Pumunta sa nilalaman

Paks

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Paks masin)
Isang paks

Ang paks o fax (maikli para sa facsimile), na kung minsan ay tinatawag na telecopying o telefax (maikli para sa telefacsimile), ay ang transmisyong telepono ng na-iskan na nakaimprentang materyal, kapwa teksto at mga larawan, na karaniwang ipinadadala sa isang numero ng telepono na nakakonekta sa isang printer o iba pang aparatong tumatanggap ng resulta. Ang orihinal na dokumento ay ini-iskan gamit ang isang makinang paks (o telecopier), na pinoproseso ang nilalaman, teksto man o mga larawan, bilang isang solong nakapirming imaheng grapiko. Pinapalitan ito sa isang bitmap at saka ipinapadala sa pamamagitan ng sistemang telepono sa anyo ng mga tonong nasa saklaw ng dalas ng tunog. Binibigyang-kahulugan ng tumatanggap na makinang paks ang mga tono at muling binubuo ang imahe, at pagkatapos ay nag-iimprenta ng kopyang papel.[1]

Ang mga naunang sistema ay gumagamit ng tuwirang pagpalit ng antas ng dilim ng imahe tungo sa mga tonong awdyo sa tuluy-tuloy o analogong paraan. Mula dekada 1980, karamihan sa mga makina ay nagpapadala na ng isang dihital na representasyon ng pahina na nakakodigo bilang awdyo, at gumagamit ng kompresyon ng datos upang mas mabilis na maipadala ang mga bahaging puro puti o puro itim.

Sa simula, ang makinang paks ay isang produktong para lamang sa iilang gumagamit, subalit naging laganap ito sa mga opisina noong dekada 1980 at 1990.[2] Gayunman, sa malaking bahagi ay napalitan na ito ng mga teknolohiyang nakabatay sa Internet, tulad ng email at ang World Wide Web (WWW), bagaman patuloy pa rin itong ginagamit sa ilang larangan ng administrasyong medikal at ng pagpapatupad ng batas.[3]

Mga kakayahan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May ilang mga tagapagpahiwatig ng kakayahan ng paks: grupo, klase, bilis ng transmisyon ng datos, at pagsunod sa mga rekomendasyon ng ITU-T (dating CCITT). Mula noong desisyong Carterfone noong 1968, karamihan sa mga makinang paks ay idinisenyo upang ikonekta sa mga karaniwang linya ng PSTN at sa mga numero ng telepono.

Ang mga Pangkat 1 at Pangkat 2 na paks ay ipinapadala sa kaparehong paraan ng isang frame (o kuwadro) ng analogong telebisyon, kung saan ang bawat na-iskan na linya ay ipinapadala bilang isang tuluy-tuloy na analogong signal. Ang pahalang na resolusyon ay nakadepende sa kalidad ng iskaner, linya ng transmisyon, at ng printer. Ang mga analogong makinang paks ay laos na at hindi na ginagawa. Ang mga Rekomendasyon ng ITU-T T.2 at T.3 ay binawi bilang laos noong Hulyo 1996.

  • Ang mga Pangkat 1 na paks ay umaayon sa Rekomendasyon ng ITU-T T.2. Umaabot ng anim na minuto ang pagpapadala ng isang pahina, na may patayong resolusyon na 96 na linyang na-iskan kada pulgada. Ang mga Pangkat 1 na makinang paks ay laos na at hindi na ginagawa.
  • Ang mga Pangkat 2 na paks ay umaayon sa mga Rekomendasyon ng ITU-T T.3 at T.30. Umaabot ng tatlong minuto ang pagpapadala ng isang pahina, na may patayong resolusyon na 96 na linyang na-iskan kada pulgada. Ang mga Pangkat 2 na makinang paks ay halos laos na at hindi na ginagawa. Maaari pa ring makipag-ugnayan (interoperate) ang mga Pangkat 2 na makinang paks sa mga Pangkat 3 na makinang paks.

Isang mahalagang tagumpay sa pag-unlad ng makabagong sistemang facsimile ang bunga ng teknolohiyang dihital, kung saan ang analogong signal sa mga iskaner ay ginawang digital at saka kinompres. Dahil dito, naging posible ang pagpapadala ng datos sa mataas na bilis sa pamamagitan ng karaniwang mga linya ng telepono. Ang kauna-unahang dihital na makinang paks ay ang Dacom Rapidfax, na unang ipinagbili noong huling bahagi ng dekada 1960. Isinama nito ang teknolohiyang digital na kompresyon ng datos na binuo ng Lockheed para sa transmisyon ng mga larawan mula sa mga satelayt.[4][5]

Ang mga Pangkat 3 at Pangkat 4 na paks ay mga dihital na pormat at gumagamit ng mga paraang dihital na kompresyon upang lubhang mapabilis ang oras ng transmisyon.

  • Ang mga Pangkat 3 na paks ay umaayon sa mga Rekomendasyon ng ITU-T T.30 at T.4. Umaabot lamang sa pagitan ng 6 at 15 segundo ang pagpapadala ng isang pahina (hindi pa kabilang ang paunang oras na kailangan ng mga makinang paks upang makipag-handshake o makipagkamay at magsabay o synchronize). Nangangailangan ang mga ito ng sapat na random access memory (RAM) upang pansamantalang mag-imbak ng dalawang linya ng mga na-iskan na bit sa bawat pagkakataon.[6] Pinahihintulutan ng pamantayang T.4 na magbago-bago ang pahalang at patayong resolusyon ayon sa isang hanay ng mga nakapirming resolusyon:
    • Pahalang: 100 linyang na-iskan kada pulgada
      • Patayo: 100 linyang na-iskan kada pulgada ("Basic" o "Pangunahin")
    • Pahalang: 200 o 204 linyang na-iskan kada pulgada
      • Patayo: 100 o 98 linyang na-iskan kada pulgada ("Standard" o "Pamantayan")
      • Patayo: 200 o 196 linyang na-iskan kada pulgada ("Fine" o "Pino")
      • Patayo: 400 o 391 (tandaan: hindi 392) linyang na-iskan kada pulgada ("Superfine" o "Napakapino")
    • Pahalang: 300 linyang na-iskan kada pulgada
      • Patayo: 300 linyang na-iskan kada pulgada
    • Pahalang: 400 o 408 linyang na-iskan kada pulgada
      • Patayo: 400 o 391 linyang na-iskan kada pulgada ("Ultrafine" o "Lubhang napakapino")
  • Ang mga Pangkat 4 ng paks ay idinisenyo upang gumana sa 64 kbit/s na mga dihital na ISDN na sirkito. Umaayon ang mga ito sa mga sumusunod na Rekomendasyon ng ITU-T:
    • T.563 (mga katangian ng terminal para sa Pangkat 4 na aparatong facsimile),
    • T.503 (document application profile o katangian ng paggamit ng dokumento para sa palitan ng mga dokumentong Pangkat 4 na facsimile),
    • T.521 (communication application profile BT0 o katangian ng paggamit sa komunikasyon BT0 para sa maramihang paglilipat ng dokumento batay sa serbisyong sesyon),
    • T.6 (mga iskema ng pagkokodigo ng facsimile at mga tungkulin sa pagkontrol ng pagkokodigo para sa Pangkat 4 na aparatong facsimile), na nagtatakda ng mga resolusyon at mas malawak na hanay ng mga resolusyon kaysa sa T.4,[7]
    • T.62 (mga pamamaraan ng kontrol para sa mga serbisyong teletex at Pangkat 4 na aparatong facsimile),
    • T.70 (pangunahing serbisyong paghatid na hindi nakadepende sa network para sa mga serbisyong telematiko), at
    • T.411 hanggang T.417 (na may kaugnayan sa iba't ibang aspeto ng Open Document Architecture o Bukas na Arkitekturang Pangdokumento).

Ang Fax over IP (FoIP) ay maaaring magpadala at tumanggap ng mga dokumentong dati nang ginawang dihital gamit ang Rekomendasyon ng ITU-T T.38, na nagpapahintulot sa pagpapadala ng mga naka-dihital na larawan sa isang IP network sa pamamagitan ng kompresyong JPEG. Ang T.38 ay idinisenyo upang gumana kasama ng mga serbisyong VoIP at kadalasang sinusuportahan ng mga analogong adapter ng telepono na ginagamit ng mga lumang makinang paks na kailangang kumonekta sa isang serbisyong VoIP.

Ang oras ng pagproseso ng mga na-iskan na dokumento ay nalilimitahan ng tagal ng paglalagay ng dokumento ng gumagamit sa iskaner at ng oras na kailangan ng aparato upang iproseso ang isang dihital na file. Maaaring mag-iba ang resolusyon mula sa kasingbaba ng 150 DPI hanggang 9600 DPI o higit pa. Ang ganitong uri ng pagpapadala ng paks ay hindi kaugnay ng serbisyong email–tungong–fax, na patuloy na gumagamit ng mga modem ng paks kahit sa isang direksiyon man lamang.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Rouse, Margaret (Hunyo 2006). "What is fax?" (sa Ingles). SearchNetworking. Nakuha noong 25 Hulyo 2012.
  2. Shapiro, Carl; Varian, Hal R. (1999). Information Rules: A Strategic Guide to the Network Economy (sa Ingles). Harvard Business Press. p. 13. ISBN 978-0-87584-863-1.
  3. Haigney, Sophie (18 Nobyembre 2018). "The Fax Is Not Yet Obsolete". The Atlantic (sa Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-11-18. Nakuha noong 30 Enero 2023.
  4. The implementation of a personal computer-based digital facsimile information distribution system Naka-arkibo 2016-03-03 sa Wayback Machine. – Edward C. Chung, Ohio University, Nobyembre 1991, pahina 2 (sa Ingles)
  5. Fax: The Principles and Practice of Facsimile Communication, Daniel M. Costigan, Chilton Book Company, 1971, mga pahina 112–114, 213, 239 (sa Ingles)
  6. Huurdeman, Anton A. (31 Hulyo 2003). The Worldwide History of Telecommunications (sa Ingles). John Wiley & Sons. p. 516. ISBN 978-0-471-20505-0.
  7. "T.6: Facsimile coding schemes and coding control functions for Group 4 facsimile apparatus" (sa Ingles). ITU-T. Nobyembre 1988. Nakuha noong 2013-12-28.