig na pailong sa kanilang imbentaryo; tinatayang nasa 2% lamang ang walang ganito.
- Makikita sa lahat ng mga wika sa Pilipinas ang /m/, /n/, at /ŋ/. Bukod dito, nagtatampok rin ang marami sa mga ito ng /ɲ/ na karaniwang sinulat bilang ⟨ñ⟩ o ⟨n(i)y⟩ at kalimitang nakikita sa mga hiram na salita (hal. Niño) gayundin sa dulas ng dila (glide, hal. ninyo); sa wikang Ibatan ng Batanes at wikang Ibanag ng Cordillera, isa itong hiwalay na ponema. Samantala, binibigkas naman ang /n/ sa wikang Sebwano bilang isang katinig na pailong sa ngipin /n̪/.
- Karaniwang tunog sa mga wika sa Timog Asya at sa mga Aborihinal na wika ng Australia ang matunog na katinig na pailong sa dilang nakapulupot [ɳ].
- Karaniwang tunog naman sa mga wika sa Europa ang matunog na katinig na pailong sa paleta [ɲ] kagaya sa wikang Espanyol ⟨ñ⟩, Pranses at Italyano ⟨gn⟩, Katalan at Unggaro ⟨ny⟩, Tseko at Eslobako ⟨ň⟩, Portuges ⟨nh⟩, at sa Polako ⟨ń⟩.
- Marami sa mga wikang Hermaniko kagaya ng wikang Ingles, Olandes, Aleman, at Suweko gayundin sa mga wikang Tsino tulad ng wikang Mandarin at Cantones ang may /m/, /n/, at /ŋ/. Sa wikang Malayalam, may anim na katinig na pailong: /m, n̪, n, ɳ, ɲ, ŋ/, minsan pito /ŋʲ/ sa ilang mga dayalekto nito. May anim na katinig na pailong sa wikang Nuosu ng Tsina: /m, n, m̥, n̥, ɲ, ŋ/.
- Sa kasalukuyan, tanging nadokumento lamang ang /ɱ/ bilang isang hiwalay na ponema sa wikang Kukuya ng Kongo, na nagtataglay rin ng mga katinig na pailong na /m, n, ɲ, ŋ/. May ganito rin noon ang wikang Yuanmen ng Tsina bago ito nalipat sa /m/.
- Natatangi ang mga katinig na pailong sa wikang Hapones dahil sinusulat lamang ang lahat ng mga ito sa iisang kana ん. Karaniwan itong rinoromanisa bilang n at minsan m, at maaaring kumatawan sa kahit anong katinig na pailong depende sa katinig na katabi nito. Sinusulat ito sa IPA bilang /N/ at tinatawag na moraikong pailong.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Ladefoged, Peter; Maddieson, Ian (1996). The Sounds of the World's Languages [Ang mga Tunog ng mga Wika ng Mundo] (sa Ingles). Oxford, Inglatera: Blackwell. p. 102. ISBN 0-631-19815-6.
Bibliograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Norquest, Peter K. (2007). A phonological reconstruction of Proto-Hlai [Ponolohikal na rekonstruksiyon sa Proto-Hlai] (PDF) (Tesis) (sa Ingles). University of Arizona. hdl:10150/194203. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 14 Hulyo 2021.
- Paulian, Christiane (1975), Le Kukuya Langue Teke du Congo: phonologie, classes nominales [Wikang Kukuya, bahagi ng wikang Teke ng Kongo: ponolohiya at mga uri ng pangngalan] (sa Pranses), Peeters Publishers
- Sampson, Rodney (1999), Nasal Vowel Evolution in Romance [Ebolusyon ng mga Patinig na Pailong sa mga [wikang] Romanse] (sa Ingles), Oxford University Press, ISBN 0-19-823848-7